|
Wilfredo Gacosta Septembre 1973
Bakit Ngumiti Lang Kayo?
patay na si Gogola!
ang nag-utos sa inyong habulin
ang makamandag na ulupong
sa kanyang asyenda,
ang pumilit sa inyong lunukin
ang kumukulong kape
upang mapaikli ang oras ng pamamahinga,
ang komprador na malimit umutang
sa inyong kinikita
at ayaw magpautang
kahit patawirin ang inyong buhay.
hinatulan na ng masa,
dakilang hukom ng kasaysayan,
ang litanya ng kanyang pagkakasala
sa mga anak-pawis.
bakit kayo'y ngumiti lang?
hindi ba kayo hahalakhak
sa ibabaw ng pangit niyang bangkay?
nakapaghiganti na kayo!
ang rebolusyon, mga kasama,
ay hindi pansariling paghihiganti.
ito'y makauring pakikitunggali
at ang hahalakhak ay ang buong aping uri,
hindi ang iisa
o kakarampot nitong kasapi.
hindi pa ito ang oras
ng pagtatawa-
milyun-milyon pa ang lumuluha.
hindi pa ito ang araw ng pagbubunyi-
marami pa ang dumaraing,
marami pang alipin ang nagsusumamo
sa kanilang mga panginoon.
|
|