Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Itaas ang Rebolusyonaryong Paglaban
ng Mamamayan sa Rehimeng US-Macapagal-Arroyo sa Harap ng Banta ng Interbensyon
at Agresyong Militar ng US!

Kalihiman
Pangrehiyong Komite ng Partido
Timog Katagalugan
Marso 29, 2003

Sa okasyon ng Ika-34 na Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan, mainit na binabati ng pangrehiyong pamunuan ng Partido sa Timog Katagalugan ang lahat ng mga kadre at kasapi ng Partido, mga kumander at pulang mandirigma at mga kasapi ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa kanayunan at kalunsuran. Nagpupugay ang Partido sa bawat rebolusyonaryo sa kanilang di matatawarang dedikasyon, pagsasakripisyo at katapatan para matatag at buong pusong itaguyod ang matatayog na adhikain ng demokratikong rebolusyong bayan.

Malalaki ang dahilan para ipagdiwang natin ang dakilang araw ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan. Sa loob ng 34 na taong singkad ng tuloy-tuloy na paglaban, pinatutuhanan sa ating karanasan at sa kasaysayan na kung wala ang hukbong bayan, wala kahit na ano ang mamamayan. At sa katulad din na paraan, pinatutuhanan na kung wala ang makauring pamumuno ng Partido sa hukbong ito, hindi mapapanday ang isang makapangyarihang sandata ng rebolusyon para hakbang-hakbang na gapiin ang reaksyunaryong hukbo ng naghaharing burges-kumprador at panginoong maylupa at matagalang pahinain ang pundasyon ng reaksyunaryong paghaharing ito hanggang sa tamang panahon na makaipon ang rebolusyon ng sapat na lakas para ibigay ang pamatay na bigwas sa buong naghaharing sistemang malapyudal at malakolonyal.

Mula sa halos wala, lumaki at lumakas ang Bagong Hukbong Bayan dahil sa pagtataguyod sa linya at programa ng demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, pagsulong nang paalon batay sa estratehikong linya ng pagkukob ng kalunsuran mula sa kanayunan at pagtupad ng mga magkakalakip na tungkulin ng pagtatayo ng base, pagsusulong ng rebolusyong agraryo at armadong pakikibaka.

Ngayon, nakalatag sa estratehikong bahagi ng rehiyon ang mga larangang gerilya. Naitayo sa maraming bahagi ang binhi ng demokratikong kapangyarihang pampulitika ng mga mamamayan. At daang libong mamamayan sa loob at labas ng mga larangan at sonang gerilya ang nakinabang sa rebolusyong agraryo ng demokratikong gubyernong bayan at mga antipyudal na kampanyang masa para sa pagpapabuti ng kabuhayan at produksyon.

Ang mga kadre at organisador ng hukbong bayan ang namumukod na pwersa sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masang magsasaka sa linyang antipyudal na kilusang masa, hakbang-hakbang na nagpahina at bumali sa golugod ng pyudal na kapangyarihan sa malaking bahagi ng kanayunan at nagpunla ng binhi ng demokrasyang bayan sa pamamagitan ng mga rebolusyonaryong samahan ng mamamayan. Ito'y isang hukbo hindi lamang para sa pagtupad ng pangunahing tungkulin nito sa pagdurog sa mersenaryong hukbo, kundi ito'y isa ring malakas na pwersa para sa produksyon, gawaing masa at kultural. Sa loob ng 34 na taon, pinatunayan ng hukbong bayan na ito'y isang di magagaping hukbo. Sinubok at pinanday ito sa mga dakilang labanan para sa buhay-at-kamatayang pakikibaka at nagawang makapangibabaw mula sa malalaking kahirapan at disbentahe.

Ang mga tagumpay ng hukbong bayan sa demokratikong rebolusyon ay ang dakilang panandang bato sa tumpak na linya at wastong pamumuno ng Partido. Ito'y komulatibong bunga ng mga sakripisyo ng mga rebolusyonaryo - kapwa ng mga nabubuhay pa at ng mga nag-alay ng pinakamataas na uri ng sakrispisyo. Ialay natin ang mga bunga ng kolektibong sakripisyo at pagsisikap na ito sa lahat ng mga martir ng rebolusyon mula sa hanay ng mamamayan, hukbong bayan at Partido. Lagi nating alalahanin na kung di dahil sa kanilang walang pag-iimbot na sakripisyo, hindi natin tatamasahin ang mga bunga ng kanilang rebolusyonaryong pagpupunyaging palaganapin ang layunin ng demokratikong rebolusyong bayan sa lahat ng sulok ng rehiyon at kapuluan. Lagi natin silang dakilain sa dambana ng ating mga puso't isipan at tularan ang kanilang ipinakitang rebolusyonaryong kabayanihan, katatagan at katapatan.

I. Ang Maningning na Kasaysayan ng Bagong Hukbong Bayan at mga Solidong Tagumpay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa Rehiyon

Sa pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan noong Marso 29, 1969 sa ikalawang distrito ng Tarlac, nagkaroon ng kaganapan ang pagkakabuo ng pangunahing sandata ng Partido para sa pagwasak sa kapangyarihang pampulitika ng mga naghaharing uri sa Pilipinas. Sapul noon, ang mamamayang pinagsasamantalahan at inaapi ay nakatagpo sa bagong-tatag na Bagong Hukbong Bayan ng sariling hukbo na masasandigan laban sa makauring karahasan at pagsasamantala ng malalaking burgesya-kumprador, mga panginoong maylupa at burukrata.

