|
Kris Montaņez 1981
Bakir
Bitak-bitak ang tigang na lupa
Sa tag-araw. Siksik na sa ani
Ang bodega ng panginoong maylupa,
Ang kabang-yaman ng usurero.
May naisasaing pa ang mahirap
Na magsasaka. Sa makitid na pilapil,
Tumitikom ang mga dahon ng makahiya,
Masaling lang, ngunit ang kanyang
Mga tinik ay patalim na nakaumang.
Kaylawak ng bukirin, ng parang.
Sino ang makapagsasabing
Ang lupang hinawa't binungkal
Ng libu-libong anakpawis
Sa kung ilang salinlahi'y
Pag-aari larnang ng iilang nilalang?
Patalim na nakaumang
Ang mga tinik na bakal
Ng naghaharing uri.
Hinahasa ng matinding sikat
Ng araw ang bawat dahon ng talahib,
Kumikinang ang ilog
Sa tama ng liwanag,
Lumalangitngit ang kawayan
Sa bugso ng hangin. Tahimik
Ang mga dampa. May impit na daing
Sa langitngit ng sahig, sa lagaslas
Ng tubig sa batalan. Isang ama,
Ina, anak o kapatid ang nawawala.
May bangkay na namang lulutang
Sa ilog, mangagamoy
Sa gubat, o mabubulok
Sa bilangguan. Umaabot
Hanggang langit ang ungol
Ng dalamhati, ang sigaw
Ng paghihimagsik. Ang daang
Paakyat sa bundok ay pinatag
Ng mga paang nasanay kumapit
Kahit sa kapirasong lupa't
Batong nakausli. Nagtatayugan
Ang mga puno. Sa pagitan
Ng mga sanga'y may masiglang kampay
Ng bagwis. Sa ilalim ng mga daho'y
May himig ng isang malayang
Awit. Nagpupulong ang mga api.
|
|