|
Wilfredo Gacosta Oktubre 1974
Ang Kasaysayan ng Isang Panawagan
sa kulimlim ng kagubatan
sa bundok ng Katuaga,
pinag-uusapan ang maaliwalas na bukas
ng pambansang pag-aaklas.
sa isang tabi ng malawak
na kugunan sa gulud ng Bangtuhan,
dumurungaw sa patag at kabayanan,
tinatasa ang dami't hirap
ng mga gawaing naghihintay.
di kaginsa-ginsa'y
"pasa-pulong, mga kasama!"
nagpupumilit pumasok
ang apat na kolum
ng mga bayarang sugo ng diktador.
sa de-kutsong upuan
naghahalakhakan ang mga berdugong
Frivaldo at de Guzman,
"ha! ha! ha! sa Disyembre ang inyong wakas,
mga subersibong mararahas!"
tahimik na nakaabang-
matutulis na kawayan sa ilalim
ng kasukala't mga daan.
tahimik na nagmamanman
ang mga milisyang bayan.
ano ang susunod nating hakbang?
nagsimulang umalingawngaw
ang mga armalayt at masinggan
ng mga nauulol na kaaway;
ang helikopter ay palalong nagsasayaw
sa kalangitan.
handa at mahinahon
ang mga nagbabantay sa mga lagusan
sa timog at hilaga, sa silangan
at kanluran.
sa kubong pulungan.
mabaho ang usok ng tabakong lokal,
matabang at mapait ang matapang
na kapeng walang asukal...
ngunit walang kasintabang
ang mamuhay sa inaaliping bayan,
walang kasimpait ang reaksyonaryong kalupitan.
magkunot ng noo! maghanap ng paraan!
sa huli ang pulong ay nagluwal
ng panawagan:
"ipagtanggol ang mga organo
ng Pulang kapangyarihan!
wasakin ang kampanyang pagkubkob
at paglipol ng kaaway!"
|
|