Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Pahayag ng Partido Komunista Tungkol sa Pagpaslang Kay Popoy Lagman

Executive Committee
Central Committee
Communist Party of the Philippines
Pebrero 07, 2001

Walang mahigpit at napakabigat na dahilan para magpadala ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan ng armadong yunit laban kay Popoy Lagman ngayon. Ang mga rebolusyonaryonaryong armadong pwersa ay may ibang di hamak na mas malaki at di hamak na mas kagyat na mga prayoridad at pinagkakaabalahan.

Sa maraming grupong matinding kalaban ni Popoy Lagman, ibang grupo na may ibang adyenda at ibang prayoridad ang nagpakana at pumaslang sa kanya. Alam ng marami na lantad na lantad si Popoy Lagman noong kasagsagan ng kilusang protesta at pag-aalsa laban sa pinatalsik na rehimeng Estrada. Ang tanong: Bakit ngayon siya pinatay at hindi noong mas bulnerable pa siya?

Malinaw na hindi lamang pagpatay kay Popoy Lagman ang sadya ng utak o mga utak nito-kundi pati madugong pang-iintriga at panggugulo sa sitwasyong post-Estrada.

Sinu-sino ang maghahangad na guluhin ang sitwasyon habang pumupwesto ang bagong gobyerno at ang malawak na masa ng sambayanan ay mahigpit na humihingi ng pagpapatupad ng hustisya at mga repormang ipinag-alsa ng taumbayan sa Edsa?

Sinu-sino ang makikinabang at anu-anong malalaking kaso at imbestigasyon ang madidiskaril kung ang makinarya sa imbestigasyon ng pulisya at bagong gobyerno ay mahila sa bago at kahindik-hindik na kaso?

Sinu-sino ang may interes na mang-upat ng mga banggaan, gatungan ang mga armadong labanan para bigyang-matwid ang patakarang "todong gyera" at barahan ang muling pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan?

Base sa mga sirkunstansya at ilang panimulang datos na iniulat ng mass media, isang grupong nangungunang suspek sa pagpaslang kay Popoy Lagman at mga nagpapagalaw sa kanila ay kapareho ng nagpakana, nagtangka at patuloy na nagbabanta sa buhay ni Kasamang Jose Ma. Sison.

Noong huling kwarto ng taong 2000 nakakuha ang Partido at BHB ng ditalyado at hindi mapag-aalinlanganang mga impormasyon tungkol sa sabwatan nina Estrada, mga pinunong militar at pulis, Romulo Kintanar, Arturo Tabara, Nilo de la Cruz at iba pa para patayin si Kasamang Jose Ma. Sison. Ang mga impormasyong ito ay kinumpirma ng higit pang pagsisiyasat ng Partido sa loob at labas ng bansa at ng hiwalay na pagsisiyasat ni Koronel Beroya.

Kabilang din sa mga nangungunang suspek ang mga grupong militarista na kasabwat o hindi ng pinatalsik na pangkating Estrada na tuwirang gumagamit ng sariling tao o nagpapagalaw ng mga asset nila sa mga nagbabanggaang paksyon ng ABB.

Dapat mabilis at mapagpasyang umaksyon ang gobyernong Macapagal-Arroyo kung hindi nito gustong maunahan ng mga panggugulo at pananabotahe ng mga kalaban nilang hindi matanggap ang kanilang pagkatalo at maging ng mga sumasakay sa bagong gobyerno na may sariling adyenda.

Dapat mabilis nitong lutasin ang malalaking krimen gaya ng pambobomba ng Disyembre 30, pagdukot kay Dacer, tangka at patuloy na sabwatan laban sa buhay ni Kasamang Jose Ma. Sison, pagpaslang kay Popoy Lagman, at, higit sa lahat, ang pangungulimbat at iba pang karumal-dumal na krimen ni Estrada at mga kroni niya.

Kung hindi, hindi malayong masadlak ang gobyernong Macapagal-Arroyo sa kapalarang katulad o mas masahol pa sa sinapit ng pinatalsik na rehimeng Estrada.###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.