Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
   

Isulong ang sandatahang rebolusyon sa isang bago at mas mataas na antas (mensahe ng pagbati sa lahat ng kasama)

Armando Liwanag
Chairman
Central Committee
Communist Party of the Philippines
Disyembre 26, 1996

Sa ngalan ng Komite Sentral, ipinaaabot ko ang pinakamainit na mapagkasamang pagbati sa lahat ng kadre at kasapi ng Partido sa okasyon ng ika-28 anibersaryo ng muling-pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa teoretikal na batayan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong.

Binabati ko kayo sa lahat ng inyong tagumpay sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Pinalalawak at pinatatatag natin ang baseng masa upang maisagawa ang pambansang demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Taglay natin ang kumpyansa upang pamunuan ang pagpapatindi ng pakikidigmang gerilya at kilusang masa.

Ipinagdiriwang natin ang ating mga makabuluhang tagumpay at ipinaaalingawngaw ang mga ito. Huwag nating bigyang-puwang ang pagiging kampante. Gawin nating inspirasyon ang ating mga tagumpay upang ipursige nang may higit pang lakas at sigla ang rebolusyonaryong pakikibaka. Patuloy nating paghusayin ang ating estilo ng mapunyaging pagkilos at puspusang pakikibaka. Patuloy nating iwasto at pangibabawan ang ating mga kamalian at pagkukulang sa pamamagitan ng mapagkasamang pagpuna at pagpuna-sa-sarili. Magkaisa tayo nang higit pa kaysa rati at kumilos nang may ibayong pagsisikap upang maisulong ang rebolusyong Pilipino.

I. Lahatang-Panig na Tagumpay ng Partido

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay higit pang lumalakas habang patuloy itong nagkakamit ng lahatang-panig na mga tagumpay sa ideolohiya, pulitika at organisasyon sa gitna ng pagtupad ng mga kritikal at mapanlikhang tungkulin sa kilusang pagwawasto.

Ang lahat ng kadre at kasapi ay matatag na humahawak sa pang-ideolohiyang linya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Itinataguyod at sinisikap nilang ilapat ito sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas at sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino. Natututo sila ng mahahalagang aral mula sa mayamang kalipunan ng positibo at negatibong karanasan ng 28-taong patuloy na rebolusyonaryong pakikibaka.

Sinusubok at pinapanday nila ang kanilang sarili sa lahatang-panig na rebolusyonaryong pakikibaka laban sa mga imperyalista at mga lokal na reaksyunaryo, at laban din sa mga subhetibista, rebisyonista at mga "Kaliwa" at Kanang oportunista. Sa paggamit sa Marxista-Leninistang paninindigan, pananaw at paraan, paulit-ulit silang dumaraan sa diyalektikal na proseso ng pag-aaral at praktika.

Bunga ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, tumataas ang pang-ideolohiyang antas ng buong kasapian ng Partido at umuunlad ang kanilang pagtupad sa rebolusyonaryong tungkuling maglingkod sa sambayanan. Nasa ubod ng Partido ang mga dati at bagong kadre na natututo at nagsasanay sa takbo ng kilusang pagwawasto at ng rebolusyonaryong pakikibaka laban sa kaaway.

Tumpak na naninindigan ang Partido laban sa modernong rebisyonismo at sa mga naglalandas-kapitalismo sa ibang bayan kung saan matagal nang pinagkanuluan ang sosyalismo. Nakamit ng Partido ang paggalang ng ibang mga proletaryong rebolusyonaryo sa buong mundo sa pamamagitan ng inilulunsad nitong kilusang pagwawasto at pagpapaliwanag ng Marxista- Leninistang pusisyon para sa sosyalismo laban sa modernong rebisyonismo sa harap ng imperyalistang opensiba sa ideolohiya at pulitika.

Dalawang mahalagang yugto ang dinaanan na ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Ang una ay ang pagtukoy, pagpuna at pagtakwil sa malalaking kamalian at pagkukulang na pananagutan ng sentral na pamunuan. Ang ikalawa ay ang pagharap sa mga kamalian at pagkukulang na nagmumula sa antas ng mga partikular na organo at yunit, mayroon man o walang impluwensya ng mga kamalian at pagkukulang mula sa itaas.

Pinayayaman ng diyalektikal na ugnayan ng dalawang yugto ang buhay na pag-aaral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Kabilang sa prosesong ito ang inisyatiba ng Komite Sentral at mga mababang organo ng pamumuno. Lalo pang napaunlad ang prosesong ito sa paglisan ng mga ayaw-magwastong oportunista at likidasyonista. Ang mapagkasamang pagpuna at pagpuna-sa-sarili ay itinataguyod bilang isang siyentipikong paraan upang maitaas ang antas ng pagkakaisa at ang kahandaan at kakayahang makibaka ng buong Partido at ng sambayanan.

Masiglang isinasagawa ang mga pormal na kurso ng Partido sa batayan, intermedyo at sulong na antas. Ang mga organo at yunit ng Partido ay kumukuha ng batayang kurso ng Partido at ang mga kadreng pangrehiyon naman ay kumukuha ng intermedyong kurso. Lahat ng organo at yunit ng Partido ay ginaganyak na sumulong sa pagbabasa at pag-aaral ng mga tekstong Marxista- Leninista. Ang mga tekstong ito ay pinararami at ipinamamahagi sa tulong ng mga tradisyunal at makabagong paraan.

Matatag at militanteng sinusunod ng lahat ng kadre ng kasapi ng Partido ang pangkalahatang linya ng bagong-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan alinsunod sa pagsusuri na ang lipunang Pilipino ay malakolonyal at malapyudal sa panahon ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon. Hawak ng proletaryado ang pamumuno sa uri at sosyalismo ang tinatanaw.

Kasama ng malawak na masa ng sambayanan, ang Partido ay sumusunod sa pampulitikang linya ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya upang ibagsak ang sandatahang lakas ng naghaharing sistema ng malaking burgesyang komprador at uring panginoong maylupa at gapiin ang mga amo nilang imperyalista, pangunahi'y imperyalismong EU at Hapones. Ang rehimeng Ramos ang kasalukuyang pangunahing kinatawan ng naghaharing sistema. Ito ang kaaway na nagpapatindi ng pang-aapi at pagsasamantala sa malawak na masa ng sambayanan.

Ang linyang pampulitika ay pinatatalas ng matatag na rebolusyonaryong pakikibaka hindi lamang laban sa karahasan at panlilinlang ng rehimeng EU-Ramos kundi laban din sa "Kaliwa" at Kanang oportunismo at sa mahirap itagong kontrarebolusyonaryong linya ng mga taksil at iba't ibang tipo ng mumunting grupo ng mga antikomunistang petiburges na ginagamit ng kaaway sa sikolohikal na pakikidigma laban sa ating Partido sa "low-intensity conflict" na sulsol ng Estados Unidos.

Sa pamamagitan ng wastong linyang pang-ideolohiya at pampulitika, nagpapalakas ang Partido bilang sulong na destakamento ng proletaryado at sulong na taliba ng rebolusyong Pilipino. Sa pamamagitan ng pamumuno sa Bagong Hukbong Bayan, ibinubukod ng PKP ang sarili sa prinsipyo at praktika sa lahat ng nagkukunwaring Kaliwa pero nanananganan sa isang repormistang pusisyon laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Bunga ng kilusang pagwawasto, pinalalawak at pinalalalim ng mga kadre at kasapi ng Partido ang rebolusyonaryong baseng masa, binabawi ang maraming lugar na nawala bunga ng mga "Kaliwa" at Kanang oportunistang kamalian, at binubuksan ang mga bagong lugar. Ang baseng masa, higit kailanman, ay handa para sa pagpapatindi ng pakikidigmang gerilya. Ang mga pangrehiyong komite ng Partido at ang mga komand ng larangang gerilya ay kayang magbuo, magsanay at mamatnugot sa mga panlabang yunit para magsagawa ng mga taktikal na opensiba sa pamamagitan ng pleksibleng taktika.

