Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Mapulang Pagpupugay kay Kasamang Basil, Dakilang Martir ng Rebolusyong Pilipino !

Ka Higom Maragang
Tagapagsalita
Lucio de Guzman Command
Bagong Hukbong Bayan - Isla ng Mindoro
Pebrero 08, 2004

Sa ngalan ng Lucio de Guzman Command, taas kamao tayong pumupugay kay Kasamang Mabini Permalu Fabon sa kanyang pag-aalay ng dakilang buhay para sa rebolusyon at sambayanan. Nakikiramay din kami sa kanyang asawa't anak at sa buong pamilya sa napakaagang pagpanaw niya. Nakilala't nakasalamuha natin siya sa iba't ibang pangalan sa pakikibaka - mula Ka Romy, Ka Basil, Ka Andoy, Ka Benny, Ka Albert, Ka Bitoy at nitong huli, Ka Apolinario na karugtong na ng kanyang tunay na pangalan.

Pumanaw siya sa gitna ng unos ng pakikihamok natin sa naghaharing uri na nagtakdang durugin diumano ang rebolusyunaryong kilusan sa isla. Nalagutan siya ng minimithing hininga habang itinatawid patungo sa Batangas bandang alas 9:30 ng gabi noong Pebrero 6, 2004 para malapatan sana ng gamot sa karamdamang biglang dumapo sa kanya habang naggagawaing masa sa kabundukan ng Silangang Mindoro.

Patuntong na siya sa ika-52 taon ng kanyang buhay at sa ika-34 ng bahaging makulay at makasaysayang buhay bilang rebolusyunaryo. Namulat siya sa Kamaynilaan kasabay ng pagputok ng Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970. Nasa ikaapat na taon sa hayskul noon nang magpasya siyang buong panahon nang kumilos sa hanay ng mga manggagawa at maralita ng lunsod. Nakasama siya sa KM ng Mandaluyong at doon napaunlad ang kakayahan niya sa pagbibigay ng edukasyong masa at paglahok sa mga kulturang pagtatanghal. Napanday din siya rito sa lahatang-panig na mga gawaing rebolusyunaryo lalo na sa kilusang lihim.

Matapos ipataw ang Batas Militar, nang buwan ng Oktubre, kasama siya sa ilang kagawad ng KM mula sa rehiyon Manila-Rizal at mga kasapi ng Gintong Silahis (national) na umabot sa 15 na buong panahong aktibista ang tumungo sa kanayunan ng Cavite upang maipagpatuloy ang rebolusyunaryong gawain sa hanay ng mga magbubukid. Ang naging giya patungo sa Cavite ay isang kagawad ng SPK (Samahan ng Progresibong Kabataan) ng Phil College of Commerce. May kontak sila sa Partido na si Ka Art, na nakabase sa Batangas. Mula sa Bulacan ang nasabing grupong nasamahan ni ka Basil patungong Cavite. Tumagal sila ng ilang araw habang sinusubaybayan ang mga aktibista kung sino ang makakatagal sa bukid para tumulong sa magsasaka. Napagpasyahan na si Ka Basil ang maiwan sapagkat nakaangkop siya sa paggawa sa gawaing bukid. Ang lahat ay inalis at di na malaman kung saan inilipat. Umabot ng kulang dalawang taon si Ka Basil na naiwan sa hanay ng magsasaka habang iisa lang ang kaugnayan, ang giya. Nagkusa na siyang maggawaing masa sa tatlong baryo. Bandang 1974, sa pamamagitan ni Ka Oca [ Lito Alvarez, dating Pangkalahatang Kalihim ng KM National], pinasumpa siya bilang Kandidatong Kasapi. Nakatulong din siya sa pagsalo sa mga tumakas sa Camp Vicente Lim na tinawag na Papillon Iskwad na inihimpil niya sa nabuksang lugar ng bahagi ng Imus.

