Kaupod (comrade)

View slideshow

Ang isla ng Panay ay sinadya ng isang tim ng Sine Proletaryo nitong nakaraang Oktubre bilang paghahanda sa ilalabas na dokumentaryo kaugnay ng ika-40 anibersaryo ng Partido. Doo'y mainit silang sinalubong ng masa, mga Pulang mandirigma at mga rebolusyonaryong pwersa.

Naging maluwalhati ang paglalakbay ng tim sa kabila ng sunud-sunod na mga operasyong militar ng kaaway. Hindi niyon nahadlangan ang pagpapatupad ng proyekto.

Sa kandungan ng mga bundok at kaparangan, sinikap hulihin sa camera ang matatamis na tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan sa Panay. Sistematiko at organisado na ibinahagi ng mga kasama sa ilang araw na iskedyul ang mayaman at makulay na mga kwento ng rebolusyon sa Panay.

Isang tim ng mga Pulang mandirigma ang binuo upang tumulong sa isasagawang pagkuha ng bidyo ng tim ng Sine Proletaryo. Pinamunuan iyon ng isang kasamang pabirong tinawag na "Mother Lily". Itinayo ang isang "studio" sa mataas na bahagi ng isang bundok na kumakanlong sa isang himpilan. Doo'y relatibong tahimik liban sa mga kuliglig na halos walang tigil sa pagsigaw. Maaliwalas ang panahon. Maganda ang sikat ng araw.

Sa kabilang bundok lamang ay napadaan minsan ang kaaway. Subalit bulag sila't di makita kahit ang watawat ng Partidong pumapagaypay sa tuktok ng bundok.

Ka Laya. Siya ay isang babaeng Pulang mandirigma nagmula sa tribong Tumandok. Labis na pinahihirapan ng reaksyunaryong militar ang kanilang tribo. Sinakop at ginawang Army reservation ang lupa ng mga Tumandok. Pinagbabayad sila ng "tumado"(isang anyo ng upa sa lupa) sa paggamit ng sarili nilang lupa. Ang pang-aapi sa kanila ang kalagayang nagtulak kay Ka Laya na sumapi sa hukbong bayan.

Sa tulong ng mga kasama, natutong magsulat at magbasa si Ka Laya. Sa loob ng hukbong bayan, kasama ni Ka Laya ang ibang Pulang mandirigma sa pag-aaral ng kasaysayan at lipunan. Naging mahusay siyang mandirigma at guro. Naging matatag si Ka Laya sa harap ng pagkamatay ng kanyang asawang Pulang mandirigma, na namartir sa isang engkwentro o nang dinapuan ng sakit na TB (tuberculosis) ang kanyang anak.

Marami pa ring hamong kinakaharap si Ka Laya bilang isang ina, isang babae at isang mandirigma. Sabi nga ni Ka Laya, "May kalutasan ang lahat ng mga suliranin, ang mahalaga'y kinakailangang harapin ang mga ito."

Bert at Hector. Bata pa sila ay naunawaan na nila kung bakit sinasabing ang BHB ay tunay na hukbo ng mamamayan. Nasaksihan at naranasan nila kung papaano sila tinutulungan ng mga Pulang mandirigma. Tinuruan sila ng mga kasama na magbasa at magsulat. Nakita rin nila ang pagtulong ng mga kasama sa pagsasaka ng kanilang mga magulang at kapwa katutubo. Mas mabilis daw ngayon ang pagsasaka na may tulungan di katulad nang dati. Sa tulak ng rebolusyonaryong kilusan, pinaiiral nila ang patakaran ng paggalang sa kababaihan at pagrespeto sa lahat. Ngayon ay tumutulong na sila sa pag-oorganisa ng mga kapwa nila kabataan at tumutulong sa mga matatanda.

Nanay Nora. Siya ay isa sa mga militanteng kababaihang humaharap sa mga sundalo sa paggigiit ng kanilang karapatan bilang mga katutubo at babae. Dati nang pinigilan ng mga sundalo si Nanay na sa sumama sa rali. Ang tanong naman ni Nanay Nora sa mga sundalo, "Anong gusto nyo sumali ako sa hukbo o magrali ako?"

Sabayang Bigkas

Ang bawat Sabado ay itinuturing ng mga kasama sa Panay bilang Araw ng Wika, o Sabado ng Wika. Bilang pagsasanay, ito ang araw na ang "patakaran" ay mag-uusap lamang ang mga kasama sa wikang Pilipino, imbes na Hiligaynon, Aklanon o Karay'a na kanilang kinagawian. Sa kanilang mga biro, ang Sabado daw ang pinakatahimik nilang araw sa buong linggo.

Kaya naman, ikinatuwa nila at itinuring na napapanahong hamon ang planong idaos ang sabayang pagbigkas ng tula.

Dala-dala namin ang mga tulang Ang Mandirigma ng Sambayanan (inakda ni Kasamang Emmanuel Lacaba) at Ang Aking mga Kaibigan (ni Kasamang Wilfredo Gacosta). Seryosong hinarap ng mga kasama ang pag-aaral sa mga tula. At dahil buhay sa kanilang karanasan ang nilalaman ng dalawang tula, madali nilang nasapol ang diwa ng tula at binigkas iyon na puno ng damdamin.

Sining Pagguhit

Ang pagguhit ay isa sa maraming mga angking talino ni Ka Daniel. Bilang isang pursigidong mag-aaral ng kasaysayan, ang pagguhit ay isa rin sa mga paraan niya upang maitala ang mga makasaysayang yugto at maging ang mga pang-araw-araw na pangyayari sa buhay ng mga mandirigma. Nakapag-ipon na si Ka Daniel nang halos 400 dibuho (ang ilan sa mga ito ay makikita na natin dito). Kabilang sa mga iginuhit niya ay inilahok niya sa poster making contest ng PRWC.

View slideshow
Back to specials
Sandmap, target practice, command detonated explosives
Pang araw-araw, red alert, mga gunita