Sa gabay ng sentral na pamunuan at mas maagap na direksyon ng mga panrehiyong komite ng Partido, ang mga komand ng larangang gerilya ay may kayang mangalap ng mga tumpak na impormasyon upang makatuklas o kaya'y makalikha ng mga pagkakataon para sa mga taktikal na opensiba at magtakda ng mga mandirigma para sa ubod ng mga panlabang yunit, irelyebo sila nang pana-panahon sa gawaing panlaban at gawaing masa at dagdagan ang kanilang lakas sa pamamagitan ng maliliit na yunit o mga mandirigmang siyang higit na nakakaalam sa target at mga kaukulang kalagayang sosyal, pulitikal at pisikal.

Sa takbo ng kilusang pagwawasto, isinasagawa ng Bagong Hukbong Bayan ang mga taktikal na opensiba at iba pang armadong operasyon at kampanya bilang estratehikong pagtatanggol sa mga mamamayan at pagtiyak ng pagsulong ng rebolusyonaryong gawaing masa. Alinsunod sa mga kahilingan ng masa, napapanahon nang itaas ang antas ng rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka alinsunod sa kakayahan ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng masa. Ang BHB ay dapat magsagawa lamang ng mga taktikal na opensibang kayang ipagtagumpay, at dapat nitong pasuntukin sa hangin ang kaaway kapag nakalalamang at di-kayang talunin ang pumapasok nitong pwersa.

Ang reporma sa lupa ay ipinatutupad bilang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon. Malakas na isinusulong ang minimum na programa sa reporma sa lupa: pagbawas ng upa sa lupa, pagpawi sa usura, pagtataas ng sahod ng mga manggagawang-bukid, pagtataas sa presyo ng produktong-bukid at pagpapaunlad ng produksyon. Kailangang isagawa ito nang malawakan, lalo na sa mga bagong bukas na lugar at sa mga binabawing lugar na nawala ang mga dating tagumpay sa reporma sa lupa. Sa ilang lugar lamang naibaba ang upa hanggang sa 10 porsyento ng ani. Sa mas marami pang lugar ay dapat muling buhayin o kaya'y gawin sa unang pagkakataon ang antipyudal na pakikibaka.

Ang pansamantalang organo ng kapangyarihang pampulitika, ang komiteng pang-organisa ng baryo, ay isang paraan ng mabilis na pagpapalawak, pagkatapos ng gawaing kontak at pagsisiyasat na panlipunan. Dito'y agad inuumpisahang ipabalikat sa mga hinirang na kinatawan ang kanilang mga tungkulin, gayundin ang proseso ng pagpapatatag, na sumasaklaw sa pagbubuo ng mga organisasyong masa at pagsasagawa ng mga kilusang masa bilang paghahanda para sa mga regular na halal na organo ng kapangyarihang pampulitika at pagbubuo ng mga lokal na sangay ng Partido.

Inilulunsad ang mga kampanyang masa upang pawiin ang kawalang-kayang magbasa at magsulat (illiteracy) at patakbuhin ang rebolusyonaryong edukasyon, organisahin at pakilusin ang masa, sanayin ang mga yunit ng milisya at pagtatanggol-sa-sarili, paunlarin ang produksyon at mga pandagdag na pagkakakitaan, mangulekta ng kontribusyon at buwis, pangalagaan ang kalusuga't kalinisang-bayan, lutasin ang mga hidwaan sa hanay ng mga mamamayan at likhain ang isang malusog na buhay-kultura. Alinsunod sa hinihingi ng kalagayan sa pulitika't seguridad, ang mga komiteng rebolusyonaryo ng baryo ay maaring ihalal ng mga kinatawan ng mga organisasyong masa o kaya'y tuwirang ihalal ng mga taga-baryo.

Malaki ang iniunlad ng legal na demokratikong kilusang masa sapul nang magsimula ang kilusang pagwawasto. Lumalawak at tumatatag ang mga organisasyon at alyansang masa na naninindigan sa pambansa at demokratikong linya. Sila ang nasa pangunang hanay ng pakikibaka laban sa pang-aapi at pagsasamantalang pinaiiral ng rehimeng EU-Ramos.

Ang mga manggagawa, magsasaka, maralita sa lunsod, mga etnikong minorya, mangingisda, estudyanteng kabataan, propesyonal, makabayang negosyante, relihiyoso at iba pang mamamayan ay lumalahok sa mga militanteng aksyong masa sa mga isyung pang-uri at pansektor, gayon din sa mga isyung pambansa at pandaigdig. Ngayong mas marami nang kadre at kasapi ng Partido ang nasa batayang antas at nagsasabalikat ng mabibigat na gawaing masa sa lunsod at kanayunan, napaiiral ng Partido ang pamumuno nito sa kilusang masa at nailulunsad ang mga aksyong masa at kampanyang masa batay sa pag-asa sa sarili nitong lakas.

Mula noong 1992, lalo na noong nakaraang taon, ipinamalas ng Partido ang malaking paglakas ng organisadong masa at pinasinungalingan ang ipinangangalandakan ng mga imperyalista, reaksyunaryo at repormista na ang masa ay tumatalikod na raw sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya na pinamumunuan ng Partido.

Mabisa ang koordinasyon sa pagitan ng rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka na siyang pangunahing anyo ng pakikibaka upang ibagsak ang naghaharing sistema, at ng legal na pakikibaka na siyang pangalawa subalit di-maisasantabing anyo ng pakikibaka upang harapin ang kaaway sa sarili niyang kuta sa kalunsuran at mga pangunahing daanan. Masiglang ipinalalaganap ng legal na demokratikong kilusan ang rebolusyonaryong mensahe sa buong bayan.

Dahil sa mabilis na polarisasyon ng mga uri sa Pilipinas, higit pang mapauunlad ng Partido ang nagkakaisang prente sa pagsuporta sa rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka laban sa kaaway. Mapalalakas ang saligang alyansa ng masang anakapawis, ang alyansa ng mga saligang pwersang rebolusyonaryo (kabilang ang petiburgesya sa lunsod), at ang alyansa ng mga positibong pwersa (kabilang ang panggitnang burgesya). Higit pa rito'y masasamantala ng Partido ang hidwaan sa hanay ng mga reaksyunaryo. Ang layunin ay ihanay ang pinakamalawak na kalipunan ng mga pwersa upang ihiwalay at lipulin ang kapangyarihan ng kaaway.

Itinataguyod ng Partido ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Ito ay sentralisadong pamumuno batay sa demokrasya, at demokrasyang ginagabayan ng sentralisadong pamumuno. Umiiral kapwa ang disiplina at demokrasya laban sa rebisyonismo at likidasyonismo at sa burukrasya at ultrademokrasya.

Ang Partido ay nakapagpapasanib ng maraming kandidatong kasapi at ganap na kasapi mula sa hanay ng mga sulong na aktibista sa kilusang masa sa lunsod at kanayunan. Patuloy itong lumalakas sa buong bansa at mahigpit itong nakakawing sa masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka.

Lumalaki ang bilang ng mga kasapi at kandidatong kasapi ng Partido mula sa hanay ng mga manggagawa at kabataang may pinag-aralan na tumutungo sa kanayunan upang magsilbi sa Bagong Hukbong Bayan o kaya'y bilang mga kadre sa hanay ng masang magsasaka sa komunidad. Kasabay nito, sinusubok at pinapanday naman ng sumisiglang legal na demokratikong kilusang masa ang parami nang paraming aktibistang masa mula sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, kabataang may pinag-aralan, kababaihan, etnikong minorya at iba pang mamamayan, at inihahanda silang maging mga kandidatong kasapi at ganap na kasapi ng Partido.

