Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews

CPP Primers


Ang Electric Power industry Reform Act of 2001

- Isang praymer na inihanda ng Kawanihan Pang-impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas, Hunyo 2001

  1. Introduksyon
  2. Ano ang Electric Power Industry Reform Act of 2001?
  3. Bakit nagmadali ang rehimeng Macapagal-Arroyo na isabatas ito?
  4. Sinu-sino ang interesado sa pagbili ng Napocor at ng mga plantang pang-enerhiya nito?
  5. Paano palalakasin ng batas na ito ang kontrol ng mga dayuhang monopolyo at lokal na malalaking burges-kumprador sa serbisyo sa kuryente?
  6. Ano ang direktang pakinabang ng mga monopolyo sa cross-ownership?
  7. Ano pa ang ibang implikasyon ng pribatisasyon ng Napocor?
  8. Bakit mataas ang binabayaran natin sa kuryente?
  9. Liban sa paniningil ng PPA, paano pa tumutubo nang malaki ang mga IPP?
  10. May katotohanan bang bababa ang presyo ng kuryente sa ilalim ng bagong batas?
  11. Paano makatotohanang maibababa ang singil sa kuryente?
  12. Bakit kailangang ipailalim sa nasyunalisasyon ang serbisyo sa kuryente?
  13. Mga kinakailangang kagyat na aksyon
  14. Paano dumadaloy ang kuryente mula sa plantang pang-enerhiya papunta sa mga konsyumer?

"Ipinamalas ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang pangangayupapa nito sa imperyalismong US sa pagkukumahog nitong maipasa agad ang batas.
Ang batas na ito ay bahagi ng mga "repormang pangekonomya" na nakapaloob sa balangkas ng "globalisasyon" at "malayang kalakalan" ng imperyalismong US. Tinitiyak at pinalalakas ng deregulasyon at pribatisasyon ng mga estratehikong industriya at sektor ang kontrol ng dayuhang monopolyo kapital sa pambansang ekonomya at kabuhayan ng bansa."

Sa kabila ng mariing pagtutol ng mamamayan, isinabatas ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang RA 9136 o Electric Power Industry Reform Act of 2001. Ang pitong-taong proseso sa pagpupursige ng mga naghaharing uri at ng magkakasunod na reaksyunaryong pamahalaan upang mapagpapatibay nito ay tadtad ng samutsaring katiwalian at anomalya.

Sa loob lamang ng apat na araw ng "espesyal na sesyon" na ipinatawag ni Macapagal-Arroyo, milagrong nagkasundo agad ang mga kongresista at senador sa pinal na bersyon ng batas. Pinangunahan ng malalaking burgesya-kumprador katulad nina Kongresman Arnulfo Fuentebella (2nd District, Camarines Sur) at Senador John Osmena, kasosyo ng pamilyang Aboitiz ng Cebu, ang pagtataguyod sa panukala. Sadyang hindi pinadalo sa botohan ang mga mambabatas na nagpahayag ng pagtutol sa panukala.

Kakoro ang malalaking burgesya-kumprador, ipinagdiinan ni Macapagal-Arroyo sa kampanya sa telebisyon at radyo ang kunway mga benepisyo na matatamo ng ekonomya at mamamayan sa ilalim ng bagong batas. Tahasan nitong binalewala ang hinaing ng iba't ibang grupong nagluklok sa kanya sa Malakanyang. Ipinapalaganap ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang propagandang kailangan ang Power Reform Act upang maiwasan ang nakikinitang kakulangan ng kuryente sa susunod na limang taon at upang mapababa ang singil sa kuryente.
Papatagin diumano ng batas ang sektor ng enerhiya upang malayang makapagkumpetisyon ang iba't ibang kumpanya. Magdudulot daw ang malayang kumpetisyon ng pagpapahusay ng serbisyo sa kuryente at tuluy-tuloy na pagbaba ng presyo ng kuryente, laluna para sa mga industriya. Magbubunsod umano ito ng mga bagong puhunan, trabaho at kabuhayan para sa mga Pilipino.

Ngunit dulot ng malakas na presyur mula sa mga progresibo at militanteng pwersa at kilusan, napilitang aminin ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang pinsalang idudulot ng bagong batas sa mamamayan. Sa pagtatangkang paamuhin ang mamamayan, isisingit daw ng rehimen ang mga "susog" sa batas na kunway magbibigay ng proteksyon sa mamamayan laban sa pagsasamantala at panghuhuthot ng malalaking kapitalistang kokontrol sa serbisyo ng kuryente.

