|
Kris Montaņez 13 Pebrero 1985
Dave
(Sa alaala ni Merardo T. Arce, pinatay ng mga sundalo ng diktadurang US-Marcos sa Cebu noong 5 Pebrero 1985 sa gulang na 31)
Iyon at iyon ang papel mong ginampanan
Sa teatro ng paghihimagsik:
Isang manggagawa, inapi, pinagsamantalahan,
Namulat at nanguna sa pagdurog sa kaaway.
Sa tuwina'y mabunyi ang wakas: nangakataas ang maso,
Ang karet, ang PSR at ang baril,
Wumawagayway ang mga bandilang pula,
Pasulong na nakataas ang iyong kamao,
At ang iyong mga mata'y nagniningning
Sa tagumpay habang dumadagundong
Ang Internasyunal.
Iyo't iyon: isang rebolusyonaryo, sa teatro
At sa huli'y sa larangan ng digma,
Nakanapsak, may hawak na baril,
Namumuno sa armadong pakikibaka
At kilusang masa sa kanayunan.
Ang dating papel ang iyong naging buhay.
Paano pa magkakaiba? Iisa ang pinanindigan mo,
Ikaw bilang tauhan sa dula,
At ikaw bilang kasamang naghawan ng landas
Sa rebolusyonaryong pakikibaka.
Iyo't iyon: kahit ang pagpatay sa iyo
Ng kaaway ay matagal nang naisadula,
Kahit ang pagtangis sa iyong bangkay
Ay nahalinhan na ng rubdob ng paghihimagsik.
Tingnan mo: lahat kaming nasilayan
Ng iyong ngiti'y nangakataas ang kamao
Habang dumadagundong ang Internasyunal
Sa puso ng bayan.
|
|