Isa ang rehiyon ng Timog Luzon (na sumasaklaw noon sa Timog Katagalugan at Kabikulan) sa mga pangunahing rehiyon na binalak ng pambansang pamunuan ng Partido para sa pambansang pagpapalawak at pagpapalaganap ng pakikidigmang gerilya.

Nang inilunsad natin ang pakikidigmang gerilya sa Timog Katagalugan, nagsimula tayo sa napakalaking disbentahe at malalaking limitasyon. Pero dahil taglay natin ang mataas na diwa at napakapambihirang determinasyon, hindi tayo nawalan ng loob sa harap ng mistulang absolutong superyuridad ng reaksyon at armadong pwersa nito.

Mula sa halos isang kusing, nagpunyagi ang Partido na pasimulan ang pagbubukas ng mga sonang gerilya sa iba't ibang dako ng rehiyon mula sa mga kadre at aktibistang napanday sa kilusang masa sa kalunsuran, sa mga beterano ng Sigwa ng Unang Kwarto at mga bagong sibol na rebolusyonaryo sa panahon ng paghaharing pasista ng rehimeng US-Marcos.

Taglay na giya ang pangkalahatang linya ng Partido sa demokratikong rebolusyon ng bayan, ang mga binhing kadre at aktibista ay masikhay na nakipamuhay sa masang anakpawis sa kanayunan at hinimok ang masang magsasaka sa demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matiyagang gawain sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga antipyudal at antipasistang kilusang masa na nakaugnay sa antiimperyalismo. Malugod na tinanggap ng mamamayan sa kanayunan ang linya ng Partido at sa masalimuot at di tuwid na daan, naitayo natin ang mga sonang gerilya matapos ang paulit-ulit na proseso ng mararahas na pagsupil ng kontra-rebolusyon at muling pagbangon mula sa mga pansamantalang pinsala at kabiguan.

Puno ng rebolusyonaryong kabayanihan ang mga dakilang kabanata ng rebolusyonaryong pakikibaka ng masang magsasaka sa rehiyon. At sa bawat pagtatapos ng isang kabanata at pagbubukas ng panibago, ang magiting na Bagong Hukbong Bayan na nasa absolutong pamumuno ng Partido Komunista ang pangunahing nasa sentro (bilang pangunahing organisasyon ng Partido sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika at pagdurog sa pyudal na paglaban ng mga panginoong maylupa sa kanayunan) ng bawat makabuluhang pagpihit ng pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang demokrasya.

Magiting na nakapangibabaw ang ating hukbong bayan sa di masusukat na kahirapan sa maagang mga panahon ng pagpapalaganap ng binhi ng pakikidigmang gerilya sa rehiyon. Sa kabila ng magkakasunod na kabiguan sa mga unang pagtatangka na magbukas ng sona sa San Pablo, Laguna noong 1969-70, bahaging Banahaw ng Quezon noong 1972 at 1973, kanlurang Batangas noong 1973, Mindoro Oriental noong 1973 at 1974, at ng pag-aatras para mapreserba ang mga binhing yunit sa upland Cavite at silangang Batangas noong 1974, matagumapay na nakapagpalawak at nakaugat ang hukbong bayan sa masang magsasaka sa dalawang magkatugong lugar - una, sa hangganan ng Quezon-Bikol at pangalawa sa Sierra Madre na hangganan ng Laguna at Quezon bago tuluyang nawasak ang huli noong 1975 dahil sa maling patakaran ng pagtatayo ng artipisyal na base at iba pang kaliweteng pagkakamali na nagpaibayo ng mga kahirapan nang ilunsad na ng kaaway ang malakihang pagsalakay at panunupil.

Gayunman, dahil sa pagtataguyod ng wastong patakaran na pangunahing ikonsentra ang mga natirang pwersa sa itinakda ng Komiteng Rehiyong sa Timog Luzon na sentral na distrito, ang pangunahing pinauunlad na sonang gerilya, tuloy-tuloy na umunlad at lumakas ang pakikidigmang gerilya sa hangganan ng Quezon-Bikol na solong natira sa mga sinikap ipundar sa panahong ito. Matagumpay na nabuo ng Partido ang relatibong malawak na baseng masa hanggang 1977 na napreserba sa kabila ng mga pinsalang idinulot ng paksyunalismo ni Apolinario (Rey Ababag) noong huling hati ng 1976 hanggang kalagitnaan ng 1977.

Mula 1979, ang hangganan ng Quezon-Bikol ay tuloy-tuloy na sumulong at naging ina ng mga ipinundar na mga sona at larangang gerilya sa iba't ibang panig ng rehiyon sa sumunod na mga taon. Mga kadre at organisador mula dito ang naging puhunan sa pagbubukas at pagpapalawak sa Bondoc Peninsula at Timog Quezon noong 1978. Gayundin ng halos magkakasabay na nagbukas noong 1979 sa tatlong tumpok na lugar sa Quezon at Batangas (bahaging Banahaw ng Quezon, hangganan ng Quezon at Batangas, at silangang Batangas) at sa Mindoro noong 1980 at 1982. Samantala, mula sa mga aktibista at kadreng estudyante at manggagawa na lumahok sa armadong pakikibaka, may hiwalay na naging pagsisikap ang organisasyon ng Partido sa Laguna na buksan para sa pakikidigmang gerilya ang balisbisan ng Banahaw at mataong kapatagang nakadikit sa Sierra Madre at ang tinawag na upper Sierra Madre na nakadikit sa Quezon. Sa lahat ng mga pagsisikap na ito, ang larangang gerilya sa hangganan ng Quezon at Bikol ang gumanap ng mahalagang papel sa pag-aambag ng mahahalagang rekurso, tauhan at mga pagsasanay para sa mga pinauunlad ng mga sonang gerilya.