Sa pagkakatanggal ng mga ayaw-magwastong oportunistang taksil at traydor, lalong lumusog at lumakas ang Partido at kilusang masa. Kung nakapangyari ang mga oportunista, nasira na sana ng mga walanghiyang ito ang Partido mula sa loob. Nakaladkad na sana nila ang Partido sa kinasapitan nila ngayon -- sa pagiging mga kolaborador ng rehimeng EU-Ramos. Ang kawastuan ng kilusang pagwawasto ay pinatutunayan hindi lamang ng mga maalingawngaw na tagumpay ng Partido kundi pati ng lantarang pagkabulok ng ilang tinanggal o kaya'y umalis sa Partido.

Upang maipahayag sa publiko ang katayuan ng kanilang gawain, ang lahat ng sentral na organong istap at panrehiyong organo ng Partido ay tinatawagang magsumite sa Komite Sentral, sa loob ng susunod na tatlong buwan, ng borador ng isang komunikeng may lima hanggang sampung pahina na nag-uulat ng kanilang mga tagumpay sa ideolohiya, pulitika at organisasyon, mga mayor na problemang nalutas na o kaya'y nilulutas pa, sa kani-kanilang larangan ng responsabilidad sapul nang magsimula ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, partikular sa taong 1996. Ang mga komunikeng ito ay ilalathala sa Rebolusyon o sa Ang Bayan.

II. Bangkarote at Mabuway na Katayuan ng Naghaharing Sistema

Ang kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng paghahari ay patuloy na lumalalim at lumulubha. Nagsisilbi itong matabang lupa sa higit pang paglakas ng mga subhetibong pwersa ng bagong-demokratikong rebolusyon. Ang higit pang tumitinding pagsasamantala at pang-aapi ay nagtutulak sa malawak na masa ng sambayanan na maglunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Higit pang sumasama ang ekonomyang Pilipino dahil sa walang habas na kasakiman ng mga dayuhang monopolyo at ng mga katutubong mapagsamantalang uri ng malalaking komprador at panginoong maylupa. Ang rehimeng EU-Ramos ay sobrang sunud-sunuran sa mga neokolonyal at neoliberal na dikta ng mga imperyalistang EU, Hapones at iba pa, sa tuwirang paraan o kaya'y sa pamamagitan ng mga multilateral na ahensyang gaya ng IMF, World Bank at WTO.

Malinaw na kasinungalingan ang pangako ng rehimen na gagawing isang bagong industriyalisadong bayan at isang "new economic tiger" ang Pilipinas pagsapit ng 2000. Sa katunayan, ang mga patakaran ng liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan, deregulasyon at pribatisasyon ay pawang humahadlang sa kaunlarang industriyal at nagpapalubha sa agraryong katangian at pagkaatrasado ng bayan.

Hindi tulad ng Taiwan at South Korea noong panahon ng "malamig na digma" o cold war, ang Pilipinas ay walang ibinibigay na proteksyon sa mga pamumuhunan ng estado at ng lokal na pribadong sektor, walang isinasagawang reporma sa lupa, at walang naipon o hindi gumagamit ng naipon upang magtayo ng mga saligang industriya. Ang Pilipinas ay nahaharap ngayon sa isang pandaigdig na krisis ng sobrang produksyon ng mga low-valued added na produkto ng manupakturang pang-eksport; sa umiimpis na konsumo sa nakabalahong ekonomiya ng mga industriyal na bayang kapitalista; at sa kampanyang-eksport ng Estados Unidos sa halos lahat ng tipo ng manupaktura, kabilang ang mga pangkomsumong produktong elektroniko at tela.

Ang diumanong mahigit na 5 porsyentong bilis ng paglaki ng GDP at mahigit na 7 porsyentong bilis ng paglaki ng GNP sa Pilipinas ay hindi nangangahulugan ng kaunlarang industriyal o ng anumang pagtaas ng pamantayan ng pamumuhay. Sa katunayan, sa paglaki ng GDP at GNP, lalo namang napagsasamantalahan at nagdaralita ang lubos na nakararami sa mga mamamayan.

Ang mga malakihang datos na ito ay pinalolobo ng gastos sa importasyon ng kalakal para sa lokal na konsumo at manupakturang nakatuon sa eksport; ng dobleng kwenta sa kita ng eksport at remitans ng mga kontraktwal na manggagawa sa ibayong dagat; ng malaking bulang likha ng ispekulasyon sa estado real at pribadong konstruksyon; ng mataas na gastos sa importasyon ng mga kagamitan sa enerhiya, transportasyon, telekomunikasyon at kompyuter na pang-upisina; ng kita mula sa pagbibili ng mga ari-arian ng estado; ng tumataas na pasaning buwis at utang; ng pinababang kwenta ng implasyon; at ng nakagawiang palsipikadong tantya sa brutong produksyon sa agrikultura, industriya at serbisyo.

Hindi maaring magkaroon ng kaunlarang industriyal hanggat walang itinatayong mga saligang industriya at sa halip ay lalo pang pinalalaki ang porsyento ng mga manupakturang inaangkat kaysa sa nakaraan, at hanggat walang isinasagawang reporma sa lupa liban sa mga pabalat-bungang ginawa sa nakaraan at sa halip ay ginagamit ang napakaraming luma at bagong pakana upang pabilisin ang pagpapalawak ng pag-aaring lupain. Maging ang mga imprastruktura (lansangan, tulay at iba pa) ay nangabubulok at hindi sumasapat dahil sa ang pondo ay nauuwi sa mga mas di-produktibong paggastos, gaya ng nabanggit sa pagtukoy sa nilalaman ng GDP at GNP.

Ang manupakturang palaasa sa importasyon at para sa panloob na konsumo at ang produksyong agrikultural (bigas, mais, asukal at niyog) ay isinasapanganib at tinatagpas ng liberalisasyon sa importasyon. Ang buong sektor ng serbisyo, mula sa pagbabangko at kalakalang-tingi (retail trade), ay ibinukas nang syento por syento sa pag-aaring dayuhan. Ang lupa ay ibinukas sa malakihang pagmamay-ari ng mga dayuhan at katutubong ispekulador sa likod ng mga karatula ng sonang industriyal, pagpapaunlad ng estado real, kasunduan sa integrated forest management (IFMA), Mining Act ng 1995 at kung anu-ano pa.

Ang patuloy na lumalaking depisit sa kalakalang panlabas at pasaning utang mula sa labas ay kagyat na patunay sa bangkaroteng katayuan ng ekonomyang Pilipino. Ang current accounts deficit ay mas malaki pa nga kaysa ipinalilitaw. Ito ay naipakikitang bawas dahil sa mga palamuting ikinukwenta, lalo na ang dobleng kwenta sa deposit na dayuhang salapi ng mga eksportador at ng mga manggagawang kontraktwal sa ibayong dagat, na ipinalalabas na bagong kitang di-kalakal, kapag ipinapalit sa piso.

Ang pagsama ng ekonomyang Pilipino ay nakikita sa pang-aabuso sa dumaraming klase ng instrumentong pinansyal, kabilang ang mga sumusunod: pautang ng dayuhan (publiko at pribado); lokal na publikong utang (lalo na ang pagbibili ng treasury bills sa napakataas na interes); kumbersyon ng pautang ng dayuhan para maging lokal na kapital; foreign portfolio investments, gayundin sa pribatisasyon ng mga ari-arian ng estado, sa dagdag na saklaw ng value-added tax, sa paulit-ulit na pagtaas ng presyo ng langis, atbp. Itinataas ang pasaning buwis sa kapinsalaan naman ng masang anakpawis at ng panggitnang saray ng lipunan.

