Servando Magbanua 5 Hulyo 1980
:Ang Pamana (Filipino)
Bago siya panawan ng hininga,
tinipong lahat ni Antay Gabriel ang mga kamag-anak
at naghabilin:
"Ako'y papanaw na, kayat makinig na mabuti."
"Bago dumating ang ating hukbo
tayong taong-bundok
katiting ma'y wala.
"Ang mga ama't inang nauna sa ati'y
tumakas sa kinasusuklamang mga gwardya sibil
sa patag, nanirahan dito't
nag-isip ng kalayaan."
"Binuwag nila ang nagtatayugang mga puno
nagkaingin sa paligid ng bundok
para sa minsan-isang taong ginintuang pangarap
nangaso't nangisda
gamit ang kanilang lambat at sibat
ngunit kailanma'y di sila naging
malaya.
"Tulad ng dati, dumating ang mga gwardya sibil
sumunod ang mga tulisan
at kinalauna'y ang mga konstabularyo.
Lahat sila'y may baril at lahat ay dumating
para mang-alipin, mandambong at pumatay.
Sa galit, ang mga ama't ina nati'y
mabangis na lumaban para ipagsanggalang ang sarili
ngunit dahil hiwa-hiwalay at di pa mulat
sa huli'y walang nagawa."
" Sa ganyang abang kalagaya't mala-hayop na kamangmangan
tayong anak nila'y isinilang
sa mundo't nagdurusa.
Tulad nila, tayo'y nagkaingin
nangaso't nangisda, at higit pa'y
tinigib ng ating paggawa ang mga asyenda
tiniis ang pag-aglahi ng mga panginoong maylupa
nanginig sa takot at lumuhod sa harap ng mga maykapangyarihan
nakitang pinatay ang ating mga kapatid ng walang pakundangan
at, o anong sakit, wala man lang tayong sinabi...
"pagkat ang lupa, ang ilog
at sapa, ang hanging ating hinihinga -
ating inakalang atin
at wala nang iba pang mahalaga.
"Makaraa'y muli silang dumating, ang mga taong may baril
nakasuot ng kanilang palalong uniporme, at nagsabing:
'Ang lupang ito'y pag-aari ng Army Reservation.
Magbayad ng upa, kundi'y mamamatay kayo!'
Tungo ang ulo, ang ating mga kapatid-
tayong lahat - ay nagngingitngit sa tinitimping galit,
ngunit tayo'y walang sinabi....
"At gayon na nga: tayo'y nagbanat ng buto
hubo't hubad pa rin tayo sa karukhaan
naghihirap pa rin ang ating mga anak
at hindi tayo malaya.
"At dumating ang ating hukbo."
Napaka-kaiba sa ibang taong may baril.
May magiliw na pamimitagan, ating kinalinga ang mga lalaki't
babaeng ito at nakita natin ang kanilang katatagan,
ang kanilang kahinahuna't disiplina.
Maraming bagong bagay ang ating natutuhan sa kanila:
ang ugat ng ating paghihirap
ang katusuha't kataksilan ng kaaway
ang rebolusyonaryong digma- ang ating hinaharap!
"Doon nagsimula ang painut-inot na pag-iipon natin ng lakas.
Tulad ng mga kabuting ligaw sa bukid
pagkaraan ng mga unang ulan ng Mayo
ang mga organisasyong kailanman sa nakaraa'y di nakilala
ay nagsipagsibulan sa ating mga nayon sa kabundukan:
komite, grupo sa pag-aaral,
pangkat sa pagtutulungan, milisya!
"Ni halos wala kundi kamay-kamay lang
ating binago ang mukha ng ating tahanang bundok.
Ginawa nating halamanan at taniman ng mga punong namumunga
ang lupang tiwangwang
ginawang palaisdaan at palayan
ang dalisdis ng mga sapa-
walang natakot magsakripisyo
para sa ikabubuti ng lahat!
"Isa-isa'y bumagsak yaong nagtangkang
wasakin ang ating mga pinaghirapan:
mga traydor sa ating hanay,
ispyang galing sa labas, ICHDF!
Mula pa ng panahon ng ating mga ama't ina
walang pakikibakang tulad ng sa atin
ang nakaabot sa buong sakop
ng Angas!
"Taas-noo sa wakas
tayong mga taong-bundok
ay nagsimulang mamuhay bilang tao.
"At ngayo'y ganito na nga: nagbabanat ng buto
hubo't hubad pa rin tayo sa karukhaan
naghihirap pa rin ang ating mga anak
dumarating pa rin ang mga demonyong naka-baril
para mang-alipin, mandambong at pumatay
ngunit nakamtan na natin ang dakilang kaalaman:
alam na natin ngayon kung paano lumaban
at malayo na rin ang ating naabot.
"Kaya. . .
Inihahabilin ko sa inyo ang mga gawaing dapat pang harapin.
"Inihahabilin ko ang ating mga sundalo:
kalingain sila.
Higit sa lahat, matuto sa kanila.
"Huwag mag-awayan;
nahaharap kayo sa matagalang digma-
itaguyod ito ng may isang puso't isip.
Magpakatapang. Maging tulad ng punong yakal:
malakas at di matitinag magpakailanman.
"At huwag akong tangisan; ako'y nasisiyahan.
Ilaan ang hinagpis sa mga namatay sa digma
ngunit huwag kailanman lilimuting... ang lupa...
ang ilog at sapa... ang hanging hinihinga...
ay inyo't... ng mga bata...
sa wakas."
Pagkabigkas ng habilin,
Pumanaw si Antay Gabriel
Nang matiwasay.
(K.M.)
|