Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
   

Hinggil sa Pag-aalsa sa Oakwood: Isang mas malalim at malawak na pagtingin

Martin Montana
Chadli Molintas Command
New People's Army
Ilocos-Cordillera Region
Agosto 20, 2003

Desperado ngayon ang rehimeng Arroyo sa pagsisikap na takpan ang mga katiwalian na ibinulatlat ng mga rebeldeng sundalo. Nais palitawin ng rehimen na ang mga rebelde ay mga pawang mga bata na nag-aalburoto lamang at kailangang maparusahan.

Sa totoo lang, si Lt SG Antonio Trillanes IV at ang mga kasamahan niyang rebeldeng sundalo ay dapat purihin sa kanilang tagumpay sa pagtindig at paglabas para kumpirmahin ang luma nang balita at komon na kaalaman ng taumbayan hinggil sa katiwalian sa loob ng AFP at gobyerno. Subalit ang kanilang tagumpay ay nabahiran ng kabiguan sa pagkamit sa kanilang pangunahing layunin: ang pagbabago sa loob ng AFP at gobyerno.

Ang kabiguang ito ay mauugat sa kapos at maling pagsusuri nila sa mga problemang salot sa lipunang Pilipino, at ang kaakibat na kabiguan nilang tukuyin ang tumpak na solusyon sa mga problemang ito. Maling diyagnosis, maling solusyon. Hindi nila nabatid na ang problema sa ating lipunan ay hindi lamang korupsyon ng mga indibidwal na heneral o isang Presidente na nag-uutos ng pagpapasabog sa mga sibilyan saka ibibintang sa MILF at NPA para makakuha ng pondo mula sa US. Ang problema ng korupsyon ay likas sa sistema ng lipunang Pilipino kung saan ang buong makinarya ng estado ay kontrolado ng mayayaman, sakim, mapang-api, mapagsamantalang mga uri na dinidiktahan ng imperyalismong US.

Ang ganitong problema ay hindi malulutas sa pamamagitan ng pagpapatanggal lamang kay Presidente Arroyo at Secretary of National Defense Hen. Angelo Reyes, kundi sa pamamagitan ng radikal na pagbabago sa buong sistema ng ekonomya, pulitika, at sosyo-kultural. Hindi natuto o natandaan nina Trillanes ang tunay na aral ng Edsa I at II: palitan mo man ang Presidente ng isandaang beses pero kung ang buong sistema ay nananatili, walang pagbabagong mangyayari.

Habang nagpapatuloy ang dominasyon ng US, burukratikong korupsyon, at atrasadong ekonomyang agrikultural sa Pilipinas, magpapatuloy rin ang masang Pilipino sa kahirapan, pagkaalipin, at pagsasamantala. Magpapatuloy ang bansang Pilipinas na kabilang sa pinakaatrasado, miserable, at kahabag-habag na di-industriyalisadong bansa sa mundo.

Ang mga ideyalistang rebeldeng sundalo ay nabigo dahil sa maling pagtukoy nila ng isyu. Ang isyu ay hindi ang pagbebenta ng mga tiwaling heneral ng armas at bala sa MILF at NPA. Ang isyu na dapat tanungin nina Trillanes at lahat ng mga tapat na opisyal at kawal ng AFP ay ito: para kanino ako lumalaban? Sino ang tunay na kaaway? Kanino ako naglilingkod kapag inuutusan akong maglunsad ng mga operasyong militar laban sa mga sibilyan na pinaghihinalaang sumusuporta sa NPA o MILF, kapag inuutusan akong bombahin ang mga mosque at iba pang instalasyong sibilyan?

Nananawagan ang Chadli Molintas Command sa lahat ng tunay na makabayan at makataong opisyal at sundalo ng AFP at PNP na magbalik-aral sa aktwal na papel ng militar at pulis sa kasaysayan ng Pilipinas, hindi sa punto-de-bista ng kasalukuyang mga teksto na kiling sa panig ng naghaharing uri, kundi sa punto-de-bista ng masang Pilipino. Sa tapat at malalim na pag-aaral sa kasaysayan, mabubunyag na ang militar at pulis ay palagiang kasangkapan at mersenaryong binabayaran para ipagtanggol ang bulok na sistema na pinaghaharian ng mga malalaking panginoong maylupa at komprador kapitalista sa ilalim ng dikta at interes ng imperyalista, at para supilin ang mga mamamayang lumalaban para sa tunay at radikal na pagbabago, para sa rebolusyon.

