Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
   

Ipagdiwang ang Ika-25 Anibersaryo Ng Ating Partido At Pamunuan Ang Rebolusyong Pilipino Mula Sa Tagumpay Tungo Sa Higit Pang Tagumpay

Armando Liwanag
Chairman
Central Committee
Communist Party of the Philippines
Disyembre 26, 1993

Ipagdiwang natin ang ika-25 anibersaryo ng muling-pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 26, 1968 sa teoretikal na pundasyon ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Mula noon, nakamit ng Partido ang malalaking tagumpay sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Binubuo ng mga ito ang maningning na rekord ng Partido sa rebolusyonaryong pakikibaka ng proletaryado at ng buong sambayanan para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya laban sa imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Ang malalaking tagumpay na ito ay bunga ng wastong rebolusyonaryong linya at ng puspusang paggawa, mga pakikibaka at mga sakripisyo ng mga kadre at kasapi ng Partido at malawak na masa ng sambayanan. Matapat na itinaguyod ng mga kadre at kasapi natin ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong bilang gabay nila sa rebolusyonaryong pagkilos. Malalim silang lumubog sa hanay ng manggagawa, magsasaka at iba pang mamamayan upang pukawin, organisahin at mobilisahin sila at sa gayon, pamunuan sila nang wasto at epektibo. Lagi nating alalahanin at parangalan ang lahat ng rebolusyonaryong martir na nag-alay ng pinakamataas na sakripisyo upang makamit ang ating mga tagumpay.

Nang muling itinatag ang Partido noong 1968, determinado tayong tapusin nang matagumpay ang unang malawakang kilusang pagwawasto at tuluy-tuloy na ipatupad ang mga tungkulin ng demokratikong rebolusyong bayan sa paglaban at pagbubuo. Tayo ay nasa gitna ngayon ng ikalawang malawakang kilusang pagwawasto, na bahaging sinimulan noong 1988 at itinuloy hanggang maging komprehensibo at puspusan sapul ng 1992. Bunga nito, tayo ay nakapagpanibagong-sigla sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka at sa pagpangingibabaw sa mga malalalang paglihis, pagkakamali at pagkukulang. Kaya, ipinagdiriwang natin ngayon ang muling pagpapalakas ng ating Partido sa pambansang saklaw.

Muli nating pinagtitibay ang mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo natin at iwinawasto ang mga mayor na pagkakamali. Matagumpay nating itinataas sa isang bago at mas mataas na antas ang rebolusyonaryong pagkakaisa at kapasyahang lumaban at ang kakayahan ng Partido at ng mamamayan sa paglaban sa kaaway, ang pangkating US-Ramos. Ito ngayon ang kumakatawan sa naghaharing sistema ng malaking burgesyang komprador at uring panginoong maylupa, na kapwa tagapaglingkod ng dayuhang monopolyo kapitalismo.

Ang ika-25 anibersaryo ng Partido ay kasabay ng ika-100 anibersaryo ng kapanganakan ni Mao Zedong. Iniaalay natin ang ating mga tagumpay bilang parangal sa alaala ng dakilang komunistang paham, lider at mandirigmang ito. Ang kanyang wastong pamumuno sa mga yugtong bagong-demokratiko at sosyalista ng rebolusyong Tsino ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa atin. Ang kanyang Marxista-Leninistang kritika sa imperyalismo, modernong rebisyunismo at neokolonyalismo at ang kanyang teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado ay napatunayang tama ng mga pangyayari noong 1989 at hanggang sa kasalukuyan at nagbibigay sa atin ng siyentipikong tanglaw at pag-asa na makakamit ang sosyalista at komunistang kinabukasan ng mamamayang Pilipino at ng sangkatauhan.

I. ANG MANINGNING NA REKORD NG REBOLUSYONARYONG PAKIKIBAKA SA 25 TAONG NAGDAAN

Ang muling pagtatatag ng Partido ay karugtong ng mga pag-unlad sa ligal na kilusang masang anti-imperyalista at antipyudal mula 1961 pataas; ng paglitaw ng mga sulong na rebolusyonaryong aktibistang masa sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka at kabataan; ng paglulunsad ng mga lihim na edukasyong teoretikal at pulitikal ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre sa Marxismo-Leninismo; at ng unang malawakang kilusang pagwawasto na bahaging sinimulan noong 1965 at masiglang inilunsad noong 1967.

Noong 1962, ang kinatawan ng mga bagong proletaryong rebolusyonaryong kadre ay sumanib sa pamunuan ng lumang partidong pagsasanib ng partido komunista at partido sosyalista. Nag-inisyatiba siya sa pagsusulong ng hayag na progresibong kilusang masa sa komprehensibong paraan, sa pagbibigay ng pagbabalik-aral ng mga kurso sa mga beteranong kadre, at sa pagbaka sa suhetibismo at oportunismo sa kasaysayan ng lumang pinagsanib na partido, gayundin sa modernong rebisyunismo na noon ay nakasentro sa Unyong Sobyet. Pinanghawakan niya ang linya na ang rebolusyonaryong partido ng proletaryado ay dapat walang-tigil na nagtataguyod ng ligal na demokratikong kilusan bagamat ang punto ay ang muling pagsusulong sa pinakamaagang panahong maaari, sa di natapos na armadong rebolusyong bayan laban sa paghaharing dayuhan at pyudal. Ayon sa turo ni Kasamang Mao Zedong, ang palagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema ay nangangailangan ng isang matagalang digmang bayan.

Pumasok ang mga proletaryong rebolusyonaryong kadre sa kilusang unyon ng mga manggagawa sa pamamagitan ng paglahok sa panlipunang pagsisiyasat at gawaing edukasyon. Nagkaroon sila ng kontak at mahigpit na pakikipagrelasyon sa mga beteranong kadre at sa masa ng manggagawa at magsasaka mula 1962 pataas. Nagparami ang mga proletaryong rebolusyonaryong kadre mula sa hanay ng masang anak-pawis. Patuloy din nilang pinukaw, nirekrut at militanteng pinakilos ang mga estudyante at iba pang kabataan para maglingkod sa sambayanan. Mula 1962 pataas, ang PROGRESSIVE REVIEW ay nagbigay-tanglaw sa mga isyung lokal at pandaigdig mula sa punto de bistang Marxista-Leninista. Mula 1964 pataas, ipinalaganap ang edukasyong teoretikal at pulitikal sa pamamagitan ng Kabataang Makabayan, isang komprehensibong organisasyon ng mga kabataan na binubuo ng mga kabataang manggagawa at magsasaka, estudyante at kabataang propesyunal.

Noong 1965, ang mga proletaryong rebolusyonaryong kadre ay naghapag ng isang pagbabalik-aral sa kasaysayan ng lumang partidong pagsasanib ng partido komunista at partido sosyalista at kanilang pinuna ang mga mayor na pagkakamaling naging dahilan ng halos ganap na pagkawasak ng rebolusyonaryong kilusan noong dekadang 1950. Mula 1966 pataas, naging pangunahing materyal para sa pag-aaral ng kilusang masa ang librong STRUGGLE FOR NATIONAL DEMOCRACY (MAKIBAKA PARA SA PAMBANSANG DEMOKRASYA). Taglay ang inspirasyon ng lahat ng nakaraang pakikibaka ng mamamayang Pilipino at tulak ng mga palalang kalagayan ng pang-aapi at pagsasamantala, ang kabataan ay sumanib sa mga manggagawa at magsasaka sa pamamagitan ng mga panlipunang pagsisiyasat, gawaing masa at sama-samang aktibidad. Inspirado din sila ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura, ng pakikidigmang Byetnames para sa pambansang pagpapalaya laban sa imperyalistang agresyon ng US, at ng iba pang rebolusyonaryong pakikibaka sa ibayong-dagat.

Noong 1967, naging matalas na ang pagkakahati at tunggalian sa pagitan ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre at mga taksil na rebisyunistang Lava. Tumanggi ang huli na magwasto ng kanilang matagal nang mga pagkakamali at tinangkilik pa sila ng mga taksil na rebisyunistang Sobyet. Bunga ng mga ito, ginawa ang mga paghahanda para sa muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, na nangailangan ng komprehensibo at puspusang pagpuna at pagtatakwil sa modernong rebisyunismo at sa mga taksil na rebisyunistang Lava sa Manila, gayundin sa pangkating gangster nina Taruc-Sumulong na kumamkam ng awtoridad sa mga labi ng lumang hukbong bayan sa Gitnang Luson.

Sa loob ng mahigit isang taon bago ang muling pagtatatag ng Partido, isinagawa ang unang malawakang kilusang pagwawasto alinsunod sa linyang Marxista-Leninista. Ang dokumentong IWASTO ANG MGA PAGKAKAMALI AT MULING BUUIN ANG PARTIDO ay masikhay na pinag-aralan ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre at mga sulong na rebolusyonaryong aktibistang masa. Pinag-aralan at sinuri nila ang kasaysayan at mga sirkunstansya ng uring manggagawa at ng buong sambayanan. Inihanda rin at pinag-aralan ang PROGRAMA PARA SA DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN at ang SALIGANG BATAS NG PARTIDO. Ipinalaganap ang mga Marxista-Leninistang klasika nina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao. Habang seryosong pinag-aaralan ang rebolusyonaryong teorya ng proletaryado at ang linyang pang-ideolohiya at pampulitikang angkop sa kongkretong mga kalagayan sa Pilipinas, ang mga proletaryong rebolusyonaryong kadre ay nasa unahan din ng ligal na demokratikong kilusan at desididong muling itatag ang Partido Komunista ng Pilipinas.

Ang mga mayor na pagkakamali at kakulangan ng lumang partido komunista (mula 1930) at ng kasunod nitong pinagsanib na partido (mula 1938) ay tinukoy, pinuna at itinakwil. Ang mga pinakamapaminsalang pagkakamali ay ang serye ng mga pagkakamali ng magkakapatid na Lava na tumayong mga pangkalahatang kalihim ng lumang pinagsanib na partido sa panahong mula 1942 hanggang 1954. Tinamaan sila ng suhetibismong burges at nagpabaling- baling sa Kanan at "Kaliwang" oportunismo.

Tuluy-tuloy na itinaguyod ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre ang Marxista-Leninistang linya sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Mula noong simula ng dekadang 1960, sila ang gumawa ng paglilinaw sa malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino, sa katangian ng kasalukuyang rebolusyon bilang pambansa-demokratiko na bagong-tipo (pinamumunuan ng proletaryado), sa mga motibong pwersa, sa mga target, sa estratehiya at mga taktika at sa sosyalistang perspektiba ng rebolusyong Pilipino.

A. Muling Pagtatatag at mga Taon ng Pagbubuo ng Partido

Ang muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas ay kinatangian ng integrasyon ng unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong sa mga kongkretong kalagayan at kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino. Sa pamamagitan ng Marxista-Leninistang paninindigan, pananaw at pamamaraan, puspusang pinag-aralan at sinuri ang kasaysayan at mga kasalukuyang sirkunstansya ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre at ng mamamayang Pilipino.

Ang kongreso ng muling pagtatatag noong Disyembre 26, 1968, ay dinaluhan ng labindalawang delegado (isang hindi nakadalo). Kumatawan sila sa ilampung proletaryong rebolusyonaryong kadreng nag-aral ng buong kurso tungkol sa Marxismo-Leninismo at rebolusyong Pilipino, at sa ilang daang sulong na rebolusyonaryong aktibistang masa. Ang huli ay mga napipisil na maging kasapi ng Partido at tumutulong na sa mga kadre ng Partido sa mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka at kabataan. Ang mga organisasyong ito, na nasa ilalim ng epektibong pamumuno ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre, ay may kabuuang kasapian na hindi hihigit sa labinlimang libong katao.

Di nagtagal matapos ang muling pagkatatag ng Partido, ito ay umugnay sa mga mabubuting kadre, kumander at mandirigma ng mga nalalabing yunit ng lumang hukbong bayan. Nakasama sila sa mga pang-ideolohiya at pampulitikang pag-aaral, gawaing masa at pagsasanay pulitiko-militar. Magkasamang itinakwil nila ang pangkating ganster na Taruc-Sumulong at itinatag ang Bagong Hukbong bayan noong Marso 29, 1969. Ang Partido ang nagmana sa mga mabuting kadre, kumander at mandirigma at baseng masa sa kanayunan mula sa dating rebolusyonaryong kilusan at nanatiling tapat sa rebolusyonaryong linya ng pagtataguyod sa bagong-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan at pagpapaunlad ng alyansang manggagawa-magsasaka. Ang Plenum ng Partido Komunista ng Pilipinas ng 1969 ay nagsanib sa Komite Sentral ng mga pinakamahusay na kadre ng kilusang magsasaka at hukbong bayan. Pinagpasyahan nito na ang baseng masa sa Gitnang Luson ang magiging pangunahing base sasaligan para sa pambansang pagpapalawak ng mga rebolusyonaryong pwersa. Pinagpasyahan din nito na mangalap ng tulong militar mula sa ibayong-dagat, batay sa panukala ng mga kadre sa BHB.

