Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Ipagbunyi ang ika-30 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas

Armando Liwanag
Chairman
Central Committee
Communist Party of the Philippines
Disyembre 26, 1998

Labis-labis ang kaligayahang ipinagbubunyi at ipinagdiriwang natin ang ika-30 anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, bilang sulong na destakamento ng uring anakpawis, sa gabay ng teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, noong Disyembre 26, 1968.

Mula noon, sa pamumuno ng Partido, ang sambayanang Pilipino ay nagkamit ng maniningning na tagumpay sa bagong demokratikong rebolusyon laban sa naghaharing sistema ng malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupang naglilingkod sa imperyalismong US.

Ang ating mga tagumpay ay naipagwagi sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pakikibaka, puspusang paggawa at mga sakripisyo. Dahil dito, tayo ay nagpupugay at nagpaparangal sa ating mga rebolusyonaryong martir, mga kadre at kasapi ng Partido, mga Pulang kumander at mandirigma, mga kagawad ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, mga militanteng kasapi ng mga organisasyong masa, lahat ng alyado sa nagkakaisang prente at sa malawak na masa ng sambayanan.

Muling itinatag ang Partido, tatlumpung taon na ang nakararaan, na mayroon lamang ilampung ganap at kandidatong kasapi na nakakonsentra sa dalawang rehiyon sa bansa. Ngayon, mayroon na itong ilampung libong kasapi na malalim na nakaugat sa mga manggagawa at mga magsasaka sa pambansang saklaw. Matatagpuan ito sa mahigit 60 probinsya, daan-daang mga munisipalidad at mga lunsod at sa libu-libong baryo. Nakapagpalakas at sumulong ito sa pamamagitan ng maigting na rebolusyonaryong pakikibaka.

Mayroon lamang ilandaang sulong na masang aktibista sa mga unyon, mga samahang magsasaka at sa kilusang kabataan noong 1968. Ngayon, sila'y laksa-laksa na't sumusuporta sa mga kadre at kasapi ng Partido sa pamumuno sa malawak na hanay ng mga hayag at lihim na organisasyong masa na may kabuuang kasapiang umaabot sa daan-daang libo.

Nang itatag ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan noong Marso 29, 1969, mayroon lamang itong 60 Pulang mandirigma, na naaarmasan lamang ng siyam na ripleng awtomatik at 26 na mahihinang sandata. Ang baseng masa sa kanayunan ay binubuo ng may 80,000 magsasaka sa isang distrito ng isang probinsya.

Sa kasalukuyan, mayroon nang libu-libong Pulang mandirigma ang BHB na katumbas ng ilang rehimento. Kumikilos ito sa 60 larangang gerilyang sumasaklaw sa makabuluhang bahagi ng 15 rehiyon ng bansa. Armado ito ng mga sandatang nasamsam mula sa kaaway. Pinupunuan ito ng ilampung libong kalalakihan at kababaihang nasa mga milisya at yunit sa pagtatanggol sa sarili. Bumibilang ang baseng masa nito ng ilang milyong katao, pangunahin mula sa kanayunan.

Kasalukuyan nang naghihingalo ang lokal na malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema at ang pandaigdigang sistemang kapitalista bunga ng walang-kaparis na krisis. Dahil sa kilusang pagwawasto, ang Partido ay nasa matibay na pusisyon para samantalahin ang krisis. Ibayo itong nagpupunyagi upang imulat, organisahin at pakilusin ang malawak na masa ng sambayanan para sa rebolusyonaryong mithiin, para sa kanilang pambansa at panlipunang paglaya mula sa pang-aapi at pagsasamantala.

Sa nakaraang 30 taon, napatunayan ng Partido sa buong daigdig na posible at kailangang maglunsad ng matagalang digmang bayan sa isang malakolonyal at malapyudal na bayan, na isang mahalagang tuntungan ng imperyalismong US sa Asya. Tiwala tayo na maaaring sumibol ang digmang bayan sa mga bansang dumaranas ng matinding krisis sa ekonomya at lipunan na nagpapahirap at sumisiil sa maraming bansa sa daigdig.

