Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
   

Labanan ang ibayong panghihimasok ng imperyalismong US, maghanda para sa tuwirang agresyon nito, biguin ang Oplan Gordian Knot ng rehimen at isulong ang digmang bayan!

Pahayag sa ika-34 na anibersaryo ng muling pagkakatatag ng
Partido Komunista ng Pilipinas (M-L-M)

Komiteng Rehiyon-Gitnang Luzon
Partido Komunista ng Pilipinas
Disyembre 26, 2002

Buong kagalakang ipinagdiriwang ng buong organisasyon ng Partido at Bagong Hukbong Bayan at ng rebolusyonaryong mamamayan sa Gitnang Luzon ang ika-34 na anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido. Itinatag muli ang Partido noong Disyembre 26, 1968 sa teoretikong gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo para pamunuan ang bagong demokratikong rebolusyon para sa pambansang pagpapalaya mula sa imperyalismong US at sa panlipunang paglaya mula sa pyudalismo. Ito'y matapos ipagkanulo ng pamunuang Lava at Taruc ng lumang partidong pinagsanib ang rebolusyong Pilipino. Mula noong 1969, pinamunuan na ng PKP (MLM) ang armadong rebolusyon na ngayon ay naglalagablab sa buong bayan. Sa iba't ibang dako ng kapuluan ang mga kasama at ang masa ay nakatipon sa dakilang araw na ito para alalahanin ang mga tagumpay sa 34 na taong rebolusyonaryong pakikibaka lalo na yaong sa nagdaang taon, gunitain at parangalan ang mga rebolusyonaryong martir at muling pagtibayin ang kapasyahang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay. Nakatanaw tayo sa pagtatayo ng sosyalismo sa Pilipinas matapos matamo ang pambansang tagumpay sa DRB.

Binabati natin ang mga kadre at kasapi ng Partido, ang mga opisyal at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan at ang rebolusyonaryong mamamayan sa masayang okasyon ng anibersaryo ng ating Partido.

Ginagawa ang pagdiriwang ng anibersaryo ng Partido sa gitna ng ibayong panghihimasok at banta ng tuwirang agresyong militar ng imperyalismong US sa bansa. Pinag-ibayo at garapalan na ang panghihimasok ng US habang nagkukubli sa kanyang "gera laban sa terorismo". Alam ng lahat na walang tunay na target ito kundi ang rebolusyonaryong kilusan. Titingkad at mangingibabaw ang katangian bilang isang Pambansang Digma ng rebolusyon kapag tuwiran nang nanalakay sa bansa ang mga tropang Amerikano. Matagalang digmang bayan ang sagot ng mga patriyotikong Pilipino sa terorismong ito ng US.

Samantala'y nakaamba ang gerang agresyon ng US laban sa Iraq at ito ay lumilikha ng malakas na paglaban at protesta ng buu-buong bayan at mamamayan ng daigdig kasama ang sa Europa at sa US mismo. Hindi sang-ayon ang mamamayang Amerikano na sa pangalan nila ay libreng manggera at maramihang pumatay ng tao ang gobyernong US. Hindi basta pumapayag ang mamamayan ng daigdig na manalasa ang hambog na kapangyarihang imperyalista at ang pinuno nitong si George Bush.

Sa loob ng bansa, nasasaksihan ang sukdulang pagkapapet ni Macapagal-Arroyo sa imperyalismong US. Nang ideklara ni US Secretary of State Colin Powell na "terorista" ang CPP-NPA, tuwang-tuwang nakiayon si Macapagal at ibinukas ang buong bansa, kung saan naroon ang New People's Army, sa panghihimasok ng US. Sa una ay pinagsanib na pagsasanay, pero sa kalauna'y pinagsanib na pananalakay ang gagawin ng mga papet na tropang Pilipino (AFP) at tropang US. Kunsabagay, hindi kataka-takang ideklarang 'terorista' ng US ang CPP-NPA dahil talagang sinasakmal ng teror ang imperyalismong US at ang mga lokal na reaksyonaryo sa harap ng lumalakas na rebolusyonaryong kilusang magpapabagsak sa sistemang kanilang pinaghaharian at pinakikinabangan.

Sa okasyong ito ng anibersaryo ng Partido ay pinararangalan natin at nagpupugay tayo sa mga rebolusyonaryong martir na nag-alay ng kanilang dakilang buhay para sa rebolusyon ngayong taong 2002 at noong mga taong nagdaan. Iniaalay natin sa kanila at sa sambayanan ang mga tagumpay na ating nakamit sa nagdaang taon. Sa kanilang maningning na halimbawa ay humahango tayo ng inspirasyon para lalong magsumigasig sa pagkilos at sumuong sa lahat ng hirap at sakripisyo.

Mas mainam na kondisyon sa loob at labas ng bayan para magrebolusyon.

Matinding krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at pagsulong ng pandaigdigang kilusang anti-imperyalista

Binabayo ang pandaigdigang sistemang kapitalista ng krisis na mas masahol pa kaysa sa Malaking Depresyon noong 1929 hanggang 1932. Ang kasalukuyang krisis ay resulta ng imperyalistang patakaran sa ekonomya ng neoliberalismo na unang ipinatupad noong 1980. Unang tinamaan ng krisis ang Mexico noong 1995. Sumunod ang mas malaking krisis sa timog silangang Asya noong 1997 na lumaganap sa buong silangang Asya nang taon ding iyon, ang krisis sa Rusya at Brazil noong 1998 at 1999 , at ang krisis sa mismo nang pusod ng kapitalismo, sa US, noong 2000.

