PRESS RELEASE Information Bureau Communist Party of the Philippines
GMA, numero unong hipokrita - PKP
Oktubre 6, 2003
Tinawag ng Partido Komunista ng Pilipinas na "numero unong hipokrita" si Gloria Macapagal-Arroyo matapos niyang baligtarin ang kanyang pangako noong Disyembre 2002 na huwag nang tumakbo sa eleksyon sa 2004.
Sa isang pahayag, itinuring na katatawanan ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng PKP, ang pagtukoy ni Arroyo ng isang "mas mataas na simulain" at ang kanyang paglalarawan ng kanyang deklarasyong tumakbo bilang "malaking sakripisyo." "Nakatambad sa harap ng sambayanang Pilipino kung gaano kalaki ang pakinabang na tinatamasa ni Arroyo at ng kanyang mga kasabwat sa poder sa patuloy na pag-upo niya sa trono ng Malakanyang," ani Rosal.
Ang totoo, sabi ni Rosal, hindi kaya ni Arroyo na talikdan ang "milyun-milyong pisong kinakamkam niya at ng kanyang asawa bunga ng korapsyon at malalaking pribilehiyo sa negosyo. Hindi kaya ni Arroyo na talikdan ang bulong sa kanya ng diyos niyang si US President George W. Bush na kanyang pikit-matang sinasamba at pinagsisilbihan, kahit ito mismo ay nanganganib na rin sa kanyang pusisyon."
Inilinaw ni Rosal na ang desisyon ni Arroyo na manatili sa poder nang anim pang taon ay magdudulot lamang ng dagdag na kahirapan at korapsyon, mas malalang pagpapakapapet sa imperyalismong US at pagtindi ng teroristang bangis ng estado at karahasang militar laban sa mamamayan.
Inakusahan ni Rosal si Arroyo ng pagtatraydor sa EDSA 2. Ang mga kaso ng korapsyon ng pamilya at pinakamalalapit na kaibigan at kasapakat sa pulitika ni Arroyo ay singlansa ng malalaking kaso ng korapsyon ng kinamuhian at napatalsik na rehimeng Estrada, ani Rosal.
"Samantalang sila'y nangabubundat," dagdag ni Rosal, "ni minsan at ni katiting ay hindi itinaas ang kakarampot na sahod ng mga manggagawa at karaniwang kawani. Ibinaon na sa limot ang reporma sa lupa at kabaligtaran nito'y binigyang-daan ang malawakang pangangamkam ng lupa ng mga malalaking panginoong maylupa at dayuhang korporasyon at rekonstrasyon ng pag-aari ng lupa sa mga panginoong maylupa, usurero at burges komprador."
Ayon kay Rosal, ang deklarasyon ni Arroyo ay magbubunsod ng mas matinding paglaban ng mamamayan. "Milagro lamang sa anyo ng labis-labis na pandaraya, pandarahas, panunuhol at maniobra ng US ang maaaring magpanalo sa kanya sa eleksyong 2004."
Ang pagmamatigas ni Arroyo na manatili sa poder, aniya, ay lalo lamang humahamon sa mamamayan na ibagsak ang kanyang rehimen at kasabay nitong ibayong pahinain ang buong naghaharing sistema.
Reference:
Anne Buenaventura Media Officer Cellphone Number: +63910-240-3553
Back to top
|