Laging determinado ang Partido Komunista ng Pilipinas na itaguyod, ipagtanggol at isulong ang Marxismo-Leninismo-Maoismo at ilunsad ang bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, bilang isang proletaryong internasyunalistang tungkulin. Lagi tayong umaasa na sa paglulunsad ng armadong rebolusyon sa Pilipinas, makatutulong tayo sa muling pagsulong ng kilusang anti-imperyalista at sosyalista. Nakatitiyak tayo na paiigtingin ng proletaryado ng daigdig at ng aping mga mamamayan ang lahat ng anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka.

I. Walang-kaparis na Krisis at Kaguluhan sa Daigdig

Hindi pa gaanong nagtatagal, nang ang Unyong Sobyet at ang mga rebisyunistang rehimen ay nalansag at nagbigay-daan sa lantarang kapitalismo, nang buong kagalakang ipinroklama ng mga imperyalista, mga lokal na reaksyunaryo at taksil ang kawalang-tinag ng pandaigdigang sistemang kapitalista, ang kawalang-saysay ng armadong rebolusyon at sosyalismo at ang posibilidad na maitayo ang lipunang sibil sa pamamagitan ng repormismo sa ilalim ng mga imperyalista at kliyenteng estado .

Muling ginagamit ng mga imperyalista ang lipas nang lenggwahe ng kapitalismong laissez-faire para gatungan ang kasakiman ng monopolyong kapitalismo. Sa kasalukuyan, ang pandaigdigang sistemang kapitalista ay nasa krisis na wala pang kapantay magmula noong Malaking Depresyon. Muling pinatutunayan ng modernong imperyalismo na ito nga ang pinakamataas at huling yugto ng pag-unlad ng kapitalismo: ito'y parasitiko, mapangwasak at naghihingalo na.

Nasa ugat ng krisis ng monopolyong kapitalismo ang pagpapabilis ng paghuthot ng tubo mula sa proletaryado at mamamayan, ang rumaragasang konsentrasyon at sentralisasyon sa kamay ng mga monopolyong kapitalista ng kapital sa produksyon at pinansya, ang pagpapababa ng sahod at mga kundisyon sa pamumuhay upang labanan ang bumabagsak na tantos ng tubo at ang pagkitid ng pandaigdigang pamilihan, at ang krisis ng sobrang produksyon.

Ang tumataas na katangiang panlipunan ng produksyon na dala ng paggamit ng mataas na teknolohiyang nakakonsentra sa mga imperyalistang bansa ay ibayo pa ang kontradiksyon sa monopolyong kapitalistang moda ng pag-angkin sa halagang nililikha ng mga anakpawis. Subalit ginagamit pa ng monopolyong burgesya ang pangangatwiran at mga islogan ng kapitalismong laissez-faire at globalisasyon ng "malayang pamilihan" upang lalong pahigpitin ang lipas nang mga kapitalistang relasyon sa produksyon.

Sa pag-iwan nito sa makalipunang mga pagpapanggap ng maka-Keynes na patakaran sa ekonomya at sa pagpapairal ng "neoliberal" na patakaran sa ekonomya simula noong unang bahagi ng dekada '80, ang monopolyong burgesya ay nagtuturing sa kanyang kapital bilang mapanlikhang salik sa paglawak ng produksyon, at nagbubunton ng sisi sa diumanong pagtaas ng antas ng sahod at panlipunang gastos ng gubyerno bilang dahilan ng istagnasyon at implasyon.

Samakatwid, sa buong daigdig, ginagamit ng monopolyong burgesya ang mga imperyalista at mga kliyenteng estado nito at ang mga ahensyang multilateral tulad ng IMF, World Bank at WTO (dating GATT) upang ibaba ang sahod at antas ng pamumuhay at paliitin ang gastos panlipunan; at upang pabilisin ang pagpapalaki ng pribadong monopolyong kapital, sa pamamagitan ng pribatisasyon, deregulasyon at liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan.