Ang hukbong bayan ang naging pangunahing organisasyon ng Partido na nasa ilalim ng absolutong pamumuno nito. Nagsimula ito sa ikalawang distrito ng probinsya ng Tarlac nang mayroon lamang 60 mandirigma at siyam na ripleng awtomatik at 26 na mahihinang baril. Mayroon itong baseng masa na 80,000 magsasaka na may rebolusyonaryong karanasan mula pa dekadang 1930, laluna sa paglulunsad ng armadong pakikibaka sa pananakop ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bilang paghahanda sa pagsisimula ng pakikidigmang gerilya sa maraming estratehikong bahagi ng kapuluan at para sa pagtatayo ng hukbong bayan sa pambansang saklaw, idinaos ang pagsasanay pulitiko-militar ng mga Pulang mandirigma sa Tarlac gayundin ng mga kadreng itatalaga sa Hilagang Luson at Kabisayaan, ilang buwan bago ang pagtatatag ng Bagong Hukbong Bayan.

Kahit sinimulan at pinaunlad ng Partido ang digmang bayan mula sa halos wala, hindi ito kailanman tumigil sa pamumuno at pagpapaunlad sa ligal na demokratikong kilusang masa na nakabase sa kalunsuran. Kinoordina nito ang rebolusyonaryong pakikibaka kapwa sa saklaw ng kalunsuran at kanayunan. Ang diyalektikong relasyon sa pagitan ng mga ligal at iligal na anyo ng pakikibaka ay tumulong sa pagpapalakas ng isa't isa. Sa usapin ng pagpapaunlad ng kakayahan sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika, ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka na nakabase sa kanayunan ang pangunahing anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka. Ang mga ligal na anyo ng pakikibaka na nakabase sa kalunsuran ay sekundaryo, mahalaga at di maisasantabi, ngunit bulnerable sa panunupil ng kaaway at sa gayon ay may depensibong katangian. Ang dalawang anyo ng pakikibaka ay mga integral na aspeto ng digmang bayan.

Mula sa umpisa ng digmang bayan noong 1969 sa ilalim ng pamumuno ng Partido, itinaguyod ang nagkakaisang prente, pangunahin para sa armadong pakikibaka, at pumapangalawa para sa ligal na pakikibaka. Ang rebolusyonaryong linya sa uri sa kabuuan ng pambansa-demokratikong rebolusyon ay siya ring linya sa uri para sa pagpapaunlad ng nagkakaisang prente. Kinakailangan nito ang pamumuno ng uring manggagawa sa pamamagitan ng Partido; ang saligang alyansang manggagawa-magsasaka sa pamamagitan ng hukbong bayan at ng kilusang magsasaka; ang mga saligang rebolusyonaryong pwersa, kabilang na ang petiburgesya; ang mga positibong pwersa, kabilang na ang gitnang burgesya; at ang pagsamantala sa mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo para ihiwalay at wasakin ang kapangyarihan ng pangkating malaking komprador-panginoong maylupa na pinakareaksyunaryo at pinakamasugid na tagasunod ng dayuhang monopolyo kapitalismo sa bawat takdang panahon.

Bago pa man ng 1969, ang mga mabuting mandirigma na labi ng hukbong bayan ay nagtatayo na ng mga komiteng pang-organisa sa baryo bilang mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Pero sa kalaunan, ang mga ito ay pinaunlad ng Partido alinsunod sa rebolusyonaryong linyang antipyudal na ang uring manggagawa sa pamamagitan ng Partido ay sumasandig pangunahin sa mga maralita at mababang panggitnang magsasaka at mga manggagawang bukid, kumakabig sa mga panggitnang magsasaka, nagnunyutralisa sa mga mayamang magsasaka at sumasamantala sa mga kontradiksyon sa pagitan ng mga panginoong maylupang naliliwanagan at imbi, upang ihiwalay at wasakin ang despotikong kapangyarihan ng huli.

Noong 1969, nakapagdaos ang Partido ng isang malaking demonstrasyon ng 15,000 magsasaka sa Metro Manila at kasunod niyon, ng 50,000 sa probinsya ng Tarlac. Pinatunayan ng mga ito na ang muling-itinatag na Partido ay nakatamo na ng malaki-laking bilang ng masang tagatangkilik sa hanay ng mga magsasaka. Kasabay niyon, ang BHB ay naglunsad ng pakikidigmang gerilya. At, sa pamamagitan ng mga ambus at reyd, mula maagang bahagi ng 1969 hanggang kalagitnaan ng 1970, naparami nito ang bilang ng ripleng awtomatik mula siyam hanggang 200. Noong 1969, ang kaaway ay nagtangka pero nabigong sugpuin ang hukbong bayan habang usbong pa. Mula 1969 pataas, sa layuning masupil ang rebolusyonaryong kilusan sa Tarlac, nagsagawa ang kaaway ng mga masaker, mga madugong krimen ng intriga, mga malawak na iligal na panghahalughog at pagpiit, pagpapahirap at iba pang mga makahayop na hakbang.

Kabilang sa ilang mayor na pagkakamali noong 1969 ay ang pagpapatuloy ng kaisipang rebeldeng lagalag, pananaw na lantay-militar, kapabayaan sa solidong pag-oorganisa sa masa, kabiguan sa pagpapaunlad sa proletaryong komposisyon sa uri ng mga komiteng pang-organisa sa mga baryo, adbenturistang pagpapadala ng mga armadong kadre sa probinsya ng Negros nang wala man lang kahit panimulang baseng masa doon, mga putsistang atake sa mga "barrio self-defense unit" nang walang pagtatangi sa pagitan ng mga elementong masama at mabuti sa hanay nila, at iba pang mga katulad. Ang mga pagkakamaling ito ay maagap na pinuna at iwinasto.

Ngunit ang labis na malaking konsentrasyon ng isang buong dibisyon ng kaaway, Task Force Lawin, sa ikalawang distrito ng Tarlac laban sa 200 Pulang mandirigma lamang ay nagbunga ng malalaking pinsala. Noong huling bahagi ng 1970, inianunsyo ni Marcos ang wakas ng Bagong Hukbong Bayan matapos ang isang reyd ng mga armadong yunit ng kaaway sa ilalim ng Task Force Lawin na nakaagaw ng animnapung ripleng M-16 ng pangunahing pwersa ng BHB. Sa anu't anuman, natutunan mula dito ang mga mahalagang aral ang na agad ipinaabot sa mga rebolusyonaryong kadre at pwersa sa probinsya ng Isabela. Ilang kadre at baril ang inilipat sa Isabela mula sa Tarlac. Noong katapusan ng 1970, matagumpay na nilusob ng BHB ang armori ng Philippine Military Academy sa Lunsod ng Baguio at nakumpiska ang ilampung awtomatik na ripleng Browning -- isang nababagay na ganti sa kaaway sa naunang pagsamsam nila sa mga sandata ng pangunahing pwersa ng BHB sa Gitnang Luson.

Lingid sa kaaway, pagdating ng 1970 ang Partido ay nakapagtayo na ng isang malaking baseng masa na bumibilang na ng 50,000 katao sa Isabela at Nueva Vizcaya. Ang lugar na ito ang magiging pook-lunsaran ng pagsasanay ng mas marami pang kadre para sa pambansang pagpapalawak. Dito rin idinaos ang pulong ng Politburo noong 1970 na naglabas ng GABAY PANG-ORGANISASYON AT BALANGKAS NG MGA ULAT at siya ring nagtulak para sa paghahasik ng rebolusyonaryong binhi sa buong kapuluan mula sa mga kadreng luwal ng rebolusyonaryong kilusang armado at demokratikong kilusang ligal. Ang mga kadreng ito ay inatasang magbuo ng mga probisyunal na komite ng Partido sa mga rehiyon. Ang pulong ng PB noong 1970 ay nagpasyang pabilisin ang pagrerekrut at edukasyon ng mga kasapi ng Partido mula sa hanay ng mga sulong na aktibistang masa ng Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970. Sa gayon, bago matapos ang taon mayroon nang mahigit 200 kasapi ng Partido na nakakuha ng saligang kurso ng Partido. Ginamit sa kursong ito ang mga saligang dokumento ng Partido (IWASTO ANG MGA PAGKAKAMALI AT MULING BUUIN ANG PARTIDO, PROGRAMA PARA SA DEMOKATIKONG REBOLUSYONG BAYAN, SALIGANG BATAS NG PARTIDO at LIPUNAN AT REBOLUSYONG PILIPINO) bilang mga saligang teksto.

Sa patuloy na pamumuno sa demokratikong kilusang masang ligal na nakabase sa kalunsuran, binigyang-direksyon at ipinatupad ng Partido ang Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970. Kinapalooban ito ng mga lingguhang demonstrasyon at martsa na nilahukan ng 50,000 hanggang 100,000 kabataan at manggagawa sa Metro Manila at malaki-laking bilang ng kabataan at iba pang mamamayan sa mga syudad sa probinsya. Ang mga aksyong masang ito ay nagpalaganap ng pangkalahatang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon at nagluwal ng makapangyarihang kilusang masa sa buong bayan. Nagpalitaw ang mga ito ng mga sulong na aktibistang masa na sa kalauna'y sumanib sa Partido Komunista at Bagong Hukbong Bayan.

Mga nakaraang rurok ng ligal na kilusang masa noong dekadang 1960 ang demonstrasyong anti-CAFA ng 5,000 na nilahukan pangunahin ng mga estudyante noong Mayo 1961, ang demonstrasyon ng 15,000 manggagawa, magsasaka at estudyante noong Enero 1966 at ang demonstrasyon ng 15,000 hanggang 20,000 magsasaka noong Abril 1969 sa Manila at 50,000 sa Tarlac noon ding 1969. Ang mga proletaryong rebolusyonaryo na muling nagtatag ng Partido at hukbong bayan ay tuluy-tuloy na namuno sa ligal na demokratikong kilusang masa na nakabase sa kalunsuran at kanilang kinuha ang inisyatiba mula sa mga lantad na pwersa ng kaaway, gayundin mula sa mga taksil na rebisyunistang Lava, mga kleriko-pasista at iba pang grupong kumokontra sa digmang bayan at umaaktong mga espesyal na ahente ng reaksyunaryong estado.

Noong 1970, ang LIPUNAN AT REBOLUSYONG PILIPINO ay inilimbag at ipinalaganap sa publiko para makapagbigay ng buong presentasyon sa kasaysayan, sa mga kasalukuyang saligang suliranin ng mamamayang Pilipino at sa bagong-demokratikong rebolusyon. Naging mabili ito sa kilusang hayag at lihim. Ang Partido ay naglabas din ng mga mapaglinaw at napapanahong artikulo tungkol sa mga isyung lokal at pandaigdig. Ang pinakanamumukod- tangi sa mga ito ay tungkol sa mga mayor na isyung lokal at pandaigdig, kabilang na ang Sigwa ng Unang Kwarto (FQS) ng 1970, ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura sa Tsina at ang digmaan sa Byetnam. Inilathala ang mga ito sa ANG BAYAN, pangunahing dyaryong pang-impormasyon ng Komite Sentral.

Inatasan ng sentral na pamunuan ng Partido ang buong organisasyon ng Partido para magsagawa ng pangkalahatang edukasyong masa tungkol sa pambansa-demokratikong rebolusyon at ng mga espesyal na kursong pangmasa na nakatuon sa mga partikular na interes ng iba't ibang tipo ng mga pormasyong masa. Kaalinsabay, binalangkas ng sentral na pamunuan ng Partido ang tatlong-antas na kursong pampartido ng Marxista-Leninistang pag-aaral. Sang-ayon sa Saligang-Batas ng Partido, ang Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Zedong ang itinalaga para sa pangkalahatang pamamahala sa edukasyong pampartido at partikular na namamahala sa intermedya at abanteng kurso, at ang Kagawaran sa Edukasyon sa ilalim ng Pangkalahatang Kalihiman ang itinalaga sa pamamahala sa saligang kursong pampartido. Ang balangkas ng mga kurso at ang listahan ng mga babasahin ay isinaayos. Ang Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Zedong ang namahala sa seleksyon, pagsasalin at pagpaparami ng mga materyales para sa pag-aaral. Ang Kagawaran sa Edukasyon ng Pangkalahatang Kalihiman ang nangasiwa sa paglalabas ng gabay sa pag-aaral ng mga saligang kursong pampartido at nangasiwa rin sa pagsasalin ng mga nauukol na mga materyal. Ang mga organisasyong masa ang umako sa pagbibigay ng saligang edukasyong masa.