Ang pagtatapos ng dekada sitenta at pagbubukas ng unang mga taon ng dekada otsenta ang naghudyat ng mabilis na pagsulong ng armadong pakikibaka sa rehiyong Timog Katagalugan. Lalong pinabilis ito ng matinding krisis pang-ekonomya at pampulitika ng diktadurang Marcos na nagpasiklab sa iba't ibang anyo ng paglaban ng mamamayan sa kanayunan at kalunsuran at bumasag sa teror ng pasistang lagim.

Dahil sa desperasyon, naglunsad ang naghihingalong pasistang diktadura ng isang engrandeng kampanyang militar sa patnugot ng mga punong heneral nitong si Fabian Ver at Fidel Ramos at noo'y ministro ng depensang si Juan Ponce Enrile - ang Oplan Cadena de Amor - na dinisenyo para maging prototype ng mas engrandeng pambansang kontra-insureksyong programa na tinawag na Oplan Katatagan. Nag-ilusyon ang diktadura na padapain ang larangang gerilya sa hangganan ng Quezon-Bikol at Bondoc Peninsula-Timog Quezon sa pagkokonsentra dito ng siyam (9) na batalyon.

Magiting na binigo ng hukbong bayan ang engrandeng pakanang ito. Pinatunayan ng kasaysayan na ang Oplan Cadena de Amor at ang Oplan Katatagan na ipinatupad nito sa buong bayan ang huling desperadong hakbang ng isang nasa-bingit-nang-pagbagsak na rehimen. Ang mabilis na pagsahol ng krisis ng naghaharing sistema ang nag-udyok kay Marcos na makagawa ng isang pampulitikang miskalkulasyon - ang pagpatay sa kanyang karibal sa pulitikang si Benigno Aquino Jr. Ang krisis na nilikha ng asasinasyon kay Benigno Aquino noong 1983 at ang komulatibong patama ng mga taktikal na opensiba ng hukbong bayan at ng pampulitikang opensiba ng kilusang masa sa buong bayan (sa mas mahabang sukatan) ang mabilis na nagpahinog sa isang kombulsyong pampulitika noong 1986, at sa huling pagsusuri, ang naging huling pakong nagselyo sa kabaong ng kinamumuhiang diktador. Sa makasaysayang Unang Edsa ng 1986, ibinagsak ng popular na pag-aalsa cum rebelyong militar si Marcos. At kasunod nito, hinawan ang mabilis na pagsulong ng rebolusyon sa buong kapuluan.

Subalit ang mabilis na pag-abante at paglakas ng mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan at kalunsuran ay diniskaril ng pangingibabaw ng insureksyunista at putsistang linya ng mabilisang tagumpay sa buong bayan. Mula 1986-88, magkakasunod na ipinatupad ng pangrehiyong sentro ng Partido na pinamunuan noon ng taksil na si Miel Laurenaria ang maling linya ng fast track-slow track insurrection, tatlong pangunahing makinarya at adelantong regularisasyon at pagkatapos ng mga siphayo at kabiguan dahil sa maling linyang ito, pinangunahan ni Laurenaria ang Operation Missing Link (OPML) - isang madugong panunugis sa mga pinaghihinalaang impiltrador na kaaway sa loob ng Partido base sa marurupok na ebidensya, hinala at sampataha - upang ibunton ang sisi sa mga kabiguan ng maling linya sa gawa-gawang katatakutan na pinaliligiran ang Partido ng mga impiltrador ng kaaway.

Kung wala ang mapagpasyang interbensyon ng pambansang sentro ng Partido at tulong ni Ka Armando Teng, naging kalihim ng komiteng rehiyon ng Partido mula 1983-85 at 1989-2000, mas seryoso at matagalan pa sana ang mga pinsala na maaaring idulot ng mapangwasak-sa-sariling kampanyang anti-impiltrasyon ng mga kapural ng OPML.

Ang pananaig ng wastong linya ng Partido na itinaguyod ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) ang mapagpasyang gumapi at nagtakwil sa maling linya ng adelantadong regularisasyon at insureksyunismong lungsod at naghawan ng daan para sa matatag na pagbawi at muling pagsulong ng mga gawain na winasak ng maling linya.

Sa pagtataguyod at muling pagtitibay sa mga saligang prinsipyo ng Partido at rebolusyon, ang buong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyong Timog Katagalugan ay tuloy-tuloy na nakabangon mula sa mga pinsala, muling nakapagpalakas at nakahakbang ng malalaking pagsulong sa huling mga taon ng dekada nobenta. Ang mga tagumpay na ito ay maingat na iginiya ni Ka Armando Teng, ang matibay na haligi ng IDKP sa rehiyon, hanggang sa huling hibla ng kanyang buhay noong Nobyembre, 2000.

