|
Lucia Makabayan Agosto 1983
Ina Teresa
Bumubungad ka sa alaala
Gaya ng ngiti mo noon sa pagbukas
Ng lumang pintuan.
Magdamag ang apoy sa sulok
Ang nangainip na pira-pirasong saleng
Ay muli mong ginising
Nag-alab ang pagtanggap sa mga kasamang
Inihikab ng gabi.
A, alam mong tantiyahin
Kung ilang tasang kape ang isasalang
Tiyak mong may mga manlalakbay
Magagawi't makikipagkumustahan.
At ipinaalala mo,
"Isandal ang mga riple't iayos ang mga makoto"
Dalawang araw na lakaran
Pihong pahinga ang hanap ng mga pagal na katawan.
Malamlam ang ilaw ng iyong gasera noon,
Ngunit antok ng mga kasama'y dagling nagpaalam
Kayraming tanong, sabik sa balita.
Wika mo'y masigla ang pag-oorganisa
Gawaing iniwa'y itinataguyod ng masa.
Sa pagitan ng ating talakayan
Isa-isa mo kaming minamasdan
Mga anak na di mo kilalang lubusan
Bahagi na ng daloy ng iyong buhay.
Ina Teresa, hindi na napinid ang iyong pintuan
Ngiti kang pumipilas sa isip ng mga kasama
Pagkat bahagi ka ng paglalakbay
Init kang kumukupkop at bumubuhay.
|
|