|
Kris Montaņez 1975
"Wala Akong Binitiwang Salita na di Pabor sa Mamamayan"
Binukalkal ang iyong kartamoneda
Sumambulat sa mukha ng mga ahente
Ang mga tiket sa bus, resibo, numero
Ng teleponong pinagbalibaligtad
Mga petsa't lugar ng pulong
Mga pangalang wala sa anumang direktoryo
Mga baryang pinaghirapan ng masa't
Inihandog para sa rebolusyon
Ginulpi ka't tinadyakan
Tinutukan ng nakakasang baril
"Wala akong alam"
Pinagsilbing sinisera ang iyong bibig
Kinoryente ang ari
"Wala akong alam"
Binalian ka ng tadyang
Lumura ng dugo
"Wala akong alam!
Bago ka panawan ng ulirat
Buong dahas mong dinuraan
Ang iisang mukha ng mga matong bayaran
Ang nakangising mukha ng diktador
Lupaypay ang katawan mong ibinalandra
Sa madilim na karsel
Gayunman, hindi nila napiga ang katotohanan
Sa isang pirasong palara ng sigarilyo
Sa gangga-langgam na mga letra
Ngunit sintapang ng iyong paninindigan
Iyong itinala
"Wala akong binitiwang salita
Na di pabor sa mamamayan!"
Kung gayon, ang kirot ng mga sugat mo'y apoy
Na nagliliyab sa dibdib ng mamamayan
Ang dugo mong namuo'y bakal na sintigas
Ng kamao ng mamamayan
Ang diwa mong di malambungan ng karimlan
Ay sing-init ng umagang gumigising sa mamamayan
Ang iyong salita'y sandata at moog
Ng mamamayan
Kayliwanag ng kasaysayan sa nagdidilim-sa-poot
Na mukha ng mamamayan!
Sa makitid na karsel
May isang awiting nagpapasigla sa iyo'
Sa kagubatan nagmumula ang awit
Ng isang mandirigma
Hinihipan ng malayang hangin ang kanyang buhok
Tinatapik-tapik niya
Habang siya'y umaawit
Ang isang laging nakahandang
Riple
Anong dalisay ng kanyang tinig
Sumisilay ang ngiti sa namamaga mong mga labi
Ito ang katarungang umaalingawngaw sa iyong salita!
|
|