Nagiging lalong katawatawa ang badyet ng reaksyunaryong gobyerno. Ang kalakhan ng inilalaang gastusin ay napupunta sa pagbabayad ng interes sa utang at sa militar, pulisya at iba pang mapaniil na aparato ng estado. Ang iba pa ay pangunahing inilalaan sa pangangailangan ng burukrasya, kabilang ang bulagsak na pamimili ng mga kagamitang kompyuter na pang upisina. Ang tinatatawag na surplas sa badyet nitong mga nakaraang taon ay napalitaw bunga ng mga kita mula sa pagbebenta ng mga ari-arian ng estado, pangungutang mula sa mga bangko at mga pondo ng social security at, mangyari pa, sa pagpapalaki ng pasaning buwis ng mga mamamayan.

Ang rehimeng EU-Ramos ay higit na nahahaling sa "pagmodernisa" ng sandatahang lakas at pulisya kaysa anumang pagkukunwang mag-industriyalisa o kaya'y maglaan ng rekurso para mga serbisyong panlipunan. Sa pagdadahilang maglalaan ng 331 bilyong piso sa loob ng 15 taon, nilalayon ng rehimen na gumasta ng mahigit na 30 bilyong piso para sa "modernisasyon ng militar" mula 1993 hanggang 1998. Ang bulto ng salapi ay napupunta sa madadayang akwisisyon ng mga armas, kagamitan sa komunikasyon, eruplano at barko mula sa mga kumpanyang Amerikano.

Huwad ang "social reform agenda" ng rehimeng EU-Ramos. Pinapalsika ng rehimeng ito ang mga datos tungkol sa kalagayang panlipunan ng sambayanan, ikinukubli o kaya'y pinaliliit ang kapahamakang dulot ng mga patakaran at hakbangin nito sa buhay ng mga mamamayan, pinalalaki ang mga pakitang-taong malasakit sa lipunan, at gumagawa ito ng mga huwad na pangako. Anumang pag-amin na may problemang panlipunan ay nagiging dahilan para maglipat ng pondong pampubliko para sa korupsyong burukratiko. Makahayup na pwersang militar ang ginagamit para wasakin ang mga tahanan ng mga maralitang tagalunsod at agawan ng lupa ang mga maralitang magsasaka at mga etnikong komunidad. Maging ang malalaking kapahamakang dulot ng kalikasan, gaya ng pag-agos ng lahar mula sa Bulkang Pinatubo, ay nagiging pagkakataon pa ng mga upisyal ng rehimen sa pagnanakaw ng bilyun-bilyong piso.

Ang disempleyo ay lampas pa rin ng 40 porsyento. Patuloy sa pagtaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin bunga ng mas mabibigat na buwis, tumataas na halaga ng inaangkat na bilihin at paulit-ulit na pagtaas ng presyo ng langis. Tinatagpas ng implasyon ang tunay na kita ng mga may-hanapbuhay. Pabilis nang pabilis ang pagbulusok ng mga mamamayan sa karalitaan. Samantala, pasama nang pasama ang imprastruktura, at binabawasan ang gastusing panlipunan para sa edukasyon, kalusugan at iba pa, para dagdagan naman ang gastusing militar.

Sobra-sobra ang dami ng mga walang-tiyak na hanapbuhay maging sa lunsod at sa kanayunan. Ang mga walang hanapbuhay mula sa hanay ng masang anakpawis at panggitnang saray ng lipunan ay natutulak na maghanap ng trabaho sa ibayong dagat. Kaya nga ba't ang mga manggagawang kontraktwal sa ibayong dagat, dokumentado man o hindi, ay umaabot na ngayon sa halos sampung porsyento ng buong populasyon. Sa ilalim ng "flexible labor policy" na diktado ng mga imperyalista, pinatitindi ng rehimen ang pagsasamantala at pang-aapi sa mga anakpawis upang gawing mas mura pa ang paggawa at sa gayo'y mang-akit ng pamumuhunang dayuhan at mga kontrata sa paggawa sa ibayong dagat. Ang patakarang ito sa paggawa ay alinsunod sa patakarang humahadlang sa pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa.

Talamak na ang kabulukan ng naghaharing sistema. Kinamumuhian ng mga mamamayan ang pagkamapang-api at korupsyon ng lahat ng sangay ng gobyerno. Ikinagagalit din nila ang bagay na halos lahat ng kasalukuyang pangunahing tauhan sa reaksyunaryong pulitika, sa mga partido at koalisyon, ay pawang mga inapo at benepisyaryo ng rehimeng EU-Marcos.

Ang rehimeng Aquino ay isang pansamantalang kasangkapan lamang upang patalsikin si Marcos bilang isang tao at panatilihin pa rin ang naghaharing sistema. Taliwas sa interes ng malawak na masa ng sambayanan, pinagtutugma ng mga rehimeng sumunod kay Marcos ang mga interes ng mga pampulitikang inapo ni Marcos at mga reaksyunaryong anti- Marcos. Si General Ramos ang pinakakinatawan ng pagpapatuloy ng naghaharing sistemang pinamamatnugutan ng imperyalismong EU.

Tumitindi ang mapaniil na katangian ng estado, lalo na laban sa mga manggagawa at magsasaka, kahimat tinatangka ng rehimen na lumikha ang ilusyong siya'y may mabuting loob at naghahangad ng pambansang pagkakasundo. Ang pakikidigmang sikolohikal sa estratehiyang "low intensity conflict" na sulsol ng Estados Unidos ay naglalayong likhain ang ilusyon ng katatagang pampulitika at demokratisasyon, hatiin ang mga makabayan at progresibong pwersa, at ihiwalay ang mga pwersang rebolusyonaryo. Kaya, inaaruga at pinakikilos ng rehimen ang mga ispesyal na ahente para magpanggap na Kaliwa upang atakihin ang Kaliwa.

Ang mga pampulitikang partido at koalisyon ng malalaking komprador at panginoong maylupa ay nagkakaisa laban sa sambayanan at rebolusyonaryong kilusan. Subalit nagtutunggalian din sila at may tendensyang pahinain at ilagay sa krisis at kaguluhan ang sarili nilang sistemang pampulitika. Ang mga ehersisyong pulitikal sa hanay nila ay hindi makaisang-panig na nangangahulugang tumatatag ang naghaharing sistema, kundi nangangahulugan din ng pagkakalantad ng kanilang matitinding di-pagkakasundo na maaring samantalahin ng rebolusyonaryong kilusan.

Ang papalalang krisis na pang-ekonomya ay nagbubunga ng mas matinding agawan sa mga nakaw at sa kapangyarihang pang-ekonomya. Pinalulubha naman ng pampulitikang krisis ang sosyoekonomikong krisis. Ang mga kondisyong ito ay nagdudulot ng mga pagkakataon sa rebolusyonaryong kilusan upang magamit ang sandatahang pakikibaka at nagkakaisang prente para lalo pang itulak ang naghaharing sistema sa landas nito ng kawalang-pagasa.

Ang rehimeng EU-Ramos ay nagnanasang manatili sa kapangyarihan. Kung si Ramos mismo ay hindi pwedeng manatili sa kapangyarihan nang lampas sa 1998, desidido siyang pumili ng kanyang kahalili at patingkarin ang pampulitikang papel ng mga upisyal ng militar sa naghaharing sistema. Ang paghalal o paghirang sa mga upisyal ng militar at pulisya para sa mga pusisyong sibilyan at ang lumalaking presupwesto para sa pwersang militar at pulis ay pawang malilinaw na palatandaan ng militarisasyon ng estado.