Ipinamalas ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang pangangayupapa nito sa imperyalismong US sa pagkukumahog nitong maipasa agad ang batas. Ang batas na ito ay bahagi ng mga "repormang pang-ekonomya" na nakapaloob sa balangkas ng "globalisasyon" at "malayang kalakalan" ng imperyalismong US. Tinitiyak at pinalalakas ng deregulasyon at pribatisasyon ng mga estratehikong industriya at sektor ang kontrol ng dayuhang monopolyo kapital sa pambansang ekonomya at kabuhayan ng bansa.  Back to top

Ano ang Electric Power Industry Reform Act of 2001?

Ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 o Power Reform Act ay isang batas na nagdederegula sa serbisyo sa kuryente at nagsasapribado ng National Power Corporation (Napocor). Pinagtibay ito ni Macapagal-Arroyo bilang batas noong Hunyo 8.

Sa batas na ito, hindi na ituturing na public utility ang operasyon para sa produksyon at pagsusuplay ng kuryente. Ginawa ang salamangkang ito upang malusutan ang probisyon sa reaksyunaryong konstitusyon na nagbabawal sa pag-aari ng mga dayuhan sa mga public utility. Isinasapribado ang pagmamay-ari at dinederegula ang mga bahaging ito ng serbisyo sa kuryente. Isang kagyat na aspeto nito ay ang pribatisasyon ng Napocor.

Ang bahaging transmisyon at distribusyon ang siyang mananatili sa ilalim ng "regulasyon" ng gubyerno. Bubuin ang Energy Regulation Commission (ERC) na magsasabalikat ng responsibilidad na ito. Katulad ng ERB, na siyang nagtatakda daw ng "regulasyon" sa industriya ng langis bago ang lubos na deregulasyon nito, maaasahang magsisilbi lamang ang ERC bilang tagapagtaguyod sa interes at tagapagsalita ng malalaking dayuhan at lokal na pribadong interes sa serbisyo sa kuryente.

Ginagamit sa batas na ito ang mga salitang "reporma" at restructuring" upang itago ang tunay nitong layuning ideregula at isapribado ang kalakhan ng serbisyo sa kuryente. Walang pinagkaiba ang batas na ito sa Oil Deregulation Law, Retail Trade Act, Mining Act, Omnibus Foreign Investment Code at iba pang katulad na batas na nagsanla sa anumang nalalabing pang-ekonomyang soberanya ng bansa, sa kapahamakan ng mamamayang Pilipino.  Back to top

Bakit nagmadali ang rehimeng Macapagal-Arroyo na isabatas ito?

Minadali ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang pagsasabatas ng Power Reform Act bilang tugon sa mga kundisyon ng International Monetary Fund at mga imperyalistang bangko para sa matagal na nilang ipinapain at ibinibiting mga pautang. Kapalit ng batas, $950 milyon ang nakahandang ipautang ng IMF, Asian Development Bank at Japan Export-Import Bank sa Pilipinas.

Depisit sa pambansang badyet
1999P 111.7 bilyon
2000P 136.11 bilyon
2001P 145-225 bilyon

Mahigpit ang pangangailangan ng rehimeng Macapagal-Arroyo para sa bagong mga pautang upang punan ang napakalaki na at patuloy na lumalaking depisit sa pambansang badyet at iusad ang ilang proyektong pampasiklab. Nais ng rehimen na palawakin ang rekurso nito na maaaring mahinahong paghati-hatian ng mga nasa poder.

Sa pamamagitan ng deregulasyon, tinatalikuran ng reaksyunaryong gubyerno ang responsibilidad nitong tuwirang tiyakin ang paghahatid ng mga batayang serbisyo sa mamamayan, kabilang ang sapat na suplay ng enerhiya. Nais nitong likhain ang ilusyong likas na hindi episyente ang pampublikong pag-aari at pagpapatakbo sa industriya nang sa gayo'y bigyang-katwiran ang pagbitaw sa responsibilidad ng gubyerno kapwa sa pagbibigay ng serbisyong kuryente at pagtatakda ng singil nito. Iniiwasan nito ang isang potensyal na panggagalingan ng ligalig, lalupat isang maselang usaping panlipunan ang serbisyo sa kuryente.  Back to top

Sinu-sino ang interesado sa pagbili ng Napocor at ng mga plantang pang-enerhiya nito?

Interesado sa Napocor ang pinakamalalaking dayuhang monopolyo sa kuryente at enerhiya. Nangunguna dito ang Electricite de France, California Electricity International, Power Corporation of Australia at United Kingdom National Power Plc.

