![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Kasaysayan ng Bagong Hukbong Bayan ANG MGA PANGUNAHING TUNGKULIN NG BAGONG HUKBONG BAYAN
Ang mga tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan ay masaklaw na inilalahad sa Program
sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan ng Partido. Doon inilalahad ang mga
pangkalahatan at partikular na programa. Ngunit sa masaklaw ring paraan
ay ilalahad natin sa ibaba ang mahahalagang tungkulin nito: Lumalahok ang Bagong Hukbong Bayan sa muling pagtatayo ng Partido sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung sa hukbo at sa masa, paggamit nito sa rebolusyonaryong praktika at pag-oorganisa ng mga sangay at komite ng Partido sa loob at labas ng hukbo. Ang Bagong Hukbong Bayan ay hindi lamang pwersang panlaban, ito ay pwersa ring pampropaganda at pang-organisa. Dapat nitong palaganapin at gamitin ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung bilang pinakamataas na kaunlaran ng rebolusyonaryong ideolohiang proletaryo sa kasalukuyang panahon. Ang mga kadre, komander at mandirigma nito ay dapat magpakahusay sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pag-aaral sa pamamatnugot ng Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tsetung, sa ilalim ng kagawarang pampulitika ng hukbo at sa ilalim ng mga pinunong pampulitikang hinirang ng Partido upang mangasiwa sa buhay-pulitika at edukasyong pampulitika sa bawat yunit ng hukbo. Lahat ng kadre ng Partido sa hukbo, mga komander at mga mandirigma ay dapat namang magsagawa ng pang-ideolohiang pagpapakilos sa masa sa pamamatnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung at dapat nilang tiyakin na ang pinakamauunlad na elemento sa hanay ng masa, tulad sa hanay ng mga Pulang Mandirigma, ay kinukuhang mga kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas sa takbo ng pakikibakang pang masa. Lahat ng pang-araw-araw na problema ng Partido, hukbo at masa sa pulitika, sandatahang pakikibaka, kultura at gawaing pang-ekonomia ay dapat lutasin sa pamamagitan ng unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung.
Upang makintal sa sarili ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, dapat ikintal ng Bagong Hukbong Bayan sa sarili ang diwa ng paglilingkod sa sambayanan at pagtatakwil sa pagkamakasarili. Itinatakwil nito ang makabagong rebisyonismo at subhetibismo sa dogmatista o empirisistang anyo nito, ang Kanan at "Kaliwang" oportunistmo, sektarismo at liberalismo, komandismo at buntotismo at lahat ng iba pang kahinaan at kamaliang humahadlang sa pagsulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang Marxismo-Leninismo- Kaisipang Mao Tsetung ang pinakatumpak na kasangkapan sa pagwawasto at pagwawaksi sa lahat ng kahinaan at sa burges na reaksyonaryong linya ng mga Lava at mga Taruc at lahat ng iba pang masamang bukal ng kamalian sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas. Ang Bagong Hukbong Bayan ay may mulat na disiplinang bakal. Ito ay sumusunod sa simulaing demokratikong sentralismo. Ang sentralismo sa kaibuturan nito ay ang kataastaasang pamamatnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Sa ubod nito ay ang pagpapailalim ng indibidwal sa organisasyon, ng minorya sa mayorya, ng nakabababang antas sa nakatataas na antas at ng buong kasapian sa Komite Sentral. Ang panloob na demokrasya ay lubusang tatamasahin ng lahat ng Pulang mandirigma at magiging batayan ng praktikal at kongkretong paggamit ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Ang pagpuna at pagpuna sa sarili ay lubusang patitingkarin upang itaas ang bisa sa pulitika at pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan. Magkakaroon sa Bagong Hukbong Bayan ng demokrasyang pampulitika. Batay dito, ang mga kawal ay may karapatang magdaos ng mga pulong at malayang magsalita tungkol sa anumang mahalagang paksa o suliraning kinakaharap nila. Magkakaroon ng demokrasyang pang-ekonomia: ang mga pinuno at kawal ay magkakaroon ng pantay na kalayaang materyal, tulad ng pang-araw-araw na panggastos at rasyon, ang mga kawal ay may karapatang maghalal ng mga kinatawan upang tulungan ang liderato ng kompanya sa pangangasiwa sa kanilang materyal na kalagayan at ang lahat ng pinuno at kawal ay may karapatang magsuri sa mga kwenta sa anumang oras. Magkakaroon din ng demokrasyong militar: ang mga pinuno ay nagtuturo sa mga kawal, ang mga kawal ay nagtuturo sa mga pinuno at ang paraan at teknika ng pakikibaka. Hangga't maaari, dapat magkaroon ng mga pulong bago at makaraan ang mga labanan upang maitaas ang kaalaman at kakayahan sa pakikibaka. Sa ugnayan ng mga pinuno at mga kawal, ganap na ipagbabawal ang mga burges at pyudal na gawing tulad ng pang-aapi. Kung gayon ay pauunlarin ang pinakamahusay na ugnayan ng mga pinuno at kawal sa loob ng hukbo upang ang buong hukbo ay laging maigabay tungo sa pagpapanatili at pagpapaunlad ng mga pinakamahusay na pakikipag-ugnayan sa masa. Ang mga pinuno at kawal ng Bagong Hukbong Bayan ay may mahigpit na tungkuling