Sa pagsabog ng bula ng tech-stock mula noong Abril 2000 hanggang Abril 2001 sa US, may apat na trilyong dolyar na halaga sa stock-market ang naglaho. Ang pagsabog ng bula ay resulta ng sobrang pamumuhunan at labis na kapasidad sa high-tech na mga produkto. Nagkaroon ng sobrang produksyon kayat nagsara ang maraming pagawaan at nagbagsakan ang halaga ng tech-stocks. Kasamang naglaho ang kakatiting na pondong napag-ipunan ng maliliit na pamilyang Amerikano na naengganyong mamuhunan sa tech-stocks sa kasagsagan ng mataas na halaga at kita ng mga ito. Sa krisis ay nabangkarote ang mga dambuhalang korporasyong may bilyun-bilyong dolyar na halaga at ari-arian, gaya ng Enron Corp., WorldCom Inc. at nitong huli, ng Conseco Inc., isang kompanya sa insurance at pautang.

Nabalaho na ang ekonomya ng Japan mula pa noong 1989 dahil sa sobrang produksyon ng bakal, kotse at mga konsumong elektroniko. Lumulubog ang mga bangko sa Japan sa mga utang na hindi mabayaran. Walang umubrang remedyo sa depresyong kinasadlakan ng Japan na mahigit na sa isang dekadang tumatakbo. Pare-pareho na ngayong nasa krisis ang tatlong pinakamalalaking sentro ng sistemang imperyalista : ang US, Japan at European Union.

Sadyang hindi malulutas ang krisis ng sobrang produksyon ng sistemang kapitalista kahit magpabaling-baling mula Keynesianismo (panghihimasok ng estado sa ekonomya sa pamamagitan ng paglalaan ng pondong publiko sa obras publikas para pasiglahin ang ekonomya) patungong neoliberalismo dahil patuloy na hindi nareresolba ang pundamental na kontradiksyon ng kapitalismo : ang pagiging sosyal ng produksyon ng produkto samantalang pribado ang pag-angkin o apropriyasyon nito. Ang mga manggagawa ang lumilikha ng yaman ng lipunan subalit ang mga kapitalista o ang burgesya ang umaangkin at nagpapasasa rito.

Ang patakaran ng neoliberalismo na may 22 taon na ngayong ipinatutupad ng imperyalismo ay nagtaas ng lipas nang mga islogan ng burgesya, mga islogang dala nila noon pang panahon ng malayang kompetisyong kapitalismo noong ika-19 na siglo o noong wala pang mga monopolyo. Ibinabandera ang islogan ng globalisasyon ng 'malayang pamilihan'. Maaari diumanong magpaligsahan ang lahat ng bansa at negosyante sa 'malayang pamilihan' kaya't hayaang dumaloy nang walang sagka ang kapital at produkto. Paano makipagkukumpitensya sa 'malayang pamilihan' ang mga atrasadong bayang gaya ng Pilipinas sa makapangyarihang mga bansang imperyalista gaya ng US at Japan? Paano magkakaroon ng pantay na tsansa sa 'malayang pamilihan' ang maliliit na negosyante kung ang kaharap ay mga dambuhalang imperyalista ? Ang 'globalisasyon ng malayang pamilihan' ay isang malaking panlilinlang. Ito ay pagtatakip lamang sa katotohanan ng pag-iral ng mga monopolyo sa daigdig.

Ang neoliberal na patakaran ng "liberalisasyon" ay walang iba kundi ang walang kontrol na daloy ng imperyalistang puhunan at kalakalan. Ang "pribatisasyon" ay walang iba kundi ang pribadong pag-angkin ng mga kapitalista, laluna ng mga imperyalista, sa mga pampublikong ari-arian at pondo. Ang "deregulasyon" ay nangangahulugan ng pagguho ng mga batas laban sa mga monopolyo.

Kayat hindi katakataka kung bakit ang resulta ng mga neoliberal na patakarang ito ay ang mas pinabilis na konsentrasyon at sentralisasyon ng kapital at yaman sa kamay ng iilang imperyalista. Ang yaman ng 225 na pinakamayayamang indibidwal sa mundo ay katumbas ng taunang kita ng pinakamahihirap na 47% ng kabuuang populasyon ng mundo. Ang tatlong pinakamayayamang indibidwal sa mundo ay may mga ari-ariang mas malaki pa sa pinagsama-samang kabuuang lokal na produkto (gross domestic product) ng 48 pinakaatrasadong bayan. Kung dati-rati ay bibihira ang mga merger (pagsasanib ng kapital o negosyo) na may halagang 1 bilyong dolyar, ngayon ay karaniwan na lamang ang mga merger na nagkakahalaga ng 100 bilyong dolyar o higit pa.

Kasabay ng ganitong pinabilis na konsentrasyon ng kapital at yaman sa kamay ng iilan ang mas mabilis na pagkawasak naman ng mga produktibong pwersa. Milyun-milyong manggagawa, kabilang na ang mga manggagawang Pilipino, ang dumaranas ng gutom at lugmok sa kahirapan dahil wala o kulang ang trabaho.