Noong 1971, ang Plenum ng KS ay naglagom at humalaw ng mga aral mula sa mga rebolusyonaryong karanasang naipon sa Gitnang Luson, Hilagang Luson, Manila-Rizal, Timog Luson at Isla ng Negros. Binigyan ng matamang pansin ang mga malaking pagkakamali na nagawa sa Tarlac, gayundin ang layunin sa pagbawi ng mga lugar na naiwanan sa probinsya ng Tarlac at pagpapalawak sa kabuuan ng Gitnang Luson sa pamamagitan ng pagsamantala sa pagkawasak ng pangkating Taruc-Sumulong na dating sumagka sa pagpapalawak ng rebolusyonaryong kilusan noong 1969 at 1970. Pinuna at iwinasto ang madalian at arbitraryong pagpaparusa sa mga pinagsususpetsahang impormer sa Isabela. Nilinaw ang mga prinsipyo at pamamaraan sa pagtalima sa karampatang proseso ng hustisya. Gayundin ang usapin ng pagbubuo ng hukumang bayan. Higit na pinahusay at isinapinal ang GABAY PANG- ORGANISASYON AT BALANGKAS NG MGA ULAT.

Masusing tinalakay at binalak sa naturan ding plenum ang pambansang pagpapalawak ng Partido at iba pang mga rebolusyonaryong pwersa. Pinagpasyahan na sasaklawin ang bansa ng pitong rehiyunal na organisasyon ng Partido: Hilagang Luson, Gitnang Luson, Manila-Rizal, Timog Luson, Kanlurang Kabisayaan, Silangang Kabisayaan at Mindanao. Ang mga kadre ay pinili para sa pagpapalakas ng mga nakatayo nang komite sa rehiyon o di kaya ay para sa pagbubuo ng mga bagong komite sa rehiyon kung wala pang nakatayo. Ang pagtatatag ng isang probisyunal na komite ng Partido sa rehiyon ng Mindanao, ang ikalawang pinakamalaking isla sa kapuluan, ay isa sa mga mayor na layunin.

Bunga ng Plenum, binalangkas ng sentral na pamunuan ng Partido ang MGA GABAY PARA SA PAGTATAYO NG PAMAHALAANG BAYAN at ang REBOLUSYONARYONG GABAY SA REPORMA SA LUPA. Ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika sa antas ng baryo ay itinuring na base ng mas matataas na antas ng pamahalaang bayan, na maaaring maitayo mula sa isang antas ng teritoryo tungo sa mas mataas pa. Inilinaw na ang Partido ang naghaharing partido sa umuusbong na pamahalaang bayan at ito ang nagpapatupad ng kapangyarihang pampulitika, laluna sa mga antas kung saan wala pang umiiral na pamahalaang bayan. Inilinaw din na ang minimum na programa ng reporma sa lupa ang magiging pangkalahatang linyang antipyudal. Nangangahulugan ito ng pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi ng usura, pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang bukid, pagpapataas ng presyo ng mga produkto ng mga magsasaka, pagpapaunlad ng produksyon sa agrikultura at sa mga dagdag na hanapbuhay sa pamamagitan ng inisyatiba ng mga pamipamilya at mga panimulang anyo ng kooperasyon.

Isinalin at pinarami ang mga akda ni Mao Zedong. Gumawa ang Partido ng isang seleksyon ng mga naturang akda sa pitong libro sa sumusunod na mga pamagat: HINGGIL SA PILOSOPIYA, HINGGIL SA PAGSUSURI SA URI AT PANLIPUNANG PAGSISIYASAT, HINGGIL SA PAGTATAYO NG PARTIDO, HINGGIL SA SANDATAHANG PAKIKIBAKA (dalawang libro), HINGGIL SA NAGKAKAISANG PRENTE at HINGGIL SA GAWAING PANG-EKONOMYA AT REPORMA SA LUPA. Ang mga ito ay nakaukol sa kursong intermedya ng Partido at para sa abanteng pagbabasa at pag-aaral ng mga organo, yunit at mga indibidwal na kasapi ng Partido.

Sa ikatlong anibersaryo ng muling pagtatatag ng Partido noong 1971, ginawa ang tatlong-taong paglalagom ng unang tatlong taon ng rebolusyonaryong karanasan. Pinuna kapwa ang dogmatismo at empirisismo. Itinakwil ang walang katuturang pagwawasiwas ng mga salitang pulot sa aklat at ang praktikang bulag. Nanawagan sa pagpapahigpit ng pakikipag-ugnayan sa masa at higit na masinop na panlipunang pagsisiyasat para mapatibay ang integrasyon ng teorya at praktika. Ang mga pagpuna ay pangunahing itinuon sa tamang pag-uugnay ng tungkulin ng BHB sa paglaban sa tungkulin sa panlipunang pagsisiyasat, propaganda at solidong pag-oorganisa sa masa. Pinaalalahanan ang mga kadre at mandirigma na hindi sapat na magtayo ng mga komiteng pang-organisa sa baryo at kailangang mag-organisa sila ng iba't ibang tipo ng organisasyong masa, mga sangay ng Partido sa lokalidad at ng milisya. Ipinaliwanag ang kongkretong diyalektikong relasyon ng pagpapatatag at pagpapalawak.

Pinatindi ng naghaharing pangkating US-Marcos ang mga kampanya nito sa panunupil at ang mga paghahanda nito para sa batas militar mula 1970 hanggang 1972 sa hangad na ipataw sa sambayanang Pilipino ang pasistang diktadura at bilang reaksyon sa pagdaluyong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ng ligal na demokratikong kilusang masa. Una, sinuspinde ang kautusan ng habeas corpus noong Agosto 21, 1971 pagkatapos na pagkatapos ng pambobomba sa Plaza Miranda na awtomatikong ibinintang ng rehimen sa pangunahing karibal ni Marcos na si Benigno Aquino at sa Partido. Agad na pinabulaanan ito ng Partido at makatarungang tinukoy na si Marcos mismo ang may responsibilidad dito. Ikalawa, ipinataw ng rehimen ang batas militar noong Setyembre 22, 1972 batay sa isang proklamasyong nilagyan lang ng mas maagang petsang Setyembre 21, 1972.

Habang naghahanda si Marcos para sa instalasyon ng kanyang diktadura, pinaigting ng Partido ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ang ligal na demokratikong kilusang masa at, bilang paghahanda sa inaasahang batas militar, pinalakas ang rebolusyonaryong kilusang lihim sa kalunsuran. Kaya, nang ipataw sa bayan ang batas militar, nagawang iligtas ng Partido ang pinakamaraming kadre at kasapi at rebolusyonaryong aktibistang masa sa kalunsuran. Hindi kabilang sa Partido ang karamihan sa mga unang naaresto ng pasistang diktadura. Gayunman, may ilang kasapi ng Partido na naaresto at nabimbin nang walang-taning.

Sa lahat ng mga partido sa bayan, kabilang na ang mga partidong pampulitika ng reaksyunaryong oposisyon, ang Partido ang pinakamahusay at pinakamalinaw na nagpaliwanag sa matagalang pagpaplano at paghahanda (kabilang na ang diumano'y mga repormang konstitusyonal at ang mga masaker) na ginawa ni Marcos para sa pagpapataw ng pasistang diktadura sa bayan at sa gayo'y patagalin ang kanyang paghahari. Wastong inilarawan ng Partido na ang lantad na teroristang paghahari ay isang aksyon ng desperasyon kapwa ng naghaharing pangkatin at ng buong naghaharing sistema, isang manipestasyon ng kalubhaan ng krisis ng naghaharing sistema at ng kawalang kakayahan ng mga naghaharing uri na maghari sa dating paraan. Wastong tinaya ng Partido na ang batas militar ay mabibigo sa pagsupil sa rebolusyonaryong kilusan at sa halip ay lalo pang magpapaalab sa paglahok ng mamamayan sa armadong rebolusyon.

Nanawagan ang Partido sa pagbibigay-buhay sa isang pormal na organisasyon ng pambansang nagkakaisang prente at nagharap ito ng 10-puntong programa ng Pambansa Demokratikong Prente (National DemoCratic Front) noong Abril 24, 1973. Alinsunod sa programang ito, ang Komiteng Tagapaghanda ng NDF (NDF-Prepcom) ay nagsikap na ikoordina ang mga dating ligal na organisasyon na napilitang kumilos nang lihim, kabigin ang mga alyadong mula sa petiburgesyang lunsod at panggitnang burgesya, at itayo ang mga relasyon ng pakikipagtulungan sa mga reaksyunaryong grupo at lider na tutol sa pasistang diktadura ng naghaharing pangkating US-Marcos.

Noong 1972, ang Hilagang Luson ay nahahati sa dalawang komiteng subrehiyunal, Cagayan Valley (Hilagang-Silangang Luson) at Ilocos, Mountain Provinces, at Pangasinan (IMP o Hilagang-Kanlurang Luson). Kinakailangan at may bentahe para sa Partido ang pagbubuo ng subrehiyunal na organisasyon ng Partido sa Hilagang-Kanlurang Luson at pagpapaunlad ng mga pwersang gerilya sa Kordilyera dahil ang laking-dibisyon na Task Force Saranay ng kaaway ay pursigidong naglulunsad ng mga operasyong pagtugis-at-pagdurog laban sa mga pangunahing yunit ng BHB sa Isabela mula huling hati ng 1971. Ang kabuuan ng Gitnang Luson ay nanatili sa pamumuno ng isang komite ng Partido sa rehiyon. Gayundin ang Timog Luson (kung saan mga subrehiyon ang Timog Katagalugan at Bikol), Metro Manila, Kanlurang Kabisayaan, Silangang Kabisayaan at Mindanao.

Bunga ng deklarasyon ng batas militar, nagkaroon ng mahigpit na pangangailangan sa redispusisyon ng masinsing konsentrasyon ng mahigit isang libong kasapi ng Partido sa Manila-Rizal, na kumilos na ng lihim. Pero limitado pa ang kakayahan ng mga organisasyon ng Partido sa mga rehiyong labas ng Manila-Rizal na saluhin ang mga kadreng iyon. Ang pangunahing base sa Isabela ay blinokeyo ng kaaway at ang Partido ay nag- uumpisa pa lamang ng pagpapalawak sa Gitnang Luson sa isang mahirap na kalagayan. Ang mga lihim sa organisasyon ng Partido sa Manila-Rizal, at ang mga sentral na organong istap ng Partido ang sumalo sa maraming kadre. Makabuluhang bilang ng mga ito ang unti-unting nailipat din sa ibang rehiyon. Noon lamang 1974 mabilis silang nasalo ng ibang mga rehiyon.

Ang lantad na teroristang paghahari ay naging paborableng kalagayan para sa paglakas at pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan. Pero, maraming dinanas na malulubhang hirap at pag-atras ang rebolusyonaryong kilusan. Kabilang dito ang walang habas na mga kampanyang militar ng panunugpo na itinutok sa mga tukoy na sonang gerilya. Mula Hulyo 1972, hinaraap ng mga pangunahing yunit ng hukbong bayan sa magubat na rehiyon ng Isabela ang bigat ng mga atake ng kaaway na naglayong tugisin at durugin sila at palikasin ang mga tao sa lugar. Sa kalaunan, ang mga pangunahing yunit na ito (dalawang kumpanyang mahusay ang sandata) ay naihiwalay at naging pasibo sa nasabing magubat na rehiyon mula 1972 pataas. Sa Nueva Vizcaya nagkawatak-watak ang isang kumpanyang mahina ang sandata.

Ang unang mga sandatahang yunit pampropaganda sa Mindanao ay nalipol noong 1972-73 dahil nagkamali silang agad na pumunta sa mga armadong tribo sa kabundukan nang wala munang gawaing masa sa hanay ng mga magsasaka sa mga kapatagan. Naitayo at bumagsak ang mga kumpanya ng BHB sa mga probinsya ng Aurora at Sorsogon noong panahong 1973-74. Ilang kadre ng Partido sa pambansang antas ang nadakip noong 1973 at 1974.

