|
Ruth Firmeza Setyembre 1977 Kailusan, Twin Peaks Baggao, Cagayan
Pitso Manok
Pinakamatayog ka sa lahat ng aming naakyat
balabal ang ulap sa iyong itaas
mga liku-likong landas na aming tinahak
mula Isabela tungong Cagayan, sa iyo maglatagos
sa iyong tugatog, Pitso Manok
Dito, tanaw ang kapatagan
ang Kordilyera, iba pang larangan
dito, bagong pag-asa ang iyong dulot
ibayong lakas, lakas ng isip ang handog
sa pagkakulong at pagkahulagpos sa pangungubkob
Pagaspas ng hangin, pumupuno sa dibdib
abot-tanaw ang paglawak ng bagong daigdig
abot-kamay ang pagdurog sa panggagahis
at sa pagbaba sa tugatog mong matarik
mataas na antas ng pakikibaka ang makamit
Pitso Manok, ang yakap mo'y aming iniwan
tungo sa masang kaytagal nang naghintay
bagong sona ang aming nabuksan
upang ikawing sa iisang hanay
yakap nila, tulad mo, ang aming ipinaglalaban
|
|