Para makapangibabaw sa kasalukuyang krisis, nagkukumahog si Presidente Bush ng US na maglunsad ng gera sa Afghanistan at magbanta ng gera sa Iraq, nagpapalaki ng produksyon sa gera at militar at nagsasasatsat ukol sa gera. Walang pakialam si Bush kung ilang sanggol at bata, kababaihan at mamamayang Iraqi ang mamamatay sa gera maipakita lamang kung sino ang hari ng mundo at kung gaano kahuhusay ang mga kasangkapan nito para sa maramihang paglipol ng tao. Ang mahalaga'y makapagbenta ng mga kagamitang panggera at militar, at muling mapasigla ang ekonomyang US.

Ngunit hindi natutulog ang mamamayan ng daigdig sa harap ng arogansya ng US. Sinasalubong ng mga dambuhalang aksyong protesta sa Europe at US ang bantang gera sa Iraq. Sa South Korea ay milyong tao ang nagrali para pawalang bisa ang Status of Forces Agreement, palayasin ang mga tropang Amerikano at papanagutin sila sa pagpatay sa 2 estudyanteng Koreano. Walang pagtitipong ekonomiko ng malalaking bansang kapitalista ang hindi sinasalubong ng mga kilos protestang umaabot sa milyong tao gaya ng nangyari sa Seattle at Genoa. Mabilis na nahihiwalay ang US dahil sa pagmamatigas nitong huwag ipailalim sa International Criminal Court ang mga sundalong Amerikano. Kinokondena ng mga bansa ang walang pakundangang pagsagasa sa mga karapatang tao ng mga Arabo, Latino Americano, Asyano at iba pang mamamayang may kulay sa US.

Lumalakas ang sentimyentong anti-US at ang pandaigdigang
prenteng anti-imperyalista.

Ang pokus ng paglaban sa pandaigdigang sistemang imperyalista ay nasa mga bayan sa ikatlong daigdig kung saan naglalagablab ang armadong rebolusyon. Kabilang dito ang Colombia, India, Mexico, Nepal, Palestine, Peru, Pilipinas, Turkey, Sri Lanka at iba pa. Sa mga bayang ito sa ikatlong daigdig at sa mga atrasadong bansa sa dating blokeng Sobyet naninirahan ang mahigit 80 % ng sangkatauhan. Sila ang pangunahing hinahagupit ng malawakang disempleyo, mababang kita, mabigat na di-tuwirang buwis at nakakakubang pasaning utang.

Mula nang pumasok sa panahon ng imperyalismo o monopolyo-kapitalismo noong ika- 20 siglo, ang pangkalahatang krisis ng sistemang ito ay dumaan na sa tatlong yugto. Ang bawat yugto ng pangkalahatang krisis ay kinapapalooban ng pagtindi ng krisis at ng masayang wakas o mabuting resulta para sa proletaryado.

Ang unang yugto ng pangkalahatang krisis na nagsimula noong maagang bahagi ng ika-20 siglo ay humantong sa World War I noong 1914-1918 at nagresulta sa tagumpay ng Rebolusyong Ruso at pagkakatayo ng sosyalismo sa sangkanim ng sangkatauhan.

Ang ikalawang yugto mula matapos ang World War I ay tumungo sa Malaking Depresyon ng 1929-1932 , tumuloy sa World War II at humantong sa tagumpay ng Rebolusyong Tsino at sa pagkakapaloob sa sosyalistang kampo sa sangkatlo ng sangkatauhan (kabilang ang Soviet Union, China, 8 bayan sa Silangang Europa, hilagang bahagi ng Vietnam at hilagang bahagi ng Korea).

Ang ikatlong yugto ng pangkalahatang krisis ng kapitalismo mula matapos ang World War II ay natapos sa tagumpay ng rebolusyon sa Indochina, ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Kultural sa China (1966-1976) at sa pagsisimula ng estratehikong pagdausdos ng imperyalismong US noong 1975. Gayunman, pumatong na rito ang pagkakanulo sa sosyalismo sa Soviet Union simula noong 1956 at sa China simula noong 1976 dulot ng modernong rebisyonismo. Sa tuluyang pagbagsak ng mga rebisyunistang rehimen sa Soviet Union at silangang Europe mula 1989 hanggang 1991, at sa panunumbalik ng kapitalismo sa China mula noong 1976, nagapi ang mga pwersa ng sosyalismo sa pandaigdigang saklaw. Dumaraan sila ngayon sa mahirap na proseso ng muling pagtitipon at pagpapanibagong lakas.

Nagaganap mula noong ikalawang hati ng dekadang 1970 at hanggang sa kasalukuyan ang ikaapat na yugto ng pangkalahatang krisis ng kapitalismo. Mas matinding krisis ito kaysa sa mga naunang krisis. Tiyak na ito ay magbubunga rin ng mabuti para sa proletaryado. Nasasaksihan na ang mabilis na pagsulong tungo sa pagdaluyong ng kilusang anti-imperyalista sa daigdig. Lumalaganap na sa mga bayang kapitalista ang mga welga at protesta. Sa kalaunan ay magbabagon na rin ang kilusang sosyalista sa mga ito. May batayan para ipagtagumpay ang digma para sa pambansang pagpapalaya sa ilang atrasadong bansa. Nasa kapasyahan na ng mga komunistang Pilipino at ng mamamayang Pilipino kung paano sasamantalahin ang mainam na sitwasyon sa daigdig at sa loob ng bansa para maipagtagumpay ang rebolusyong Pilipino sa mga unang dekada ng kasalukuyang siglo.