Noong 1997, nalubos ng Partido ang tagumpay ng IDKP sa buong rehiyon. Nailagay sa matatag na pundasyon ang rebolusyonaryong kilusan at kumprehensibong umabante ang halos lahat ng gawain. Sa humigit-kumulang isang dekadang pagsusulong ng IDKP, inabot ng rehiyon ang tuktok ng makalidad na pagsulong.

Sa nakaraang isang dekada, magiting na binigo ng Partido, hukbong bayan at rebolusyonaryong mamamayan ang bawat maitim na pakanang wasakin ang haligi ng rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitikang naitayo nito sa kanayunan. Hindi matatawaran ang rebolusyonaryong kabayanihan at enerhiyang ibinuhos ng mga rebolusyonaryo para biguin ang pasistang teror na pinakawalan ng bawat naghaharing papet na naluklok sa Malakanyang.

Dahil sa matatag na pagtataguyod sa linya ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya kaakibat ng pagtupad ng mga tungkulin sa pagtatayo ng base at rebolusyong agraryo, ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ay patuloy na umani ng mga tagumpay sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Sa kasalukuyan, ang bilang ng mga larangang gerilya sa rehiyon ay mahigit sa tatlong (3) ulit ng naitalang bilang noong 1992. Sinasaklaw ngayon ng mga sona at larangang gerilya ang 83% ng distritong kongresyunal na maaaring saklawin ng mga sona at larangang gerilya sa 10 probinsya ng rehiyon. Ito ay 60% ng kabuuang bilang ng mga bayan at lungsod kumpara sa sinaklaw noong 1992 na 41% at noong 1994 na 37%. Katumbas din ito ng 27% ng mahigit sa limang libo ng kabuuang mga baryo sa rehiyon kumpara sa 19% noong 1992 at 10% noong 1994. Mas lalaki pa ang bahagdang ito kung ibibilang lamang ang mga baryong maaaring saklawin ng mga sona at larangang gerilya at kakaltasin sa listahan ang mga baryong nasa kategorya ng eryang urban o matagalang puting purok.

Mula 1992, lumaki nang 209% ang bilang ng organisadong masa sa mga saligang organisasyon ng mamamayan sa kanayunan at kung ibabatay sa pinakamababang naitalang bilang noong 1994, lumaki nang 354% ang organisadong masa. Nadagdagan din humigi't kumulang sa kaparehong bahagdan ang kabuuang baseng masa sa kanayunan. Madadagdagan pa ito ng ilang libong organisado sa kilusang lihim sa kalunsuran at ilanpung libong baseng masa sa mga napapamunuan at naiimpluensyahang mga organisasyon ng mamamayan doon.

Patuloy na lumakas ang hukbong bayan. Patuloy na nadagdagan ang malalakas na sandata nito mula sa iba't ibang paraan. Nakatayo sa mga probinsya at mga larangang gerilya ang mga sentro ng lakas-militar na napaliligiran ng higit na nakararaming yunit na naggagawaing masa batay sa wastong balanseng 70-30 ng mga horisontal at bertikal na pwersang gerilya.

Sa nakaraang isang dekada, patuloy na lumaki ang kasapian ng hukbong bayan. Mula sa naitalang bilang noong 1992, lumaki ito ng 27% at kung ibabatay sa pinakamaliit na naitalang bilang nito noong 1994, nadagdagan ito ng 65%. Ngayon, katumbas humigi't kumulang sa ilang kumpanya o ilanpung platun ang ating hukbong bayan sa rehiyon kung saan ang mayorya ay nasasandatahan ng malalakas na kalibreng riple at armas.

Mula 1996, pinagsikapang pasiglahin ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba. Maraming malalaki at maliliit na mga taktikal na opensiba ang nailunsad ng hukbong bayan sa rehiyon. Mula 1997-1999, nailunsad natin ang 178 na mga taktikal na opensiba mula sa kabuuang 238 na naganap na labanan sa rehiyon o katumbas ng 75% ang mga opensibang operasyon ng hukbong bayan at ang 60 o 25% ay mga labanang depensiba. Pinatikim natin ang kaaway ng kabuuang 151 na kaswalti kung saan 114 ang KIA, 28 ang WIA at 8 ang binihag sa mga labanan. Kinumpiska ng BHB ang kabuuang 214 na armas at ang 107 dito ay malalakas na kalibreng riple. Ang isa sa namumukod na taktikal na opensiba sa panahong ito ay ang inilunsad laban sa mga pwersang militar ng 204th Bde sa Puerto Galera noong Nobyembre kung saan limang (5) militar ang napaslang at walo (8) pa ang nasugatan kabilang ang kinasusuklamang berdugong si Col. Jovito Palparan, kumander ng 204th Bde at may mahabang listahan ng kriminal na pagkakasala laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan.

Samantala, mula naman noong 2000 hanggang ng 2002, sa naitalang 206 na labanan ang 132 dito o 64% ang mga opensibang labanan at ang 78 o 36% ang mga depensibang labanan. Binigwasan ng hukbong bayan ang kaaway ng 272 na kaswalti - 167 ang KIA, 104 ang WIA at 1 binihag - at kinumpiska ang kabuuang 159 sandata kabilang ang 69 malalakas na kalibre.

