# PRWC - 50th IB at 503rd Bde, Sinungaling
Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews

50th IB at 503rd Bde, Sinungaling

Mayo 13, 2008

Muli na namang pinatunayan ng 503rd Brigade at 50th IB ang kahusayan nito sa paghabi ng kwento at pagsisinungaling upang pagtakpan ang kanilang malaking kabiguan na durugin ang rebolusyonaryong kilusan, partikular ang paglupig at pagpapatalsik umano sa NPA mula sa Ampis erya o triboundary ng Abra, Mountain Province at Ilocos Sur. Ang malakihan at matagalang combat operation na inilunsad ng 50th IB at 52nd Division Recon Coy sa Ampis nitong buwan ng Marso at Abril, na ginamitan ng malalakas na mga kagamitang pandigma tulad ng mga mortar, howitzer, at suportang panghimpapawid na pinaggastusan ng ilampung milyong pondo, ay muling nabigo. Pero tulad ng inaasahan, pilit na ipinangalandakan ng 50th IB, 503rd Infantry Brigade at ng 5th Infantry Division na isang "malaking tagumpay" diumano ang naturang operasyon.

Samu't sari at hindi magkakatugmang ulat at pahayag ang inilabas ng mga pinuno ng 5th ID, 503rd Bde at 50th IB upang palakihin ang umanong "tagumpay" na kanilang nakamit.

  1. Ipinagyayabang ng mga pinuno ng mga nasabing yunit ang nadatnan nilang kampo at nakuhang mga gamit mula dito na para bagang ito na ang hudyat ng katapusan sa pagkilos ng NPA. Ang katotohanan, isang abandonadong kampo ang napasok nila at ilang imbak na lohistika ang kanilang nakuha. Nakalimutan yata nila na napakalawak ng gubat na maaring pagkampuhan ng NPA maliban pa sa hindi naman talaga naglalagi nang matagal sa iisang kampo ang mga yunit ng NPA. Tuloy-tuloy ring nakakapagpalitaw ang NPA ng mga lohistika mula sa suporta at tulong ng mamamayan at sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba.


  2. Katulad ng mga nakaraang nabigong operasyon ng 503rd Bde sa Ampis, ibinabandera ng kaaway na marami daw tinamong kaswalti ang NPA habang pilit nilang pinagtatakpan ang tunay na bilang ng mga tropa nilang nasawi at nasugatan sa limang labanang naganap sa Ampis. Itinanggi ng 50th IB ang 10 namatay at mahigit tatlong sugatan nila mula sa mga naturang labanan. Sa mga labanang ito, dalawa ang kaswalti ng NPA, si Sammy Rey 'Ka Cholo' Cayago na namatay sa engkwentro noong Marso 24 at si Maximo 'Ka Atong' Dumag na namatay naman sa labanan noong Abril 5. Pabago-bago ang ulat ng mga pinuno ng militar mula sa antas dibisyon hanggang batalyon. Mula Marso 21 hanggang Marso 25, anim na tropa ng 50th IB ang namatay at dalawa ang sugatan mula sa apat na labanan at sa pagbira ng NPA sa isang helikopter ng kaaway. Noong Marso 26, ipinahayag ni General Maclang, na noo'y hepe ng 5th ID, na nagtamo ang AFP ng anim na KIA at tatlong WIA mula diumano sa kanilang "tagumpay na opensiba" upang makuha ang Ampis. Sa sumunod na mga araw, lumabas naman sa Radyo Veritas na may siyam na kaswalti ang 50th IB mula sa magkakahiwalay na labanan sa Tubo, Abra. Ngunit nang magsalita ang 50th IB sa kanilang radio program, bigla nilang ibinaba sa dalawa ang bilang ng nasawi sa kanilang hanay.

    Matapos naman ang labanan sa pagitan ng 52nd DRC at NPA noong Abril 5, agad ibinalita ng 50th IB na isa lang umano ang nasawi sa hanay ng AFP. Ngunit dahil hindi na rin maitanggi, muling binawi at sinabing dalawa ang kaswalti nila. At sa mga sumunod pang mga araw ay sinabi nilang dalawa mula sa 50th IB at dalawa sa 52nd DRC ang nasawi. Samantalang pagkatapos na pagkatapos ng labanan ay ikinukwento ng kanilang mga tropa sa mga komunidad ng Tubo na pito ang nasawi sa hanay nila sa naturang sagupaan.