Pinupulaan ng mga imperyalista at ng kanilang mga burukratikong ahente at propagandista ang mga gastos para sa kagalingang panlipunan ngunit ipinagbubunyi nila ang pagbabawas sa buwis at pagbibigay ng mga ari-arian at pondo publiko sa mga pribadong kumpanyang monopolyo. Minamasama nila ang gastos panlipunan subalit ipinagbubunyi ang dambuhalang gastos sa militar. Binabatikos nila ang panghihimasok ng estado sa ekonomya kapag gumagamit ang isang estadong anti-imperyalista o sosyalista ng rekursong publiko para paunlarin ang industriya, ngunit ipinagbubunyi ang pagbibigay ng estado ng mga subsidyo, mga kontrata at mga pansalbang ayuda sa mga pribadong monopolyong kapitalista.

Kaugnay ng lalong bumibilis na konsentrasyon ng kapital na produktibo at pinansyal sa kamay ng monopolyong burgesya, litaw ang mga pangyayaring tulad ng sumusunod: ang walang kaparis na labis na pagtasa o pagpapalobo ng halaga ng mga pribadong ari-arian sa pamamagitan ng mga maniobra ng kapital sa pinansya, ang pagtaas ng antas ng palagiang malawakang disempleyo, ang pagbulusok ng kita, ang walang-awang panunupil sa mga karapatan ng mga anakpawis at ang palagiang sobrang produksyon ng lahat ng klase ng kalakal kumpara sa kumikitid na pamilihan.

"Globalisasyon" ang terminong ginagamit ng mga imperyalista upang palabuin ang eksakto at siyentipikong terminong imperyalismo, na nilinaw ni Lenin. Maling-mali ang terminong ito, isang muling pagbuhay sa ultra-imperyalismo ni Kautsky, kapag ginagamit ito upang ipahiwatig na ang monopolyong burgesya ay nagpapalaganap ng produktibong kapital sa papalawak na saklaw upang itaguyod ang pag-unlad sa ekonomya at hanapbuhay at ang paglago ng proletaryadong industriyal sa mga bansang atrasado.

Bago naganap ang malawakang pagtalilis ng kapital mula sa sinasabing sumisibol na mga pamilihan, mahigit 80% ng daloy ng direktang pamumuhunan sa buong mundo ay nakatuon sa US, Kanlurang Europa at Japan. Mahigit sangkatlo ng kulang sa 20% na dumadaloy sa 10 mga "sumisibol na pamilihan" ang napunta sa Tsina, partikular sa mga sonang nasa silangang baybayin nito. Ang tatlong pandaigdigang sentro ng kapitalismo at ang Tsina ang nakakuha ng mahigit 90% ng direktang pamumuhunang dumaloy sa buong mundo.

Ang United States ang pinakamalakas na pandaigdigang sentro ng kapitalismo; kumakabig ito ng pamumuhunan mula sa Japan at sa European Union dahil sa relatibong mas mataas na tantos ng tubo at interes. Nagagamit ng US ang pangunguna nito sa mataas na teknolohiya at ang kapangyarihan nito sa pinansya, gayundin ang pampulitikang kapangyarihan nito upang itulak ang sariling mga eksport at pahigpitin ang kontrol sa langis at iba pang mga estratehikong rekurso.

Subalit nagpapatuloy at lumalala ang mga batayang kahinaan ng ekonomya ng US, gaya ng patung-patong na depisit sa kalakalan nito at papataas na pambansang utang; at ang maramihang pagbabawas sa mga manggagawang may regular at permanenteng hanapbuhay, kapalit ng mga manggagawang pansamantala at partaym, laluna sa sektor ng serbisyo. Kung naging matagumpay man ang US sa pagtutulak ng eksport nito, ito'y sa kapinsalaan naman ng mga alyado nito sa hanay ng imperyalista at mga kliyenteng estado.