Sa unang kwarto ng taon, nailunsad ang tatlong (3) taktikal na opensiba kung saan ang dalawa dito ay maituturing na malalaki at ang isa (1) ay isang ispesyal na operasyon at pagpaparusa sa isang koronel ng PNP na may mahabang rekord sa marahas na pagbubuwag sa mga piket ng mga manggagawa sapul dekada otsenta. Napaslang sa mga labanang ito ang tatlong (3) kaaway at walo (8) pa ang nasugatan at kinumpiska ng mga pulang mandirigma ang 6 na malalakas na sandata kabilang ang isang M203 at isa pang pistola.

Nasa bag-as ng mga pagsulong na ito sa armadong pakikibaka, kilusang masa at nagkakaisang prente ang malakas na kwerpo ng mga kadre at kasapi ng Partido sa iba't ibang antas. Patuloy na nadagdagan ang kasapian ng Partido. Mula 1996, nadagdagan ng 164% ang kasapian ng Partido at 25% naman ang nadagdag mula 1999. Malusog na dumadaloy ang demokratikong sentralismo at kolektibong pamumuno mula sa namumunong komite ng rehiyon hanggang sa pinakabatayang organisasyon ng Partido. Matibay at solidong binubuklod nito ang kasapian ng Partido sa pag-ako sa dakilang tungkuling pamunuan ang pagsulong ng buong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon mula sa isang yugto tungo sa mga susunod na mga yugto ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Sa nakaraang dekada, ang ating rehiyon ang naging konsentrasyon ng matinding panalakay ng mersenaryong AFP at PNP. Ginawa itong laboratoryo ng malupit na pamamaraan, taktika at psy-ops ng mga kontra-insureksyon operasyon ng mga ispesyal na pwersa ng AFP. Noong 1998, ginawang prayoridad na target ng Oplan Makabayan ang Timog Katagalugan. Sa sumunod na mga taon, ginawang national priority concern ng SOLCOM at AFP ang rehiyon at partikular ang isla ng Mindoro ng kanilang kontra-insureksyong opensiba sa balangkas ng Oplan Balangai. Mula sa 11 batalyon para sa kontra-insureksyon noong 1998, mahigit na nadoble ito at umabot na ngayon sa humigit-kumulang sa 28 batalyon sa pagtatapos ng 2002. Nakatalaga at nakahilera sa ating mga larangang gerilya ang iba't ibang task forces ng AFP at PNP na may malaking pwersang bag-as ng mga ispesyal na yunit ng AFP tulad ng mga special forces, scout rangers at recon batallion at gumagamit ng makabagong kagamitan para sa elektronikong paniktik at surbeylans tulad ng UAV (unmanned aircraft vehicle) gayundin ng mga kagamitan para sa night operations ng mga kontra-gerilyang ispesyal na yunit.

Ang isteryang kontra-terorismo na pinapaypayan ni Macapagal-Arroyo at Reyes sa buong kapuluan ay ang lokal na bersyon ng gera sa terorismo at gerang walang hangganan na pinapaypayan ni Bush sa buong daigdig. Ito'y walang iba kundi ang garapalang pagpapakawala ng teroristang pag-atake at panunupil sa demokratikong karapatan ng mamamayan. Garapalang binabaluktok ng imperyalismong US at lokal na papet ang makatarungang layunin ng mga lehitimong rebolusyonaryong kilusan gayundin ang makatwirang oposisyon mula sa mamamayan laban sa mga lansakang pag-aabuso at pagtampalasan sa kanilang karapatan at kabuhayan. Ito'y garapal na pagtalikod sa mga internasyunal na kumbensyon at protocol na pumapatungkol sa mga internal na labanan at gera sibil sa sibilisadong mundo. Itinataguyod nito ang isang maruming gera na walang sinusunod o kinikilalang batas at tuntunin ng digmaan kundi ang madugong panunugis at mabangis na mga operasyong paghanap at paglipol na di nagsasaalang-alang sa pagkakaiba ng kombatant at di kombatant sa digmaan, ng bata, kababaihan at matatanda gayundin ng mga hors de combat - isang pag-atras sa kalagayan ng mga barbaro ng di sibilisadong gera.

Saksi ang ating rehiyon sa mahabang listahan ng mga ginahasa, pinagmalupitan at pinahirapan, pinalikas at itinaboy, at pinaslang na bata, matatanda, kababaihan at mga walang kalaban-labang sibilyan dahil lamang sa simpleng hinala ng kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan, kamag-anak at kaanak ng mga rebolusyonaryo o kaya'y mga matuwid na kritiko ng tiwaling pamamalakad ng rehimen. Saksi din ang rehiyon sa mahabang listahan ng malupit na mga pamamaraan ng ginawang pagpatay tulad ng pagpugot ng ulo ng mga biktima at pagpapailalim sa malupit na pagpapahirap bago patayin, mutilasyon ng mga bangkay at iba't ibang makahayop na pamamaraan na tanging mga halimaw na walang konsensya lamang ang makagagawa. Ganito ang larawan ng mga karaniwang mersenaryong tropa na naglulunsad ng malupit na operasyong kontra-insureksyon.