sumunod sa Tatlong Pangunahing Alituntunin ng Disiplina at Walong Puntong
Dapat Tandaan ni Kasamang Mao Tsetung at laging handang maglingkod sa
sambayanan, bukod sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin sa labanan. TOP
Sa pamamagitan lamang ng rebolusyong agraryo maaaring likhain ang mga baseng bukid bilang malalaking likuran para sa paglitaw ng mas maraming baseng bukid at mas maraming sonang gerilya at maaaring pakilusin ang malawak na masa ng sambayanan laban sa imperyalismong Amerikano, burgesiang komprador, uring panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista. Sa pagwasak lamang sa pyudal na batayan ng imperyalismong Amerikano sa Pilipinas maaaring tamuhin ang tagumpay sa demokratikong rebolusyon ng bayan laban sa imperyalismong Amerikano, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Sa pagkakaroon lamang ng mga matatag na base maaaring maglunsad ang Bagong Hukbong Bayan ng matagalang digmang bayan. Mula sa matatag na base ay makasusulong ito nang paalon laban sa kaaway. Sa pagbubuo ng matatatag na base upang paligiran ang lunsod ay nalilikha ang pinakamalaking libingan ng mga pwersa ng kaaway. Dito sa kanayunan napipilitang manipis na magkalat ng pwersa ang kaaway, inaakit siyang pumasok at nililipol nang baha-bahagi sa matagal na panahon. Dito sa kanayunan pinapagod at ginagapi muna ang kaaway bago sumulong sa mga lunsod ang mga pangunahing pwersa ng Bagong Hukbong Bayan upang sa wakas ay agawin ang kapangyarihan sa tulong ng mga manggagawa sa isang pangkalahatang welga o sa isang pangkalahatang pag-aalsang kasama ang petigurgesia. Mahigpit na tungkulin ngayon ng Bagong Hukbong Bayan ang pagtatatag ng sandatahang nagsasariling rehimen sa kanayunan batay sa rebolusyong agraryo. Ang sandatahang nagsasariling rehimen ay magiging sentro ng walang humpay na pagsulong ng mga sonang gerilya sa buong bayan. Kasama ang mga kadre ng Partido, lahat ng komander at mandirigma ay dapat mag-aral kung paano itataas sa antas ng matatag na base ang sonang gerilya. Ang Bagong Hukbong Bayan ay dapat magtatag ng mga pangunahing pwersang panlaban nito sa Luson upang magapi ang mga pwersa ng kaaway na nakatipon sa Luson at sa purok ng Kamaynilaan, at dapat ding magtatag ng malaking pwersa sa ibang lugar sa Kabisayaan at Mindanaw upang mapilitan ang kaaway na magkalat ng pwersa sa buong kapuluan sa napakalaking gastos. Ang kaaway ay dapat nating papagkalatin ng pwersa sa dalawang paraan: una, sa buong kanayunan; at ikalawa, sa buong kapuluan. Sa ganito ng paraan ay mawawasak natin siya nang baha-bahagi. Sa layuning ito ay dapat likhain ang malalaking baseng bukid sa Luson, Kabisayaan at Mindanaw. Ang pambansang pagpapalawak ng Partido at hukbo ay dapat isagawa batay sa mga konsiderasyong ito. Sa paglulunsad ng sandatahang pakikibaka, ang Bagong Hukbong Bayan ay dapat magbuo ng apat na tipo ng sandatahang yunit: ang mga regular na pwersang makilos, ang mga yunit ng gerilya, ang mga yunit ng milisiya o ng pangtatanggol sa sarili at sandatahang partisanong lunsod. Ang Bagong Hukbong Bayan ay dapat matuto sa mga karanasan ng mga mamamayang Tsino at Bietnames sa paglulunsad ng digmang bayan at dapat masanay sa paggamit ng mga bago at lumang paraan ng pakikibaka at teknikang militar. Bukod sa pagpapahusay sa pagtudla sa pamamagitan ng iba't ibang tipo ng baril, ang Bagong Hukbong Bayan ay dapat magsanay sa mga operasyong panggabi, pagbabayoneta, paggamit ng mga mina, mortar, pakikidigmang tunel at iba pa. Dapat din itong magpakasanay sa lahat ng katutubong paraan ng pakikipaglaban na nalalaman ng mga manggagawa, mangingisda, magsasaka at pambansang minorya. Sa pagbubuo sa sasrili ay dapat gawing patnubay ng Bagong Hukbong Bayan ang
simulain ng pag-asa sa sarili. Hanggat ito'y mahigpit na nakaugnay sa
masa ng sambayanan at tinatangkilik nila, ang Bagong Hukbong Bayan ay
hindi magkukulang sa pagsisikap nito sa isang matagalang digmang bayan.
