Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Pahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Matagumpay na Pag-aalsang Edsa Laban sa Rehimeng Estrada

Central Committee
Communist Party of the Philippines
Enero 20, 2001

Maalab na binabati ng Partido Komunista ng Pilipinas ang maningning na tagumpay ng pag-aalsang bayan na nagpatalsik sa kinamumuhian at bulok na rehimeng Estrada. Higit sa anupaman, kagitingan ng taumbayan ang mabilis na nakapagpaalis kay Estrada sa Malakanyang.

Ang Edsa 2, gaya ng Edsa 1, ay kapuri-puring tagumpay ng pakikibakang bayan. Gayunman, masidhing hangad ng sambayanan na hindi maulit na naman ang kanilang pagkaunsyami sa mga pagbabagong ipinangako ng Edsa 1.

Ang masang sumugod nang walang takot para patalsikin si Estrada ay hindi masisiyahan sa mga pagpapakitang-tao at konswelo de bobo lamang. Lubos na karapatan nilang hingin sa gobyernong Macapagal-Arroyo ang seryosong pagtataguyod ng mga pagbabago sa bansa at lipunan.

Pananagutan ng gobyernong Macapagal-Arroyo na ilagay sa sentro ng kanyang pamamahala ang adyendang bayan, laluna ang mga pagbabagong matagal nang ipinaglalaban ng masang labis na naghihikahos at inaapi. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  1. Agad na pag-usig kay Estrada at mga kroni niya dahil sa pandarambong at iba pang krimen. Pagbawi ng kanilang nakaw na yaman para itustos sa mga programang tunay na para sa mahirap.
  2. Puspusan at sinserong kampanya laban sa korupsyon at katiwalian sa gobyerno.
  3. Kagyat na remedyo at matagalang pagpapabuti sa hanapbuhay, sahod, pabahay at mga serbisyong panlipunan para sa mga maralita ng lunsod at kanayunan.
  4. Tunay na reporma sa lupa para sa masang magsasaka.
  5. Pagtatakwil sa patakaran ng denasyunalisasyon, diregulasyon, liberalisasyon, kontraktwalisasyon, kaswalisasyon at iba pang anyo ng pambubusabos na bunga ng imperyalistang globalisasyon.
  6. Pagtatakwil sa militarisasyon, militarismo at total war. Sinserong pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan ng GRP at NDF na sinabotahe ng rehimeng Estrada.
  7. Katarungan sa mga biktima ng militarisasyon, militarismo at total war. Pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal.
  8. Pagsasaisantabi ng VFA at paglaban sa panghihimasok ng US sa panloob na usapin ng bansa.

Kahit napatalsik na si Estrada, nagpapatuloy ang malubhang sosyo-ekonomikong krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Ang krisis na ito, maliban sa labis na kasakiman at arogansya ng pangkating Estrada, ang nasa likod ng krisis at pagbagsak ni Estrada pagkaraan ng dalawa at kalahating taon lamang.

Ang Partido Komunista at Bagong Hukbong Bayan ay patuloy at higit pang determinadong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan at digmang bayan hanggang ganap na tagumpay. Kaalinsabay, higit din kaming determinadong makipagkaisa at makipagtulungan sa lahat ng pwersa, grupo at elementong demokratiko, progresibo at sinsero para ipaglaban ang pambansa at demokratikong kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Mabuhay ang magiting na sambayanang Pilipino!
Ipagpatuloy ang pakikibaka hanggang makamit ang tunay na demokrasya, pambansang kalayaan, at kaunlaran!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang ganap na tagumpay!
###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.