|
Lucia Makabayan 17 Hunyo 1983
Sabi Nila
Ngayong ako'y nandito
At ika'y naririyan
Tuwing umaga'y tangan ko ang pahayagan.
Sulyap sa petsa
Tutok sa hedlayn
At gagapangin ng mga mata
Ang mga balita.
Minsa'y may nagkukubling kaba
Lalo't sa lugar na banggit
Ay naroroon ka.
Nagkaroon na naman daw ng tambang
Di tiyak ang bilang ng mga sugatan
Di na umabot sa ospital
Ang mga napalabang bayaran.
Tiklop na ang dyaryo
Pangamba'y dama ko pa rin.
Maayos kaya ang pagkakaatras ninyo?
Naisip ko,
Higit na tunton ng mga kasama
Ang kasukalan.
Muling bubuklatin ang mga pahina
Di ka makawala sa isip ko
At ako'y matatauhan
Kaydaming pangyayaring di ibabalita ng pahayagan
Mga tagumpay ng masa't hukbo sa kanayunan.
|
|