Gayunpaman, ang pagguho sa ekonomya at pinansya ng mga "sumisibol na pamilihan" ay nakasama sa ekonomya ng US. Ang pagkalat ng krisis mula Silangang Asya patungong Rusya na tumuloy pa sa Amerika Latina, laluna sa Brazil, ay nakababawas sa mga produktong eksport ng US, nakapagpaparami sa mga murang import sa US, nagpapaliit sa tantos ng tubo, nagbubunga ng mga luging utang at mga pagkabangkrap, at nagpapaigting ng kumpetisyon sa mga alyado nitong imperyalista.

Pinakamalubhang tinamaan ang Japan ng kapitalistang krisis ng sobrang produksyon at ng malakihang pakikipagkumpetisyon sa mga imperyalistang alyado nito. Mula nang pumutok ang bula noong maagang bahagi ng dekada '90, ang lokal na ekonomya nito ay nasadlak na sa istagnasyon. Tatlong taon nang negatibo ang tantos ng paglago nito. Sa lubha ng krisis nito, napatunayang inutil ang maka-Keynes na pagpapasikad ng ekonomya (pump-priming) sa pamamagitan ng gastos sa obras publikas mula pa noong maagang bahagi ng dekada '90.

Lumalala ang problema nito sa disempleyo at pagkabawas ng lokal na konsumo. Patuloy ding lumalaki ang kontradiksyon sa pagitan ng lokal na ekonomya nito at ng mga planta nito sa ibayong dagat na nasa US at Silangang Asya. Sa loob ng bansa, hindi pa nakaaahon ang Japan mula sa mga suliranin nito hinggil sa mga luging pautang. Pinalala pa ito ng mga luging pautang sa mga "sumisibol na pamilihan" sa Silangang Asya. Napilitan itong tumangan ng malaking halaga ng bono ng US para kontrolin ang halaga ng yen at itaguyod ang mga eksport nito sa kumikitid na pandaigdigang pamilihan.

Matindi ring tinamaan ang European Union (EU) ng kapitalistang krisis ng sobrang produksyon at ng malakihang pakikipagkumpetensya sa mga imperyalistang alyado nito. Palagiang mataas ang tantos ng disempleyo dito, na nasa pagitan ng 11-12%. Sinadya ng mga bansa sa EU na pakitirin ang kanilang mga lokal na pamilihan sa pamamagitan ng pagbabawas sa gastos na panlipunan gaya ng idinidikta ng namamayaning patakarang "neoliberal" at ng kapasyahang hindi lumabag sa itinakdang hangganan ng paggastang lampas sa kita bilang paghahanda sa paglulunsad ng Euro.

Sa Silangang Asya at iba pang dako ng mundo, mas mahigpit ang kumpetisyong kinakaharap ng mga eksport ng European Union mula sa US at Japan. Natural na pinakaabot ng European Union ang pamilihan ng Rusya at Silangang Europa. Subalit ang mga lugar na ito, na bagong pinamumugaran ng walang habas na kapitalismo, ay isang papakitid na klase ng pamilihan at kumunoy ng mga paluging pautang dahil sa walang-tigil na pagkawasak ng industriya at agrikultura at ng walang-kontrol na pagnanakaw ng kriminal na bagong burgesya.

Sa kalakaran ng patakarang "neoliberal", ang pambansang tantos ng paglago at tubo sa lahat ng bansa ng OECD ay bumabagsak. Sa katunayan, mayroon ngayong pandaigdigang depresyon. Ang paggamit ng mga kumpanyang monopolyo sa mataas na teknolohiya para magkamal ng tubo ay tumungo sa malawakang tanggalan (downsizing) at palagiang malawakang disempleyo, pagkitid ng pamilihan at krisis ng sobrang produksyon, pagbaba ng tantos ng tubo at mga pagkabangkrap. Dumadalas ang mga pagsasanib ng korporasyon upang maramihang kitlin ang mga trabaho, bawasan ang gastos sa pagbabagong-istruktura, pananaliksik at pagpapaunlad at para mapataas ang tubo.