Para matukoy kung sino ang tunay na kaaway at kaibigan, kailangang iwaksi ng mga opisyal at kawal ng AFP at PNP ang kanilang mga maling akala at bulag na paniniwala na itinanim sa kanilang isipan ng mga anti-Komunista at anti-Muslim na propaganda. Kailangang hanapin nila ang katotohanan kung bakit ang malawak na masa ng sambayanan ay bumabaling sa rebolusyon, kung bakit karamihan ng masa ay walang tiwala at napopoot sa AFP at PNP. Kailangang matutunan nila na ang ilang dekada nang giyera sibil sa ating bansa sa pagitan ng gobyerno at rebolusyonaryong pwersa ng sambayanan ay mauugat sa historikal na di pagkakapantay-pantay ng mahihirap at mayayaman. Malalaman nila na ito ang nagtutulak sa mamamayan para magrebolusyon, magbuo ng sarili nilang hukbo, at kumalaban sa AFP na mersenaryong hukbo ng mga mayayaman. At malalaman nila na ang mga mamamayan ay hindi nalilinlang, bagkus ay mulat sila sa tumpak na pagsusuri sa mga problema sa lipunan, batid nila na rebolusyon ang tanging wasto at di maiiwasang solusyon, at kilala nila kung sino ang tunay na kaaway at kaibigan.

Pinakahuli at pinakamahalaga, nabigo ang mga rebeldeng sundalo dahil mali ang napili nilang alyado. Imbes na sa sambayanang Pilipino sila nagtiwala, umasa sila sa suporta ng isang napatalsik at kurakot na Presidente at isang rebeldeng opisyal na naging Senador, na pawang kabilang din sa mapagtaksil na naghaharing uri. Kayat ang hilaw na ideyalismo ng mga batang opisyal ay namantsahan, ang pangunahing isyu nila hinggil sa korupsyon ng AFP at terorismo ng gobyerno ay isinantabi ng Feliciano Commission at ng Senado na nangungulit hinggil sa sekundaryong isyu ng kung saan nakuha ng mga rebelde ang kanilang pondo at suporta.

Kahitpaman nagmumula sa marangal na intensyon, ang isang kudeta, mutiny, o junta militar ay hindi kailanman magtatagumpay kung wala ang suporta ng malawak na masa ng mamamayang Pilipino. Ang hilaw na ideyalismo nina Trillanes ay magkakabunga lamang kung ito ay napanday sa mapagpakumbabang pagkilala na kung wala ang suporta at partisipasyon ng masa, anumang adhikain ay mabibigo. Para matamo ang tunay na pagbabago sa lipunan, dapat seryosyong pagisipan at pag-aralan ng mga opisyal at kawal ng AFP at PNP ang opsyon ng pambansademokratikong reboluson, at ang superyor na estratehiya at taktika ng matagalang digmang bayan.

Bilang panimula, ang mga opisyal at kawal ng AFP-PNP na may sariling pag-iisip ay di dapat magpalimita sa National Recovery Program (NRP) ni Gringo Honasan na naglalaman ng mababaw at halo-halong kalamay ng mga malabong pahayag na hindi wastong tumutukoy o lumulutas sa mga ugat ng problema sa lipunang Pilipino. Sa halip, mas mainam na pag-aralan nila ang LRP - Lipunan at Rebolusyong Pilipino na isinulat ni Amado Guerrero. Bagamat naisulat ang LRP noong 1970, ang mga pahina nito ay patuloy na dumadagundong sa tamang pagsusuri at solusyon sa mga problema sa ating lipunan.

Ang mga opisyal at kawal ng AFP-PNP na nakababatid sa katumpakan ng rebolusyon ay lubos na tinatanggap. Pwede silang sumapi sa NPA at maglingkod sa masa, o sumapi sa Lt. Crispin Tagamolila Movement (LCTM), isang lihim na organisasyon ng mga naliwanagang mga opisyal at kawal ng AFP at PNP na sumusuporta sa pambansa demokratikong rebolusyon. Ang lihim na organisasyong ito ay naitayo noong 1970s at pinangalanan sa isang dating opisyal ng Philippine Army na sumapi sa NPA. Ilang taon na ring tumutulong sa CPP-NPA ang mga kasapi ng LCTM sa pamamagitan ng pagpapasa ng mahahalagang impormasyon at suporta.

Ang pag-aalsa ng mga rebeldeng sundalo ay isang panlipunang bulkan na naghihintay na sumabog. Nagresulta ito at nagsasalamin sa talamak na krisis sa lipunang Pilipino. Ang katiwalian sa Ehekutibo, Lehislatibo, at Hudikatura ay komon na kaalaman ng taumbayan. Gayundin sa korupsyon at terorismo ng militar at pulisya na umabot sa sukdulan, kung saan pati mga opisyal at kawal ay handa ngayong itakwil at labanan ang gobyerno. Maaasahan natin ang mas marami pang panlipunang lindol na yayanig sa aroganteng republika ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang nagsindi sa pagputok ng pag-alsa sa Oakwood ay iilang mabubuting sundalo na hindi na makasikmura sa kabulukan ng AFP. Nananawagan ang Chadli Molintas Command sa lahat ng mabubuting tao hindi lang sa militar at pulisya kundi pati na rin sa gobyerno na lumabas at isiwalat ang kabulukan sa kani-kanyang departamento.

Ngunit isang paalala lamang. Tutugisin at sisiraan ng gobyerno ang sinumang magtangkang magbunyag sa mga katiwalian. Sa mga panahong ito, dalawa lang ang maaaring pagpilian: lumaban nang nag-iisa at mabigo, o lumaban na kabalikat ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino at magmartsa tungo sa tagumpay.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.