Listahan ng pinakamalalaking plantang pang-enerhiya ng NAPOCOR na isasapribado
Pagkakagrupo at Kapasidad (MW)
GENCO 1 (Luzon/Calaca/Batangas)
Calaca 1 & II600
Magat360
GENCO 2 (Luzon/Manila/Masinloc)
Sucat850
Masinloc600
GENCO 3 (Visayas/Mindanao)
Pulangi255
GENCO 5 (Mindanao/Agus)
Agus Complex728
GENCO 6 TMB (Bicol/Laguna)
Tiwi330
Mak-Ban410
GENCO 7-CBK Complex (Laguna)
Kalayaan300
Kabilang din sa listahan ng mga interasado ay mga kumpanyang dati nang namuhunan sa sektor ng enerhiya sa bansa sa pamamagitan ng programang BOT. Isa na rito ang Southern Energy, isang subsidyaryo ng Consolidated Electric Power Asia Ltd (CEPA) ng Great Britain. Isa ang Southern Energy sa pinakamalalaking pribadong tagaprodyus ng kuryente sa bansa. Ang mga plantang pang-enerhiya nito ay nakakalat sa buong bansa. Kabilang din sa listahan ang Enron Power ng US at Hopewell ng Hongkong, dalawa sa mga kumpanyang nagtala ng pinakamalalaking kita sa sektor ng enerhiya sa Pilipinas.

Sa mga lokal na kumprador, interesado ang JG Summit Holdings Corp. ng pamilyang Gokongwei, Meralco at First Gas Corporation ng pamilyang Lopez at ang pamilyang Aboitiz. Interesado rin ang pamilyang Alcantara, mga may-ari ng Davao Light and Power Co., ang pinakamalaki sa Mindanao.  Back to top

Paano palalakasin ng batas na ito ang kontrol ng mga dayuhang monopolyo at lokal na malalaking burges-kumprador sa serbisyo sa kuryente?

Sa panahon ng rehimeng US-Aquino, malaganap na isinakatuparan ang iskemang build-operate-transfer (BOT) para sa mga planta ng kuryente at iba pang pampublikong utilities. Sa ilalim ng iskemang ito, ipinaubaya sa mga pribadong kumpanya ang pag-aari at operasyon ng mga pampublikong utility hanggang di nito nababawi ang ipinasok na kapital o hindi binibili ng gubyerno ang nasabing pasilidad.

Sa gitna ng dekada `90, ipinaupa ng rehimeng US-Ramos ang mga plantang pang-enerhiya sa mga independent power producers o IPP. Karamihan sa mga ito ay dayuhan o mga joint venture (pinagsanib na negosyo) ng mga dayuhan at lokal na malalaking kumprador. Pinahintulutan din ang maraming dayuhang korporasyon na magtayo ng mga independyenteng plantang nagpoprodyus ng kuryente. Ang mga pribadong kumpanyang ito ang nagpoprodyus sa kasalukuyan ng 47% sa kabuuang suplay ng kuryente sa bansa.

  1. Sa ilalim ng bagong batas, maaari nang buu-buong lamunin ng mga dayuhang monopolyo ang mga estratehikong planta at utilities para sa produksyon, mga bahagi ng transmisyon, suplay at distribusyon ng kuryente sa bansa. Mahigit 70% ng mga pag-aari ng Napocor ang ipagbibili sa loob ng tatlong taon, kabilang ang lahat ng plantang pamproduksyon sa Luzon at Visayas. Ipagbibili naman ang mga pasilidad sa Agus at Pulangi sa Mindanao matapos ang 10 taon. Aabot sa 26 plantang pang-enerhiya ang ibebenta ng Napocor.
  2. Pinahihintulutan ng bagong batas ang cross-ownership. Sa pamamagitan nito, ang mga kasalukuyang may monopolyo sa kuryente, laluna ang mga pamilyang Lopez at Aboitiz, ay makakapagpalawak pa ng kanilang control at saklaw sa serbisyo sa kuryente. Sa kasalukuyan, kontrolado ng pamilyang Lopez ang 60% ng suplay at distribusyon ng kuryente sa buong bansa sa pamamagitan ng Meralco. Ang pamilyang Aboitiz ay nagmamay-ari ng pitong planta ng kuryente at tatlong pasilidad para sa distribusyon ng kuryente. Karamihan nito ay nasa Kabisayaan at Mindanao.
  3. Pahihintulutan ang pag-aari ng isang kumpanya sa bahaging produksyon nang hanggang 40% ng konsumo sa isa sa tatlong grid (Luzon grid, Visayas grid o Mindanao grid) ng kuryente sa bansa o 30% ng kabuuang konsumo sa bansa. Bagamat mananatili sa pag-aari ng gubyerno ang mga pangunahing grid ng transmisyon sa pamamagitan ng National Transmission Corporation, ipapaubaya ang operasyon at pagmamantine nito sa mapipiling kunsesyuner ng hanggang 50 taon.

    Maaaring kumontrata rito ang mga pribadong kumpanya para sa subtransmisyon ng kuryente sa loob ng alinman sa tatlong grid ng kuryente. Walang itinakdang hangganan na maaaring saklawin ng isang kumpanya sa aspeto ng bultong suplay at distribusyon sa mga konsumer. Dagdag rito, tahasang pahihintulutan ng Transco ang pagtatayo at pagmamay-ari ng mga pribadong prodyuser ng kuryente ng mga espesyal na linyang pangtransmit para sa kanilang ekslusibong gamit.