Napakalubha ng krisis sa tunay na ekonomya kung kaya't ang buong monopolyong burgesya ay di na makapagyabang pa na tumataas ang produksyon sa pamamagitan ng labis na pagtasa sa halaga ng mga ari-arian at serbisyo at sa pamamagitan ng pagpapalawak sa pautang. Mismong ang kapitalismo sa pinansya ang lantad na suliraning pabigat sa tunay na ekonomya. Noong nakaraang dalawang taon, ilang ulit na bumulusok nang matarik ang pamilihan ng stocks at bumagsak ang mga institusyon sa pinansya sa mga imperyalistang bansa kasunod ng mga pagkatunaw ng pamilihan sa salapi at stocks sa mga "sumisibol na pamilihan". Ginamit ang pakikialam ng estado at pondong publiko para sagipin ang mga bangko at hedge funds.

Dumarami ang mga palatandaan ng tunggalian ng uri sa mga imperyalistang bansa gaya ng mga welga sa mga napakahalagang industriya, mga pangkalahatang welga at mga popular na protesta sa harap ng pagtaas ng tantos ng pagsasamantala at mga hirap sa trabaho ng mga may hanapbuhay, ng talamak na malawakang disempleyo, pagpapababa ng sahod at pagbabawas sa mga benepisyo at serbisyong panlipunan. Ngunit ang pangkalahatang antas ng pagtutol ng proletaryado at ng mamamayan sa mga imperyalistang bansa ay nananatiling limitado dahil sa kawalan ng malakas na mga partidong Marxista-Leninista.

Sa United States, tumitindi ang disgusto sa sistemang pampulitika at patunay dito ang mga welga at mga protesta laban sa malawakang tanggalan sa trabaho at laban sa pagsalba ng estado sa mga empresang monopolyo, ang mababang bilang ng bumoboto sa mga eleksyon at ang mga pagsiklab ng anarkismo. Ngunit patuloy na nananaig ang tambalang-paghahari (duopoly) ng mga Demokrata at mga Republikano pati na ang impluwensya ng aristokrasya sa paggawa sa hanay ng matagal nang lumiit na kilusang unyon.

Sa European Union, ang proletaryado at mamamayan ay nakapaglunsad ng di hamak na mas matataas na antas ng pagtutol kaysa sa kanilang mga katumbas sa United States. Nagkaroon ng mga malakihang welga at malawakang protesta. Subalit ang mga konserbatibo, sosyal-demokratiko, rebisyunista at mga partidong burges-embayronmentalista ay nagpapaligsahan at nagsasanib upang magpatupad ng mga repormang "neoliberal". Ang aristokrasya sa paggawa, na inalagaan ng mga sinaunang konserbatibo at mga sosyal-demokrata ay nakaluklok pa rin sa pwesto. Gayunpaman, paparaming manggagawa ang naglulunsad ng mga welga nang hindi na dumadaan sa aristokrasya sa paggawa. Kaalinsabay, ipinapakita ng mga pormasyong pasista at rasista ang kanilang pangit na mukha.

Sa Japan, nakaambang sumambulat ang mga walang-kaparis na welga ng mga manggagawa at mga malawakang protesta ng proletaryado at mamamayan. Dahil sa kawalan ng trabaho at pagliit ng kita, napipilitan silang gastusin ang ipinagmamalaking sariling impok. Namamalas sa mga lansangan ang pagdami ng mga walang-matirhan. Ibayong nawawala ang kumpyansa ng mga manggagawa sa Partidong Liberal Demokratiko at iba pang burges na mga partido at sa malalaking reaksyunaryong pederasyon sa paggawa na pinatatakbo ng mga aristokrata sa paggawa.