Ngunit sa kabuuan, taun-taon, ang pambansang pagpapalawak ng Partido, BHB at iba pang rebolusyonaryong pwersa at ang pagsisimula ng pakikidigmang gerilya at gawaing masa sa mga estratehikong bahagi ng bayan ay higit pa sa nakapuno sa mga pag-atras sa iba't ibang lugar sa iba't ibang panahon. Kailanman ay hindi nagawang lipulin ng kaaway ang isang buong rehiyunal na organisasyon ng Partido noong panahong 1969-85, kahit sa pana-panahon sa iba't ibang rehiyon, ang komite sa rehiyon ay matinding tinamaan sa iba't ibang sidhi ng pagkadakip ng mga pangunahing kadre sa rehiyon. Maging ang pagkakadakip sa mga sentral na kadre ng Partido noong 1974, 1976 at 1977 ay hindi naging sanhi ng pangkalahatang pag-atras ng Partido at ng rebolusyonaryong kilusan sa anumang taon.

Ang pambansang pagpapalawak ng mga rebolusyonaryong pwersa ay natamo sa ilalim ng direksyon ng Komite Sentral ng Partido. Hanggang noong 1977 ang dalawang kumpanya ng BHB na nasa magubat na rehiyon ng Isabela ay hindi inilipat papuntang Cagayan ng mga kadreng sentral at rehiyunal na tuwirang responsable sa mga ito sa kabila ng pagkalimas ng tao sa magubat na rehiyon ng Isabela at ng tuluy-tuloy na kampanya ng kaaway na pagkubkob-at- pagsugpo, at sa kabila ng paulit-ulit na instruksyon ng sentral na pamunuan ng Partido na ipatupad ang paglipat at redispusisyon ng pwersa at sa kabila ng malinaw na pagpapakita ng isang platun sa Tumauini, Isabela na maiging lumabas sa saklaw ng pagkubkob ng kaaway.

Alinsunod sa pasya ng Plenum ng 1969 at bunga ng pagtutulak ng mga kadreng nasa pamatnugutan ng hukbong bayan, ang sentral na pamunuan ng Partido ay nakagawa ng plano at mga pagsasaayos, na lubhang kumplikado, para magpasok ng armas mula ibayong-dagat noong 1972. Ngunit sa kabila ng pasya na sadyang iwasan ang pagpapainit sa Isabela para magbigay-daan sa importasyon ng armas, ang mga nakatataas na kadreng militar na sabik makakuha ng armas na aangkatin ay sila rin mismo ang nagpasyang patindihin ang mga taktikal na opensiba sa probinsya. Sa mga opensibang ito noong huling bahagi ng 1971, ginamit ang ilampung awtomatik na ripleng Browning (BAR) na nakuha sa reyd noong Disyembre 1970 sa armori ng Philippine Military Academy. Sa gayon, nabisto ang pangkalahatang kinalalagyan ng mga pangunahing pwersa ng BHB.

Bunga nito, dinagdagan ng kaaway ang lakas-sandata at operasyon ng Task Force Saranay sa Isabela sa antas ng isang buong dibisyon. Lalong pinalaki nito ang lahat ng kumplikasyon, kahirapan at bulnerabilidad ng proyekto sa importasyon at ang kaakibat na mga pagkakamaling sa plano at sa implementasyon nito. Ang kabiguan ng buong proyekto sa importasyon at mga kaugnay na pagkakamali ay maagap at puspusang pinuna. Ngunit muli, noong 1974, sa udyok ng mga nasabing kadre militar uli, pinagpasyahan ang isa pang plano sa ilalim ng mas kumplikado, mas mahirap, mas limitado at mas bulnerableng mga kalagayan at ipinatupad ito para humantong lang sa kabiguan. Muli ang mga kabiguan at pagkakamali ay maagap at puspusang pinuna. Ang mga plano noong 1972 at 1974 sa importasyon ay may ipinapangako sanang estratehikong bentahe, ngunit noong nabigo ay wala namang idinulot na estratehikong pinsala sa pambansang pagpapalawak at pag-unlad ng mga rebolusyonaryong pwersa.

Noong 1974, walang kaduda-duda ang mga tagumpay ng Partido sa pambansang pagpapalawak at pag-unlad ng mga rebolusyonaryong pwersa. Batay sa mayamang karanasan, kapwa positibo at negatibo pero pangunahi'y positibo, napapanahon ang pagkakasulat at paglabas ng MGA PARTIKULAR NA KATANGIAN NG DIGMANG BAYAN SA PILIPINAS. Pinatnubayan ito ng mga turo ni Mao Zedong tungkol sa digmang bayan at lubos na nagsaaalang-alang din sa mga kongkretong kalagayan ng dyograpiya, sosyoekonomya at pulitika ng Pilipinas at rebolusyonaryong karanasang naipon ng Partido hanggang noon. Ang mapaglinaw na akdang ito ay nagpakita ng mga pagsulong na nakamit na at maaari pang makamit at tumukoy ng mga prinsipyo at mga kaparaanan kung paano mapahihigit pa ang mga bentaheng obhetibo at suhetibo at kung paano maibabaling sa mga bentahe ang mga disbentahe at kung paano mapangingibabawan ang mga kahirapan at pag-atras. Isinaalang-alang nito ang mga kalagayang pinakapaborable, gayundin pinakadi-paborable, kung saan ang mga rebolusyonaryong pwersa ay pwedeng patuloy na makapagpanatili sa sarili at makapagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka ayon sa prinsipyo ng pag-asa-sa-sarili.

Ang punto ay samantalahin ang palagiang krisis ng kalagayang malakolonyal at malapyudal, sa pamamagitan ng paggamit sa malawak na maniobrahang dulot ng kanayunan na higit pang pinaiinam ng mabundok at pulu-pulong katangian ng bayan, paunlarin nang yugtu-yugto ang digmang bayan alinsunod sa malamang na pagtahak nito sa estratehikong depensiba, estratehikong pagkakapatas at estratehikong opensiba (kung saan ang hukbong bayan ay umuunlad mula maliit papalaki at mula papalakas), magpunyagi sa pakikidigmang gerilya at patnubayan ng linya ng sentralisadong pamumuno (sa ideolohiya at pulitika) at disentralisadong operasyon.

Lumaki ang kasapian ng Partido mula 2,000 noong 1972 hanggang 4,000 noong 1974, ngunit nakakonsentra pa ito sa mga sentral na organong istap at rehiyunal na organisasyon ng Partido na nasa Manila-Rizal. Noong 1974, nagpasya ang sentral na pamunuan na bawasan at pasimplehin ang mga sentral na organong istap. Itinalaga ang pinakamalaking bilang ng mga kasapi ng Partido sa mga organisasyon ng Partido sa labas ng Manila-Rizal. Sa buong bayan lumalaki ang bilang at lakas ng mga larangan at sonang gerilya. Paborable at kinakailangan noon ang pagpapalakas ng bag-as at pamumuno ng Partido sa loob ng hukbong bayan.

Mula huling bahagi ng 1974 hanggang maagang bahagi ng 1975, ang Partido ay nakapaglunsad at nakapamuno sa may ilandaang welga ng manggagawa sa buong bayan. Batay sa mga welgang ito, maaaring nang mataya na sa kalaunan, bago matapos ang dekada, ay lilitaw ang isang gahiganteng kilusang protesta ng masa na higit na malaki kaysa sa Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 at kung saan ang pangunahing mapapakilos ay mga manggagawa, kung maipapatupad ang wastong linya. Ang mga ligal na organisasyong masa, kabilang ang mga unyon ng manggagawa, mga samahang magsasaka at mga organisasyon ng estudyante, ay muling naglitawan sa pamumuno ng Partido.

Ang buong taon ng 1975 ay isang taon ng mabilis na pag-unlad ng mga rebolusyonaryong pwersa sa pambansang saklaw. Noong Disyembre ng taong iyon, nagdaos ang Komite Sentral ng plenum na sa halaga at antas ng mga nagawa ay katumbas ng isang pambansang kongreso ng Partido. Pinunuan nito ang hanay ng Komite Sentral sa pamamagitan ng pagnomina sa mga pinakamahusay na kadre sa mga organisasyon ng Partido sa mga rehiyon at mga sentral na organong istap at, paghahalal sa pamamagitan ng sikretong balota ng mga bagong kagawad ng Komite Sentral mula sa isang mahabang listahan ng mga nominado. Binalik-aralan nito ang rebolusyonaryong karanasan mula sa lahat ng dako ng bayan sapul noong 1968 at humalaw sa mga ito ng mga positibo at negatibong aral. Tinasa at tinaya ang mga kalakasan at kahinaan ng mga rebolusyonaryong pwersa sa iba't ibang rehiyon at gumawa ng maraming mahalagang pasya para sa pagpapalakas ng lahat ng ito. Nabuo nito ang kongklusyon na nabigo ang batas militar ng rehimeng US-Marcos na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan, at sa halip, lumikha pa ng paborableng kalagayan para sa armadong rebolusyon. Narating ng Partido ang kasapiang 5,000 at ng BHB, ang pwersang halos 1,000 Pulang mandirigma na armado ng mga ripleng awtomatik, liban sa may isanlibo pa na mas mahina ang baril (mga ripleng isahang-putok at baril na maikli).

Sa Hilagang-Silangang Luson, may ilandaang Pulang mandirigma na naka- ripleng awtomatik (nakapaloob sa dalawang kumpanya sa magubat na rehiyon ng Isabela, isang pinalaking platun sa Tumauini at isa pang pinalaking platun sa Aurora); sa Hilagang-Kanlurang Luson, ilampung Pulang mandirigma na nasa mga iskwad; sa Gitnang Luson, halos isang daan, dagdag pa ang 30 galing sa isang kumpanya sa Aurora na lumipat sa Nueva Ecija; sa Timog Katagalugan, ilampu sa Quezon; sa Bikol, relatibong mas maliit bagamat aabot din sa ilampu na labi ng kumpanya sa Sorsogon; sa Silangang Kabisayaan at Kanlurang Kabisayaan, ilampu; at sa Mindanao, mga 150 na nasa bag-as ng higit na marami pang mahina ang baril. Sa Mindanao, Samar at Panay, pinakamarami ang shotgun na gawang-bahay, garand at M-1 karbin na aabot sa daan-daang bilang. Naging dagdag ang mga ito sa mga ripleng awtomatik.

Batay sa mga talakayan at pasya ng Plenum, binalangkas at inilabas ng sentral na pamunuan noong 1976 ang ATING MAHIGPIT NA MGA TUNGKULIN. Nilinaw ng dokumentong ito ang linyang antipasista, anti-imperyalista at antipyudal, at pinalawig ang mga prinsipyo at mga pamamaraan sa hakbang-hakbang na pagtatayo ng mga organisasyong masa, ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ng Partido sa loob ng hukbo at sa mga lokalidad. Ipinakita ng dokumento ang paraan sa pagtataas ng antas ng mga ito, batay sa pinakamahusay at pinakapraktikal na mga aral mula sa rebolusyonaryong karanasan ng Partido at ng mamamayan. Ito ang dokumentong naging pinakamahalaga at pinakamabunga sa paggabay sa gawaing masa at mga kampanyang masa sa kanayunan at kalunsuran at sa pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Ipinakita nito ang mga praktikal na hakbang na dapat gawin mula sa yugto ng panlipunang pagsisiyasat at mga inisyal na kontak sa isang bagong saklaw.

Sa panahong 1976-1977, nagtuluy-tuloy ang paglaki sa bilang at lakas ng mga larangang gerilya at ng mga ligal na demokratikong pwersa sa mabilisan at kumulatibong paraan. Ang pangunahing linya sa pag-unlad ay ang pagpapalakas sa sarili ng mga organisasyon ng Partido sa mga rehiyon sa kabila ng pagkakadakip ng mga pangunahing sentral na pinuno ng Partido noong 1976 at 1977. Ang mga komite ng Partido sa mga rehiyon na nakabasa, nag-aral at naglapat ng MGA PARTIKULAR NA KATANGIAN NG DIGMANG BAYAN SA PILIPINAS at ng ATING MAHIGPIT NA MGA TUNGKULIN ay lumakas ang tiwala sa paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at pagbubuo ng Partido, hukbong bayan at baseng masa.

Ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Hilagang-Kanlurang Luson ay nakaugat nang malalim sa hanay ng mamamayan sa Kordilyera at sa kapatagan ng Pangasinan. Ang mga nasa Gitnang Luson ay sumandig sa mga rebolusyonaryong tradisyon ng mamamayan sa rehiyon at nagpalawak sa labas ng hangganan ng orihinal na baseng masa sa Tarlac noong 1969-72. Ang mga nasa Manila-Rizal ay nakasamantala sa tuluy-tuloy na pag-unlad ng mga ligal na demokratikong pwersa at sa mga ipokritong hakbang ng kaaway sa "normalisasyon". Ang mga kadre sa Timog Katagalugan at Bikol ay nagpunyagi sa rebolusyonaryong pakikibaka sa kabila ng mga malalang pagkakamali ng mga naunang pinuno ng komite ng Partido sa Timog Luson at ng isang superbisor na itinalaga ng Pambansang Pamatnugutan sa Operasyon ng BHB hanggang 1974, at sa kabila ng mga seryosong negatibong epektong ibinunga ng mga nabanggit na pagkakamali.

