Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    PilipinoEnglish
   

PRESS RELEASE
Information Bureau
Communist Party of the Philippines

Panunupil ng estado sa ligal na pakikibaka, kinundena ng PKP
Oktubre 1, 2003

Kinundena ngayong araw ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mga pasista at militarista ng estado dahil sa kanilang pagsupil sa ligal na pakikibaka. Ito'y sa harap ng humahabang listahan ng mga lider at myembro ng mga ligal na organisasyon at partido na tinatarget ng walang habas nga mga atake ng AFP at mga grupong paramilitar.

Sa isang pahayag, sinabi ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng PKP, na lubos na makatarungan ang panawagan ni Rep. Satur Ocampo ng Bayan Muna na pahintulutan ang mga myembro ng Bayan Muna na mag-armas para maproteksyunan ang sarili. Tinukoy ni Ocampo ang marami nang kaso ng pagdukot, pagtortyur at pagpatay sa mga kasapi ng Bayan Muna.

Sinabi ni Rosal na ang walang pakundangang pag-atake ng militar sa mga party-list organizations na Bayan Muna at Anak ng Bayan ay patunay na ang reaksyunaryong estado sa pamumuno ni Presidente Macapagal-Arroyo ay "ibayong nagiging di mapagparaya kahit sa mga ligal at demokratikong pakikibaka ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang inaapi at pinagsasamantalahang sektor."

"Ang mga pag-atake sa Bayan Muna at Anak ng Bayan ay nagpapakita na si Arroyo at ang kanyang mga kasapakat na militarista ay walang kahandaang magparaya sa mamamayan na ipahayag ang kanilang mga hinaing at ang pakikibaka para sa mga lehitimong adhikain sa parlamentaryong balangkas," dagdag ni Rosal.

Iniugnay din ng tagapagsalita ng PKP ang tumitinding mga atake sa Bayan Muna at iba pang mga ligal na organisasyon sa "kabiguan ng AFP na pigilan ang paglakas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Dahil patuloy silang natatalo sa mga labanan," ani Rosal, "itinutuon nila ang kanilang mga baril at kanyon sa mga di-armadong sibilyan at aktibista at binibigyang-matwid ang mga paglabag sa karapatang-tao sa pamamagitan ng paulit-ulit na linya na ang mga ito ay mga prenteng komunista."

"Lumalabas na ang teroristang all-out war ni Arroyo ay di naiiba sa batas militar ni Marcos na nagpakawala ng buong lakas ng estado laban sa mamamayan," sinabi ni Rosal. "Subalit nabigo pa rin itong pigilin ang paglakas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka."

Sinabi ni Rosal na "karapat-dapat kundenahin" ang pagsalbeyds noong isang linggo sa apat na kabataang aktibista sa Compostela Valley at ang iligal na pagdukot kamakailan ng Bayan Muna regional coordinator para sa Central Visayas.

"Dahil todo-todo nitong inaatake ang mga ligal na partido at organisasyon, ang rehimeng Arroyo samakatwid ay nanghihikayat sa mamamayan na sumapi sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka," dagdag ni Rosal.

Kasabay nito, nananawagan si Rosal sa Bayan Muna, Anak ng Bayan at iba pang ligal na partido at organisasyon na "magpursigi sa kanilang pakikibaka para isulong ang interes ng mamamayan." Tinukoy ni Rosal ang "di matatawarang ambag ng Bayan Muna sa paglalantad ng mga kasamaan ng naghaharing sistemang panlipunan at sa pakikibaka laban sa pagkapapet, korapsyon at militarismo ng rehimeng Arroyo."

Reference:
Anne Buenaventura
Media Officer
Cellphone Number: +63910-240-3553



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.