|
Katalino Maylayon 17 Oktubre 1984
Urisip
Isinilang kang hubad
Sa ugali at muwang;
Sa 'yo namang paglaki,
Isip mo'y natatakan.
Noong ihinahanda ka
Sa sariling paghakbang,
Isip, gawi ay nahubog
At tunay na nasalalay...
Sa uri ng mga kamay
Na sa iyo ay gumabay-
Kamay bang nagpapakain?
nagmamandong ipaghain?
May sarili ka nang isip;
Ngunit marka'y nakikintal
Ng ginagawa ngayon
Ng iyong mga kamay
Sila ba ay bumubuhay?
O batay sa minamay-ari'y
Kumakamal, nakapang-aagaw?
At, sa papaanong paraan?
Mahigpit nga. itong ugnayan
Ng isip at karanasan,
Ng iyong ugali at ng uri
Ng iyong mga kamay.
|
|