  4. Pinahihintulutan din ng bagong batas ang paglamon ng mga kumpanyang ito sa relatibong mas maliliit na kumpanya katulad ng mga ko operatiba para sa distribusyon ng kuryente sa mga prubinsya. Isiningit ni John Osmeña ang Section 28 diumano para sa demonopolisasyon ng serbisyo sa kuryente. Batay dito, hanggang 15% lamang ang maaaring ariin ng isang taong may kontrol sa isang kumpanya liban kung nakalista ito sa Philippine Stock Exchange (PSE). Ang maliliit na kumpanya na hanggang 100 megawatts lamang ang produksyon o distribusyon ng kuryente ay kailangang makapagpalista sa PSE sa loob ng limang taon upang maibukas ang mga sapi nila sa bentahan sa stock market. Ngunit, lalamunin lamang sila ng malalaking dayuhan at lokal na kumpanya, na pawang dati nang nakalista sa PSE.

Isiningit ito ni Osmeña para sa interes ng angkan at sosyo nila ng mga Aboitiz. Sa gayon, maaari na nilang angkinin ang pinag-iinitan nilang Visayas Electric Co. (VECO). Pag-aari itong huli ng mga karibal nilang Hijos de Escaño ng angkang Garcia. Nakalista sa PSE ang Aboitiz, samantalang ang VECO ay hindi. Sa ngayon, 49% lamang ng VECO ang hawak na ng mga Aboitiz at balak pa nilang bihin ang hanggang 75% nito.  Back to top

Ano ang direktang pakinabang ng mga monopolyo sa cross-ownership?

Sa ilalim ng cross-ownership ng mga monopolyo sa kuryente, tuluyan nang papaboran ng mga monopolyo sa kuryente ang mga kapatid na kumpanya nila sa ibang bahagi ng serbisyo upang higit na tumubo ang monopolyo. Noon pa ma'y binibigyan na ang mga distribyutor ng kuryente ang kalayaang pumili ng kokontratahing prodyuser. Sa pamimili ng kuryenteng idedeliber sa mga konsumer, mas papaboran nila ang mga kapatid nilang kumpanyang prodyuser sa kapinsalaan ng konsumer at mamamayan. Halimbawa, sa halip na bumili sa Napocor sa halagang P3.9 bawat kilowatt-hour, bumibili ang Meralco ng kuryente sa kapatid na kumpanya nitong Quezon Power sa halagang P5.00 bawat kilowatt-hour. Hindi problema ng Meralco ang karagdagang P1.1 sa sisingilin sa konsumer, dahil babayaran ng ERC ang anumang labis sa presyo ng Napocor at sisingilin naman ito ng ERC sa konsumer.

PLANTA
IPP
Navotas Gas TurbineHopewell Holdings(HK)
Gas Turbine Power BargesHopewell Tileman(HK)
Limay Bataan CombinedABB Marubeni (Swiss/Japan)
Cycle (GTTP Blk A)
Naga Thermal Plant ComplexSalcon (Phils)
Bauang, La Union DieselFirst Private Power Corp. (Phils)
Power Plant
Malaya Thermal Power PlantKEPCO (SKorea)
Pagbilao Coal-Fired Power PlantHopewell (HK)
Leyte A Geo Power PlantPNOC (Phils)
Sual Coal-Fired Power PlantHopewell Holdings (HK)
*Caliraya-Botocan-KalayaanIMPSA (Argentina)
Hydroelectric PLants
Ilijan Natural Gas PlantKEPCO (SKorea)
San Roque PangasinanMarubeni (Japan)
San Pascual CogenerationSan Pscual Cogenaration
Power Production FacilityCorp. (USA)

Masahol pa rito, idinagdag ngayon sa Section 26 ng bagong batas ang pahintulot sa mga kumpanya sa distribusyon ng kuryente na magmay-ari at magsuplay din ng kuryente sa mga planta nilang bulto o malakihang kumokonsumo ng kuryente "upang mamaksimisa ang pakinabang nila sa kanilang mga aset". Ang tanging kundisyong ipinataw sa kanila ay ang pagbabawal na subsidyuhan nila ang mga kapatid na kumpanyang kumokonsumo ng kuryenteng isinusuplay nila. Dapat ding mabawasan ang singil nila sa mga konsumer nang hanggang 50% ng karagdagan nilang tutubuin. Subalit maraming paraan para malusutan ang mga kundisyong ito.  Back to top

Ano pa ang ibang implikasyon ng pribatisasyon ng Napocor?

Una, patuloy na babayaran ng mamamayang Pilipino ang stranded debts at stranded contract costs ng Napocor at ang stranded contract costs ng mga independiyenteng distributor ng kuryente.

