Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisayaWaray
   

Mabilis na nadudurog mula sa loob ang "Matatag na Republika" ni Gloria Macapagal-Arroyo

National Democratic Front of the Philippines (NDFP)
Hulyo 27, 2003

Ang mga nakababatang upisyal at sundalo ng Armed Forces of the Philippines, na personal na nakasaksi sa sagadsagarang korapsyon sa loob ng gubyerno at kung hanggang saang antas ng kasamaan pwedeng humantong sina Arroyo at mga alipures niya upang manatili sa poder, ay naglunsad ng aksyong militar upang igiit ang pagbibitiw ni Arroyo at ni Defense Secretary Angelo Reyes.

Kabilang sa mga ibinunyag ng mismong mga rebeldeng militar, na kinabibilangan ng mga gradweyt ng PMA mula 1995-2001, ang pagiging utak nina Reyes at ng hepe ng AFP Intelligence na si Victor Corpus sa likod ng mga pagbobomba sa Davao City nitong maagang bahagi ng taong ito.

Hindi nagugulat ang National Democratic Front of the Philippines sa mga pagbubunyag na ito. Sanay na kami sa paggawa ng AFP at PNP ng mga teroristang hakbang na pagkaraan ay ibibintang sa mga rebolusyonaryong pwersa upang bigyang-katwiran ang panunupil.

Hindi rin kami nagugulat sa ginawang hakbang ng mga disgustadong upisyal at sundalo. Produkto ito ng kontra-mamamayan, di-demokratiko at bangkaroteng organisasyong militar kung saan ginagamit bilang mga pain ang mga ordinaryong sundalo at nakababatang mga upisyal. Habang nagpapakasasa ang mga heneral at matataas na upisyal sa mga luho at kikbak gayundin sa tubo mula sa mga kriminal na aktibidad gaya ng pangangalakal ng mga iligal na droga at kidnaping, nangamamatay sa labanan ang mga ordinaryong sundalo - at para saan? Kakarampot at nababahurang sahod at benepisyo, pagtatanggol sa bangkarote't bulok na gubyerno.

Ang itakwil ng sarili niyang mga sundalo - na inindoktrina nang ilang taon upang sumunod sa chain of command at ipagtanggol ang status quo - ay palatandaan ng malubhang pagkakahiwalay ng rehimeng Arroyo.

Ang pagkakahiwalay na ito ay hatid ng lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko dahil sa nagpapatuloy na pagpapaalipin ng rehimen sa mga interes ng dayuhang monopolyo; namamayagpag na korapsyon; umiigting na interbensyong militar ng US labag sa kasarinlan at integridad na panteritoryo ng Pilipinas; at pinaigting na mga kampanyang teror upang supilin ang nagbabangong kilusang masa sa bansa.

Ang imahen ng "Matatag na Republika" na maingat na nilikha ng rehimen ay tuluyan at wala nang kapag-a-pag-asang nabasag, nabunyag na ito'y walang iba kundi mga walang-lamang salita at isang pakanang pampasikat.

Ang tugon nito sa krisis - ang pagdeklara ng state of rebellion - ay hindi makalulutas sa pagngangalit sa hanay ng militar at sumasalamin sa makitid at militaristang pag-iisip na naghahari sa rehimen.

Samantala, upang mabigyang-pansin ang kanilang mga lehitimong karaingan at upang maging mas epektibo ang kanilang pagtutol, kailangang makipagkapit-bisig ang mga nakababatang upisyal at sundalo sa malawak na masa ng sambayanan. Dapat din silang magbantay laban sa paggamit ng mga reaksyonaryong pulitiko para sa mga makasariling iskema at ambisyon.

Nananawagan ang NDFP sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa na paigtingin ang pakikibaka laban sa sabwatang Arroyo-Reyes na responsible sa krisis na ito. Panahon na upang wakasan ang rehimeng ito na walang idinulot kundi kahirapan at kaapihan sa ating bayan. ###



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.