Mula ng inilunsad ng kaaway ang Oplan Habol Tamaraw I at II at mga kasunod na oplan kaakibat ng malakihang deployment ng tropang militar at pulis sa mga sona at larangang gerilya ng rehiyon, bigo ito na idiskaril ang ating lahatang-panig na pagsulong. Ang nagawa lamang nito ay pabagalin ang mga pagsulong ng ilang bahagi ng gawain at pansamantalang paatrasin o pinsalain ang ilang bahagi. Bigo ang rehimen na pagkaitan ng tuloy-tuloy na suporta ang rebolusyonaryong kilusan at hukbong bayan kahit sa pinakamabangis na kundisyon at teror na inihasik nito sa batayang antas. Ganito pwedeng masukat sa kalahatan ang tibay ng pundasyon na nilikha ng IDKP para sa Partido at mga rebolusyonaryong pwersa.

Ang makatarungang simulain ng demokratikong rebolusyon ang patuloy na garantiya na patuloy itong magtatamasa ng suporta mula sa mga demokratikong uri at seksyon ng populasyong pinagsasamantalahan at inaapi. Maaaring saglit na paralisahin ng teror ang isip at katawan ng mamamayan pero hindi nito panghabang panahon na masusupil ang kagustuhan ng mamamayan umalpas sa kalagayang api, hikahos at pinagsasamantalahan. Ang teror na pinakawawalan ng estado sa mamamayan ay magpupunla lamang ng higit na makauring galit at rebolusyonaryong paglaban para sa dakong huli'y durugin ng pinagsamang lakas ng hukbong bayan at mamamayan ang kontra-rebolusyonaryong haligi ng estado - ang AFP at PNP - at isama sa hukay ang buong naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal.

Sa kabilang banda, hindi tayo dapat maging kampante. Hindi tayo dapat maging palalo sa gitna ng mga tagumpay at pagsulong. Dapat bigyan ng masusing pansin ang paglutas sa mga seryoso at praktikal na suliraning lumilitaw sa usapin ng pagsusulong ng armadong pakikibaka at pagtatayo ng hukbong bayan, pagtatayo ng base, rebolusyong agraryo at rebolusyonaryong kilusang masa, gawaing nagkakaisang prente at alyansa at sa tuloy-tuloy na pagbubuo at pagpapalakas ng Partido. Dapat isabuhay natin ang agresibong pamumuno batay sa proletaryong paraan at istilo ng paggawa ng simpleng pamumuhay at mahirap na pakikibaka. Dapat pairalin natin ang kahinahunan at kababaan ng loob at pag-aralan nang malalim ang mga dahilan ng mga kahirapan at kabiguang dinaranas natin. Ang mga ito ay pansamantalang mga kahirapan at kabiguan lamang. Batas ng rebolusyon na sa dakong huli, makapangingibabaw at makapananaig ang mga rebolusyonaryo dahil makatarungan ang ating mga simulain at ipinaglalaban. Gawin nating puhunan ang mumunting tagumpay para makasulong nang malaki sa darating na mga taon.

Sa harap ng pinatinding pananalakay ng mersenaryong tropang militar at pulisya sa ating mga larangang at sonang gerilya, dapat ibayong palakasin ang ating kakayanang salagin at biguin ito sa paraang armado at hindi, ligal at iligal, at hayag at lihim. Habang nagpupursige sa landas ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya at pinaiigting ang mga taktikal na opensiba, dapat nating patuloy na palawakin at konsolidahin ang ating base masa at itransporma ang mga ito bilang mga baseng lumalaban at makapangyarihang likuran ng sandatahang paglaban. Dapat pandayin ang ating base sa mga pakikibakang masa na nakatutok sa pagbigo at pagpapapurol ng mga atake ng kaaway. Pukawin natin ang natutulog na potensyal ng ating baseng masa at pakawalan ang kanilang dambuhalang pampulitikang lakas para sa rebolusyon. Pukawin, organisahin at pakilusin ang lahat ng ating baseng masa sa kanayunan at kalunsuran sa pagtupad ng mga tungkulin ng digma at pagtatanggol sa ating mga larangan at sonang gerilya.

Dapat nating punuan ang mga nalikhang pugwang sa pagtatayo, pagpapalawak at pagpapalakas ng mga larangan at sonang gerilya. Dapat lutasin ang mga pugwang sa gawaing masa at mapagpasyang iwaksi ang konserbatismo sa pagtatayo ng base at pagsusulong ng rebolusyong agraryo. Dapat patuloy nating mapangahas na buuin ang hukbong bayan at higit na paramihin ang mga rekrut mula sa hanay ng mga manggagawa at petiburgesya sa kalunsuran. Dapat patuloy nating itaas ang kakayanan at pagsasanay ng mga yunit ng hukbo sa mga operasyong militar at pagdepensa. Dapat patuloy na magsanay ng higit na maraming mga kadreng militar at upisyal sa pulitika sa pamamagitan ng pamamaraang pormal, pag-iiskwela at on the job. Dapat patuloy na palakasin ang mga kampanyang masa at gawaing nagkakaisang prente. Dapat patuloy na palakasin ang pamumuno ng Partido sa bag-as ng mga pagsisikap na ito sa pulitika at militar. At dapat gawin ang ating makakaya para mag-ambag sa mga pagsisikap ng iba pang rehiyon na nahuhuli.