Inihalintulad niya ang sarili sa isang binhi na inihasik sa bukid, tumubo't nagpakarami hanggang maging isang muog ng rebolusyon ang lugar na natalagahan sa kanya. Umabot sa dalawang taon ang pagkilos niya sa mga bulubunduking bayan ng Cavite. Kahit siya na lamang ang natira sa mga itinalaga roon, nagmantine siya batay sa oryentasyon na magpakatatag siya sa lugar at babalikan siya ng mga kasama sa tamang panahon. Para makalangoy siya sa mga masa sa lugar at makaiwas sa hagupit ng karahasang militar noon, umangkop siya sa kalagayan at nakipamuhay siya bilang magsasaka hanggang sa matutunan niya ang pagkakaingin. Nahuli siya ng kaaway sa lugar nang ituro siya ng anak mismo ng maybahay na may ugaling lumpen pero nalusutan niya ang interogasyon sa pamamagitan ng kanyang mga mabulaklak na paliwanag. Hindi napatunayan ng mga pulis dahil ang mga tao na ang nagsasabi na si Ka Basil ay isang ulila na naninirahan para habang buhay na makipamuhay. Kinaumagahan, inalpasan na siya. Nagpalit siya ng pangalan at inilipat sa bahaging Silang at nakitira uli sa pamilyang magsasaka hanggang inabot na siya roon ng kalaghatian ng 1976. Malalim siyang nakaintegra rito lalo na sa mga kabataan at nakapanggamot sa akupunktura pero sa paraang lihim. At para makatagal pa sa lugar nagkaingin na si Ka Basil habang patuloy na tumutulong sa araw-araw na trabaho sa pamilyang tinutuluyan. Sa kabuuan ang pumatnubay sa gawain ng mga kasama sa Gawaing masa sa kanayunan ay ang pangkalahatang gabay ng RGRL, ang Organizational Guide at ang PKDB. Huling bahagi na lang nakarating ang MNT, na halos hindi na ito naimplementa kundi nabasa na lang. Bandang 1976 pa, napabilang siya sa mga kagawad ng KPPL (Komite ng Puting Purok ng Lalawigan). Bandang unang kwarto ng 1976 ay nawala si Ka Lito Alvarez. Pagsapit naman ng Disyembre 1976, nagpasya na siyang pumasok sa sonang gerilya ng QBZ [Quezon-Bikol Zone].

Naitalaga siya sa Tagkawayan, Quezon noong 1977 at dito natuto nang lubusan sa pagpapalawak at pagpapatatag sa panimulang base ng rebolusyon. Dito naman siya nahasa sa armadong pakikibaka at sa pagpapaunlad ng baseng gerilya ayon sa estratehiya ng matagalang digmang bayan. Naabot niya ang kalaparan ng QBZ hanggang sa mga bayan ng Ragay at Lupi sa Camarines Sur. Lubusang napaunlad niya ang gawaing instruksyon na gumagamit ng mga ankop na porma ng tulong biswal para sa madaling pagkatuto ng masang magsasaka sa mga turo ng rebolusyon. Dito na siya napasumpa bilang GK [ganap na kasapi ].

Mula sa pagkilos sa unang sonang gerilya na napatatag sa TK, inilipat siya sa gawaing propaganda noong 1980 at pinangasiwaan niya ang Kalatas, ang panrehiyong pahayagan ng Partido. Hindi siya nagtagal dito dahil kinailangang ipakat na siya sa Batangas-Laguna-Quezon bawnderi ayon sa kapasyahan ng pansamantalang KTKR-TK na kilusan ang Silangang Batangas noong huling bahagi ng 1979. Nakasama si Ka Ben/Basil sa ikatlong grupo na ipinakat matapos ang kubkob sa Tiaong. Galing siya sa bahagi ng puting purok na nangangasiwa sa panimulang grupo ng Panrehiyong Istap ng Pesante, na nahuli sa Agdangan at nadala sa munisipyo dahil napaghinalaang NPA na nagsasagawa ng teach-in. Hindi ito napatunayan kaya nakalusot at matapos ang pakikipag-usap sa hepe ng pulis sa nabanggit na bayan. Hindi nagtagal, pinagpasyahan ng KTKR na ilipat si Ka Ben kasama ni Ka Elias (Kalihim) sa Luzviminda na sumasaklaw sa tri-boundary ng Laguna-Batangas-Quezon.

