|
Emmanuel Lacaba
Kung Ako'y Mamatay
Kung ako'y mamatay, oo, marami nga
Ang mag-iiyakan: di lang kamag-anak
Kundi kaibigan sa iniwang lunsod-
Dating kaeskwela, kasama sa trabaho,
At intelektwal na mahilig sa tula.
At lalong lalo na ang mga magsasaka
At manggagawang sa aki'y nagbuhos
Ng kasaysayan ng pait nilang buhay.
Oo, matutuwa ako kung magpunta
Silang lahat sa aking luksa at libing,
Kung punuin nila ang buong lansangan
Sa huling martsa ng aking kabaong
Na nababalot ng banderang pula
Na may maso't karet o tatlong bituin.
Higit pa kung sila'y magsimulang magtanong:
"Para kanino, bakit siya namatay?"
Subalit pareho lang sa akin kung
Sa kasukalan lang ako malugmok
Upang ibaon ng uod at damo
Nang walang alaala, walang pangalan.
Sapat na kung masang minahal ang magbangon:
Magwasak sa ating piitang bulok!
Lumikha ng lipunan ng liwanag, oo!
Liwanag na sa loob kung ako'y mamatay.
|
|