Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
Read media release   

Tugon kay G. Rigoberto Tiglao

Benito Tiamzon
Wilma Austria
Senior CPP Members
Nobyembre 12, 2002

Hayagan naming tinatanggihan ang mapagkunwaring alok ni G. Rigoberto Tiglao na makipag-usap sa amin hinggil sa kapayapaan habang kasabay nito'y gumagawa siya ng mumurahing pagbatikos sa rebolusyonaryong kilusan at mga pinuno nito, pangunahin na kay Kasamang Jose Ma. Sison, at pangungutya sa aming patuloy at walang pag-aalinlangang komitment sa demokratikong pakikibaka ng sambayanan.

Ang laro ni G. Tiglao sa midya ay isa lamang pakanang saywar, isang bahagi ng bayarang trabaho niya para sa papet na pangkating Macapagal. Pinakamababa ang pagpapahalaga ngayon ni Tiglao sa kapayapaan man o sa pakikipagkaibigan habang dibdiban na niyang katrabaho ang klase nina Blas Ople, Angelo Reyes at Roilo Golez sa pagpapakulo ng saywar, pagpapasama sa rebolusyonaryong kilusan, pagwasak sa usapang pangkapayapaan at pagpapatindi sa armadong kontrarebolusyon nang may papalaking lantaran at pailalim na tulong at interbensyon ng mga pwersang US.

Matatag naming pinaninindigan ang prinsipyadong posisyon ng rebolusyonaryong kilusan na ang anumang seryoso at sinserong pagsisikap para isulong ang prosesong pangkapayapaan ay nararapat lamang sumunod sa mga kasunduang nilagdaan ng GRP at NDFP simula pa noong 1992 hinggil sa kondukta ng usapang pangkapayapaan. Kabilang sa mga ito ang The Hague Joint declaration (Setyembre.1, 1992), ang Breukelen Joint Statement (Hunyo 14, 1994), Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Pebrero 24, 1995), ang Joint Agreement on the Ground Rules of the Formal Meetings Between the GRP and NDFP Negotiating Panels (Pebrero 26, 1995), at ang Joint Agreement on the Formation, Sequence and Operationalization of the Reciprocal Working Commitees (RWCs) Hunyo 26, 1995). Kailangan din nitong igalang ang Comprehensive Agreement for Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at itulak ang implementasyon nito.

Naninindigan kami katulad ng matatag na naninindigan ang NDFP na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP ay dapat isagawa sa pinakamataas na antas sa pamamagitan ng awtorisadong negotiating panel ng NDFP at anumang tangkang ikutan ito ay nangangahulugan ng pagkakasangkapan lamang sa usapang pangkapayapaan para sa taktikang divide and rule laban sa rebolusyonaryong kilusan, sa halip na paghahanap ng tunay na solusyon sa mga tunay na ugat ng armadong tunggalian.

Ikinalulungkot namin ang kampanyang pangmidya ng papet na pangkating Macapagal upang palabasin na terorismo ang lehitimong paggigiit ng sambayanang Pilipino sa karapatan nitong lumaban sa imperyalistang pangungulimbat at paniniil, pasistang panunupil at pyudal na pagkaatrasado at kabulukan..

Hindi kami nawawalan ng loob sa banta ng imperyalismong US at mga lokal na papet nito na magpakawala ng higit pang malalaking kontrarebolusyonaryong pwersa at panunupil laban sa mga rebolusyonaryong pwersa. Ipinakikita ng kanilang pagkahilong-talilong ang kanilang panic sa lumalalim na krisis ng internasyunal na kapitalistang sistema, lumalawak na kawalang kasiyahan sa lipunan at pagkaligalig sa buong mundo at tuluy-tuloy na paglawak ng mga rebolsyonaryong pwersa sa bansa bilang resulta ng matagumpay na Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

Hindi namin pinanghihinayangan ang mga dekada ng mahirap na pakikibaka na kinailangang daanan namin at ng iba pang mga rebolusyonaryo ni panghinaan ng loob ng mahahabang mga taon pa ng pakikibaka na dapat pang pagpunyagian upang makamit ang tunay na pambansang kasarinlan at demokrasya. Naiintindihan namin noon pa man na ang landas ng matagalang digmang bayan ang siyang tanging wastong landas tungo sa pambansa at panlipunang pagpapalaya. At ang pagiging kapiling ng masa sa pakikibaka upang ibagsak ang mapang-api at mapagsamantalang sistema ay nagpapalakas sa aming rebolusyonaryong buhay at sigla.###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.