Ang "stranded debts" ay mga utang ng Napocor na hindi kayang mabayaran mula sa pagbebenta ng bahagi ng mga aset nito. Mula ito sa pagmamantine ng mga operasyon ng mga plantang pang-enerhiya, mga ari-arian ng korporasyon, mamahaling mga kontrata sa mga IPP at iba pang gastusin kaugnay ng produksyon at transmisyon ng kuryente. Walang anumang bahagi nitong utang ang ipapaako sa mga pribadong interes na bibili nito. Kaya kahit pribado na ang korporasyon, mananatiling pampubliko ang mga utang nito. Ang kabuuang utang ng Napocor ay umaabot nang $6.7 (P335) bilyon, samantalang ang kabuuan ng mga aset nito ay nagkakahalaga lamang ng $4.5 (P225) bilyon. Mahigit 70% ng mga aset nito ang balak ipagbibili sa mga pribadong kumpanya. Sa gayon, tinatayang ang kabuuang stranded debts na ipinapapasan sa mamamayan ay aabot ng $3.6 (P180) bilyon.

Ang stranded contract costs ng Napocor ay ang mas mataas na gastos ng mga IPP kumpara sa gastos ng Napocor para sa produksyon ng kuryente. Tinatayang mahigit piso ito para sa bawat kilowatt-hour. Mahigit 70% ito sa halaga ng batayang singil o mahigit 40% ng kabuuang singil sa kuryente. Tinatayang umaabot nang P480 bilyon ang kabuuang stranded contract costs ng Napocor na kinakarga ng mga konsyumer.

Iba pa ang stranded contract costs ng distribution utilities, tulad ng Meralco. Ito naman ang mas mataas na gastos ng mga kumpanyang tuwirang nagdedeliber ng kuryente sa konsyumer, kumpara sa karaniwang presyo ng mga kontrata sa pamilihan ng kuryente. Tinatayang umaabot ito nang P140 bilyon.

Kung susumahin, tinatayang umaabot nang P900 bilyon ang halaga ng stranded debts at kabuuang stranded contract costs sa pagitan ng Napocor at mga IPP at mga distribution utilities.

Mula rito, kunwa'y inako ng gubyerno ang pagbabayad ng P200 bilyon sa susunod na 15 hanggang 25 taon. Ngunit ang kabuuan ng mga stranded debts at stranded contract costs ng Napocor, mga IPP at mga ditribution utilities ay sisingilin pa rin ng ERC bilang "universal charge" (pangkalahatang singil). Pantay itong direktang ipapataw sa singil sa bawat konsyumer ng kuryente.

Pangalawa, humigit-kumulang 8,000 manggagawa ang tatanggalin sa trabaho pagkatapos ng pribatisasyon. Mayroon pa itong 17,000 empleyado noong1994. Mula nang ipatupad ang streamlining ng mga ahensya ng gubyerno ayon sa dikta ng IMF-WB, halos 10,000 empleyado ang pinagtatanggal sa pamamagitan ng programa ng maagang pagreretiro at iba pang mapanlinlang na iskema. Walang katiyakan kung gagalangin ng bagong maneydsment ang karapatan ng mga empleyado para sa kolektibong negosasyon at seguridad sa trabaho ng matitirang mga empleyado.  Back to top

Bakit mataas ang binabayaran natin sa kuryente?

Sa kasalukuyan, kontrolado ng Napocor at ilang malalaking burges-kumprador ang produskyon, transmisyon, suplay at distribusyon ng kuryente. Sila ang bumubuo ng kartel sa kuryente. Itinatakda nila ang mataas na presyo nito.

Bagamat pampublikong korporasyon ang Napocor, hindi ito nakatuon sa serbisyo sa mamamayan. Simula nang itinatag ito, nagsilbi itong palabigasan ng mga burukratang nasa poder. Kumikita ng limpak-limpak na salapi ang mga pribadong kumpanya, sa pamamagitan ng pagmamanipula ng mga ito sa presyo ng kuryente, kasabwat ang Napocor.. Kumpara sa ibang bansa sa Asia, mas mataas nang 30% ang batayang singil (basic rate) ng Napocor.

Napakataas ng batayang singil ng Napocor dahil sa napakataas ding gastos sa produksyon bunga ng lipas na at sira-sirang pasilidad at matinding kapabayaan sa plantang pang-enerhiya. Isang halimabawa na rito ang Ambuclao Dam at Binga Dam na taga-suplay ng kuryente sa Hilangang Luzon. Umabot na sa 75% ang siltation (naiipong lupa, buhangin at bato) sa bungad ng dam. Imbis na mapakinabangan nang buo ang dam, hanggang 25% na lamang sa kapasidad nito ang nagagamit.

