|
Lucia Makabayan 25 Oktubre 1981
Sa Amang Naghihinanakit
Hindi nagsisisi ang iyong anak
Di siya mamamalimos ng tawad.
Nasa isip ka niya
Habang kadulog ang mga magsasaka,
Nagigiliw siya sa iyo
Sa gitna ng pag-awit ng mga kasama.
Kumusta na ang inyong negosyo?
Papaliit na ang tubong binibilang
Pikit pa rin ang mata
Sa milagro sa ekonomya.
Ilan ang ama't anak na tulad natin?
Di na natapos ang hidwaan,
Di na nagtagpo sa isang kasunduan.
Huwag parusahan ang iyong sarili
Ng litanya ng mga pagsisisi.
Di ka nagkulang bilang ama
Ngunit kaytagal nang walang piring
Ang aking mga mata.
Napag-usapan ka namin dito
Paano ang pagsagip sa mga tulad mo?
Agos ay darating, batid namin
Dadaloy ka sa bagong kaayusan
Ama't anak tayong magtatalo't magpapanday.
|
|