Walang ibang tanging wastong linya kundi ang sumulong at magpursige sa landas ng matagalang digmang bayan sa pamamagitan ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya na patuloy na umaani ng papalawak at papalalim na suporta ng mamamayan. Walang ibang tanging landas kundi paulit-ulit na biguin ang mga kontra-rebolusyonaryong pananalakay ng rehimen sa ating base para makasulong nang malayo sa mga susunod na yugto at malikha ang isang baseng aktibo sa pulitika at panday sa laban.

II. Paborable ang Pambansa at Pandaigdig na mga Salik para sa Malalaking Pag-igpaw ng Rebolusyon

Ang gera sa terorismo ni Macapagal-Arroyo at Reyes ang mabilis na humuhukay sa sariling libingan ng kasalukuyang papet na pangkatin. Ito ay isang di popular na gera na malaking batong nakadagan sa balikat ng sambayanan at mariing tinutulan ng malawak na seksyon ng mga demokratikong pwersa sa lipunan -- isang desperadong hakbang ng rehimen na umahon mula sa hukay ng malubhang krisis ng lipunan malapyudal at malakolonyal.

Isang napakalaking militar at pampulitikang miskalkulasyon ni Arroyo ang paglulunsad nito ng all out war sa mga rebolusyonaryong kilusan ng CPP-NPA-NDF at ng MILF-BIAF. Nahihibang ang mga militarista sa gubyerno ni Arroyo na kayang gapiin sa paraan ng lantay na solusyong militar ang rebolusyonaryong kilusan. Si Heneral Fidel Ramos na tuloy-tuloy na may mahabang karanasan sa kontra-insureksyong paglaban sa rebolusyonaryong kilusan ay naniniwala na di kayang gapiin ang rebolusyon sa pamamaraan ng lantay na militar. Pinatunayan ito ng sarili nyang karanasan bilang isa sa pangunahing arkitekto ng engrandeng Oplan Katatagan noong panahon ng diktadurang Marcos bilang hepe ng PC-INP, bilang chief of staff ng AFP noong panahon ni Corazon Aquino at pagkatapos bilang presidente mula 1992-98 na ang solusyong militar ay di makagagapi sa insureksyon. Umaasa nang malaki si Arroyo at Reyes sa suporta ng gubyernong Bush at inakala ng rehimen na patuloy na makakakuha ng hangin ang krusadang kontra-terorismo ni Bush at aani ng popular na pagsuporta mula sa mamamayan.

Subalit makaraan lamang ang mahigit isang taon, mistulang bombang sumasabog sa mukha ni Bush ang inumpisahan niyang gerang walang hangganan laban sa terorismo na una'y nakatarget sa grupong al Qaeda ni Bin Laden at gubyernong Taliban ng Afghanistan. Di naglaon, pinalawak ng US ang pakahulugan ng terorismo para ibilang at tugisin ang mga lehitimong Marxista-Leninistang kilusang rebolusyonaryo, mga anti-imperyalistang kilusan at mga gubyernong kontra-US tulad ng Iraq, Iran at North Korea na binansagan ni Bush na Axis of Evil at iba pang kabilang sa tinatakang mga rogue states.

Mabilis na nalantad sa mamamayan ng buong daigdig ang tunay na imperyalistang ambisyon ng US: una, nang salakayin ang Afghanistan at pangalawa, nang ilunsad ang gerang agresyon sa Iraq. Ang makitid na kwalisyon ng US at Britanya ay mabilis na nahihiwalay mula sa kapwa nitong mga imperyalistang kapangyarihan tulad ng Pransya, Germany at Rusya na disgustado sa lumalaking unilateralismo ng US. Nahihiwalay din ang kwalisyong ito sa mas maraming mga bansang bumubuo sa Arab League, OPEC at Non-Alligned Nations dahil sa aroganteng pagsagasa ng US at Britanya kontra sa desisyon ng UN Security Council at ng garapal na pagwawalambahala sa mga tuntunin at internasyunal na kumbensyon ng United Nations hinggil sa usapin ng digmaan, kapayapaan at relasyon ng mga estado at bansa.

Manalo man ang kwalisyon ng US at Britanya sa gera sa Iraq, magiging mas matagalan ang pagkatalo ng US sa pampulitikang upinyon ng nakararaming mga bansa at mga sambayanan ng buong daigdig. Higit nitong hahawanin at bubuksan nang malapad ang pinto para sa mas maigting na mga anti-imperyalistang pakikibaka ng mga mamamayan ng buong daigdig.

Inaani ngayon ng imperyalismong US ang poot ng mamamayan ng buong daigdig at ng mamamayan sa mismong hangganan nito. Malalaking demonstransyon at protestang masa ang gumugulong sa lahat ng sulok ng daigdig at sa iba't ibang malalaking siyudad ng US. Namumuhi ang sandaigdigan sa mapanggerang pag-aasta ng mga lawin sa Pentagon, Department of Defense at CIA ng US na solong pagpasyahan ang usapin ng digmaan at kapayapaan sa buong daigdig. Mas nagiging malinaw higit kaysa nakaraan na ang tunay na banta sa kapayapaan ng daigdig ay ang imperyalismong US.