Ang pasiklab hinggil sa "globalisasyon" ay nagpalabo sa napakalinaw na katotohanan na ang malaking mayorya ng mga bansa sa daigdig ay nasasadlak sa ibayong pagkaatrasado, pagdarahop at nakaliligis na pasaning-utang. Nakapagbubuklod-buklod ang mga imperyalista laban sa aping mamamayan at nakapagpapataw ng kanilang mga patakaran sa mga kliyenteng estado para pagsamantalahan ang murang paggawa, ibaba ang presyo ng mga hilaw na materyales at pumiga ng superganansya mula sa pag-eeksport ng mga labis na produkto at labis na kapital. Subalit ang kinalalabasa'y pinaliliit din nila ang pandaigdigang pamilihan.

Una, ang mayorya ng mga bansang nakaranas ng sobrang produksyon ng mga hilaw na materyales mula pa noong huling bahagi ng dekada '70 ay hindi pa nakababangon sa krisis at depresyon. Ikalawa, ang mga bansang dating nakapagtayo ng ilang batayang industriya dulot ng sosyalismo (Rusya, Silangang Europa at Tsina) o bunga ng nasyunalismong burges (India, Brazil, Egypt at iba pa) ay patuloy at ibayong nasasadlak sa kumpradorisasyon at de-industriyalisasyon. At, ikatlo, bagsak ang ekonomya at pinansya ng ilang "sumisibol na pamilihan" (na may sari-saring espesyalidad sa eksport gaya ng bahagyang-naprosesong mga produkto ng Tsina at Timog-Silangang Asya, ang mga produktong may mas mataas na halagang-dagdag ng Timog Korea, Taiwan at Brazil at ang langis at gas ng Rusya).

Dahil sa malawakang pagkawasak ng mga pambansang ekonomya, nakakaya ng mga imperyalista na angkinin ang mga yaman ng bansa at mga linya ng negosyo at balewalain ang pambansang soberanya ng napakaraming bansa. Subalit ang inaangkin lamang ng mga imperyalista ay ang mga pinakakapaki-pakinabang na ari-arian at wala silang anupamang intensyon na iangat ang mahihirap o atrasadong bansa, sa antas ng balansyadong kaunlaran. Sinasabi mismo ng mga imperyalista na mangangailangan ng mahabang panahon bago tumigil sa paglubog ang mga "sumisibol na pamilihan".

Ang pangunahing kontradiksyon ngayon ay sa pagitan ng mga imperyalista at mga aping mamamayan. Ipinapasa ng mga imperyalista ang bigat ng krisis sa mga aping mamamayan, nagkukumahog na pumiga ng mas malalaki pang superganansya at walang tigil na nanghihimasok, nang-uupat ng mga digmaang rehiyunal at lokal at naglulunsad ng mga digmang agresyon.

Laganap ang kontrarebolusyonaryong karahasan sa kasalukuyan. Tinutustusan ng armas ng mga imperyalistang pinangungunahan ng United States ang mga reaksyunaryong estado at itinutulak sila na supilin ang mamamayan. Nang-uupat din sila ng gera sa mga reaksyunaryong paksyon sa maraming bansa at nanghihimasok sa ngalan ng kapayapaan, pagkamakatao o pag-inspeksyon ng mga armas para makapagpalakas at makalikha ng mga kaayusang pabor sa kanila.

Napahigpit ng imperyalismong US ang kanyang kontrol sa Gitnang Silangan at sa yamang langis nito, sa pamamagitan ng paglulunsad ng panibagong digmang agresyon laban sa Iraq, pagpapataw ng kaparusahan sa ekonomya (economic sanctions) laban dito at walang tigil na paniniil dito. Nakuha nito ang pinakabentaheng mga pusisyon sa Balkan at Mediterranean, sa pamamagitan ng pang-uupat ng gerang lokal sa Bosnia at iba pang bahagi ng dating Yugoslavia, gaya ng sa Kosovo ngayon. Binublokeyo at ginigipit nito ang Cuba at ang Demokratikong Republika ng Korea. Nagbibigay ito ng proteksyong militar sa mga reaksyunaryo ng Taiwan at nang-uupat ng tensyon sa Timog-Silangang Asya kaugnay sa mga Isla ng Spratly.