Sapul nang maakyat sa panguluhan, tila napahupa ng naghaharing pangkating EU-Ramos ang paksyunalisasyon ng militar sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga espesyal na kaluwagang pampulitika at pang-ekonomya sa mga umiiral na paksyong anti-Ramos. Subalit higit sa dati ay napakalaki ng paksyunalisasyon sa hanay ng mga puwersang militar at pulis, sa anyo ng magkakakumpetensyang pangkating burukratiko at sindikatong kriminal.

Hindi tumitigil ang pakikibaka ng mga mamamayang Moro para sa pagpapasya-sa-sarili sa kabila ng lantarang pagsuko sa rehimeng EU-Ramos ng pangkating Nuri Misuari sa Moro National Liberation Front (MNLF). Ipinapapatuloy ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang sandatahang pakikibaka at naaakit nito sa kanyang panig ang marami sa mga kasapi ng MNLF. Lumilitaw ang mga pagkakataon ng rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng Partido para magtayo ng sarili nitong pwersa sa hanay ng mga mamamayang Moro at para makipag-alyansa sa mga pwersang Moro na desididong magpatuloy na makibaka para sa karapatan ng mga mamamayang Moro sa pambansang pagpapasya-sa-sarili.

Hindi nawalan ng alyado ang rebolusyonaryong kilusan sa pagsuko ng pangkating Misuari sa gobyernong Maynila. Sapul nang lagdaan ang Tripoli Agreement noong 1976, ang pangkating Misuari sa MNLF ay nagsimula nang magkanulo sa rebolusyonaryong adhikain ng mga mamamayang Moro at patuloy na nakipagtigil-putukan sa sunud-sunod na rehimeng Marcos, Aquino at Ramos. Sa pagtigil ng sandatahang pakikibaka sapul noong 1976, isinuko ng MNLF ang inisyatiba sa MILF at iba pang armadong organisasyong Moro. Kahit sumuko na nga ito, ang pangkating Nur Misuari ay nananatiling sakit ng ulo ng naghaharing sistema dahil sa sinisikap ng pangkating ito na magpanatili o magpalaki pa nga ng armadong pwersa upang pangalagaan ang sarili.

Lubos na nabibigo ang imperyalismong EU at ang mga lokal na reaksyunaryo sa kanilang tangkang lipulin ang Partido at ang reboluysonaryong kilusan mula sa loob o kaya'y siraan at ihiwalay sa pamamagitan ng paggamit ng mga traydor at taksil at ng iba't ibang antikomunistang mumunting pangkating petiburges na nagpiprisintang mga Trotskyista, insureksyunistang urban, popular na demokrata, sosyal demokrata, Gorbachovista, at kung anu-ano pa.

Ang mga ahenteng ito sa pakikidigmang sikolohikal ng LIC ay lumalabas na walang lamang sa bisa ng mga dating pwersang paramilitar, panatikong kultong relihiyoso at mga special operation teams (SOT) na pinakawalan ng kaaway sa kanayunan laban sa rebolusyonaryong kilusan. Lubusang nalalantad na sila bilang mga mangungurakot na lumalaklak sa mga lihim ng pondo mula sa mga imperyalista at reaksyunaryong estado gayundin sa mga dayuhang ahensya ng pondo.

Bigo sila maging sa minimum na layuning lumikha ng ilusyong may "malaking pagkakahati" sa hanay ng Kaliwa, ilayo sa rebolusyonaryong kilusan ang petiburgesyang-lunsod, at magkalat ng haka-haka na dahil sa population control, sustainable development, democratization, environmentalism, genderism, ethnicism at civil society (bilang pagbanggit sa ilang ispesyal na termino nila), sa ilalim ng paghahari ng burgesya, ay nagiging lipas na at walang-saysay ang pakikibakang anti-imperyalista at ang pakikibakang-uri.

Kung rebolusyon ang pag-uusapan, nasa sentro ng tanghalang pampulitika ang isyu ng paglutas sa mga saligang problema ng sambayanan, ang buhay-at-kamatayang tunggalian sa pagitan ng sandatahang rebolusyon at sandatahang kontrarebolusyon. Ang mga organisasyong diumano'y nasa "pangunahing agos" at mga nasa "pangalawang agos" sa loob ng naghaharing sistema ay hindi makalikha ng ilusyon ng katatagang pampulitika at pagkabawas ng mga paglabag sa karapatang tao. Ang rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng Partido ay desididong ibagsak ang buong sistema ng paghahari sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Ang kaaway mismo ay walang tigil sa paglulunsad ng mga kampanya at operasyon ng militar at pulisya upang mang-agaw sa mga mamamayan ng yamang-likas at yamang panlipunan sa ngalan ng "kaunlaran" at "repormang panlipunan" at sugpuin ang mga pwersang rebolusyonaryo. Ang pangungulimbat ng mga imperyalista at mga katutubong mapagsamantala ay nagbibigay-katwiran at nang-uudyok sa sandatahang rebolusyon.

Bunga ng kilusang pagwawasto, nabawi ng rebolusyonaryong kilusan ang inisyatiba, at napalawak at napatatag nila ang baseng masa para sa paglulunsad ng digmang bayan. Sa ilalim ng ganap na pamumuno ng Partido, ang Bagong Hukbong Bayan ay nasa pusisyong patindihin ang pakikidigmang gerilya sa buong bansa batay sa papalawak at papalalim na baseng masa. Lumalawak ang nagkakaisang prente para sa sandatahang pakikibaka.

Masiglang sumusulong din ang legal na demokratikong kilusang masa. Ang mga pambansa at lokal na aksyong protesta ng masa kaugnay ng mga isyung pambansa, pang-uri at pansektor ay patuloy sa paglaki at nagsisilbing patunay sa katumpakan ng kilusang pagwawasto. NItong kararaang buong taon, kabilang sa pinakamahahalagang aksyong pamprotesta ng masa ang paglaban sa panukalang batas sa "antiterorismo", pinalawak na VAT at pagtataas ng presyo ng langis. Ang katatapos na karaban ng bayan mula Maynila hanggang Subic at ang mga pambansang aksyong masa nitong nakaraang Nobyembre ay patunay sa lakas at malawak na suportang masa na tinatamasa ng pambansang demokratikong kilusan.

Tumpak ang paglalarawan ng PKP na ang pangkapayapaang pakikipagnegosasyon ng NDFP sa GRP ay isang prosesong nakapailalim sa linya ng pambansang demokratikong rebolusyon at isa sa mga legal na anyo ng pakikibakang nakapailalim sa sandatahang pakikibaka at sa legal na kilusang masa.

Hindi matatamo ang makatarungan at matibay na kapayapaan habang hindi inuugat ang dahilan ng digmaang sibil, habang hindi nilulutas ang mga saligang suliranin ng sambayanan. Sa takbo ng pakikipagnegosasyon sa GRP para sa kapayapaan, ipinamamalas ng NDFP sa buong mundo ang katarungan ng rebolusyonaryong adhikain at itinatakda nito ang mga makaprinsipyong pamantayan sa pakikipegnegosasyon sa kaaway.

Isinumite ng NDFP sa Konsehong Pederal ng Pamahalaan ng Switzerland at sa International Committee of the Red Cross ang Declaration of Undertaking to Apply the Geneva Conventions and Protocol I. Ito ay nangangahulugan ng pagtalima ng mga rebolusyonaryong pwersa sa pandaigdigang batas sa pagkamakatao bilang isang pwersang nagdirigma sa isang digmaang sibil. Ang digmang bayang pinamumunuan ng Partido ay isang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Ang NDFP ay gumawa ng isang borador ng Comprehensive Agreement on Human Rights and International Humanitarian Law, at handa na itong pumasok sa isang pakikipagkasundo sa GRP. Nais din nitong tumuloy sa talakayan ng mga repormang panlipunan at pang-ekonomya. Subalit sobra ang pagkareaksyunaryo ng pusisyon ng GRP at itinatanggi nito maging ang mga paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Marcos. Tumatanggi rin itong makipagkasunduan tungkol sa bayad-pinsala sa mga biktima alinsunod sa paborableng desisyon ng hukuman ng Estados Unidos.

