|
Emmanuel Lacaba
Ulan
Noong sanggol pa lamang ang aking pagtula't nag-aaral pa ngang
gumapang, gumapang,
Mula sa puso ko't pluma'y bumuhos ang tintang dugo, tungkol
sa ulan.
Ulang parang luha; ulang parang pisi ng saranggola; ulang
parang kulungan;
Ulang parang kulambo; ulang parang sibat, karayom at sinulid;
ulang parang damuhan;
Ulang parang palay; ulang parang kuwerdas ng sanlibong gitara;
ulan, ulan, ulan.
Sabi nga ng isang kilalang makata, ang ulan ay hindi mawawala
kailanman
Sa ating panulaan. Sa tanging dahilang palaging umuulan sa ating
kapuluan.
II
Mabuti ang ulan sa palay sa patag pero hindi sa mais sa kabundukan.
Ngunit tinatamad umakyat ang kaaway sa ating kanlungan kung
malakas ang ulan.
Tinitiis naman natin ang madulas na bato sa sapa; tulay na tiniban;
Putik lalo't paakyat; tumutulong tubig mula sa mga bubong ng mga
kubong bahay;
At ang ginaw, ang ginaw, pero nakangiti at umaawit lang tayong
hukbong bayan,
Sapagkat tayo ang mata ng bagyo, ubod ng liwanag; ng dakilang
Himagsikan:
At pagkatapos ay ang bahaghari; sariwang simoy; sigaw ng Mabuhay!
Mabuhay!
|
|