Likas ang gera sa imperyalismo. Nang-uupat ng gerang pandaigdig ang US at iba pang mga imperyalista ng Kanluran sa pamamagitan ng mapanghamong pagpapalaki ng NATO at pagpapalawak nito malapit sa mga hangganan ng Rusya. Pinipilit din ng US ang Japan na maging aktibong katuwang sa pananakot at pananakop sa mamamayan ng Asya at umako ng mas mabibigat na pasaning militar sa ilalim ng bagong panuntunang panseguridad ng US at Japan upang biguin ang pagbabalik ng Taiwan sa Tsina at ang muling pagsasanib ng Korea.

Sa napakaraming bansa sa daigdig ngayon, mayroong kaguluhan sa pulitika bunga ng kalunus-lunos na kalagayan sa lipunan at ekonomya sa ilalim ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Sa mga bansang malaon nang binabayo ng krisis ng sobrang produksyon ng mga hilaw na materyales, mayroong mga rebolusyonaryong digmang bayang inilulunsad laban sa despotismo at sa pambansang pang-aapi, at mas marami pang marahas na labanan sa loob ng mga bansa sa pagitan ng mga reaksyunaryong paksyon na gumagamit ng mga islogan ng etnosentrismo at relihiyon upang mang-udyok ng napakalalaking masaker, laluna sa Aprika.

Ang pinakamahalaga sa lahat ay ang mga bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng mga matagalang digmang bayan laban sa mga imperyalista at mga lokal na reaksyunaryo. Kabilang dito ang mga armadong rebolusyong pinamumunuan ng mga partidong Marxista-Leninista-Maoista sa India, Nepal, Peru, Pilipinas at Turkey. Sinasagot nito ang sentral na usapin ng rebolusyon, na pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika bilang saligan ng panlipunang rebolusyon.

Nagdulot ng malawakang pampulitikang ligalig at bagong kaguluhan sa daigdig ang pagkawasak ng mga produktibong pwersa sa Asya, Aprika, Amerika Latina at sa mga bansa sa dating blokeng Sobyet na dulot ng mga imperyalista at ng kanilang mga lokal na kasapakat. Kapag ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa mga malakolonyal at malapyudal na bansa ay nakapagsasariling lumaban para sa kanilang pambansa at panlipunang paglaya, di kalauna'y kakaharapin ng mga imperyalista at mga lokal na reaksyunaryo ang isang malaking sunog sa malawak na saklaw na hindi nila maaapula at tutupok sa kanila.

Sa ngayon, umiigting ang mga kontradiksyon sa hanay ng mga imperyalista, subalit nakapananatili pa ang alyansang pinamumunuan ng US hangga't naipapasa pa nito ang bigat ng krisis sa mga inaaping bansa at mamamayan. Anu't anuman, kung saka-sakaling ang kumpetisyon sa ekonomya ng mga imperyalista ay tumungo sa isang marahas na muling paghahati ng mundo, ang proletaryado at ang aping mamamayan ay dapat maglunsad ng rebolusyonaryong digma upang pigilan ang imperyalistang gera o, kung hindi ito mapipigilan, ibaling ito sa isang rebolusyonaryong digma.

Sa pananaw ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang malubhang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay nagdudulot ng mga paborableng kundisyon sa paglulunsad ng bagong demokratikong rebolusyon. Buong tatag nitong pinamumunuan ang rebolusyon sa interes ng sambayanang Pilipino, gayundin bilang suporta sa mamamayan ng ibang bansa upang isulong ang pandaigdigang proletaryong rebolusyong sosyalista.

Sa diwa ng proletaryong internasyunalismo, ang Partido ay nakapagpaunlad ng malapit na relasyong bilateral at multilateral sa mga partido komunista at mga partido ng mga manggagawa upang maitaas ang antas ng pagkakasundo, pagtutulungan at mutwal na pakikinabang. Nakapag-iinisyatiba at lumalahok ito sa bilateral na mga pulong, kumperensya at seminar upang makipagpalitan ng mga ideya at mga karanasan at linawin at palakasin ang rebolusyonaryong pakikib