|
Servando Magbanua 20 Nobyembre 1980
Pasilangan ang Ihip ng Kanta
Anuman ang hugis ng mga bundok
sila'y mistulang sapad at mababa
habang kaming basa sa hamog ng gabi'y
papalayo sa napakatandang gubat.
Abuhing malamlam ang kislap ng aming mga baril
sa liwanag ng buwan;
tulad ng nakagawia'y sumanib kami
sa mga aninong ngayon lamang nasumpungan.
Sa may kalayuan, bumubuo ang kayumangging palayan
ng malikaw na pinitak,
at ang tubuha'y nakalatag
hanggang sa abot-tanaw-
nakapaninibago sa unang malas ang kapatagan
ng aming mga pangarapin!
(Sansaglit, may kung ano pang
pananabik, aming nilingon
ang napakataas na Taganhin, naghahari
sa mga distrito ng baku-bakong mga bundok,
at kami'y napangiti ... )
Sa malayo'y umilanlang ang uyayi
ng umaga- hayun!
sa kulumpon ng kawayang
nakahilig sa makinang na dalisdis
sa sinapupunan ng sapang
mahiwaga't madilim
paalun-alon ang sinag ng liwanag
mula sa mga kubong layu-layo't di pa nasisilungan,
kumakaway sa mga Pulang manlalakbay ng gabi.
Pasa bilis! hudyat ng lider
ng aming iskwad.
Nagkapakpak ang aming mga paa,
bumilis ang pagtibok ng aming mga puso
habang kami'y hinihila pasilangan.
ng ihip ng kanta, palapit nang palapit
sa lupang sakop ng mga asyenda....
(K.M.)
|
|