Lalong lumalaki ang gastos ng Napocor dulot ng malawakang korapsyon sa burukrasya at mga napakamahal na kontrata sa mga IPP. Dagdag pa rito ang napakalaking interes ng mga utang na binabayaran ng Napocor dulot ng pagbagsak ng halaga ng kumpanya at piso.

Bago pa itong Power Reform Act, kinakarga na ng mamamayan ang stranded debts bilang pampublikong utang at ang stranded contract costs bilang PPA o "purchased power adjustment". Ang PPA ay kulumpon ng iba't ibang idinaragdag ng mga IPP sa singil sa kuryente, katulad ng purchased power cost adjustment, pagbaba ng halaga ng piso, pagtaas ng sahod ng mga empleyado, pagtaas ng halaga ng langis at tagas sa sistema (system loss o nawawalang kuryente dahil sa tagas, nakaw, at iba pa.). Ikinakarga rin sa PPA ang buwis sa prankisa, mga pagbabago sa tantos ng interes at ang isang takdang porsiyento ng tubo, at pati ang babayarang buwis sa kita ng mga distribyutor.

Bilang paglalarawan: Ang batayang presyo ng Napocor sa mga konsyumer sa Luzon ay P1.87/kwh. Ibinebenta ng Meralco ang kuryente sa Luzon sa halagang P3.9/kilowatt-hour. Samakatwid, halos doble o P2.026/kwh ang naidaragdag sa pamamagitan ng PPA. Binubuo ito ng P0.465 para sa adyasment sa pagbaba ng halaga ng piso at P1.5675, kalakhan para sa purchase power cost adjustment at ang butal para sa pagtaas ng halaga ng langis.

Pinakamalaking bahagi ng stranded costs ang purchase power cost adjustment dulot ng mas malaking gastos ng mga IPP sa produksyon ng kuryente kaysa sa Napocor at ng mga maanomalyang nilalaman ng mga kontrata sa pagitan ng Napocor at mga IPP, na nagbibigay sa mga IPP ng limpak-limpak na tubo.  Back to top

Liban sa paniningil ng PPA, paano pa tumutubo nang malaki ang mga IPP?

Malayong mas mahal ang sinisingil ng mga IPP ($76/mwh) kaysa sa Napocor ($56/mwh). Anumang pagbabago sa gastos sa produksyon at distribusyon ay awtomatikong idinadagdag sa presyo ng kuryente na binabayaran ng mga konsyumer. Anumang lugi sa alinmang bahagi ng operasyon ng mga kumpanya ay agad ring ipinapasa sa mamamayan.

Noong unang bahagi ng dekada `90, kinontrata ng Napocor ang mga IPP upang punan ang naging malaking kakulangan sa suplay sa kuryente. Sa mga kontratang ito, obligasyon ng gubyernong magbayad ng minimum na halaga o minimum contracted cost para sa kuryente, kahit hindi ito nalilikha at kinokonsumo. Itinakda ang minimum na kokontratahing bolyum ng kuryente batay sa paglalaan ng alawans para sa 60% reserbang kapasidad bilang paghahanda sa mga malawakang brown-out at para sa inaasahang 11% taunang paglago ng ekonomya. Karaniwang 70%-90% ng buong kapasidad ng IPP ang kinokontrata ng Napocor, gamitin man o ito o hindi.
Ngunit dulot ng paglala ng krisis pang-ekonomya sa ikalawang bahagi ng dekada `90 bumagsak ang aktwal na pangangailangan para sa kuryente at sobrang lumabis ang kapasidad ng mga planta ng kuryente. Obligadong bayaran pa rin ng Napocor ang halos buong kapasidad ng mga planta ng kuryente ng mga IPP, kahit 11-37% lamang nito ang aktwal na nagagamit. Kahit na palyado ang kanilang mga planta, babayaran pa rin sila para sa kapasidad na kinontrata sa kanila. Sa gayon, sa sigurado at halos purong tubo lamang ng mga IPP mapupunta ang bayad para sa kuryenteng di man nila nililikha.

Isang halimbawa nito ang ginagawa ng Meralco: Kinontrata nito ang apat na IPP para magsuplay ng 40% ng kuryenteng ipinapamahagi nito. Isa sa mga kinontrata nito ay ang First Gas Corporation, na pagmamay-ari rin ng pamilyang Lopez. Nitong Pebrero, nagbayad ang Meralco ng P914.8 milyon sa First Gas Corporation bilang minimum contracted costs kahit wala itong iniaambag sa suplay ng kuryente. Ito ay dahil sumapat na ang sinuplay ng tatlo pang IPP para sa kabuuang pangangailangan ng kumpanya. Gayunpaman, isinali ang naturang halaga sa kompyutasyon ng PPA. Dulot nito, sa halip na P1.851/kwh lamang sana ang babayarang PPA, umabot ng P2.23/kwh ang aktwal na binayaran ng mga konsyumer.  Back to top

May katotohanan bang bababa ang presyo ng kuryente sa ilalim ng bagong batas?