Noong 1976 at 1977, ang komite sa rehiyon at organisasyon ng Partido sa Silangang Kabisayaan ay nagpakita sa buong bayan kung paano pauunlarin ang mga rebolusyonaryong pwersa sa paraang lahatang-panig. Nakadokumento ito sa paglalagom ng komite sa rehiyon na isinumite sa Komite Sentral. Inilathala ang paglalagom na ito sa REBOLUSYON noong 1977. Mahusay din ang takbo ng mga nasa Negros at Panay sa Kanlurang Kabisayaan. Gayundin ang mga nasa Mindanao. Ang dalawang kumpanya ng BHB na nahiwalay at naging pasibo sa magubat na rehiyon ng Isabela ay nakalipat sa probinsya ng Cagayan at naipakat na doon noong 1977. Komprehensibo at puspusang pinuna ng sentral na pamunuan, gayundin ng bagong pamunuan sa rehiyon, ang nakaraang pagkakamali ng matagal na pagkakahiwalay sa masa ng mga naturang yunit sa magubat na rehiyon ng Isabela.

Noong 1976 at 1977, nakikini-kinita na ng sentral na pamunuan na dadami ang mga larangang gerilya na may mga platun na nagsisilbing sentro de grabidad, na nakasalalay sa malawak na lambat ng mga iskwad, na bawat isa ay may kakayahang kumilos sa saklaw ng isang sonang gerilya (kasing-laki ng isang munisipalidad humigit-kumulang) at naghahati-hati sa mga sandatahang yunit pampropaganda (kapag walang mas malakas na pwersa ng kaaway na nagkokonsentra sa erya).

B. Kumulatibong Pag-unlad Alinsunod sa Wastong Linya at Panggugulo ng Oportunismo

Isang bagong pamunuan ng Partido ang humawak ng responsibilidad noong Nobyembre 1997. Tinamasa nito ang lehitimong pagpapatuloy ng pamumuno mula sa naunang pamunuan, gayundin ang suporta ng lahat ng organisasyon ng Partido sa mga rehiyon. Matagumpay napangibabawan nito ang pagkawala ng ilang pangunahing pinuno ng Partido. Pinatatag nito ang sarili sa pamamagitan ng pagkuha ng lakas mula sa mga sentral na organong istap at mga komite at organisasyon ng Partido sa mga rehiyon at sa pamamagitan ng serye ng mga konsultasyon, promosyon ng mga kadre sa Komite Sentral at mga plenaryong pulong ng Komite Sentral.

Sa pangkalahatan, ang linyang pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon ng Partido ay sinunod ng sentral na pamunuan at ng mga organisasyon ng Partido sa mga rehiyon at mga pamatnugutan ng BHB sa mga rehiyon. Ngunit noong 1978 may ilang elemento sa Komite Sentral at mga sentral na organong istap na nagsimulang magkwestyon sa pagsusuri na malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino. Ikinatwiran nila na ang lipunang Pilipino ay mas urbanisado at mas industriyalisado kung ikukumpara sa Tsina bago 1949 at pinagkaabalahan nila ang hangad na "pahusayin pa", "i-adyas" at "mas pinuhin" ang teorya at estratehikong linya ng digmang bayan at ibunsod ang isang malaking igpaw mula sa maaga tungo sa abanteng subyugto ng estratehikong depensiba.

Kung tutuusin, pinupuri nila ang diktadurang US-Marcos sa "pag-industriyalisa" sa Pilipinas. Binulag nila ang sarili sa katotohanan na ang mga patakaran at operasyong malaking komprador burukrata-kapitalista ng naghaharing pangkating Marcos ay nagpalalim sa malapyudal na katayuan ng ekonomyang Pilipino, at gayundin sa katotohanang hindi hihigit sa 1,200 lamang ang bilang ng mga Pulang mandirigma ng BHB na armado ng ripleng awtomatik na inaasahan nilang magpapatupad ng malaking pag-igpaw sa abanteng subyugto. Sa pamamagitan ng pangangarap ng gising, inilatag nila ang suhetibistang batayan ng pagsira sa tamang pag-unlad ng digmang bayan, partikular, sa pagpaparami ng mga larangang gerilya na may mga platun (at sa kalauna'y mga kumpanya) na nasa relatibong konsentrasyon bilang mga sentro de grabidad.

Mula 1977 hanggaang 1979, ang mga organisasyon ng Partido sa mga rehiyon na sumunod sa wastong linya ay nakapagkonsolida at nakapagpalawak ng mga pwersa nila sa lahatang-panig at balansyadong paraan. Ang pinakamahusay na halimbawa ay ibinigay ng organisasyon ng Partido sa rehiyon ng Silangang Kabisayaan. Ginamit nito ang mga iskwad sa pagkontrol ng buu-buong mga munisipalidad bilang mga sona o di kaya bilang mga konsolidadong sonang gerilya at nagtayo sila ng mga platun bilang mga sentro de grabidad at pwersang pang-atake ng mga larangang gerilya. Naging mahusay ito sa gawaing masa at sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba.

Habang sa kabuuan, lahat ng mga komite at organisasyon ng Partido sa mga rehiyon ay sumusuporta sa sentral na pamunuan alinsunod sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo, may ilang elemento sa komite ng Partido sa Manila-Rizal na haling sa mania ng pakikipagtunggali at naggiit na gawing usapin sa prinsipyo ang paglahok o hindi ng Partido sa hungkag na "halalang IBP" noong 1978 na pinakulo ng diktadurang US-Marcos. Kaya, naging imposible para sa sentral na pamunuan at sa pamunuan ng Manila-Rizal na makaabot sa pasyang katulad ng dating nagawa na ng Partido sa mga halalan noong 1969 at 1971. Sa halip na makiisa sa sentral na pamunuan sa paglalarawan sa halalang 1978 bilang isa lamang palabas, naggiit ang pamunuan sa Manila-Rizal sa pagpwersa sa isyu at pagbobotohan batay sa hatiang boykot-lahok. Ang usapin ay dogmatikong ihinulma ayon sa kasaysayan ng mga Bolshevik. Noong 1979, nagkagulu-gulo ang organisasyon ng Partido sa Manila-Rizal.

Mula 1980 hanggang 1985, umarangkada sa paglaki ang Partido at ang rebolusyonaryong kilusan nang walang kaparis sa nakaraan. Bunga ito ng mabilis na paglala ng krisis ng naghaharing sistema mula 1979, natipong lakas ng mga rebolusyonaryong pwersa at nagpapatuloy na wastong linya sa paggawa na itinataguyod ng malaking mayorya ng mga kadre at mandirigma. Kaalinsabay, sumasapin sa mga salik na ito, ang papalakas na tulak ng mapupusok na elemento sa sentral na pamunuan at ilang komite ng Partido sa mga rehiyon na isakatuparan ang tinatawag na estratehikong kontraopensiba (bilang pinakamataas na subyugto ng estaratehikong depensiba) at regularisasyon ng Partido at hukbong bayan (paglikha ng mas marami pang sapin ng burukrasya at pamanugutan nang walang kaakibat na pag-unlad sa baseng masa at sa Marxista-Leninistang edukasyon ng mga kadre) at ang adelantadong pagtatayo ng mga kumpanya ng BHB na kapalit ang pagkabawas sa bilang ng mga iskwad at platun.

Sa pinalaking Plenum noong 1980, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa mga organisasyon ng Partido sa rehiyon, idinagdag ng Komite Sentral sa hanay nito ang itinuring nitong mga pinakamahusay na kadre mula sa mga komite Partido sa mga rehiyon at mga sentral na organong istap at bumuo ito ng anim na komisyong inter-rehiyunal bilang mga organong istap para sa pangangasiwa sa mga organisasyon ng Partido sa mga rehiyon. Ang bilang ng huli ay umabot na noon sa labing-anim (16). Naglaan ng malaking oras ang Plenum sa pagtalakay sa katangian ng lipunang Pilipino, pagkukwestyon sa pagsusuri na malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino at paggigiit na ang mga kalagayan sa Pilipinas ay iba sa Rusya at Tsina bago nakamit ng mga ito ang rebolusyonaryong tagumpay. Naokupa ang Plenum sa paghahanap ng katwiran para sa pagbago sa estratehikong linya ng digmang bayan (pagkubkob ng kalunsuran mula sa kanayunan) at sa pagbibigay ng mas malaking papel sa mga armadong insureksyon. Binigyang-diin ang pagtingin sa Byetnam bilang modelo hanggang sa puntong tiningnan ang pag-aalsang 1945 at ang opensibang Tet nang labas sa tunay na istorikong konteksto ng mga ito.

Ang pulong ng Kawanihang Pampulitika noong 1981 ay nagpalawig sa pangangailangan ng "regularisasyon" sa Partido at BHB at sa pagbibigay sa mga insureksyon ng papel na mas maaga at mas malaki kaysa sa dating ibinigay dito ng sentral na pamunuan. Ang konsepto ng "estratehikong kontraopensiba" ay ihinapag. Ito ay maling gamit sa termino, kung saan itinatransporma ang malamang na ikatlo at huling yugto ng kabuuang digmang bayan sa isang subyugto na lamang ng estratehikong depensiba. Isa itong "Kaliwang" oportunistang pangangarap na lampasan ang kakayahan ng umiiral na pambansang lakas ng BHB (na hindi humihigit noon sa 2,000 Pulang mandirigmang armado ng mga ripleng awtomatik). Ang mga tala ng mga indibidwal na dumalo sa pulong ng PB ay pinaikot para sa pag-aaral at pagpapatupad ng mga organisasyon ng Partido sa mga rehiyon. Kasunod nito, nagkaroon ng tulak sa paglikha ng mga suson ng burukrasya ng Partido at pamatnugutan ng hukbo, at pagtatayo ng mga kumpanya ng BHB sa pamamagitan ng biglang pagbabawas sa bilang ng mas maliliit na yunit at pag-aalis ng mga kadre mula sa gawain sa batayang antas.

Ang batayang kurso ng Partido ay inilunsad noong 1979 pataas. Ngunit humina ang pag-aaral dito bandang mga 1983, kahit mayroong mahigpit na pangangailangan para rito at para sa mas matataas na antas ng edukasyong Marxista-Leninista. Sa bawat pulong ng PB noong dekadang 1980 laging may pagkilala sa pangangailangang gawin ang edukasyong teoretikal at pulitikal at laging may desisyon para asikasuhin ito. Pero mula 1983 pataas, hindi nakita ng sentral na pamunuan ang pangangailangang panatilihin ang anumang sentral na organong istap na responsable sa pagpapatupad ng anumang programa sa edukasyong teoretikal at pulitikal. Ipinaubaya ito diumano sa mga organisasyon ng Partido sa mga rehiyon na hindi naman nabigyan ng malinaw na direksyon at lubhang okupado sa mga gawaing praktikal.

Ang mga kopya ng mga materyales para sa pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong at maging ang mga kopya ng mga saligang dokumento ng Partido ay kumaunti at nawala. Ang kasalatan o kawalan ng mga nabanggit na materyales sa pag-aaral ay pinagtakpan ng naging palasak na kasabihan na nag-aaral ang Partido mula sa lahat ng posibleng rebolusyonaryong huwaran sa ibayong-dagat. Ang matagumpay na anti-awtoritaryong insureksyon sa Nicaragua na pinamunuan ng mala-Marxistang mga radikal na anti-imperyalistang petiburges ay binigyan ng ilang elemento ng mas mataas pang pagpapahalaga kaysa sa rebolusyong Tsino at iba pang rebolusyong pinamunuan ng mga partidong Marxista-Leninista. Ilan sa mga dating lider ng Komite ng Partido sa Manila-Rizal ang nagyabang din na nabasa daw nila ang mga akda ni Lenin pero wala silang alam kundi ang sumipi kay Lenin nang wala sa konteksto para bigyang-matwid ang pagpapalobo sa halaga ng kanilang gawaing syudad. Naging laganap ang eklektisismo at suhetibismo.