Mainam na kondisyon sa loob ng bansa

Lumalala ang krisis sa pulitika at ekonomya na patuloy na yumayanig sa buong sistemang malapyudal at malakolonyal. Tumatampok na naman ang krisis sa pulitika -- kapapatalsik pa lamang sa korap na rehimeng Estrada noong Enero 2001 ay namumuro na namang mapatalsik ang korap at papet na rehimeng Macapagal-Arroyo.

Patuloy na nalalantad at nahihiwalay ang rehimeng Macapagal-Arroyo dahil sa korupsyon at sukdulang pagkapapet nito sa imperyalismong US. Sumabog nito lamang ang pagtanggap ni Macapagal at ng kanyang asawa ng P18 milyong pisong suhol mula kay Mark Jimenez gayundin ng suhol para sa kasunduan sa IMPSA. Kung si Estrada ay may Muslim foundation, si Macapagal ay may Lualhati foundation. Kaya ano ngayon ang bago?

Iisa ang katangian ng mga reaksyonaryong humahawak ng reaksyonaryong poder mula noong panahon ni Roxas hanggang kay Marcos, at mula panahon ni Marcos hanggang kay Macapagal-Arroyo. Pare-pareho silang papet ng imperyalismong US, tagapagtanggol ng interes ng mga panginoong maylupa at malaking burgesya-komprador, korapt at kurakot , anti-mamamayan at kontra-rebolusyonaryo.

Kailangang mag-ipon ng lakas ang rebolusyonaryong kilusan sa mahaba-habang panahon para tuluyang ibagsak sa pamamagitan ng armadong rebolusyon ang buong naghaharing sistema at ganap na wakasan ang serye ng mga papet, tiwali at anti-mamamayang pinuno. Habang hindi pa magawa ito ay kailangang ibunsod ang makapangyarihang kilusang masa at buuin ang malapad na nagkakaisang prente para pabagsakin nang paisa-isa ang pangunahing kaaway, ang reaksyonaryong nasa poder at pinakatuta sa imperyalismong US.

May malaking probabilidad na mapatalsik si Macapagal sa poder bago 2004. Hindi man mangyari ito, malamang na hindi na mananalo si Macapagal sa eleksyong 2004. Ngayon pa lamang ay nangangamote at kulelat na kulelat ang papet at anti-mamamayang presidente sa mga sarbey ukol sa kung sino ang iboboto ng mga tao sa pagka-presidente sa 2004. Habang patuloy na nabubulgar ang iba't ibang kaso ng korupsyon at katiwalian at habang nagpapakatuta sa mga Kano at nagiging mas mapanupil ay lalo pang itatakwil ng mamamayan si Macapagal-Arroyo.

Kahit ang pagbabago sa konstitusyon ng GRP (charter change) ay hindi malaking maasahan ni Macapagal. Malamang na si Jose de Venecia at iba pa sa Lakas-NUCD ang mas makikinabang dito.

Samantala'y nakaabang na parang buwitre ang mga reaksyonaryong anti-Macapagal na kinabibilangan nina Lacson, Enrile, Angara at iba pa na nakakaamoy na hindi na magtatagal sa poder si Macapagal .

Lumalala ang bangayan ng mga reaksyonaryo at ito'y tumatagos hanggang sa militar. Nagpapatayan na ang kampo ni Lacson at kampo ni Corpuz. Pinag-aawayan nila ang posisyon at kapangyarihan at ang malalaking kita sa droga, ismagling, kidnap for ransom, sugal at jueteng, atbp. Titindi pa ang bangayan habang papalapit ang eleksyong 2004.

Nasa likod ng matinding krisis pampulitika ang matinding krisis sa ekonomya na tumama sa silangang Asya pati na sa Pilipinas noong 1997 at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Ang krisis ekonomiko na likas sa nabubulok na sistemang malapyudal at malakolonyal at pinasasahol ng pandaigdigang krisis ang obhetibong salik na nasa likod ng pagbagsak ng rehimeng Estrada noong 2001 at ang matinding pagkakahiwalay ng rehimeng Macapagal ngayon. Walang magawa ang ipinagyayabang na husay ni Macapagal sa ekonomiks. Sadsad pa rin ang ekonomya ng bansa. Umaabot na sa higit 54 bilyong dolyar ang panlabas na utang at ito'y patuloy na pinapasan ng mamamayan. Mahigit 200 bilyong piso ang depisit sa badyet ng gobyerno at ito'y nagtatali sa mga guro't empleyado sa mababang sahod at sa kawalan o mas masamang serbisyong panlipunan. Milyun-milyon ang wala o kulang ang trabaho. Wala na ngang lupa ay pinahihirapan pa ang mga magsasaka ng importasyon na nagpapabagsak sa presyo ng kanilang mga produkto.

Ang sagot ni Macapagal-Arroyo sa mga pakikibaka at protesta ng mamamayan ayon na rin sa atas ng kanyang among imperyalista ay todong gera. Oplan Gordian Knot ang bagong tawag sa malawakang operasyon, pagpatay, pambubugbog, pananakot, paglabag sa mga karapatang tao, paniniktik at psywar operations laban sa mga rebolusyonaryong pwersa at sa mamamayan. Layunin ng mga operasyong psywar na palabasing demonyo ang NPA .

Malakas ang loob ni Macapagal na hindi ituloy ang usapang pangkapayapaan sa NDFP dahil nakatitiyak sa ayuda ng Kano sa kontra-rebolusyonaryong 'todong gera'. Paso na ayon sa gobyernong Macapagal ang panahon ng mga usapang pangkapayapaan sa mga rebelde. "Sumurender o mamatay!" ang panawagan nito sa mga rebolusyonaryong pwersa , hindi pakikipag-usap.