Ang mga komite ng Partido sa hukbo at sa mga lokalidad ay dapat mahigpit
na magkaisa upang matupad ang mga tungkulin ng demokratikong rebolusyon
ng bayan.
TOP
Dahil sa antinasyonal, antidemokratiko at bulok na katangian ng estado na nilalayon nitong wasakin at palitan, madaling maaakit ng Bagong Hukbong Bayan ang petiburgesiang lunsod na sa damdamin at kalagayang materyal ay di-sasalang sasama sa mga pinagsasamantalahan habang lumuluha ang krisis. Sapagkat sasamsamin ng Bagong Hukbong Bayan ang mga kalakal ng imperyalista at pagkakaitan ng pamilihan ang mga imperyalista sa mga lalawigan, ang pambansang burgesia at lahat ng maliliit na makabayang negosyante ay mahihimok na yumari ng mga kalakal sa loob ng bayan at magtaguyod sa pwersang rebolusyonaryo. Sa kanayunan, ang Bagong Hukbong Bayan sa pamumuno ng Partido ay dapat lumikha ng antipyudal na nagkakaisang prente upang mabuklod ang mga maralitang magsasaka at mga manggagawang bukid bilang di-magagaping baseng pampulitika, mahimok sa ating panig ang mga panggitnang magsasaka at maneutralisa ang mga mayamang magsasaka. Sasang-ayunan ng Bagong Hukbong Bayan ang pagtatatag ng isang prente sa pambansang pagpapalaya bilang isang sandtahang nagkakaisang prente ng lahat ng makabayan at progresibong uri, pangkat at indibidwal. Tinatanggap nito ang pagbubuo ng iba pang armadong pangkat na naglulunsad ng sandatahang pakikibaka laban sa kaaway. Ipagkakaloob sa kanila ng Bagong Hukbong Bayan ang suporta at kooperasyon sa abot ng makakaya nito. Sa bawat pagkakataon ng nagkakaisang kooperasyon, dapat higpitan ng Bagong Hukbong Bayan ang pagkakahawak nito sa rebolusyonaryong linyang makauri. Habang ang layunin ng anumang uri o pangkat ay ang pagwasak sa kapangyarihan ng imperyalismong Amerikano, pyudalismo at burukratang kapitalismo, ang Bagong Hukbong Bayan ay laging malugod na magbibigay ng kooperasyon at pagtulong. Ngunit ito'y dapat laging magmatyag sa mga impiltrador ng kaaway at mga rebisyonistang mananabotahe ng sandatahang pakikibaka. Sa pagganap sa rebolusyonaryong tungkuling labanan ang imperyalismong
Amerikano, makabagong rebisyonismo at katutubong reaksyon, ang Bagong
Hukbong Bayan ay lubos na nakababatid na ito'y nag-aambag sa pag-unlad
ng internasyonal na nagkakaisang prente at nagtataguyod sa simulain ng
proletaryong internasyonalismo. Ang rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka
sa Pilipinas ay tiyak na isang mabisang bahagi ng pandaigdigang pakikibaka
ng lahat ng mga mamamayang api laban sa imperyalismong Amerikano, makabagong
rebisyonismo at lahat ng reaksyon. Ang pagbabagsak sa imperyalismong Amerikano
at katutubong reaksyon sa Pilipinas ay magiging dakilang ambag tungo sa
ganap na pagbagsak ng imperyalismo at sa pandaigdigang tagumpay ng sosyalismo.
TOP
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|