Hindi. Para pangatawanan ang pangako rito ni Macapagal-Arroyo, isinaad sa bagong batas ang 30 sentimong awtomatikong reduksyon sa singil ng mga residensyal na konsyumer sa ilalim ng bagong batas. Ngunit tiyak ang pagsirit pataas ng presyo ng kuryente matapos ang anim na buwang palugit para sa pribatisasyon ang Napocor. Una, patuloy na kakargahin ng mamamayan ang stranded contract costs ng mga IPP na nakakontrata sa Napocor at ibang utility sa distribusyon katulad ng Meralco. Umaabot na sa P900 bilyon ang mga utang pa lamang ng Napocor. Kung tutuusin, binago lamang ng bagong batas ang katawagan sa PPA, na ngayo'y "universal charge". Nangangahulugan ito ng P1.00/kwh hanggang P2.00/kwh na karagdagang singil sa kuryente sa loob ng 15 hanggang 20 taon.

Pangalawa, patuloy na kakargahin ng mamamayan ang dati nang mga utang ng Napocor. Bahagi na rito ang tinatayang P3.7 bilyon na malulugi sa korporasyon dulot ng 30 sentimong awtomatikong pagbaba sa presyo na nakasaad sa bagong batas. Bago nito, nalulugi na diumano nang P400 milyon kada buwan ang korporasyon dulot ng pagbaba nito ng singil sa kuryente nang 20 sentimos mula noong Marso.

Pangatlo, sa ilalim ng bagong batas, tatanggalin na sa loob ng tatlong taon ang cross-subsidy sa tipo ng mga konsumer. Dati'y mas mataas na singil sa mga komersyal at industriyal na tipo ng konsumer upang mabigyan ng subsidyo ang mga residensyal na konsyumer. Tatanggalin na rin ang subsidyong natatanggap ng Mindanao at Visayas. Dito pa lamang, tiyak na ang abereyds na 7% pagtaas ng singil sa lahat ng residensyal na konsyumer.

Presyo ng kuryete para sa kabahayan
Grid
Ngayon (p/kwh)
Pagkatapos* (P/kwh)
% pagtaas
Luzon4.865.094.73
Visayas4.464.9911.88
Mindanao3.273.8717.74
*ang nakasaad dito ay ang singil sa kuryente matapos
1) tanggalin ang subsidyo para sa residensyal na konsyumer at
2) ipatupad ang 30-sentimong pagbaba ng singil sa kuryente

Higit dito, tiyak ang patuloy na pagtaas ng singilin sa kuryente dahil maghahabol ng papataas na sobra-sobrang kita ang mga pribadong kumpanya kapalit ng kanilang "serbisyo". Pinatunayan at patuloy itong pinatutunayan ng iba pang isinapribadong public utilities katulad ng serbisyo sa tubig.  Back to top

Paano makatotohanang maibababa ang singil sa kuryente?

Lubog sa utang ang Napocor pangunahin dahil sa pinasok nitong mga kontrata at dulot ng malawakang korapsyon sa loob ng korporasyon. Sa halip na mapunta sa mahusay at murang serbisyo sa mamamayan, ang maraming rekurso at malalaking puhunan ng bansa ay ibinabaling lamang ng mga gahaman para pakapalin ang mga bulsa at libro de bangko nila. Ang sobra-sobrang tubo, kurakot at nilustay nila ang siyang higit na nagpadoble sa singil sa kuryente sa bansa at pumigil sa higit na pagpapahusay at pagpapalwak ng serbisyo sa kuryente sa bansa.

Sa kagyat, makatotohanang maibababa ang presyo sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga di-makatarungang karagdagang singil sa mga konsumer, tulad ng PPA noon at "universal charge" ngayon, singil para sa bawat kibot ng anumang gastusin ng mga burukrata, singil sa mga binibili ng kanang bulsa mula sa kaliwang bulsa, singil para sa reserbang kapasidad na di naman nakokonsumo.
Kailangan din tanggalin ang iba pang nilalaman ng mga maanomalyang kontrata sa mga independyenteng prodyuser at distribyutor ng kuryente, pagpapasa ng buwis sa kita ng mga kumpanya, mga litaw at tagong sobra-sobrang tubo ng mga ito, mga "lugi" at maanomalyang pinagkagastusan ng Napocor, mga kurakot ng mga upisyal ng Napocor at mga nakikialam ritong matataas na upisyal ng gubyerno. Tanggalin lamang ang mga ito at kaagad nang higit sa kalahati ang mababawas sa gastos ng mamamayan sa kuryente at agad nang bababa ang singil sa mga ordinaryong pamamahay nang di bababa sa P200 bawat isa.  Back to top

Bakit kailangang ipailalim sa nasyunalisasyon ang serbisyo sa kuryente?