Nagkakamali si Macapagal sa pwersang kanyang binabantaan. Ang rebolusyonaryong kilusan ay hindi natakot at hindi sumuko sa diktador na si Marcos at sa 20-taong pasistang paghahari nito. Kay Macapagal pa ba ito susuko? Bibiguin ng rebolusyonaryong kilusan ang Oplan Gordian Knot ng rehimen.

Sa sukdulang pagkapapet sa hangad na muling maupo bilang presidente sa 2004 ay sinagasaan ni Macapagal ang Kongreso at palihim na pinirmahan ang Mutual Logistics and Support Agreement kamakailan lamang. Ito at ang naunang Visiting Forces Agreement ang nagtitiyak na libreng makapaglalabas-pasok sa bansa ang mga tropang US, libreng magagamit ang mga pasilidad sa buong bansa bilang mga baseng militar at maggagarantiya sa mas mahigpit na kontrol ng US sa AFP sa pamamagitan ng indoktrinasyon at pagsasanay at paggamit ng mga kagamitang militar na yaring US.

Umaani ng matinding galit ng mamamayan ang kapabayaan at kawalang malasakit ng rehimen sa kapakanan ng mamamayan, ang korupsyon at katiwalian nito, ang 'todong gera' at ang sobrang pagkatuta nito sa US.

Mga tagumpay sa rebolusyonaryong pakikibaka sa taong 2002

Mga tagumpay sa pagbubuo ng Partido

Patuloy na nagpapalakas ang Partido sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon. Inaarmasan ng Partido ang sarili ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang rebolusyonaryong teorya ng proletaryado, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga teoretikong pag-aaral at paggamit dito sa mga pagsisiyasat at pananaliksik, paglalagom at pagtatasa ng mga gawain. Nagsisikap ang mga kadre at kasapi na ipatupad ang wastong istilo ng paggawa ng Partido : ang pagsasanib ng rebolusyonaryong teorya sa praktika, ang pagiging malapit sa masa at pagkatuto sa kanila, at ang maagap na pagsasagawa ng pagpuna at pagpuna sa sarili. Binubuo ang mga panlipunang pagsisiyasat para gawing tuntungan sa pamumuno sa mga pakikibakang masa at sa pagbubuo ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa.

Kasalukuyang gumugulong ang kampanya para palaganapin ang mga paglilinaw ng KPKS at KTKS ukol sa gawaing masa sa kanayunan, kasunod ng matagumpay na pagkakadaos ng Pambansang Kumperensya sa Gawaing Masa sa Kanayunan sa taong ito.

Patuloy na hinahabol na 70% ng kasapian ng Partido ang mapatapos ng Batayang Kurso ng Partido (BKP) at ng Intermedyang Kurso ng Partido (IKP).

Patuloy na pinag-aaralan ang mga dokumento ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Isinasalin ang mga akda ni Mao Zedong ukol sa matagalang digmang bayan at ang mga sulatin ni Kasamang Jose Maria Sison ukol sa mahahalagang paksa tulad ng imperyalismo, sitwasyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista, at pangangailangan ng sosyalismo at kasaysayan ng pandaigdigang kilusang komunista.

Naghahanda ang organisasyon ng Partido sa rehiyon sa paglalagom ng 4 na taong karanasan mula nang idaos ang Ikalawang Kumperensyang Rehiyon at maglagom ng 17 taong karanasan noong 1998.

Sa larangan ng organisasyon, nagpapatuloy ang rekrutment ng mga bagong kasapi. Humigit kumulang sa ang inilaki ng kasapian ng Partido. Patuloy na nadadagdagan ang mga lokal na sangay ng Partido na siyang batayang yunit ng Partido. Pinalalaki ang kasapian ng mga sangay para saklawin ang pamumuno sa buu-buong baryo, komunidad at pabrika. Kasunod ng pagpapatupad ng mga Resolusyon ng kumperensyang pambansa at rehiyon sa rebolusyonaryong kilusang manggagawa, lalong sumigla ang rekrutment ng mga kasapi ng Partido mula sa uring manggagawa. Unti-unti nang napangingibabawan ang konserbatismo sa rekrutment ng Partido mula sa uring manggagawa.

Patuloy na hinahabol ang komposisyon ng mga namumunong komite ng Partido para may magmula sa uring manggagawa, sa mga intelektwal (petiburges) at sa uring magsasaka. Mabuting bagay na ang rebolusyonaryong kilusang manggagawa sa rehiyon ay tuluy-tuloy nang nakapag-aambag ng personel sa kanayunan mula sa hanay ng mga aktibista at kasapi ng Partido na napapanday sa mga pakikibakang masa sa mga pabrika at komunidad. Maging ang hanay ng mga rebolusyonaryong kabataan-estudyante ay nagsisimula nang muling mag-ambag ng mga mandirigma para sa kanayunan.

Mga tagumpay sa armadong pakikibaka

Sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan, integral na isinusulong sa kanayunan ang armadong pakikibaka, pagsusulong ng rebolusyong agraryo at pagbubuo ng baseng masa.