Nakatulong siya sa pagpapalawak sa Lipa, Padre Garcia, Rosario, Taysan, San Juan at Lobo at nakaranas doon ng matinding hirap sa pagkilos nang tambakan ng CAFGU ang erya at operasyunin sila nang todo-todo. Nakaranas ang yunit nila na madurog sa Lipa noong 1982 nang makubkob. Isa siya sa dalawang kasamang tanging nakaligtas sa kubkob na yaon. Agad siyang nakapamutok ng cal.45 kaya naalerto ang mga kasama at nakapanlaban. Nalampasan nila ito bunga ng karanasan sa Tagkawayan noong 1975-1977 nang malawakang operasyunin ang ipinupundar pa lamang na sonang gerilya sa TK sa mga bayan ng Tagkawayan at Labo, Camarines Norte.

Sa panahong ito, sineryoso na niya ang pag-ibig at pagtatayo ng rebolusyunaryong pamilya nang mailipat ang kasintahan niya mula sa Laguna noong huling kwarto ng 1984. Dito na niya winakasan ang matagal na paghahanap ng magiging kapareha sa buhay rebolusyunaryo mula pa sa erya ng QBZ noong 1977. Naikasal sila sa Partido noong Marso 29, 1985 sa Bundok Banoy, sa isang kweba, habang nag-ooperasyon ang kaaway.

Bandang Disyembre 1985 nakalahok siya sa ikalawang kumperensyang panrehiyon at nahalal siya bilang regular na kagawad ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa TK. Pagpasok ng 1987, napalipat siya sa panrehiyong istap sa pinansya ayon sa kapasyahan ng KR. Nasa proseso na siya ng paggamay sa bagong

gawain nang mabiktima ng OPML noong 1988. Nalusutan niya lamang ang kahibangan na ito nang maglubid din siya ng mga kwento paminsan-minsan at paglalahad ng katotohanan kapag natataya niyang nasa mahusay nang katayuan ang mga kasamang sumalo sa problema. Bagamat nabiktima siya, positibo niyang nilagom ito sa tulong ng mga kasama at nagsumikap na mapangibabawan ang masamang epekto nito sa katayuan niyang pisikal at sikolohikal. Agad siyang pumailalim sa balangkas ng organisasyunal na pag-aayos at nagmantine ng ugnay sa mga kasama habang nagrerekober sa mga pinsalang pisikal. Gumampan pa siya ng makakayanang gawain para sa rebolusyon.

Hindi niya sinayang ang bawat saglit ng pagrerekober. Iniukol niya ang ganang makakaya para maitaguyod ang pamilya at makapiling ang kaisa-isang anak. Kinalinga niya sa pagmamahal at pangangalaga ang kanyang pamilya kahit pasukin niya ang pagtitinda at iba pang negosyong mabusisi. Nagamit niya ang mga turong Marxismo kahit sa pagnenegosyo. Kaya nakapagpundar sila ng ilang pag-aaring lote at mga kasangkapan. Nagkandalugi lamang ang negosyo nila nang bumatak na nang husto ang krisis sa ekonomiya at pulitika dulot ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunang Pilipino. Hindi umubra ang maliit na negosyo tulad ng sa kanila kaya nabangkarote at nabaun sa utang. Maagap niyang kinalasan ito at itinutok ang buong atensyon niya sa muling pagkilos na pultaym habang sinusuportahan ang pamilya mula sa kanyang alawans at laan na suporta ng Partido para sa pamilya.

