Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisaya
   

ANG USAPANG GRP-NDFP AY SINASAGKAAN NG DINIDIREHE NG U.S. NA TAMBALANG GMA-REYES

Prof. Jose Ma. Sison
National Democratic Front of the Philippines
Chief Political Consultant
Hulyo 30, 2003

Hangga't nagtatambalan sina Presidente Gloria Macapagal-Arroyo at National Defense Secretary Angelo Reyes bilang mga sagadsagarang papet ng US, patuloy nilang sasagkaan ang panunumbalik ng pormal na usapan sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Ang pakana nila sa pagpigil sa negosasyong pangkapayapaan ay ang pag-insulto at paghamon sa NDFP sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagtulak ritong sumuko na, at kundi'y daranasin ng NDFP ang pinakamararahas na kampanyang militar. Ang paraan ng kapitulasyong inihahain ay ang kagyat na pagpirma sa "final peace agreement" na makaisang-panig na binuo ng GRP. Inilulunsad na ang pinakamararahas na kampanyang militar gamit ang prenteng digma laban sa terorismo at sinusustine ang mga ito ng interbensyong militar ng US at ng dumaraming suplay-militar mula sa Pentagon.

Sa direksyon ng US, mula 2001 ay nagpakawala na si Reyes ng malawakang mga kampanyang militar laban sa 12 piling larangang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Bigo ang mga kampanyang miltar na ito na takutin ang rebolusyonaryong kilusan. Sa halip, lumalakas at sumusulong ang BHB. Takot na inaantabayanan ng mga estratehistang militar ng GRP ang paglipol ng BHB sa mas marami pang pwersa ng reaksyunaryong hukbong sandatahan kapag nakabwelo na ang mga rehiyunal na yunit panagupa ng BHB at magagamit na ang puu-puong mga larangang gerilya bilang lunsaran ng mga taktikal na opensiba.

Gayunpaman, ang pangunahing interes ng US ay ibasura ang negosasyong pangkapayapaan ng GRP-NDFP dahil nais nitong paigtingin ang interbensyong militar, palakasin ang imprastruktura para sa mga pwersang militar nito, umabante mula sa pagkakaroon ng access rights tungo sa pagkakaroon ng karapatang magbase at sa gayo'y palakasin ang Pilipinas bilang base para sa agresyong US sa East Asia.

Kaugnay nito, nasa likod ang US sa pagtutulak na amyendahan ang konstitusyong 1987 ng GRP upang iakma ang bill of rights nito sa US Patriot Act, magpakawala ng terorismo ng estado at alisin ang mga probisyong ibinatay sa Miranda doctrine gayundin yaong mga naglilimita sa pagdeklara ng batas militar, upang iwaksi ang mga probisyong pumapatungkol sa kasarinlang pang-ekonomya at pambansang patrimonya at mga pambansang restriksyon sa dayuhang puhunan gayundin ang mga probisyong nagbabawal sa mga dayuhang base militar, dayuhang tropa, mga sandatang nukleyar at iba pang weapons of mass destruction.

Salamat sa paglalantad na ginawa ng aksyong-protesta nitong Hulyo 27 ng 300 sundalo kabilang ang 70 upisyal, napag-alaman nating si Gen. Angelo Reyes ay sistematikong lumilikha ng atmospera ng teror sa Mindanao at nangwawasak sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pamamagitan ng pagpapakulo ng mga teroristang pambobomba bukod sa pag-uutos ng arbitraryong pag-atake sa MILF sa Buliok complex noong Pebrero.

Pinabagsak ni Macapagal-Arroyo ang ekonomya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagtalima sa linyang "free market" globalization ng US. Ngunit inaakala lamang niyang maikukubli niya ang pang-ekonomya't panlipunang kalagayan ng mamamayan at matatakot yaong mga lumalaban sa kanyang mga bulok na patakaran sa pamamagitan ng malugod niyang pagtanggap sa interbensyong militar ng US at sa pinaraming suplay-militar ng US sa kanyang armadong sandatahan. Kaya halos ipinaubaya na niya kay General Reyes ang mga kapangyarihang presidensyal sa mga usaping hinahawakan ng Cabinet Oversight Committee.

Dapat mabatid ng publiko na ang NDFP ay laging handang magbalik sa negosasyong pangkapayapaan sa GRP ayon sa The Hague Joint Declaration ng 1992 at mga sumunod na kasunduan. Sa kasawiang palad, sinasagkaan ng tambalang Arroyo-Reyes na dinidirehe ng US ang negosasyong pangkapayapaan. Tila kinakailangang hintayin ng NDFP ang bagong presidente, maliban na lamang kung patalsikin ni Arroyo si Reyes at baguhin ang kanyang patakaran hinggil sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.