Mulat na binabaka ng Partido at hukbong bayan ang konserbatismong militar. Batid ng mga rebolusyonaryo na kahit na nagsusulong ng rebolusyong agraryo at nagbubuo ng baseng masa ay pwedeng mahulog sa populismo kung hindi mahaharap ang usapin ng pagwasak sa reaksyonaryong estado ng mga panginoong maylupa at malaking burges komprador.

Tampok sa mga taktikal na opensiba at labanang inilunsad ng mga yunit ng BHB laban sa AFP at PNP ang sumusunod:

  • Kubkob sa isang 5-kataong Force-Reckon Team ng 69th IB sa Mexico, Pampanga noong Agosto 16, 2002 kung saan nakapatay sa 2 tauhan ng intelligence ng kaaway at nakasugat sa iba pa. Nakasamsam ng 2 HPR at isang pistola at mahahalagang dokumento.
  • Ambus sa isang naka-sasakyang pangkat ng intelligence ng 703rd Bgde at ng PNP sa Lubao, Pampanga noong Agosto 31, 2002 kung saan nakapatay ng 4 na kaaway.
  • Reyd sa isang detachment ng 306th Police Mobile Group (PMG) sa San Rafael, Bulacan noong Setyembre 30, 2002 kung saan 2 ang kumpirmadong napatay.
  • Engkwentro sa pagitan ng isang yunit ng BHB at isang pangkat ng nag-ooperasyong tropa ng 34th Special Forces Company (SFC) ng Philippine Army sa Paombong, Bulacan noong Hulyo 3, 2002 kung saan 4 na kaaway ang napatay at dalawa ang grabeng nasugatan.

Nagtamo rin ang BHB ng sunud-sunod na tagumpay laban sa bandidong pangkat ng RHB. Ang RHB o "Rebolusyonaryong Hukbong Bayan" ang armadong pangkat ng rebisyunistang MLPP o "Marxist-Leninist Party of the Philippines" na pinamumunuan ng pangkating Bill-Olive. Kabilang sa mga krimen ng RHB sa mamamayan ang pagpatay, pambubugbog, panggagahasa, ekstorsyon, pagnanakaw, at paninira ng ari-arian. Ang mga opensiba ng BHB laban sa mga bandido ay kinabibilangan naman ng mga sumusunod :

  • Reyd at pagdurog sa isang yunit ng RHB sa Bulakan, Bulakan noong Hunyo 29, 2002 . Patay ang lider ng RHB at isa pa at nagsisuko ang iba pa. Nakumpiska ang 5 HPR, 2 bangka at mahahalagang dokumento.
  • Tatlong magkakasunod na ambus sa RHB sa Pampanga. Sa Sta. Ana noong Pebrero 14, 2002 at sa Mexico noong Marso 11 at Agosto 30, 2002. May ___ RHB ang napatay sa nasabing mga operasyon.
  • Reyd sa naka-oblag na RHB noong Nobyembre 9, 2002. Patay ang lima at kumpiskado ang ___ M-16.
  • Reyd sa isang pangkat ng RHB sa Palauig, Zambales noong Enero, 2002 sa Palauig, Zambales.

Patuloy ang panggugulo ng RHB sa mga larangang gerilya sa rehiyon. Sinasagkaan nila ang pagsusulong ng rebolusyong agraryo at iba pang kampanyang masa sa pamamagitan ng pananakot sa masa. Pinapatay nila ang mga di-armadong kasapi ng sangay at mga organisasyong masa.

Ang RHB ay espesyal na mga pwersang paramilitar ng AFP at PNP. Madali para sa huli na magpanggap bilang RHB dahil pareho lamang ang asta at gawi ng mga sundalo at ng mga bandido.

Para palakasin ang hukbong bayan, matagumpay na naisagawa ang pagsasanay pulitiko-militar sa batayang kurso para sa mga mandirigma at sa batayang kurso para sa mga opisyal para sa mga kadre militar noong Setyembre 2002. Mahigit 80 ang napatapos dito. Serye ng mga pagsasanay pulitiko-militar ang ilulunsad sa rehiyon para ihabol ang malaki-laking bilang ng mga mandirigmang walang pang pagsasanay.

Gumawa na ng mahahalagang pagsasaayos pang-organisasyon ang BHB sa rehiyon para mapangibabawan ang labis na pagkakakalat na nagdulot ng malalaking pinsala noong nakaraan. Ito at ang mas mahigpit na pagtalima sa kilos at mga tuntuning gerilya ay nagbunga ng malaking bawas sa bilang ng mga depensibang labanan at pinsala mula rito. Kailangan pang higit na pag-aralan at gamayin kung paano mas mabisang makapaglulunsad ng mga taktikal na opensiba at maasikaso ang gawaing masa at iba pang mahahalagang gawain matapos ipakat ang mga bagong pormasyon.

Sa pamumuno ng Partido at sa suporta ng Bagong Hukbong Bayan, nagtamo ng tagumpay ang masang magsasakang organisado sa PKM sa iba't ibang pakikibaka tulad ng pagpapaba ng interes sa utang o paglaban sa usura, pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang bukid, pagtataas ng hunos ng mga nakikigapas, pagpupusisyon sa lupa at paggigiit ng karapatang magbungkal ng lupa, pagsasakomunal ng mga tabon, at pagpapataas ng presyo ng palay, buho at kogon. Isinulong din ang pakikibaka para sa pagbabakod ng mga pakawalang hayop at ang pagpapatupad ng mga regulasyon para sa sanitasyon para hindi kumalat ang sakit (kaugnay ng langaw sa mga poultry). Patuloy na pinauunlad ang mga suyuan o bayanihan para mapaunlad ang produksyon.

