|
Wilfredo Gacosta Disyembre 1971
Ang mga Kaibigan
kilala ko ang aking mga kaibigan-
sila yaong iniluwal
sa mga nipang dampa sa kanayunan,
sa ilalim ng tagpi-tagping bubong
ng mga iskwater sa kalunsuran,
o sa butas-butas na kutson
sa mumurahing ospital.
sila yaong pakyawan kung binyagan
sa minamadaling oremus ng kurang
nagtitipid ng laway
para sa isusunod na binyagang ispesyal.
sila yaong ang paglaki
ay babahagyang namamalayan
sapagkat walang dyaryong mangangahas
maglathala ng kanilang pangalan
ni ng munting salu-salo sa pagdiriwang
ng kaarawan.
siya yaong kahit man lamang sa isang araw
ay pinagbibigyang maging diyos
ng mga nagkukunwaring utusan,
at pinipilit pahalakhakin
sa mga pinalamutiang kasinungalingan.
sila yaong makaraan ang halalan
ay muling pasasambahin
sa mga panginoong napapaligiran
ng mga bakod na baril hanggang sa kubeta.
sila yaong nakabaon sa kumunoy
ng pagkakautang
at nagmamasid na lamang sa sariling
likhang-yaman sa mga palengke
at mga kristal na durungawan
ng mga tanyag na basar.
sila yaong sa mga dula
sa tanghalan ng mayayaman
ay mga di pansinin
o kontrabidang papel ang ginagampanan.
sila yaong kung may angking talino
at kadalubhasaan
ay inaaring upahang utak at bisig
ng malalaking mangangalakal.
sila yaong nagsasariling namumuhay
sa mayayamang kabundukan,
na ang anyong nililok
ng makalumang kultura
ay ginagawang tampulan
ng pangungutya ng mga "sibilisado"
sa ngalan ng kristiyanismo't
makabagong pag-unlad,
na ang yama't binungkal na lupain
ay kinakamkam.
kilala ko ang aking mga kaibigan-
sila yaong ang kasaysayan
ay nakatala sa mga dugua't putikang pahina
ng mga aklat ng mga kadre
na bumulagta sa kabundukan
ng Luson, Kabisayaa't Mindanaw.
sila yaong ang kapakanan
ay nasa diwa ng bawat api
na unti-unting humahanay
sa kaliwang dulo ng larangan.
sila yaong ang tadhana'y akin din...
ang mamuhay sa isang bansang malaya
o mamatay nang nakikibaka!
|
|