Hindi dapat ipawalang-saysay o baligtarin ang katangian ng serbisyo sa kuryente bilang isang public utility. Batayan at estratehiko ang serbisyo sa kuryente para sa pambansang ekonomya at pamumuhay ng mamamayan. Sinumang may kontrol dito ay nabibigyan ng kontrol sa kabuhayan ng bansa at ng mamamayan. Hindi dapat ito mapasakamay sa malalaking kapitalista at laluna hindi dapat mapasakamay ng mga dayuhang monopolyong kapitalista. Dapat pa nga'y mapasakamay ito ng pamamahala ng mamamayan o, sa mas eksakto, sa pamahalan ng mamamayan sa pamamagitan ng demokratikong gubyerno ng bayan. Mahigpit ang pangangailangan na isabansa ang serbisyo sa kuryente upang tunay itong magsilbi sa pambansang industriyalisasyon, sa pagpapaunlad ng ekonomya sa bansa at sa kapakanan ng mamamayan.

Kabaligtaran nito ang nais mangyari ng mga imperyalista at kasabwat nilang lokal na mga naghaharing uri. Itinataguyod at ipinatutupad nila ang ibayong liberalisasyon, denasyunalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon sa ngalan ng "globalisasyon". Bukod pa sa serbisyo sa kuryente, ginawa at ginagawa nila ito sa iba't iba pang bahagi ng ekonomya at balak pa nila itong pag-ibayuhin. Dahil hindi nakukuntento ang mga imperyalista at mga lokal na kasabwat nila, magpapatuloy ito hangga't ang estado ay pinaghaharian ng mga burukrata-kapitalista, kumprador kapitalista at panginoong maylupa, na pawang sunud-sunuran sa mga dikta ng imperyalismong US.

Bahagi ng ipinaglalaban at programa ng pambansa-demokratikong rebolusyon ang nasyunalisasyon ng serbisyo sa kuryente at iba pang batayan at estratehikong industriya sa bansa. Tulad ng adhikain para sa tunay na repormang agraryo at iba pang saligang pagbabago sa sistemang panlipunan sa bansa, maipatutupad lamang ito sa pagbabagsak ng naghaharing reaksyunaryong estado at mga naghahari rito at sa pagtatayo ng rebolusyonaryong kapangyarihan ng proletaryado at mamamayan.  Back to top

Mga kinakailangang kagyat na aksyon

Kailangang ilantad, tutulan at labanan ang Power Reform Act ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Wala itong ibang dala kundi ibayong pinsala sa ekonomya ng bansa at pahirap sa sambayanang Pilipino. Walang pinagsisilbihan ang bagong batas kundi mga dayuhan at lokal na kapitalista. Kailangang aktibong itaguyod at ipagtanggol ang interes at mga karapatan ng mamamayan.

Kaugnay nito, kailangang lubos na ilantad at tuligsain ang maka-imperyalista at kontra-mamamayang katangian at programa ng bagong rehimen. Hangga't sunud-sunuran sa interes ng imperyalismo ang nakapwesto sa estado-poder, hindi maasahang magbabago ang kasalukuyang kaayusan kung saan kontrolado ng dayuhang kapital, kasabwat ang lokal na mga naghaharing uri, ang mga estratehikong industriya at sektor at sa gayon, ang kabuhayan ng mamamayan.  Back to top

Paano dumadaloy ang kuryente mula sa plantang pang-enerhiya papunta sa mga konsyumer?

Mga terminong ginamit

DISTRIBUSYON ng kuryente: ang paghahatid ng kuryente ng isang utility sa pamamagitan ng mga wires at kaugnay na pasilidad mula sa kuneksyon sa transmisyon o subtransmisyon o plantang pang-enerhiya hanggang sa kinaroroonan ng konsyumer

TRANSMISYON ng kuryente: ang paghahatid ng kuryente sa pamamagitan ng grid papunta sa mga utility ng distribusyon

SUBTRANSMISYON: ang paghahatid ng kuryente na mas mababa ang boltahe kaysa transmisyon.

GRID: ang high-voltage na gulugod ng sistema ng magkakarugtong na mga linyang transmisyon, sub-istasyon at kaugnay na pasilidad

SUPLAY ng kuryente: ang pagbebenta ng kuryente ng mga tao o entidad direkta sa konsyumerang

UNIVERSAL CHARGE: ang singilin na ipapataw bilang pangrekober ng stranded cost at para sa iba pang kadahilanan

INDEPENDENT POWER PRODUCER (IPP): mga nakatayong entidad na nagpoprodyus ng kuryente na hindi pagmamay-ari ng gubyerno

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.