Papatapos na ang pakikibaka ng mga magsasaka sa isang probinsya laban sa pagpapalayas sa lupang sinasaka kaugnay ng real estate development ng isang malaking burgesya komprador. Matagumpay na naigiit ng mga magsasaka ang pananatili sa ilang ektaryang sakahin na bahagi ng malawak na lupaing murang naibenta ng mga magsasaka sa developer dahil sa gipit nilang kalagayan sa panahong bago pa lamang nirerekober ng hukbong bayan ang lugar.

Ikinumpas ang mga pakikibaka para sa minimum na reporma sa lupa sa pagsusulong sa hayag ng kampanya laban sa importasyon ng bigas at para sa pagpapataas ng presyo ng palay. Dito ay mahusay na nakakaalyado ng masang magsasaka ang mga empleyado ng NFA at ang mga lokal na opisyales ng reaksyonaryong gobyerno.

Patuloy na pinalalalim at pinalalawak ang baseng masa sa kanayunan bilang pundasyon ng masigabong paglahok ng masa sa digmang bayan. Itinatayo ang organisasyong masa ng mga magsasaka, kabataan at kababaihan. Lumaki ng ang baseng masa sa kanayunan ng rehiyon. Nagpapatuloy ang mga edukasyong masa alinsunod sa kurikulum ng Pambansa Demokratikong Paaralan o PaDepa. Gayunman, sa gawaing ito ay napakalaki pa ng dapat habulin.

Mga tagumpay sa pagsusulong ng demokratikong kilusang masa sa urban

Sekundaryo sa armadong pakikibaka ngunit napakahalagang anyo ng pakikibaka ang pagsusulong ng ligal na demokratikong kilusang masa sa kalunsuran. Pangunahin sa mga ligal na mga anyo ng pakikibaka ang pagsusulong ng kilusang masa sa pamamagitan ng mga mobilisasyon at edukasyong masa at pagbubuo ng mga organisasyong masa. Ang iba pang anyo ng ligal na pakikibaka ay ang pagkilos at gawain sa mga reaksyonaryong institusyon, pakikibaka ng at para sa mga bilanggong pulitikal, dalawahang taktika sa mga eleksyong burges, at paglahok sa usapang pangkapayapaan.

Patuloy na lumalawak ang masang naaabot at napalalahok sa kilusang masa sa kalunsuran. Nasa unahan ang pambansa demokratikong sentro sa hayag ng rehiyon at ang iba't ibang ligal na pampulitikang organisasyong masa sa pagpukaw at pagpapakilos sa masa sa mga isyu ng interbensyong militar ng US at mga pinagsanib na pagsasanay militar ng mga tropang US-AFP, militarisasyon, paglabag sa mga karapatang tao, isyu ng pagtataas ng langis at gasolina, demolisyon at pagpapalayas sa mga maralitang lunsod, landfill at iba't ibang isyung sektoral.

Sa kilusang manggagawa, patuloy na iginiit ang karapatang mag-unyon at ang pagpili ng karapat-dapat na mga lider, pakikipaglaban para sa sahod at benipisyo ng mga manggagawa, paglaban sa polusyon at pagkawala ng tubig sa isang komunidad at pagpigil sa pagpapalayas sa masa sa isa pa.

Masigla sa kalahatan ang mga lokal na pakikibaka na ikinukombina at isinasabay sa mga aksyong protesta na nagdadala ng mas masasaklaw na mga isyung pampulitika. Gayunman, kailangan pang palakihin ang mga mobilisasyong masa. Ang mga mobilisasyong masa kaugnay ng mga pampulitikang pagkilos sa labas ng pabrika, eskwelahan, komunidad at opisina ay mapalalaki sa pamamagitan ng mas masinop at detalyadong pagpaplano, mahusay na build-up, masinsing propaganda at pag-aabante ng mga mapanlikhang paraan ng paggawa na napatunayang epektibo gaya noong sa panahon ng kampanya para sa party list ng 2001.

Determinado ang mga kasama sa urban na itakwil ang ligalismo at ekonomismo, at pangibabawan ang konserbatismo sa gawaing masa sa anyo ng mabagal na pagtatayo ng mga lihim na organisasyong masa at ekspansyon ng mga ito, at mabagal na pagtatayo ng mga lokal na sangay ng Partido at paglawak ng kasapian nito. Batid ng mga kasama na makapag-aambag lamang ang kilusang masa sa urban ng mas maraming tauhan para sa hukbong bayan at higit lamang mapalalakas ang ligal na demokratikong kilusan sa lunsod kung maitatayo rito ang malakas na kilusang lihim.

Nagpapatuloy ang paglalantad at paghihiwalay sa mga rebisyunista at oportunistang grupo tulad ng KPD, Makabayan, Sanlakas, BMP, MASP at Akbayan na pilit na sumisingit sa kilusang masa sa rehiyon. Sa kabuua'y mahina ang aktibidad ng mga ito ngunit hindi dapat maging kampante lalo't sa ilang eskwelahan ay sila pa ang nananalo sa eleksyon at sa ilang engklabo ng mga pabrika ay nagpipilit silang mag-organisa. Tulad sa kanayunan, ang paggapi sa mga oportunista ay sa pamamagitan ng epektibong pamumuno sa pakikibaka ng masa para sa kanilang mga lehitimong kahilingan at matatag na pagsusulong ng kilusang anti-imperyalista at antipasista.

