|
Emmanuel Lacaba
:Pagdiriwang
I
Sa Todos los Santos, Pasko't Bagong Taon, ang mga magulang,
mga lola't lolo,
Mga tiya't tiyo, mga hipag, bayaw, kapatid, pamangkin, at mga
anak ko,
Silang lahat ay magkakalumpon sa harap ng puto, ginatan, at biko.
Sandaling tahimik. At may magbibiro: "Saan kaya ngayon nagtatago ang loko?"
II
Sa pista ng bayan kulang ang pagkain sa sobrang pagmahal ng mga bilihin,
At sa kaarawan madaling maubos ang biniling pansit sa dahon ng saging.
Bale-wala ito sa mga bisitang dating kasamahang pangiting hihiling:
"Mas mahabang buhay sa kanilang lahat na nakikibaka sa mga bukirin!
III
Dito sa bukirin: may kapistahan din sa piling ng masang naliligayahan
Sa ating pagdating, mga mandirigmang kasama sa gutom, ginaw, karukhaan.
Dito sa bukirin: dilim tinitiis kahit magdantaon upang bawat araw
Sa kinabukasan maging pagdiriwang, kulay at liwanag, awit ng tagumpay.
|
|