Hindi nagkulang ang mga proletaryong rebolusyonaryong kadre sa paghahapag ng mga datos sa kanilang mga argumento laban sa maling tunguhin na nagkukwestyon sa pagsusuri na malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino. Nariyan na ang mga dating pananaliksik at sulatin tungkol sa paksang ito. At noong 1982 at 1983, lumabas na rin ang mga artikulo tungkol sa moda ng produksyon at sa pagkatalong tinutungo ng hukbong sandatahan ng Pilipinas. Maging ang grupong kinomisyon ng sentral na pamunuan upang muling pag-aralan ang katangian ng lipunang Pilipino ay nakarating din sa kongklusyon na tunay na malakolonyal at malapyudal pa rin ang lipunang Pilipino. Nariyan na rin ang mga wastong pahayag na maraming ulit nang inilabas ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre na dapat bigyang-pansin ng Partido ang palapad na pundasyon (ang baseng masa at mga maliliit na yunit na nakakalat para sa gawaing masa, atbp.) ng pagbubuo ng mga bertikal na istruktura ng pwersa (mas mataas na pormasyon ng BHB).

Noong 1982, ang Komisyon sa Mindanao ay gumawa ng sariling pagpapalawig tungkol sa estratehiya at taktika batay sa mga tala ng isang kasapi ng Komisyon na dumalo sa pulong ng Politburo noong 1981. Batay sa maling pag-aakala na sa estratehiya ng digmang bayan ay walang nagaganap na koordinasyon sa pagitan ng lunsod at kanayunan, ng gawaing pampulitika at militar, at ng gawain sa loob at labas ng bansa, pinaghiwalay ng Komisyon sa metapisikal na pamamaraan ang diumano'y mga koordinasyong ito. At "muling kinoordina" nila ang mga ito upang tibagin ang batayan ng estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan, mapataas ang halaga ng mga insureksyong lunsod bilang pinakamataas na uri ng pakikibakang pulitiko-militar, ibaba ang halaga ng hukbong bayan bilang isang pwersang lantay na pangmilitar at sekundaryo, at bigyan ng sobrang halaga ang gawain sa ibayong-dagat upang pababain ang halaga ng rebolusyonaryong gawain na umaasa-sa-sarili.

"Niregularisa" ang Partido at BHB, at pinunuan ang mga pwesto sa iba't ibang antas ng mga kadreng walang sapat na pagsasanay sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Hanggang 1984, itinulak sa Mindanao ang adelantadong pagbubuo ng mga kumpanya ng BHB na absolutong nakakonsentra dahil kailangang tirahin daw ang mga pwersa ng kaaway bago dumating ang mga dagdag na tropa mula sa mga bahaging Moro. Habang nakakayanan pang buuin ang mga kumpanya na absolutong nakakonsentra, hindi pinansin ng ilang namumunong kadre ng hukbong bayan sa Mindanao ang mga sulating nagpapababa sa hukbo sa katayuan ng pwersang lantay-militar at sekundaryo lamang sa itinuturing na mga "insureksyunarong pwersang lunsod" na tinaguriang pangunahin dahil ang ispontanyong pwersang popular, na kabaligtaran ng pakikitungo sa hukbo, ay itinuring namang pulitikal.

Noong 1983 at 1984, umarangkada ang pagtatayo ng mga kumpanya na absolutong nakakonsentra. Noong 1984, naging hiwalay at pasibo ang mga kumpanyang ito bunga ng grabeng pagkitid ng baseng masa at ng mga kampanya ng panunupil ng kaaway. Napatunayang epektibo ang gayong mga hakbang ng kaaway sa isang sitwasyong lantay-militar. Ngunit nang taon ding iyon, naglabas ng isa pang sulatin ang Komiteng Tagapagpaganap ng Komisyon sa Mindanao na ibayong nagpalawig sa linya ng adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod. Ipinamahagi ito sa lahat ng nakabababang organo ng organisasyon ng Partido at BHB. Wala man lang ginawang demokratikong talakayan sa labas ng nasabing Komiteng Tagapagpaganap at ni walang pagsasaalang-alang sa nagaganap nang malalaking pag-atras bunga ng maling linya.

Sa Plenum ng 1985, ang mga tagapagtaguyod ng maling linyang nagkukumbina ng adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod ay may lakas pa ng loob na hinging lubos na itakwil ang teorya at estratehikong linya ng digmang bayan at palitan ito ng kanilang maling linya na nagbunga na ng malaking pag-atras at tumungo sa mapangwasak na isteryang anti-DPA na tinaguriang Kampanyang Ahos. Sadya silang nagsinungaling nang hindi inilahad ang buong katotohanan tungkol sa mga pinsalang nabanggit at nag-asta pa silang animo'y mga matagumpay na lider sa kani-kanilang larangan ng gawain. Tinanggihan ng plenum ang mungkahing itakwil ang estratehikong linya ng digmang bayan subalit di naman iniatras ang maling konsepto ng "estratehikong kontra-opensiba" na nag-engganyo sa linya ng "regularisasyon", adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod.

Pinagtutuunan natin ng pansin ang magkakasunod na pag-iral ng maling linya ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar, mga malubhang pag-atras, at isteryang anti-DPA noong sapul ng 1982 hanggang 1986 sa Mindanao dahil ang mga sunud-sunod na pangyayaring ito ang nagdulot ng pinakamasahol na pinsala sa Partido at rebolusyonaryong pwersa. Humantong ito sa pagpatay ng daan-daang kadre ng Partido, Pulang mandirigma at tagasuporta ng NDF dahil lamang sa hinalang sila ay mga DPA at batay sa sapilitan pero hindi makatotohanang pag-amin ng mga biktima na napiga sa pamamagitan ng tortyur. Ang "Kaliwang" oportunismo ay nagkaroon ng maraming hugis at ekspresyon sa iba't ibang rehiyon, laluna't hindi wastong nalagom at napuna ang kalunus-lunos na karanasan sa Mindanao, bagkus, itinuring pa ngang huwaran at dahil ang mga kadreng may pananagutan sa mga malubhang pagkakamali sa Mindanao ay naiangat sa Politburo ng Komite Sentral at sa Komiteng Tagapagpaganap nito, sa Komisyong Militar at sa "pangkalahatang kumand" ng BHB at nagawa nilang ipalaganap ang kanilang maling linya sa buong bansa mula 1985 hanggang 1990 sa pamamagitan ng serye ng mga kumperensyang militar.

Kaya mula 1985 hanggang 1990 ang Partido at iba pang rebolusyonaryong pwersa ay dumanas ng mga pinsala at pag-atras na hindi pa nito naranasan sa buong kasaysayan nito. Ang simple at mababaw na paliwanag dito ng mga "Kaliwang" oportunista ay napatutunayan lamang daw na superyor ang kaaway sa pagpapatupad nito ng estratehiya ng "digmaang mabilis na tinatapos" at "gradwal na konstriksyon". Dagdag pa, ginagawa naman daw ng mga kumpanyang absolutong nakakonsentra at batalyon na nabuo nang adelantado ang lahat ng kanilang magagawa alinsunod sa wastong linya pero hindi daw makahabol sa bilis ng pagsulong ng BHB ang Partido at ang masa. Ito ay musmos na linya ng pangangatwiran. Sa wastong linya, sadyang dapat pigilan ang mga adbenturistang militar at insureksyunistang lunsod na maunang sumaid sa tauhan at rekurso ng Partido at sa gayo'y kumilos para sa pakinabang ng kaaway dahil sa kanilang maling linya. Dapat laging pamunuan ng Partido ang kumprehensibo at balansyadong pagtatayo ng Partido, ng mga organisasyong masa, ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ng tamang laki ng mga yunit ng BHB. Hindi kailanman dapat pabuntutin ang Partido at masa sa mga "Kaliwang" oportunista na bagkus ay dapat pigilan sa kanilang landas.

Malinaw na ipinakita ng pagsusuri ng rekord mula 1980 hanggang kasalukuyan na umunlad nang pinakamahusay ang rebolusyonaryong kilusan alinsunod sa estratehikong linya ng digmang bayan at sa pagpapatupad ng ANG MAHIGPIT NATING MGA TUNGKULIN. Ang masikhay na gawaing masa at solidong pag-oorganisa ng iba't ibang tipo ng organisasyong masa, organo ng kapangyarihang pampulitika at ng Partido ang naglatag ng pundasyon sa pag-unlad ng mga pwersang gerilya at mga larangang gerilya. Ang wastong istruktura ng pwersa ng BHB ay yaong ang maliliit na yunit gerilya ay nakakalat sa malawak na saklaw para sa gawaing masa, at napalilitaw nang batay dito ang sentro de grabidad (pwersang tipunan at pangsalakay). Ito ang istruktura ng pwersa na makapagpapatupad ng malawakan at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa patuloy na lumalawak at nakokonsolidang baseng masa.

Ang kasalungat nito, na nagdulot na ng malulubhang pinsala sa mga rebolusyonaryong pwersa, ay ang sobrang konsentrasyon ng mga Pulang mandirigma sa mga kumpanya nabuo nang wala sa panahon at lubhang kakaunti ang bilang ng mga Pulang mandirigma sa maliliit na yunit para sa pagpapalawak at pagkokonsolida ng baseng masa. Pagkatapos ng malaking kapahamakan sa Mindanao, ang isang pinakamasahol na halimbawa ay ang konsentrasyon ng 598 na Pulang mandirigma sa isang batalyon at 2 kumpanya (80 porsyento) habang 151 lamang (20 porsyento) ang nasa mga lokal na yunit gerilya. Ang natural na naging resulta ay ang pagkitid ng mahigit 50 porsyento ng baseng masa sa loob ng maikling panahon lamang, ang pagkakabaon sa mga problema sa lohistika, at syempre, ang kawalang-bisa, pagkakahiwalay at pagkapasibo ng malalaking pormasyong militar na wala sa panahon.

Sa pagpapalaganap ng adbenturismong militar sa pambansang saklaw, ang panawagan sa pagtatayo ng 36 na kumpanya at 2 batalyon noong 1986 ay umulit sa malulubhang pagkakamali sa Mindanao noong 1982-84. Ang mas malalaking pormasyong naturan ay naitayo sa pamamagitan ng malakihang pagbawas sa bilang ng mga lokal na iskwad na nakatalaga sa gawaing masa at humahawak sa mga sonang gerilya (karaniwang kasinlaki ng munisipalidad). Ang ilang natitirang iskwad at platun ay nauwi pa sa serbisyo at suportang panlohistika ng mga mas malalaking pormasyon na wala sa panahon. Kapag nalalagasan ng tauhan ang mas malalaking pormasyon bunga ng mga pinsala sa labanan o demoralisasyon, nagpupuno ang kanilang lakas-tauhan sa pamamagitan ng paglamon sa mas maliliit na yunit gerilya.

Noong 1987 at 1988 ay malinaw na sa nakararaming rehiyon na hindi uubra ang linya ng adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod, laluna pagkatapos ng mga labanang atrisyon noong 1987 na nagsayang ng amunisyon sa pag-atake sa matitigas na bahagi ng kaaway, at pagkatapos ng mga ganting-aksyon ng kaaway kapwa sa kanayunan at kalunsuran. Ang ilang komite sa rehiyon ay nagreklamo na sa sobrang bigat ng pasanin sa lohistika sa pagmamantini ng mga kumpanya at batalyon na maliban pa ay mas mababa sa mas maliliit na pormasyon ang epektibidad sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba at naging isang sanhi ng malaking pagkabawas ng baseng masa. Ngunit ang mga "Kaliwang" oportunista sa sentral na pamunuan ay patuloy na naggiit na ang mas malalaking pormasyon na wala sa panahon ay agimat sa halip na pasang-krus ng rebolusyonaryong kilusan.

Noon pa mang 1988, kinilala na ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa sentral na pamunuan ang mga disbalanse sa gawaing rebolusyonaryo at nanawagan sila ng pagwawasto at pagbabago. Ang maikling pagbabalik-aral sa kasaysayan ng Partido na inilabas sa okasyon ng ika-20 anibersaryo nito ang nagsilbing hudyat ng pagkonsolida sa proletaryadong rebolusyonaryong linya laban sa adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod. Taun-taon, pumasok ang mga datos tungkol sa mga mapanirang resulta ng maling linya. Ito ang nagbunsod sa mga proletaryong rebolusyonaryong kadre sa Komite Sentral at nakabababang mga organo at organisasyon ng Partido na kontrahin na ang maling linya. Ang mga taunang pahayag sa anibersaryo ng Partido at ang mga tala ng mga pulong ng Komiteng Tagapagpaganap at Politburo ng Komite Sentral ay nagsalamin sa tunggalian ng dalawang linya na tumungo sa kalaunan sa tagumpay ng proletaryong rebolusyonaryong linya at sa pagkagapi ng mga "Kaliwang" oportunista.