    Sabagay, hindi naman na bago at nakapagtataka ang pabago-bagong pahayag ng AFP. Ganitong-ganito ang nangyari noong Hunyo 2007 nang pilit nilang pagtakpan ang pagdukot, pagpapahirap, at paggamit bilang guide sa dalawang kabataang tiga-Kili, Tubo, Abra. Sa kandarapang pagtatangkang ikubli ang ginawa nilang krimen, kanya-kanyang pahayag ang ginawa ng 5th ID, 503rd Bde, 41st IB at 50th IB na hindi magkakatugma.


  3. Sa mga isinagawa ng 50th IB na pulong sa Barangay Tubtuba, Tubo at sa kanilang program sa radyo ("Timek ti Soldado"), pilit nilang itinanggi na may kinalaman sa interes ng malalaking dayuhang kumpanya ng mina ang nagdaang operasyon nila. Ngunit malinaw naman na ito ang "development" project na tinutukoy nila sa mga pulong na isinagawa nila. Sa kanilang programa sa radyo, tahasan nilang binanggit na ang presensya daw ng NPA sa Ampis ang hadlang sa pagpasok ng mga "development" project sa Tubo tulad ng minahan. Nakalimutan nilang mismong ang mamamayan ng Tubo at iba pang bahagi ng Ampis ay may matibay na paninindigan at may mahaba nang kasaysayan ng paglaban sa pagpasok ng mga malalaking kumpanya ng mina sa kanilang lugar dahil sa nakikita nilang masamang epekto nito sa kanilang kapaligiran at kabuhayan. Nagbubulag-bulagan din ang militar sa katotohanang ang malawakan at malalim na korapsyon sa gubyerno at pagpapabaya nito sa batayang serbisyo para sa mamamayan ang dahilan ng hindi pag-usad ng kaunlaran sa Tubo at iba pang bahagi ng Kordilyera.


  4. Sadyang wala na yatang mapulot na isyung maibabato sa rebolusyonaryong kilusan ang 50th IB, kayat maging ang hindi pagkakatapos ng proyektong irigasyon sa Barangay Patungcaleo, Quirino, Ilocos Sur noong 1990s at ang carabao logging sa Tubo ay ibinintang nito sa NPA. Mayroon din daw umanong tinatanggap na hati ang NPA sa mga small-scale mining sa erya. Ang mga ito ay pawang mga kasinungalingan. Hindi natapos ang proyektong irigasyon sa Barangay Patungcaleo noong 1990s dahil sa pambubulsa ng mga opisyal at kontraktor ng pondo nito at ang pambobomba ng militar sa isang eryang bahagi ng proyekto dahil pinagpupugaran daw ng NPA. Ang carabao logging sa Tubo ay dating kinokontrol ng CPLA sa pamumuno ni Mailed Molina at kasabwat ang mga militar. Sa katunayan, sa tulungan ng mamamayan at NPA, ay unti-unting napahinto ang carabao logging upang maprotektahan ang kagubatan sa nasabing lugar.

Sa kabuuan, apat na bagay lang ang pinatunayan ng nagdaang operasyon ng 50th IB at 52nd DRC sa Ampis:

  • Una, ang pagtindig nito sa mersenaryong tradisyon ng AFP na magsilbi sa interes ng mga dayuhang kumpanya at tagapagpatupad ng mga mapanirang proyekto ng reaksyunaryong gubyerno, katulad ng minahan.

  • Pangalawa, na ang armadong pwersa ng gubyerno ay hindi tumalima sa mga batas at kasunduang nagtitiyak sa pagkilala sa karapatang pantao. Pinangatawanan partikular ng 50th IB ang madugong rekord nito mula sa Ilocos Sur/Ilocos Norte at muling naghasik ng karahasan at terorismo sa Barangay Tubtuba at iba pang karatig nitong komunidad.

  • Ikatlo, ang paglaan at paglustay nito ng buwis ng mamamayan para sa marahas at mapanirang gera laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan sa halip na ilaan ito sa produktibo at mapayapang gamit tulad ng serbisyong panlipunan.

    At panghuli ay ang tiyak na pagkabigo ng Oplan Bantay Laya 2 ng rehimeng US-Arroyo. Hindi ang dami ng pwersa o lakas ng armas ang magpapasya sa tagumpay ng labanan. Walang saysay ang mga bomba at kanyon sa pakikidigmang gerilya na inilulunsad ng NPA. Higit sa lahat, katulad ng mga nagdaang mga oplan kontra sa rebolusyonaryong kilusan, ang OBL 2 ay mabibigo dahil sa malalim at malawak na suportang masa na tinatamasa ng NPA at ng buong armadong rebolusyonaryong kilusan.

Sa harap ng walang tigil at papatinding krisis sa ekonomya at pulitika sa ating bansa, tiyak na higit pang lalakas ng NPA at armadong rebolusyonaryong kilusan hanggang sa makamit nito ang ganap na tagumpay. #


Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.