Upang manatiling mataas ang kaalaman niyang ideolohikal, regular siyang nagbabasa ng mga akda ni Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao. Kahit nakipagkaisa siya sa asawa na hindi na magpapaksa ng anuman kaugnay sa rebolusyon, hindi niya maiwasang magbasa ng mga akda ng dakilang gurong komunista. Kaya itinatago niya sa asawa ang mga librong kanyang binabasa. Nanatiling sariwa at dakila sa isipan niya ang mga turo ng sosyalismo at komunismo. Nakatulong nang malaki ito sa kanya para hindi mapahiwalay sa tamang linya at sa maaga niyang pagbawi sa pinsala ng kahibangan.

Nang ilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP), kabilang siya sa mga kasamang nasa unahan na yumakap sa mga aral at humarap sa dakilang hamon nito. Agad niyang nakita ang malaking pagkakaiba ng IDKP sa mga kabulaanang ipinapalaganap ng mga oportunistang taksil. Natukoy niya ang tamang linya kaya maagap siyang kumalas sa mga LI at NGO na napagtrabahuhan niya kahit mangahulugan iyon ng pagkawala ng regular na sweldo niya. Ito na rin ang nagbigay lakas at inisyatiba sa kanya na tahaking muli ang aktibong pagkilos hanggang sa makabalik sa larangang gerilya.

Maagap siyang tumugon sa paanyayang pumasok sa sonang gerilya para sa konsultasyon. Subalit hindi lamang konsultasyon ang nadatnan niya kundi isang kulturang pagtitipon para saluduhan ang katulad niyang nanatiling matatag para sa rebolusyon sa kabila ng dinanas na mga kapighatian. Kaya napabilis ang pagbalik niya sa kanayunan matapos lamang maibagsak ang rehimeng Estrada. Ayaw na niyang dagdagan pa ang 12 taon nang pagkawalay sa armadong pakikibaka sa kanayunan. Kahit may paghahabol pa ang asawa niya sa naging pagpapasya, itinuloy pa rin niya ang pagsosona at dalawang beses lamang nakadalaw sa loob ng apat na taon. Dalawang beses na naging mabunga at maligaya para sa mag-asawa't anak.

Dahil determinadong makabalik sa sonang gerilya, naging madali sa kanya ang paglubog muli sa gawain kahit sa umpisa ay lumilitaw ang mga dati niyang kaisipan o nakagawian sa sona noong nasa QBZ pa. Matiyaga namang inililinaw sa kanya ang mga patakaran [lalo na sa pagdadala ng HPR sa hawan kapag araw na bumabagtas sa baryo] at madali niyang naiinternalisa para sa maayos na pagkilos ng yunit. Nabigyan naman siya ng tungkuling pangasiwaan ang laking distritong lager at nagampanan niya ang pamumuno kahit bago lamang siyang makaintegra sa ganitong gawain makalipas ang mahigit isang dekada na kahit exposure o TOD ay hindi naisagawa. Tiwala ang mga kasama sa naipon niyang karanasan at mga aral mula sa QBZ na kakayanin niya ang pamumuno sa ganitong antas. Subalit nakapanumbalik ang ilang miskalkulasyon nya sa pag-uusig sa espiya ng kaaway kaya nakalabag siya sa patakaran. Maagap namang natalakay ito kaya nakatulong nang malaki sa kanya sa pagpipino pa sa usaping ito. Hindi siya pinanghinaan bagkus ay nahamon na lalong magpakahusay. Kaya tinanggap niya ang paglilipat ng disposisyon sa Silangang Mindoro at pagtanggap ng pansubok na gawain.

Mabilis siyang nakapangibabaw sa mga pagsubok. Kahit sinasalasa ng militarisasyon ang Silangang Mindoro na bago niyang nilipatan, lalo siyang nagpakatatag. Nadaplisan na rin siya sa ulo sa isang depensibang labanan noong Mayo 16, 2002 sa Carumagit, Naujan pero nagpatuloy pa rin siya at nanguna sa paghimok sa mga kasama na ipagpatuloy ang pakikipagrebolusyon. Matatag din siya sa kahirapan at mga sakripisyo. Hindi naghahanap kung anu-anong pagkain. Mabilis umangkop sa mga lokal na pagkain at maingat sa katawan. Bihira nga magkasakit dahil inaalagaan niya ang sarili sa pamamagitan ng acupressure. Hindi natutong magbisyo kaya kinakaya pa niyang makipagsabayan sa pag-eehersisyo ng mga kabataan.