Noong 1989, sinimulan ang mga mayor na pagwawasto at pagbabago. Nanaig ang mga proletaryong rebolusyonaryo sa sentral na pamunuan at pinigilan ang panibagong pagtatayo ng mga kumpanyang adelantado at hindi masustini. Alinsunod sa direksyon ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral, paparaming bilang ng mga komite sa mga rehiyon ng Partido ang naglusaw at nagbago sa dispusisyon ng ilan sa mga kumpanyang ito. Noong 1990, tuluyan nang iniatras ang konsepto ng "estratehikong kontra-opensiba", at nabunot ang ugat ng adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod. Noong 1990 at 1991, malinaw na malinaw na ang malubhang pinsalang idinulot ng maling linya. Kaya noong 1991, nagpasya ang sentral na pamunuan na magsagawa ng kumprehensibo at lahatang-panig na kilusang pagwawasto.

Ang "Kaliwang" oportunismo ay may Kanang nilalaman at direksyon. Ang "Kaliwang" oportunistang linya ng pagkukumbina ng adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod ay hindi labas dito. Ang motibasyon at balatkayo ng "Kaliwa" ay ang pabilisin ang ganap na rebolusyonaryong tagumpay nang lampas sa aktwal na antas ng lakas ng mga rebolusyonaryong pwersa. Subalit sa katunayan, pasok sa bitag ng kaaway ang linyang ito at isinusubo nito ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pagpapatiwakal at pagkalipol sa kamay ng kaaway. Sabay na dinadala ng mga tagapagtangkilik ng linyang sobrang-Kaliwa ang mga ideyang sobrang-Kaliwa at Kanan; o dili kaya, bumabaling sila mula sa lantad na paninindigang sobrang-Kaliwa tungo sa paninindigang lantad na Kanan matapos maranasan ang pagiging inutil ng paninindigang sobrang-Kaliwa.

Batay sa argumento na ang pakikipagrelasyon sa mga rebisyunistang partido ng Unyong Sobyet at mga bansa sa blokeng Sobyet ay mangangahulugan ng pagbubukas ng pinto sa malalakas na armas at pondo upang mapabilis ang tagumpay ng armadong rebolusyon, humantong ang mga "Kaliwang" oportunista sa pagturing uli sa mga partidong ito bilang tunay na Marxista-Leninista at sa mga lipunan na kanilang pinamumunuan bilang tunay na sosyalista. Noon pa mang 1982, tinalikuran na nila ang linyang antirebisyunista na isa sa mga pundasyon ng Partido. Ikinalat nila sa loob ng Partido ang linya na ang Unyong Sobyet ay sosyalista at hindi sosyal-imperyalista, at ito ay dakilang tagapagtaguyod ng proletaryong internasyunalismo at malaking pinagkukunan ng ayuda ng mga proletaryadong rebolusyonaryo at mga kilusan sa pambansang pagpapalaya. Ginawa nila ito nang hindi man lang pormal na naghabol na pawalang-bisa ang linyang antirebisyunista sa Programa at Saligang Batas ng Partido. Noong 1984 at 1985, ang mga dokumentong nagdadala ng linyang ito ay ipinamahagi nang kunwa ay mula sa Komite Sentral at ang nilalaman ng mga ito ay sinimulang ipatupad.

Ang mga "Kaliwang" oportunista, kabilang ang mga nasa "pangkalahatang kumand" ng BHB ay nagbase sa Metro Manila dahil sila diumano ay nag-aabang ng "biglang pagpihit ng mga pangyayari" alinsunod sa linya ng insureksyunismong lunsod, at mas mahalaga pa, para makapaglunsad ng mga ispesyal na operasyon. Kabilang sa ispesyal na operasyon ang pag-asikaso sa importasyon ng mga sandata, na hindi naman natupad, at pagsasagawa ng mga operasyong gangster, kabilang ang pagnanakaw, holdap at kidnap for ransom na walang awtorisasyon ng mga kinauukulang sentral na organo at nang walang pagkilala ng pananagutan sa mga ito. Ang mga "Kaliwang" oportunista ay nasangkot sa mga aktibidad na tahasang kriminal para sa makasariling interes. Nagmatigas sila sa pagbabase sa Manila-Rizal kahit paulit-ulit silang naaresto doon noong 1988 at 1991. Hindi totoong kinukumand nila ang hukbong bayan sa isang digmang bayan, kundi abalang-abala sila sa mga "ispesyal na operasyon".

Matapos maaresto ng kaaway ang "pangkalahatang kumand" noong 1988, lumitaw sa Metro Manila ang kahibangang anti-impormer at kumalat ito sa ilang rehiyon. Sumunod ito sa padron ng maling linya ng pagkukumbina sa adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod, malalang pag-atras at isteryang anti-DPA. Katulad ito ng pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa Mindanao mula 1982 hanggang 1986. Ang isteryang anti-DPA na kinasangkutan ng magkakasunod na Operation Missing Link (OPML) at ang proyekto nitong Sagipin ang Sentro (Save the Center o STC), at Olympia ay nagtataglay ng malaking peligrong magwasak sa mismong sentral na pamunuan ng Partido at buong rebolusyonaryong kilusan. Napigilan ito nang mabalangkas at maipatupad ang "Gabay sa Wastong mga Prinsipyo at mga Paraan ng Pagsisiyasat, Paglilitis at Pag-usig sa mga Pinaghihinalaang Espiya ng Kaaway".

Noong 1982, sinunggaban ng mga "Kaliwang" oportunista ang insureksyunistang terminolohiya ng FSLN at FMLN ng Central America na nagtuturing sa hukbong bayan bilang "pwersang militar" at sa ispontanyong masa sa pag-aalsa bilang "pwersang pampulitika". Ngunit may ilan din sa kanila na tahasang yumakap sa ideya mula sa mga nasabing prenteng mapagpalaya na ang talibang Partido ng proletaryado ay dapat palitan ng talibang prente. Samakatwid, ang ideyang likidahin ang namumunong papel ng Partido sa rebolusyong Pilipino ay tinangkilik kapwa ng mga "Kaliwa" at Kanang oportunista sa loob ng Partido. Ang tinaguriang Bagong Katipunan (New Katipunan) ang siyang tinatanaw nilang kapalit ng Partido at ng NDF.

Bagamat ang mga Kanang oportunista sa Partido ang pangunahing responsable sa pagtutulak ng ideya na ang NDF ay dapat gawing pederasyon o kumpederasyon kung saan ang Partido ay mawawalan ng kalayaan at inisyatiba, magiging isang hamak na myembrong organisasyon at ipaiilalim sa mayoryang boto ng mga di-komunista, isa sa mga susing lider ng mga "Kaliwang" oportunista ang naging pinakaaktibong tagapagtaguyod sa ideyang ito. Maraming sangkap ng maling ideyang ito ang pinagtibay sa plenum ng 1985 at pulong ng Politburo noong 1987. Ang lider ding ito ng mga "Kaliwang" oportunista ang nagpatupad noong 1990 sa maling linya ng pagtransporma sa NDF sa pederasyon o kumpederasyon, at kaalinsabay ay isang unitaryong organisasyon din ng mga idibidwal na pinagbubuklod ng isang programa ng burges na nasyunalismo, pluralismo at ekonomyang haluan (mixed economy).

Noong mga taon matapos bumagsak ang pasistang awtokrasya ni Marcos, ang mga "Kaliwang" oportunista ay nakipagsabwatan sa mga Kanang oportunista sa loob ng Partido at sa mga antikomunistang grupong petiburges tulad ng mga pro- imperyalistang liberal, mga populistang burges, mga demokratang Kristiyano, mga sosyalistang petiburges at mga Trotskyista para sobrang palobohin ang pagkakamaling boykot noong 1986 bilang pinakamalaking pagkakamali diumano sa tanang kasaysayan ng Partido. Sa kanilang pananaw, ito ay isang estratehikong pagkakamali na nagbunga ng estratehikong paghina at pagkakahiwalay ng Partido, na magpapatuloy anila, kung ang Partidong hindi mag-aalis ng diin sa o maglilikida sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Totoo ngang isang mayor na taktikal na pagkakamali ang pagboykot noong 1986 na maaaring punahin batay sa wastong Kaliwang pananaw. Ngunit sadya at hindi matapat na pinalaki ng isang lider ng mga "Kaliwang" oportunista ang pagkakamaling boykot para magkaroon siya ng rason na magpakalat ng repormismong burges at kapitulasyunismo at upang maikubli ang di hamak na mas grabeng pagkakamali ng adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod na tumungo sa mga malalang pag-atras sa Mindanao noong 1984 at sa madugong isteryang anti-DPA noong 1985-86.

Noong 1986, matapos palayain ang mga bilanggong pulitikal (maliban sa mga walang matwid na inakusahan at nahatulan sa mga karaniwang krimen), ang mga proletaryong rebolusyonaryo ay nagtaguyod ng pananaw na ang bagong panguluhan ng mga uring mapagsamantala ay maaaring gapiin sa propaganda tungkol sa usaping pangkapayapaan nang hindi pumapasok sa anumang kasunduan sa tigil-putukan. Ngunit ang aktwal na mga prinsipal na tagapagtaguyod ng lokal at pambansang tigil-putukan nang walang nauunang takdang adyenda ukol sa mga usaping malaman at walang nauunang pag-uusap hinggil sa mga isyung malaman ay ang mga "Kaliwang" oportunista na may tuwirang pananagutan sa kapahamakan sa Mindanao mula 1984 hanggang 1986, at pumuna sa pagkakamaling boykot noong 1986 mula sa pusisyong Kanan at nag-akalang ang tigil-putukan ang paraan para malampasan ang kapahamakang nangyari sa Mindanao.

Ang mga prinsipal na tagatulak ng "Kaliwang" oportunistang linya sa mga nakaraang taon ay walang kahiya-hiya na naging mga kontrarebolusyonaryong Kanan at lantarang nakipagkumbina sa mga antikomunistang grupong petiburges para itulak ang NDF na sumuko sa naghaharing pangkating US-Ramos sa ngalan ng mga rebolusyonaryong pwersa. Nagpopropaganda rin sila tungkol sa pangangailangang humanap ng mga pakikipagsalubungan at akomodasyon sa pangkating ito dahil walang kahihinatnan diumano ang digmang bayan, kuntento ang mamamayan sa pang-aapi at pagsasamantala at sawa na sila sa kanilang sariling rebolusyonaryong paglaban, hindi magagapi ang lokal na naghaharing sistema at ang pandaigdigang sistemang kapitalista, at ang tunguhin sa buong mundo ay ang pakikipagkasundo sa kaaway ng mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya. Dahil naunsyami sa kanilang dating "Kaliwang" oportunismo, ang ilan sa mga bagong kontrarebolusyonaryong Kanan ay mas sagadsarin pang kapitulasyunista, repormista at likidasyunista kung ikukumpara sa mga malaon nang Kanang oportunista na hindi nagkunwaring sobrang-Kaliwa.

May iba't ibang tipo ng insureksyunismong naglitawan sa loob ng Partido. Tulad ng lahat ng uri ng oportunismo, ang mga ito ay may petiburges na panlipunang batayan, pananaw at pamamaraan. Ang panlabas na anyo ay Kaliwa subalit ang nilalaman ay Kanan. Ang mga tagapagtangkilik ng insureksyunismo ay nadadala ng kapusukan. Nais nilang tapusin ang rebolusyon nang mabilis at madali. Hindi nila taglay ang proletaryong makauring lohika, talino at determinasyon para sa matagalang digmang bayan, lalo na kung ang pag-uusapan ay ang rekisitos nito sa masikhay na gawaing masa at solidong pag-oorganisa sa masa. Iginagayak nila ang bilasa nang teorya ng ispontanyong masa bilang isang bagay na bago at superyor sa teorya ng matagalang digmang bayan. Subalit kapag sila'y nabibigo, katangian ng mga insureksyunista na pumihit sa lantad na Kanang pusisyon.

Ang mga tagapagtaguyod ng "estratehikong kontra-opensiba" ay nagtaguyod sa pananaw na maaaring maglunsad ng mga pag-aalsa sa mga tersera-klase at kwarta-klaseng munisipalidad na siyang magsisilbing mitsa ng pambansang insureksyon. Ang ganitong uri ng insureksyunismo ay mas kahalintulad ng mga bigong pag-aalsa ng mga Sakdalista noong dekadang 1930 kaysa sa opensibang Tet noong 1968 na may suporta ng isa nang makapangyarihang hukbong bayan. Ang paglalako ng ganitong uri ng insureksyunismo ay nag-engganyo sa iba pang uri ng insureksyunismo bilang pagtatakwil sa hakbang-hakbang at paalun-alon na pag-unlad ng digmang bayan.