Pinalaki na ang sirkulasyon ng Ang Bayan at Himagsik. Ang AB ay maagap na nakapaglilinaw ng pagsusuri at paninindigan sa mga pambansang isyu. Ang Himagsik ay nagkokonsentra sa mga lokal na isyu sa rehiyon. Kailangan pang paunlarin ang sistema ng koresponsal at sistema ng distribusyon para sa AB at para rin sa Himagsik upang higit na mapabilis ang paglalabas ng huli. Kailangang makasabay ang Himagsik sa mabilis na kumpas ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kanayunan at urban.

Ang ating mga tungkulin

Ang organisasyon ng Partido sa Gitnang Luzon at sa buong bansa ay nasa mahusay na posisyon para samantalahin ang mainam na sitwasyon sa loob at labas ng Pilipinas para sa pagrerebolusyon. Hawak natin ang mga aral ng Una at Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Armado tayo ng pinakaabanteng teorya sa daigdig at ng mga aral mula sa mga rebolusyong naunang nagtagumpay kaysa sa atin. Kinikilala ng malawak na masa ang ating pamumuno.

Sa harap ng armadong kontra-rebolusyon ng US at mga lokal na reaksyonaryo, armadong rebolusyon ang sagot ng Partido, hukbong bayan at mamamayan. Matagalang digmang bayan ang ating sagot sa ibayong panghihimasok at banta ng tuwirang agresyon ng US.

Dapat nating biguin ang Oplan Gordian Knot ng rehimeng US-Macapagal sa pamamagitan ng ibayong pagsusulong ng kilusang antipyudal, anti-imperyalista at antipasista sa kanayunan at kalunsuran. Dapat tayong maglunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa AFP at PNP. Ituon natin ang bira sa mga pinakasagadsaring opisyal at yunit ng reaksyonaryong militar. Ipatupad natin ang mga batayang TO sa kanayunan at ang mga espesyal na TO ng mga yunit partisano sa kalunsuran. Lalo nating pasiglahin ang pagsusulong ng minimum na programa sa reporma sa lupa at iba pang kampanyang masa bilang batayan ng malawakang pagtatayo ng mga ganap na samahang masa at mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika. Ikawing natin nang mas mahigpit ang kilusang masa at baseng masa sa kanayunan sa kilusang masa at baseng masa sa kalunsuran, hindi lamang sa mga pampulitikang pagkilos kundi maging sa tulungan sa usapin ng kabuhayan, edukasyon, literasi, kalusugan, gawaing kultura at paggigiit at pangangalaga sa mga karapatang tao at paglaban sa militarisasyon.

Abutin natin ang mga sentrong bayang nasa loob o kanugnog ng mga larangang gerilya at pamunuan ang pakikibaka ng masa roon.

Pamunuan natin ang pakikibaka ng mga manggagawa, estudyante, guro, empleyado ng gobyerno at maralitang lunsod para sa mga lehitimong kahilingan at ikawing ito sa linya ng DRB. Palawakin ang mga ligal na organisasyon habang itinatayo at pinalalakas ang mga lihim na organisasyon. Ihanda at paramihin ang mga kasapi ng Partido at aktibista na magseserbisyo sa kanayunan, lalo na yaong mula sa hanay ng mga manggagawa at intelektwal.

Ikasa natin ang makinarya para sa pagpapatupad ng dalawahang rebolusyonaryong taktika sa eleksyong 2004.

Samantalahin natin ang matinding bangayan ng mga reaksyonaryo para higit na palakasin ang mga progresibong pwersa at higit na makabig ang mga panggitnang pwersa. Itayo natin ang iba't ibang alyansa sa batayan ng mga partikular na isyu. Paunlarin pa ang relasyong bilateral at multilateral sa lihim at hayag sa iba't ibang grupo at indibidwal.

Palakasin natin ang gawaing edukasyon at propaganda sa masa. Mapangahas tayong magsubok ng mga bago at mapanlikhang paraan ng pag-abot sa milyun-milyong masa. Magpakahusay tayo sa tit for tat na propaganda lalo na sa harap ng pinatinding psywar operations ng kaaway.

Itayo natin ang makinarya ng Partido para sa edukasyon at instruksyon para tuluy-tuloy na maipatupad ang mga kurso ng Partido.

Ilang ulit nating palakihin ang Partido, ang hukbong bayan at ang mga organisasyong masa para magampanan ang papalaki nang papalaking mga tungkulin sa rebolusyon.

Ang ating Partido ay napanday na sa 34 na taon ng mahirap na rebolusyonaryong pakikibaka. Di hamak na mas malakas tayo ngayon kaysa noong 1968 nang muling katatayo pa lamang at noong 1992 nang kagagaling sa dekadang paglihis. Hawakan natin ang ating mga tagumpay at pangibabawan ang mga pagkakamali at kahinaan. Matagalan ang digmang bayan pero nasa sa atin kung paanong ang kasalukuyang abanteng subyugto ng estratehikong depensiba ay maitataas na natin sa bago at mas mataas na yugto. Pangibabawan natin ang konserbatismo at kabagalan. Mangahas tayong sumulong nang mas mabilis, mas matatag at mas komprehensibo sa gitna ng matinding krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng sistemang malapyudal at malakolonyal sa Pilipinas.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Marxismo-Leninismo-Maoismo!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino at lahat ng mamamayan sa daigdig na lumalaban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon!
###

[Download RTF]

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.