|
Wilfredo Gacosta 12 Disyembre 1972
Isang Madaling Araw
(Unang Karanasan sa Sagupaan)
kami nga'y musmos
at nilaro nami'y digmaan.
isang gabi,
ngumiti lang kami-
sagisag ng naliligaw naming tapang
sa nababalitang paglusob ng kaaway.
ngunit di laro ang digmaan.
binayaran ang mga kaaway
upang pumatay.
at isang madaling araw,
ang ingay namin sa paghahanda ng almusal
ay biglang pinalitan ng nakatutulig
na putukan.
nagpapaputla,
nagpapanginig,
sumusubok sa paninindigan.
higit pang malalakas ang kaba ng dibdib
kaysa mga tumutugis na yabag.
dapat bang maduwag at lisanin
ang dakilang simulaing sinumpaang ipaglalaban?
matuto sa katunayan ng digmaan,
sa wastong paraan ng rebolusyonaryong paglaban!
|
|