Dahil sa paulit-ulit na paglabag ng GRP sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), nalalagay sa panganib ang pagpapatuloy ng negosasyong pangkayapaan ng GRP-NDFP at tumatalas ang pag-iingat ng NDFP, lalo na ng mga tauhang imbwelto sa negosasyong pangkapayapaan. Ang mga rebolusyonaryong pwersa ay handa sa anumang hakbang ng GRP na ilugso ang negosasyon.

Dala ng papalalang krisis ng naghaharing sistema, ang malawak na masa ng sambayanan ay nauudyok na magpasidhi ng paglaban at ang mga rebolusyonaryong pwersa ay natutulak na isulong ang pambansang demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

III. Depresyon at Ligalig sa Kapitalistang Daigdig

Patuloy sa paglubha ang krisis ng pandaigdig na sistemang kapitalista. Nakabalaho mismo ang mga pandaigdig na sentro ng kapitalismo. Sa ibayo ng mga ito ay umiiral ang mas malala pang kondisyon ng depresyon at ligalig sa lipunan. Ang kapitalismo ay mapangwasak sa pwersang produktibo sa daigdig. Kaya nagngangalit ang kaguluhan sa mundo. Nananatiling totoo ang teorya ni Lenin tungkol sa di-pantay na pag-unlad at ang kanyang paglalarawan na ito ang panahon ng imperyalismo at rebolusyong proletaryo.

Ang mabilis na konsentrasyon ng kapital sa mga pandaigdig na sentro ng kapitalismo ay nagaganap sa antas na walang kapantay sa buong kasaysayan ng kapitalismo. Ito ay pinabibilis ng kapitalistang paggamit ng mataas na teknolohiya sa produksyong sosyal at ng pinakamapagsamantala at pinaka-espekulatibong anyo ng kapital na pinansyal. Ang pangunahing aspekto ng kapitalismo sa kasalukuyan ay hindi ang pandaigdig na paglaganap ng kapitalistang pag-unlad na industriyal kundi ang laganap na pagkawasak ng mga pwersang produktibo sa pandaigdigang saklaw, na pangunahing umaapekto sa ikatlong daigdig at sa mga bayan ng dating blokeng Sobyet at umaapekto maging sa mga industriyal na bayang kapitalista.

Matindi ang kontradiksyon sa pagitan ng mga relasyon ng produksyon at mga pwersa ng produksyon. Napakabilis ng pagtaas ng organikong komposisyon ng kapital (kapital na nakapirmi sa mga kasangkapan ng produksyon), kung kayat may tendensyang bumaba ang tantos ng tubo sa mga buo-buong ekonomyang pambansa. Tinatangka ng mga monopolyo na sagkaan ang pandaigdig at pambansang pagbaba ng tantos ng tubo at maksimisahin ang kanilang tubo sa pamamagitan ng pagbabawas ng pondo sa sahod at paglikha ng kronikong disempleyo. Bunga ng disempleyo at pagbaba ng sahod at kondisyon ng pamumuhay, kumikitid ang pamilihan at lalo pang bumabagsak ang tantos ng tubo, sa isang bisyosong pag-ikid. Lumalala ang krisis ng sobrang produskyon. Ang malalaking imbentaryong di-maibenta ay nagbubunga naman ng pagkabangkarote at bawas na produksyon.

Tinatangka ng Estados Unidos na muling buhayin ang kakayahan sa manupaktura, konsumong panloob at eksport, ibinaba (undervalued) ang halaga ng kanyang salapi, at itinataguyod ang kanyang mga eksport sa kapinsalaan naman ng iba pang pandaigdig na sentro ng kapitalismo. Ang pakay nito ay pawiin ang pagkakaipon ng utang mula sa labas, ang mga depisit sa badyet at kalakal na nangyari sa takbo ng malamig na digma laban sa Unyong Sobyet at akomodasyon sa mga alyado sa pamilihang pangkonsumo ng Estados Unidos.

Ginagamit ng Estados Unidos ang talim ng kanyang kalamangan sa mataas na teknolohiya para isulong ang kampanya upang manatiling nangingibabaw sa ekonomya, pulitika, militar at kultura ng pandaigdig na sistemang kapitalista. Ginagambala nito ang balanse ng kanyang relasyon sa iba pang bayang imperyalista. Pinipilit ng mga bayang imperyalista na paluwagin ang kanilang humihigpit na kompetisyon sa pamamagitan ng pagkakaisa laban sa mga di-gaanong maunlad na bayan at paglilipat sa mga ito ng bigat ng krisis.

Pagmanupaktura at pagbebenta ng mga produktong hi-tech ang pinakamahalagang salik ng limitadong paglaki ng ekonomya ng Estados Unidos noong 1994 at 1995. Ang mga produktong hi-tech, sa isang bahagi, ay ginamit sa pagpapanibagong-kasangkapan (retooling) sa industriya ng Estados Unidos, at sa isa pang bahagi ay ginamit sa personal na konsumo. Itinutulak ng Estados Unidos ang International Technology Agreement para paliitin hanggang mapawi ang taripa sa mga elektronikong produktong pang-upisina at pampersonal pagsapit ng taong 2000 at para mailako ang ganitong mga produkto sa "panggitnang uri" sa daigdig, sa iba pang bayang kapitalista at sa may sampung "umuusbong na pamilihan" (emerging markets).

Iginigitgit ng Estados Unidos na manatiling mababa ang antas ng pasahod sa loob ng bayan at sa NAFTA. Sinasamantala nito ang sarili nitong pamilihang panloob at pangrehiyon para itulak ang sariling eksport patungo sa Unyong Europeo, Hapon at iba pang bayan kung saan sinusuportahan ng opisyal na multilateral na mga pautang at ng pribadong ispekulatibong kapital ang gastusing piskal at pangkonsumo. Pinatitindi ng tulak sa eksport ang pakikipagkompetisyon ng Estados Unidos sa iba pang pandaigdig na sentro ng kapitalismo at pinalulubha ang mga kontradiksyong pang-ekonomya at panlipunan sa loob ng mga bansa.

Sa hanay ng mga pandaigdig na sentro ng kapitalismo, ang Unyong Europeo ang may pinakamataas na tantos ng disempleyo. Natutulak ngayon ito na gumawa ng mga hakbangin sa pagtitipid, pagpapababa pang lalo ng antas ng pasahod at pamumuhay, at pagbawas sa gastusing sosyal sa ngalan ng pagtupad sa mga pangangailangan ng pag-iisa ng salapi (monetary union). Ang pagsama ng kondisyong pang-ekonomya at panlipunan sa Kanlurang Europa ay umabot na sa antas na ang proletaryado at ang iba pang mamamayan sa maraming bayan, lalo na sa Alemanya, Pransya, Italia, Gresya, Espanya at Portugal, ay nagsisibangon upang maglunsad ng mga pangkalahatang welga at iba pang anyo ng protestang masa.

Bukas na bukas ang mga bayan sa dating blokeng Sobyet para pagpalawakan ng kapital. Pero sa pangkalahatan, ang patakaran ng lahat ng imperyalista ay itambak ang kanilang sobrang produkto sa mga bayang ito, paunlarin ang ilang bayan sa Gitnang Europa at ang Rusya mismo bilang sentro ng distribusyon ng mga kalakal na pangkonsumo mula sa Kanluran, panatilihin ang ilang industriya upang magamit sa isang antas ang murang paggawa, at gawing higit pang palaasa ang Rusya sa pag-eksport ng mga hilaw na materyal at pabulukin ang kanyang sistema sa pananandatang nuklear at iba pa.

