Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Mensahe ng pakikiisa sa ika-30 anibersaryo ng NDFP

Liga ng Agham para sa Bayan
Abril 24, 2003

Sa okasyon ng ika-30 taon ng pakakatatag ng Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas (PDPP), ipinapaabot ng Liga ng Agham Para sa Bayan (LAB) ang pinakamaiinit na rebolusyonaryong pagbati at pinakamataas na pagpupugay.

Ikinararangal ng mga pinuno at kasapi ng LAB na kabahagi ito sa magigiting na tagumpay na nakamit ng PDPP, gayundin sa matatag na pagharap at pag-igpaw sa mga kabiguan at kahirapan para maisulong ang pambansa demokratikong rebolusyon.

Noong huling bahagi pa ng dekada 60 sinimulan ang pag-oorganisa ng mga kabataan at propesyunal sa larangan ng agham at teknolohiya (AT). Itinayo ang mga progresibong samahan ng mga siyentista, teknolohista at kabataang estudyante sa AT na magiting na kumilos hindi lamang para isulong ang agham at teknolohiya sa Pilipinas kundi para din sa pagkakamit ng isang lipunang ganap na malaya at demokratiko. Makabuluhan ang naiambag nila para isulong ang mga interes ng mamamayan. Nabuo ang mga unang selula ng mga siyentista't teknolohista na gumampan ng mga ispesyal na gawain para sa rebolusyon ayon sa kanilang kaalaman at kasanayang teknikal. Mula rin dito, nakaambag sa pangangailangan ng kadre't aktibista ng PDPP.

Sa pagpataw ng Batas Militar, marami sa kasapi ng mga progresibong samahan ng siyentista at teknolohista ang kabilang sa libu-libong mamamayang naaresto at nakulong. Marami rin ang naging martir ng pambansa demokratikong kilusan.

Subalit marami ring nagpatuloy sa kanilang pagkilos at pakikibaka -- sa kanayunan bilang mga Pulang mandirigma, at sa lungsod bilang kagawad ng mga lihim na mga selula na patuloy na nagmumulat, nag-oorganisa at kumikilos.

Dahil sa kanilang kaalaman at kasanayan, ang mga selula ng mga siyentista't teknolohista ay gumampan ng malaking tulong sa pananaliksik militar, pagmamanupaktura ng pasabog, armas at amunisyon, pagsisinop ng sistema ng komunikasyong elektroniko, kriptolohiya at teknolohiya sa impormasyon, paglimbag ng batayang kaalaman at pag-unlad sa larangan ng bayomedikal. Patuloy rin silang tumulong sa pangangalap ng teknolohikal, pinansyal at lohistikal na suporta para sa rebolusyonaryong kilusan. Sa muling pag-usbong ng hayag na pagkilos, nagsilbi silang mga ubod sa iba't ibang mga ligal na organisasyon ng siyentista't tekonolohista at kabataang estudyante ng agham at teknolohiya.

Mula sa mga selulang ito ay pormal na itinatag noong 1975 ang Liga ng Agham Para sa Bayan bilang rebolusyonaryong samahan ng mga siyentista, inhinyero't teknolohista, at naging alyadong organisasyon ng PDPP.

Sa panahon ng 1980s, naging aktibo ang partisipasyon ng maraming samahan ng siyentista't teknolohista sa hayag ng demokratikong kilusan. Ngunit nakahon sa pagtatayo ng mga ligal na organisasyon at pagpapakilos sa makitid na balangkas ng pakikibakang pang-ekonomya't sektoral na kagalingan. Nabigyang diin ang pagsulong ng 'partikular na kilusang masa ng sektor ng AT' hanggang nabulid sa repormismo sa unang bahagi ng 1990s.

Sa maningning at maagap na gabay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP), ang LAB ay nagsuma ng isang dekadang karanasan, humalaw ng mga aral dito, at nanindigan sa batayang prinsipyo at programa ng pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. Batay dito ay muling sinimulan ang rebolusyonaryong gawain sa hanay ng AT.

Taong 1996 matagumpay na idinaos ang Unang Pambansang Asembliya ng LAB. Binalikan ang kasaysayan at karanasan ng rebolusyonaryong gawain sa AT; muling sinuri ang kasalukuyang kalagayan ng AT at ng sektor sa balangkas ng lipunang Pilipino; nagbalik-aral sa konstitusyon at programa ng LAB at inihalal ng mga opisyal at kasapi ng Pambansang Konseho. Dumalo ang mga dati at bagong kasapi mula sa iba't-ibang disiplina ng AT -- sa edukasyon at pananaliksik, inhinyeriya, kalusugan, at 'physical and natural sciences'. Ito rin ang nagsilbing gulugod para muling harapin at ipagpatuloy ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng sektor ng AT para sa pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.

Sa matiyaga at pursigidong determinasyon ng mga aktibista't kasapi ng LAB, nasa mainam na kalagayan at kahandaan ang LAB ngayon para patuloy na patatagin, palawakin at pakilusin ang mga rebolusyonaryo, makabayan at progresibong siyentista't teknolohista para makapag-ambag sa pagsulong ng rebolusyon.

Habang bansot at atrasado kalagayan ng AT sa Pilipinas, patuloy na haharapin ng sektor ng AT ang papatinding hamon dulot ng papatinding krisis ng mala-kolonyal at malapyudal na lipunan. Hindi ito nauugat sa kakulangan ng alokasyon mula sa pamahalaan para sa mga batayang pananaliksik o karampatang benepisyo; bagkus, ito ay nagmumula sa pampulitika at pang-ekonomyang oryentasyon ng bansa na siyang sumasagka sa tunay na modernisasyon sa agrikultura at pambansang industriyalisasyon. Kaya't napakalaki ng hamon upang pagkaisahin ang malawak na hanay ng AT upang paglingkurin ang agham at teknolohiya sa pangangailangan ng mamamayan. Aktibong partisipasyon ng lahat ng makabayan at progresibong manggagawa sa agham at teknolohiya sa mga suportang serbisyo upang higit na isulong ang rebolusyong agraryo, ang armadong pakikibaka at ang pagtatayo ng baseng masa. Gayundin, daan-daang siyentipikong guro at tagapagturo ang dapat pakilusin para tuluy-tuloy na bigyang sikad ang pagtataguyod ng isang makabayan, siyentipiko at pang-masang kultura. Libu-libo naman ang dapat manindigan at kumilos para sa isang 'agham at teknolohiya para sa sambayanan' at patatagin ang pandaigdigang pakikipagkaisa sa lahat ng progresibong pwersa sa ibayong dagat para sa pagtatagumpay ng anti-imperyalistang pakikibaka.

Nasa tagumpay lamang ng demokratikong rebolusyon ng bayan na may sosyalistang perspektiba magkakaroon ng pagkakataon yumabong at umunlad ang agham at teknolohiya. Ang kapangyarihan ng sambayanang Pilipino, sa pamamagitan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at nagkakakaisang prente, ang susi sa tagumpay ng rebolusyon.###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.