|
Emmanuel Lacaba
Ang Mandirigma ng Sambayanan
Ang mandirigma ng sambayanan ay isang atleta:
Umaakyat sa bundok, hindi dahil sa iyon
Ay naroon, kundi dahil sa naroon ang masa.
Siya'y isang sirkero: pinapaninimbang ang sarili
Sa mga buwal na kahoy na tulay sa mga ilog
At mga dambuhalang talon ng tiyak na kamatayan.
Katulad ng isang aktor: sa tanghalan ng rebolusyon;
Isang matapat na aktor, sapagkat ang masa
Ang pinakamahusay na tagahatol, nakababasa ng mga mukha't katawan
At nakababatid kung ikaw ay nagsasabi ng katotohanan, o basta
Nagbubulaan. Ang mandirigma ng sambayanan ay isa ring
Komedyante: ipinamarnalas sa masa ang kabalighuan,
Ang kabalintunaan ng kanilang kalagayan-
Ang tunggaliang namamagitan sa inaalipin ngunit nagpapatulo ng pawis
At sa naghaharing walang ga patak mang pawis mula sa kanyang
De-kutsong kotse't upisina at marmol na inidoro;
Ang masa'y pinasisigla ng mandirigma ng sambayanan upang malugod
Na sumuong sa digma, ngunit taglay ang lahat
Ng katatagan; siya'y nagpapatawa, upang mapalapit
Sa kanya ang kalooban ng masa, siya
Na kabilang sa kanila
At nauukol sa kanila- sa unang pagkakatao'y nasasandatahan
Ngunit di mapagsamantala, siyang mandirigma ng sambayanan.
|
|