Samantalang ang Hapon ay nakabalaho pa sa kumunoy ng di- mabayarang utang ng mga bangko at mga resulta ng "paglaho ng bula ng ekonomiya", napipilitan itong gumawa ng mabibigat na gastusing-depisit para sa imprastruktura, magtaguyod ng maluhong konsumong lokal, magbawas ng surplas sa pakikipagkalakalan sa EU, at higit pang magbukas ng pinto sa pamumuhunan at mga manupakturang import mula sa Estados Unidos at sa pagpapalakas-militar sa ilalim ng Estados Unidos na siyang pangunahing katuwang sa seguridad. Ang proletaryado at mga mamamayang Hapones ay naglulunsad ng mga militanteng pakikibaka laban sa lalong sumamang mga kondisyon ng alyansang EU-Hapon sa seguridad, laban sa patuloy na okupasyong EU sa Okinawa, at laban sa pang-ekonomya at iba pang imposisyong EU sa Hapon na nakapipinsala sa mga mamamayan.

Bukod sa pagsisikap na pwersahing itiwangwang ang pamilihang Hapones para sa mga eksport na Amerikano, hinahawakan ng Estados Unidos ang inisyatiba sa kalakal at pamumuhunan sa Silangang Asya at pinagkakasya nito ang Hapon bilang mayor pero segundaryong katuwang sa ekonomya. Pinalulubag nila ang kanilang mga kontradiksyon sa pamamagitan ng magkatuwang na pagsasamantala sa Timog-silangang Asya at Hilagang-silangang Asya. Ngayong tiyak na nasa bulsa na nila ang Timog-silangang Asya sa tulong ng mga neokolonyal na estado, IMF, World Bank, WTO, ASEAN at APEC, ang Estados Unidos at Hapon ay nagkakaisa at desididong gawin ang Tsina bilang isang neokolonyal na sugpong nila. Ang bayang ito ang hinahangad nilang maging malaking gantimpala.

May kumpyansa ang Estados Unidos na lantarang maitutulak ang Tsina para lalong magliberalisa ng mga patakaran nito sa kalakal at pamumuhunan at baklasin o kaya'y ipailalim sa pribatisasyon ang mga empresa ng estado. Ang kumpyansang ito ay nagmumula sa katotohanan na ang mga burukrata at pribadong kapitalista ng Tsina ay kapwa malalim na nakaugat at nakatali na sa malaking-komprador na relasyon sa pandaigdig na sistemang kapitalista; na ang manupakturang pang- eksport sa Tsina ay palaasa sa pamilihang pangkonsumo ng Estados Unidos; at ang ekonomyang Tsino ay tagibang na at malayo na sa isang komprehensibong sosyalistang ekonomya na umaasa sa sarili.

Ang patakaran ng Estados Unidos sa pakikitungo sa Tsina ay kinatatangian pa rin ng "paghamon" (engagement) at "pagpigil" (containment), pagtulak sa liberalisasyong pang-ekonomya upang tumulong sa liberalisasyong pampulitika gaya ng nangyari sa Unyong Sobyet ( sa bandang huli ay iwinaksi ng mga naglalandas-kapitalista ang mga karatula ng pamamahala ng partido komunista at ng sosyalismo), at pagpigil sa Tsina kaugnay ng mga isyung gaya ng pagpapalaki ng militar, Taiwan, Tibet at iba pa. Ang nangingibabaw pa rin ay ang mga antikomunista na humihinging iproklama ang isang lantad na estadong burges kaysa ang mga proletaryong rebolusyonaryong tutol sa landas na maka-Deng sa pagpapanumbalik ng kapitalismo.

Sa anu't anuman, ang mga "tigre" ng Silangang Asya at ang mga nanggagaya sa kanila, kabilang ang Tsina, ay nahaharap ngayon sa mga ekonomyang nasa resesyon sa mga bayang imperyalista; sa pandaigdig na sobrang produksyon sa manupakturang pang-eksport sa damit, personal na elektroniks, produktong katad, laruan at iba pa mula sa Silangang Asya, Timog Asya, Gitnang Europa at NAFTA; sa panggigipit para iliberalisa ang mga patakaran sa kalakal at pamumuhunan; at sa kampanyang Amerikano na mag- eksport ng mga pangkonsumong produktong EU at NAFTA.

Nananatiling laspag ang lubos na nakararami sa mga bayan ng ikatlong daigdig bunga ng sobrang produksyon ng mga hilaw na materyal mula pa noong dekadang setenta. Walang pumapasok na kapital sa mga bayang ito kahit para sa pagmamanupakturang pang-eksport. Maging sa mga bayang produktor ng langis ay bumabagsak ang ekonomya at ang antas ng konsumo. Mahigit sa tatlong-kapat (3/4) ng agos ng pandaigdigang kapital ay nakakonsentra sa tatlong pandaigdig na sentro ng kapitalismo. Ang natitira ay pumapasok sa may sampung bayan lamang, pangunahi'y sa Silangang Asya, pangalawa'y sa Amerika Latina, at pangatlo'y sa mga bayan ng dating blokeng Sobyet. Gapatak lang ang natatanggap ng Aprika.

Patuloy ang pagsama ng ekonomya ng Rusya at ng mga bayang nasa dating blokeng Sobyet. Nasa depresyon na ang industriya ng mga ito mula pa noong huling dako ng dekadang setenta, nang nakamaskara pa ng sosyalismo ang monopolyong burukatang kapitalismo. Sa ilalim ng umiiral na lantarang paghahari ng mga pribado at burukratang kapitalista, na higit na kriminal kaysa empresaryo ang katangian, buo-buong sistemang industriyal ang isinasara o kaya'y binabaklas.

Ang pagbaba ng produksyon sa dating Unyong Sobyet ay nananatiling higit sa 50 porsyento mula sa antas ng 1991. Ang dominanteng burgesyang mafia na pinamumunuan ni Yeltsin ay abala sa pag-eksport ng mga hilaw na materyal at sa pag-import ng mga produktong pangkonsumo at sinusuhayan ng mga bangkong imperyalista. Sa pulitika ay nauuna pa rin ang mga rebisyonista at neorebisyonista kaysa mga proletaryong rebolusyonaryo sa paglaban sa mga naghaharing pangkating antikomunista, at sa gayon ay nagsisilbing panghadlang sa pagsulong ng mga proletaryong rebolusyonaryo na nasa proseso pa ng pag-unawa kung paano binaligtad ng mga rebisyonista ang sosyalistang linya nina Lenin at Stalin.

Sa lahat ng kontinente sa daigdig ngayon ay umiiral ang malala at malalim na ligalig at gulo sa lipunan. Ang pinakamababangis na uri ng kontrarebolusyonaryong karahasan ay nagmumula sa matagal na pangungulimbat ng neokolonyalismo at kapital na pinansyal, at sa desperadong pag-aagawan ng mga reaksyunaryong pangkatin na nagbubunganga ng mga islogan ng antikomunismo, nasyonalismo, etnosentrismo at relihiyon. Samantala'y umiiral sa ilang bayan ang mga sandatahang rebolusyonaryong kilusan para sa pambansang kalayaan at demokrasya na pinamumunuan ng mga partido ng uring manggagawa.

Paborable ang mga obhetibong kondisyon para magrebolusyon laban sa imperyalismo at mga lokal na mapagsamantalang uri. Subalit kakailanganin pa ang ilang panahon upang ang mga subhetibong pwersa ng rebolusyon ay lumitaw at lumakas mula sa hanay ng proletaryado at iba pang anakpawis. Ang pagsidhi ng pang-aapi at pagsasamantala sa mga mamamayan ay nagtutulak sa kanilang lumaban sa mga imperyalista at mga katutubong mapagsamantala. Ngunit kailangan ding iwaksi ng mga mamamayan ang nakahahadlang na hibo ng rebisyonismo, repormismo at oportunismo na matagal nang umiiral.