Ang mahigit tatlong taon niya sa Silangang Mindoro ay nagbigay sa kanya ng panibagong sigla at pag-asa sa pagsusulong ng rebolusyon. Dito niya nasariwa ang mga karanasan niya sa Cavite, QBZ, Batangas at Laguna. Gusto pa sana niyang maabot ang lupang sinilangan sa Odiongan, Romblon kaya lang marami pa ang gawaing iuukol sa Mindoro para makabawi sa hambalos ng militarisasyon. Ibinahagi na lamang niya ang mga kaalaman niya sa Romblon para magsilbing gabay sa mga susunod na yunit doon. Malaking katuwaan sa kanya ang pagkilos sa kabuuan ng Silangang Mindoro mula Puerto Galera hanggang Bongabong. Natagpuan niya ang kanyang mga kamag-anak bagamat hindi niya kinumpirma ito maliban sa piling kasama at kadre.

Pinalad din ang rehiyon na mapadalo pa siya sa ikalawang kumperensya ng TK sa gawaing masa sa kanayunan dahil siya lamang ang delegado na tanging saksi sa mga pangyayari at pasya mula pa 1973. Lubos na ikinatuwa ng kumperensya ang makasaysayan niyang paglalahad sa masalimuot na rebolusyunaryong pagpupundar sa TK. Ito ang nagbigay sikad sa kanya upang magpursige sa mga gawain para maihanda ang mga kadre, kadmil at kasama sa pagbawi at muling pagkambyo pasulong.

Masasabing ang kasaysayan ni Ka Basil sa rebolusyon ay kasaysayan na rin ng buong Timog Katagalugan. Lahat ng ikot, liko at igpaw ng rebolusyon sa rehiyong ito ay nalahukan niya. Lahat ng mga mapapait na yugto ng pagkilos, pag-ibig at pagpapamilya ay naranasan niya rito. Ganundin ang mga masasayang panahon at matatamis na tagumpay sa pagsusulong ng rebolusyon ay nadama niya rito. Lahat ng paghubog sa sarili para maging tunay na rebolusyunaryo ay nasubok niya rito at naibahagi rin sa mga kasama para makatulong sa panahon ng kanilang krisis sa paninindigan. Lahat din ng pag-asa at pagtitiwala sa tagumpay ng pakikibaka ay napanday niya rito sa proseso ng mga pagtatasa, paglalagom at PPS na naitaas sa antas ng ideolohiyang pagpapatatag.

Mahaba pa sana ang tatahakin ni Ka Basil sa rebolusyon at marami pa siyang magagampanan dangan nga lang at maagang pinutol ng biglang karamdaman ang kanyang buhay. Subalit nag-iwan siya sa atin ng hindi matatawarang kontribusyon sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon para matiyak na susulong tayo sa wastong landas at kakayaning lagpasan ang anumang balakid na makakaharap pa. Buhay niyang inihalimbawa ang kasabihan ni Kasamang Mao na "maging walang kabusugan sa pagbabasa ng mga akdang rebolusyunaryo at walang kapaguran sa pagtuturo nito." Malaki ang panghihinayang natin sa kanyang iaambag pang katalinuhan at kabayanihan para sa rebolusyon at mamamayan. Pinatunayan niyang tama ang piniling pangalan ng kanyang mga magulang para sa kanya. Kabilang na siya sa mga bayaning walang pag-iimbot na inialay ang buong buhay para sa tunay na kalayaan ng bayan. Tulad ng lagi niyang ipinapanawagan, ating � "Ibaling ang pagdadalamhati sa rebolusyunaryong katapangan !"

Mabuhay ang dakilang pamana ni Kasamang Basil!

Isulong ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan hanggang sa ganap na tagumpay!

Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.