PRESS RELEASE Information Bureau Communist Party of the Philippines
Kumpanya sa pagmimina na nangangamkam ng lupa at nandarambong, pinarusahan--PKP
Enero 2, 2008
Sinabi ngayong araw ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na ang
reyd na inilunsad kahapon ng BHB laban sa Sagittarius Mines Inc. (SMI)
sa bayan ng Tampakan, South Cotobato ay may natatanging layuning
parusahan ang Swiss na dambuhalang kumpanya sa pagmimina dahil sa
pangangamkam nito ng lupa, pandarambong at pagwasak sa kalikasan. Ang
pagpaparusa'y tugon sa matagal nang hiling ng mamamayan na wakasan na
ang operasyon ng kumpanya sa lugar.
Ipinaliwanag ng tagapagsalita ng PKP na si Gregorio "Ka Roger" Rosal na itinaon ang reyd laban sa kumpanya sa mismong holiday
kung kailan ang mga operasyon nito ay nakahinto at nakabakasyon ang mga
manggagawa't empleyado nito. Ito'y upang tiyaking walang masasaktan sa
reyd. Walang sibilyang nadamay sa reyd.
Sa naturang paglusob, nakasamsam ang BHB ng isang pistola, isang shotgun at isang two-way-radio set
mula sa mga gwardya. Nagpaputok rin sila sa direksyon ng malapit na
detatsment ng Philippine Army. Dahil dito, nahadlangan ang mga pwersa
ng gubyernong depensahan ang kumpanya sa pagmimina na kanilang
pinagsisilbihan at ligtas nakaatras ang mga pwersa ng BHB.
"Dahil may tigil-putukan, hindi na naglunsad ng taktikal na
opensiba ang BHB laban sa mga tropa ng Army sa Tampacan. Subalit ang
mga pasistang tropang iyon ay may krimen laban sa mamamayan na dapat
pagbayaran, at paparusahan sila ng BHB sa tamang panahon kapag wala
nang tigil-putukan."
Sinabi ng tagapagsalita ng BHB na "Ang reyd kahapon laban sa
SMI ay signipikanteng hakbang sa pagsisikap na wakasan ang mapangwasak
at mapandambong na mga operasyon sa pagmimina ng kumpanya, ipagtanggol
ang lupang ninuno ng tribong B'laan; protektahan ang pangkalikasang
balanse ng Liguasan Marsh at suplay sa tubig sa mga lugar ng South
Cotobato, North Cotobato, Sultan Kudarat at General Santos City; at
labanan ang kampanya ng rehimeng Arroyo na ilako ang likas na yaman ng
bansa sa malalaking dayuhang kapitalista."
Sinabi ni Rosal na ang mga operasyon sa pagmimina sa Tampakan
ay masiglang tinututulan ng mamamayan sapul pa noong dekada 1990 nang
isinasagawa iyon ng Western Mining Corporation (WMC), na pagdaka'y
pinalitan ng pangalang Tampakan Mineral Resources Corporation. Noong
2002, ipinagpatuloy ng SMI ang WMC matapos itong mapatigil ng matinding
pagtutol ng taumbayan.
Ayon kay Rosal, "Tinututulan ng lokal na mamamayan ang mga plano ng SMI na magsimula ng operasyong open pit mining sa 2010 sa magubat na mga baryo ng Bong Mal, Tablu, Danlag at Folu Bato. Ang mga operasyong open pit
ay itinuturing na kabilang sa pinakamapangwasak-sa-kalikasang paraan ng
pagmimina. Pinapawi nito ang buu-buong mga kagubatan at erya ng watershed."
Tinatantsa ng inisyal na mga pag-aaral ng SMI na ang lugar ng
minahan ng Tampakan ay isa sa mga "pinakamaiinam na bagong
pangmalawakang minahan ng tanso at ginto" sa buong mundo." Tinatayang
may 11.6 milyong tonelada ng tanso at 14.6 milyong ounces ng
ginto dito. Ang SMI ay bahaging pag-aari ng Xstrata, isa sa
pinakamalalaking kumpanya sa pagmimina sa buong mundo na nakabase sa
Switzerland.
Sinabi ni Rosal na ang reyd laban sa SMI ay alinsunod sa
pangkalahatang direktiba ng PKP na maglunsad ng mga opensibang
operasyon laban sa malalaking dayuhang kumpanya sa pagmimina na
pinapapasok ng rehimeng Arroyo sa bansa upang dambungin ang mga likas
na yaman ng Pilipinas. "Pinapapasok ng rehimeng Arroyo ang malalaking
dayuhang kumpanya sa pagmimina upang huthutin ang bilyun-bilyong dolyar
na halaga ng likas na yaman ng Pilipinas sa ibayong kapinsalaan ng
kabuhayan ng mamamayan at ng kalikasan."
"Habang pinaiigting ng mamamayan ang kanilang pakikibaka sa
paggiit ng pambansang patrimonya laban sa kaganidan ng mga dayuhang
monopolyo kapitalista, ang BHB ay maglulunsad ng paparami pang aksyong
pamarusa bilang tugon sa mga hiling ng mamamayan na itigil na ang
mapanlamon at mapanirang mga operasyon ng malalaking dayuhang kumpanya
sa pagmimina."
Reference:
Marco Valbuena Media Officer Cellphone Numbers: 09179776392 :: 09282242061 E-mail:[email protected]
Back to top
|