Ikinararangal at bagay lamang na ipagmalaki ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mapabilang sa mga rebolusyonaryong partido ng proletaryado sa daigdig na nasa pangunang hanay ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo laban sa imperyalismo at reaksyon sa pamamagitan ng paglulunsad ng bagong-demokratikong rebolusyon sa paraan ng matagalang digmang bayan sa Pilipinas. Kasabay nito'y batid ng Partido ang malalaking balakid, at taglay nito ang ibayong kapakumbabaan at pagsisikap habang binibigyang-sigla ang muling pagdaluyong ng kilusang anti-imperyalista at sosyalista sa buong daigdig.

Kung paanong tiyak na pinasisidhi ng mga imperyalista at mga lokal na reaksyunaryo ang pagsasamantala at pang-aapi sa proletaryado at sambayanan, gayun din ang katiyakan ng Partido sa darating na pagdaluyong ng kilusang anti-imperyalista at sosyalista sa walang-kapantay na saklaw sa daigdig. Palibhasa'y siyang nagdaranas ng pinakamabigat na pang-aapi at pagsasamantala, ang mga mamamayan at bansa ng mga bayan sa ikatlong daigdig at ng mga bayan sa dating blokeng Sobyet ang siyang higit na nakahandang maglunsad ng sandatahang rebolusyon. Naghuhumiyaw ang pangangailangang magbangon at umunlad ang mga subhetibong pwersa ng rebolusyon.

Ang iilang rebolusyonaryong partido ng proletaryado na namumuno sa mga sandatahang kilusang rebolusyonaryo ay nasa ikatlong daigdig. May iba pang partido na nagdedeklarang Marxista-Leninista at namumuno sa mga sandatahang rebolusyonaryong kilusan para sa pambansang kalayaan at demokrasya. May ilan ding partidong nasa kapangyarihan na sosyalista ang taguri sa kanilang mga estado at lumalaban para sa pambansang kasarinlan laban sa imperyalismo.

Sa mga bayang dating kinairalan ng sosyalismo na sa kalauna'y ipinagkanulo ng mga rebisyonista at sa mga bayan na ang mga rebisyonistang rehimen ay bumagsak o kaya'y nasa kapangyarihan pa rin, may mga tunay na komunista na patuloy na tumatalima sa rebolusyonaryong aral ng mga dakilang komunista subalit nag-aaral pa kung paano aagawin ang inisyatiba sa ideolohiya at pultika mula sa kamay ng mga garapal na antikomunista at mga makapit na rebisyonista.

Ang rebisyonistang pagkakanulo sa sosyalismo sa Tsina noong 1976 ay mapagpasyang punto sa matagumpay at lahatang-panig na opensibang pampulitika at pang-ideolohiya ng imperyalismo laban sa kilusang anti-imperyalista at sosyalista. Nauna rito ay nagsimula na ang Estados Unidos sa estratehikong pagbulusok at lumitaw ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura para ikonsolida ang sosyalismo sa Tsina. Isang interesanteng katanungan pa rin kung may sapat na bilang pa ng mga proletaryong rebolusyonaryo para kumilos at samantalahin ang lumalaking tunggalian sa pagitan ng mga huwad na komunista (mga rebisyonista) at mga lantad na antikomunista.

Sa mga industriyal na bayang kapitalista, ang mga partidong nagpupunyaging maging Marxista-Leninista at antirebisyonista ay kakaunti, maliliit at mahihina pa rin. Ang mga rebisyonista at mga garapal na sosyal-demokratikong partido, mga burukratikong unyon at mga "sibikong inisyatiba" na may kaisipang petiburges ay nauuna pa rin sa mga proletaryong rebolusyonaryo sa pagsakay sa diskontentong sosyal ng proletaryado at sambayanan, sa kabila ng malawakang pagkalusaw ng mga rebisyonistang partido komunista.

Nagaganap ang mga dramatikong pagdaluyong ng paglaban ng masang manggagawa, kababaihan, kabataan, at iba pang mamamayan sa mga industriyal na bayang kapitalista bunga ng kronikong kawalan ng hanapbuhay at pagbawas sa benepisyong sosyal. Subalit ang kawalan o kahinaan ng mga tunay na Marxista- Leninistang partido ay isang malaking dahilan ng pabugsu-bugsong katangian ng mga pamprotestang aksyon ng masa.

Sa diwa ng proletaryong internasyonalismo, ang Partido ay aktibong naglilinang ng pinakamahigpit na bilateral at multilateral na pakikipag-ugnayan sa mga partidong tumatalima sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, gayon din ng mahigpit na relasyon sa mga partidong nagdedeklarang sila'y Marxista- Leninista at bukas sa palitan ng ideya at karanasan, at naghahangad na matuto sa isa't isa, magkaunawaan at magsuportahan.

Kasabay nito ay pumapasok ang PKP sa malalawak na pakikipagkaisang anti-imperyalista sa lahat ng partido, organisasyon at kilusang lumalaban sa imperyalismo at reaksyon. Kailangan ang isang malawak na anti-imperyalistang nagkakaisang prente upang ang mga Marxista-Leninistang partido ay makapagbuo ng pinakamalawak na hanay ng mga pwersa maaring iharap laban sa kaaway.

May diyalektikal na ugnayan sa pagitan ng pagtataguyod ng pang- ideolohiyang linya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at pagpupursige sa pampulitikang linya ng pakikibakang anti- imperyalista. Sa pamamagitan ng pang-ideolohiyang linya nito, nasisiguro ng PKP ang sarili nitong rebolusyonaryong integridad at paninindigan. Sa pamamagitan ng pampulitikang linya nito, maikakawing nito ang sarili sa malawak na masa ng sambayanan at maari itong makipag-alyansa.

IV. Isulong ang Rebolusyong Pilipino

Bilang pagtatapos, bigyang-diin natin ang ilang mahahalagang tungkuling dapat tuparin ng Partido sa susunod na taon.

  1. Ipagpatuloy natin ang buhay na pag-aaral ng Marxismo- Leninismo-Maoismo sa pamamagitan ng kilusang pagwawasto at ng pana-panahong pagpuna at pagpuna-sa-sarili ng mga kamalian at pagkukulang. Ipagpatuloy natin ang pagpuna at pagtakwil sa rebisyonismo, empirisismo at dogmatismo. Isulong natin ang padaraos ng mga pormal na pag-aaral na pampartido sa batayan, intermedyo at sulong na antas.
  2. Isulong natin ang bagong-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng pagpupunyaging magkamit ng mas malalaking tagumpay sa rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka, sa gawaing masa at kilusang masa kapwa sa mga lunsod at sa kanayunan, at sa gawain sa nagkakaisang prente. Patindihin natin ang pakikidigmang gerilya sa pambansang saklaw batay sa papalawak at papalalim na baseng masa.
  3. Itaguyod natin ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Magrekluta tayo ng mas maraming kandidatong kasapi mula sa hanay ng mga abanteng aktibistang masa sa rebolusyonaryong kilusang masa. Magtalaga tayo ng mas maraming kadre ng Partido at aktibistang masa mula sa hanay ng proletaryado at kabataang may-pinag-aralan para kumilos sa Bagong Hukbong Bayan at sa hanay ng masang magsasaka.
  4. Mataas nating iwagayway ang bandila ng proletaryong internasyonalismo at lumahok tayo sa malawak na anti- imperyalistang kilusan. Ang bagong-demokratikong rebolusyon na pinamumunuan ng proletaryado sa Pilipinas ay bahagi ng pandaigdig na rebolusyong proletaryo at ng malawak na kilusang anti-imperyalista.
#

Back to top

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.