Samantala, sa loob ng bansa at sa katulad na paraan ng pagkakahiwalay ni Bush sa mamamayang Amerikano at mga sambayanan sa daigdig, pinupukol ng pagtuligsa ang rehimeng Arroyo dahil sa mabilis na paghanay nito sa tambalang Bush-Blair para salakayin ang Iraq. Nahiwalay at malamig na tinanggap si Macapagal-Arroyo ng mga lider ng kaanib na mga bansa sa isang pagpupulong ng Non-Alligned Nations kung saan kabilang ang Pilipinas dahil sa pagpapakita ni Arroyo ng lantaran at garapalang maka-US at pro-gerang tindig. Ang malawak na hanay ng mga demokratikong pwersa ay mariing binabatikos ang pro-US na asta ni Arroyo at ang walang kahihiyang pagpabor na agarang salakayin ang Iraq kahit wala pa man ang tahasang basbas ng UN.

Dahil sa grabeng pagkapapet, labis ang naging pagkakahiwalay ni Arroyo kaya napwersa syang magdeklara na di na lalaban para sa eleksyong presidensyal sa 2004 bunga ng pagbulusok ng kanyang popularidad at pangungulelat sa mga sarbey. Sa kanyang deklarasyon, nais palitawin ni Arroyo na handa nyang isakripisyo ang kanyang presidensyal na ambisyon para lutasin ang mga saligang problema ng bayan. Pero sa totoo, ito'y isang pampulitikang salamangka para muling iligaw ang isipan ng mamamayan, kumuha ng simpatya, muling pabanguhin ang popularidad at sa dakong huli'y gumawa ng mga maniubra para ikutan ang mga nauna nitong deklarasyon. Malaki ang duda na ang asawa ng presidenteng si Mike Arroyo ang nasa likod ng kampanyang sa pagpapapirma ng isang milyon para diumano'y hilinging ikunsidera muli ng presidente ang pagtakbo sa pampanguluhan.

Sa isang panig, sa punto de bista ng gahamang ambisyon ng US, ang kasalukuyang gerang agresyon ng US sa Iraq ay umiimbudo lamang sa pagkontrol ng una sa rekurso ng langis ng Iraq para magkaroon ito ng di mahahamong kapangyarihan at kontrol sa rekursong langis ng mga bansa sa Gitnang-Silangang Asya, Gitnang Asya, Baltic at Caspian Sea.

Sa pamamagitan ng gerang agresyon, nais kontrolin ng US ang rekursong langis ng Iraq na pangalawa at bumubuo ng 11% ng pandaigdig na reserba para magkaroon ng pambalanse sa pandaigdig na pagpipresyo at produksyon ng langis ng mga bansang kasanib ng OPEC. Ang mahalagang rekursong ito ay may malaking kinalaman sa pagbuti at pagsama ng ekonomya ng pandaigdig na sistemang kapitalismo. Sa mismong pag-aaral ng mge eksperto, ang US$15 na pagtaas ng presyo ng bawat bariles ng krudo sa loob ng isang taon ay mangangahulugan ng isang porsyentong (1%) pagresiko ng pandaigdig na ekonomya na katumbas ng US$ 300 B.

Ginagamit ng US ang mga jingoistang satsat (labis na patriotismo na naipapakita sa hostilidad at antagonismo sa ibang bansa) para bigyang matwid ang kanyang pakikialam at agresyong militar sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Sinasangkalan ng US at gubyernong Bush ang usapin ng pagdisarma sa Iraq ng mga pamuksang sandatang kemikal at biological gayong ang US mismo ang numero uno sa pinakamalalaking nag-iimbak, nagpapaunlad at nagbebenta ng teknolohiya para sa paggawa ng sandatang nukleyar, kemikal at biological. Pinupuntirya ng US ang Iraq na magdisarma habang nagbubulagbulagan sa imbak na sandatang nukleyar ng kaalyado nitong Zionistang Israel at iba pang kaalyado at pro-US na gubyerno tulad ng Pakistan at India. Kung tutuusin, ang teknolohiya ng Iraq sa paggawa ng sandatang kemikal at biological ay mula sa tulong ng US nang inarmasan nito si Sadam Hussein para gerahin noong 1980-88 ang anti-US na pundamentalistang estadong Islamic ni Ayatollah Rohollah Khomeini na nagbagsak sa pro-US na gubyerno ni Mohammad Reza Shah Pahlavi ng Iran noong 1979.

Ngayon, si Sadam Hussein ang tumatayong tanging balakid sa geopulitikal na ambisyon ng US na maghari sa bahaging ito ng daigdig. Inani ni Sadam ang poot ng US dahil sa mga kontra-US na tindig at patakaran tulad ng pagtatakda ng Iraq na bayaran ng mga bansang umaangkat dito ng langis sa salaping dolyar ng European Union sa halip na dolyar ng US. Ang hakbangin ito ay higit pang magpapalubha ng krisis ng ekonomyang US na sadsad na sa malubhang resesyon at depression.

Ang gerang agresyon ng US sa Iraq na nagtatago sa mga islogan ng paglaban sa pandaigdig na terorismo at pagdidisarma ay itinutulak ng napakalubhang krisis ng pandaigdig na sistemang kapitalismo, ng di maalpasang ekonomikong resesyon ng US at banta ng higit na mapaminsalang depresyon (tulad ng sinapit ng Hapon noong 1990s), ng labis na pagkagahaman sa tubo at ng malaking takot sa pagsiklab ng mga kaguluhan at anti-imperyalistang pakikibaka't