Sa ngayon, ang uri ng insureksyunismong pinakamapanira sa mga rebolusyonaryong pwersa ay yaong naglalayong ituring ang hukbong bayan bilang pwersang lantay-militar na lamang at hangad na pagsilbihin na lang ito sa armadong insureksyong lunsod bilang "pinakamataas na anyo ng pakikibakang pulitiko-militar". Ang mga dramatikong aksyon ng mga armadong partisano sa kalunsuran at ang mga welgang bayan ay inilulunsad para pukawin diumano ang kamalayang insureksyunaryo at pagkatapos ay inaaasa sa ispontanyong masa halip na sa organisadong rebolusyonaryong pwersa ang pagpapabagsak sa naghaharing sistema.

Ang isang bersyon ng ganitong uri ng insureksyunismo ay may ugnay sa adbenturismong militar sa Mindanao at nagbunga ng grabeng pinsala sa rebolusyonaryong kilusan doon. Ang isa pang bersyon ng insureksyunismo ay yaong itinutulak ng dating kalihim ng Komite ng Partido sa Manila-Rizal. Nilayon nitong gumamit ng maliliit na armadong grupo upang agawan ng eksena ang masa sa mga aksyong masa at sadyang galitin ang pulis at militar upang manugod sa masang demonstrador.

Subalit ang pinakaambisyoso ngunit pinakahangal na tipo ng insureksyunismo ay itinulak ng isa sa mga "Kaliwang" oportunista na pangunahing nagbalangkas noong 1984 ng dokumento sa Mindanao na nagpalawig sa linya ng pagkukumbina ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar. Kinakamkam niya ang awtoridad ng mga sentral na namumunong organo ng Partido at tinangkang palitan ang katangian ng Ang Bayan, ng Pambansang Komisyon sa Nagkakaisang Prente at ng Pambansang Demokratikong Prente. Kaalinsabay, mag-isang binuo niya ang isang planong "medium-term" para sa insureksyon at inilako niya ito kasabwat ang dating kalihim ng Komite ng Partido sa Manila-Rizal at ang ilang kagawad ng Pambansang Komisyon sa Nagkakaisang Prente.

Nilayon niyang pagsanibin ang mga ligal na organisasyon ng Kaliwa, Gitna at Kanan upang buuin ang "kawkus ng mamamayan" (people's caucus) at manawagan sa noo'y Presidente Aquino noong 1990 na sumang-ayon sa isang diumano'y adyenda ng mamamayan. Kung hindi papayag si Aquino, ang mga ligal na organisasyon ng Kaliwa, Gitna at Kanan ay makikisanib sa "medium term" sa lahat ng "armadong grupong oposisyon" tulad ng NDF at MNLF at sa mga paksyon sa reaksyunaryong hukbong sandatahan (RAM, YOU at SFP) at muling mananawagan kay Aquino na sumang-ayon sa isang mas malawak pang adyenda ng mamamayan. At kung muling hindi papayag si Aquino, ilulunsad ang insureksyon. Ito ay isang hangal na ideyang kailangang Kumanan para matamo ang sobrang-Kaliwang layunin ng armadong insureksyong lunsod bago matapos ang panunungkulan ni Aquino sa 1992.

Sinabotahe ng insureksyunismo ng planong "medium-term" at yaong inilalako ng dating liderato ng panrehiyong organisasyon ng Partido sa MR ang ligal na demokratikong kilusang masa mula 1990-1992. Ang mga punong tagapagtaguyod ng nasabing dalawang tipo ng insureksyunismo ay parehong nagdadala ng pananaw na hindi maaaring umiral ang paborableng obhetibong kundisyon para sa mga kilos protesta ng masa kung ang mga ito ay hindi magbubunga ng armadong pag-aalsang lunsod sa kagyat o sa "medium-term". Nangampanya sila noong 1991 at 1992 para itatwa ang papalubhang krisis ng naghaharing sistema bilang paborableng kundisyon para mapamunuan (mulatin, organisahin at pakilusin) ang masa para sa mga opensiba (malawakang kilos protesta at taktikal na opensiba ng BHB) subalit kaalinsabay nag-aahita naman sila ng paglulunsad ng armadong insureksyong lunsod. Sila'y mga Kanan at kaalinsabay, mga sobrang-Kaliwa rin.

Ang tanging tipo ng insureksyunismo na malinaw na Kanan mula sa simula ay yaong naglalako ng insureksyon bilang hantungan ng walang taning na matagalang pakikibakang ligal at bilang kapalit ng matagalang digmang bayan sa Pilipinas. Ang mga rebisyunistang taksil na Lava at ang mga tagapagtaguyod ng populismong burges ang mga pangunahing tagapagtanggol ng ganitong uri ng insureksyunismo. Ilang elementong naging mga burukrata na ng mga "NGO" na pinopondohan ng mga dayuhan ang nagdadala ng repormistang linya pero nagpapakalat kasabay niyon ng konsepto ng ispontanyong insureksyong magbubukid bilang kapalit ng matagalang digmang bayan.

Hindi nakakagulat na isang resulta ng kilusang pagwawasto ang lantarang pagsanib ng mga "Kaliwang" oportunista sa mga Kanang oportunista upang itulak ang isang linya na tahasang antikomunista at anti-Stalin. Ang linyang ito ay binalangkas pangunahin ng mga malaon nang kontrarebolusyonaryong Kanan na ngayo'y harap-harapan nang nakikipagsabwatan sa rehimeng US-Ramos at sa mga grupong antikomunista tulad ng mga rebisyunistang Lava, mga pro-imperyalistang liberal, mga burges na populista na ang tawag sa sarili ay popular na demokrata, mga Christian democrats na ang tawag sa sarili ay mga sosyal demokrata, mga petiburges na sosyalista at mga Trotskyista.

Noon pa mang 1988, mayroon nang nagtangkang magtayo ng isang bloke sa reporma ("reform bloc") sa loob ng Partido. Nabisto ito dahil na rin sa pag-amin ng isang dating "Kaliwang" oportunista na ngayo'y lantarang kumikilos bilang kontrarebolusyonaryong maka-Kanan at ahente ng kaaway. Ito'y binalak niya kasama ng ilang elemento sa loob at labas ng Partido para likidahin ang Partido gaya ng ginawa ni Gorbachov. Kung hindi sa maagang pagkakahanda ng mga dokumento ng rektipikasyon noong huling kwarto ng 1991, nakapagdulot pa sana siya at ang kanyang kontrarebolusyonaryong grupo ng mas malaking kalituhan at pinsala sa pamamagitan ng apat na anti-Partidong dokumento na isinulat niya at iniukol sa buong kasapian ng Partido.

Bunga ng kilusang pagwawasto, ang mga elementong anti-Partido ay malinaw na pinapapanagot sa kanilang malulubhang pagkakamali (at para sa ilan, sa kanilang mga krimen) at nalantad na at naihihiwalay. Itinulak sila ng kanila mismong kontra-rebolusyonaryong katangian, para atakehin sa publiko ang Partido at lumabas na dito. Lantaran na nilang ipinroklama ang kanilang pagtutol sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo, sa linyang antirebisyunista, sa pagsusuri na malapyudal at malakolonyal ang lipunang Pilipino at sa pangkalahatang linya ng bagong-demokratikong rebolusyon, sa talibang papel ng uring manggagawa sa pamamagitan ng Partido, sa estratehikong linya ng digmang bayan, sa rebolusyonaryong linya sa uri sa nagkakaisang prente, sa demokratikong sentralismo, sa sosyalistang perspektiba at sa proletaryong internasyunalismo.

Tumatanggap sila ng pondo at iba pang uri ng ayuda mula sa mga reaksyunaryong entidad na dayuhan at lokal para atakihin ang Partido Komunista ng Pilipinas at rebolusyonaryong kilusang masa. Nasa proseso sila ngayon ng pagbubuo ng mga antikomunistang grupo at alyansa sa iba't ibang sektor at ng isa pang partidong antikomunista na magsisilbing pipitsuging sabit ng mga mayor na partido ng malalaking kumprador-panginoong maylupa. Humantong na sila sa pag-aanunsyo ng kanilang intensyong makipagsalubungan sa naghaharing pangkating US-Ramos at lantaran silang nakikipagsabwatan sa mga ahensyang sibil at militar ng rehimen. Ipinapahiwatig nito na ang mga pasimuno ng mga bagong pormasyong antikomunista ay malaon nang may kaugnayan sa mga reaksyunaryong gubyerno ng US at Pilipinas. Kabilang sa mga pasimunong ito ay ang mga matagal nang ahenteng paniktik at pang-psywar ng kaaway.

Ang wastong linya ng Partido ang siyang responsable sa pangkalahatang tunguhing pasulong ng kilusan mula 1968 hanggang 1984. Ngunit sumanib sa wastong rebolusyonaryong linya ang maling linya ng "estratehikong kontra-opensiba", "regularisasyon", at pagkukumbina ng adbenturismong militar sa insureksyunismo mula 1980 pataas hanggang nang magsimula ang kilusang pagwawasto noong 1992. Kaya't mula 1985 pataas, ang maling linya ay nakagawa ng mas malaking pinsala kung ikukumpara sa nagagawa ng wastong linya sa pagsusulong sa rebolusyonaryong kilusan.

Laging may tunggalian ng dalawang linya sa pagitan ng mga proletaryong rebolusyonaryo at ng mga di nagpapanibagong-hubog na mga petiburges sa loob ng muling-tatag na Partido. Magiging idealista kung ikakaila ito. Kahit papaano ay sinasalamin ng Partido ang panlipunang realidad sa labas at palagiang umiiral ang di-pantay na pag-unlad ng mga kasapi ng Partido. Dahil dito, ang mga elementong petiburges na hindi nagpapanibagong-hubog ay maaaring magdala at magpalitaw ng iba't ibang antas ng mga anti-proletaryong ideya sa loob ng Partido ng uring manggagawa.

Sa panahong 1968-80, ang mga ideya at aksyong anti-proletaryo ay kalat-kalat at puta-putaki. Subalit mula 1980, ang mga ito ay nasistematisa at nakapagpahina sa proletaryong rebolusyonaryong linya, pangunahin sa pamamagitan ng "Kaliwang" oportunismo at pumapangalawa, sa pamamagitan ng Kanang oportunismo. Mula 1988, mulat at sistematikong tinangka ng isang diumano'y bloke sa reporma na kumprehensibong likidahin ang proletaryadong rebolusyonaryong linya. Noong 1990, kinamkam ng mga elementong anti-Partido ang awtoridad sa ilang sentral na organong istap, isang komisyong interrehiyunal at isang panrehiyong organisasyon ng Partido upang lantarang atakehin ang linya ng Partido at itulak ang kanilang kontrarebolusyonaryong linya. Sa bandang huli, ang isa sa mga pasimuno ng grupong anti-Partido ay nagbalangkas at naglabas ng mga manipestong anti-Partido sa anyo ng mga liham para sa buong kasapian ng Partido.

Nang nagsasabwatan na ang mga elementong anti-Partido upang agawin ang Partido at wasakin ito mula sa loob, ay kinumpronta at kinalaban sila ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa Komite Sentral sa pamamagitan ng wastong rebolusyonaryong linya. Sinimulan nila noong 1988 ang pagpuna sa malulubhang disbalanse sa gawain at dispusisyon ng tauhan at rekurso at naggumiit silang magkaroon ng pagwawasto. Napigil nila ang pangkalahatang tunguhing padausdos mula 1989 at taun-taon ay nanaig ang wastong linya hanggang sa nagpasya noong 1991 na magsagawa na ng kilusang pagwawasto upang magapi ang maling linya sa kumprehensibo at lahatang-panig na paraan at mapalakas ang Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Kaya, nagkabisa ang kilusang pagwawasto noong 1992, laluna matapos aprubahan ng Plenum ng Komite Sentral ang mga dokumento sa rektipikasyon.

Bunga ng kilusang pagwawasto, may bago at mas mataas na antas ng rebolusyonaryong pagkakaisa sa hanay ng mga kadre at kasapi ng Partido alinsunod sa pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan sa hanay ng malawak na masa ng mamamayan. May ibayong determinasyon at militansya ang mga kadre at kasapi ng Partido na iwasto at pangibabawan ang mga mayor na paglihis, pagkakamali at pagkukulang, magsagawa ng wastong ebalwasyon, pagpuna at pagpuna-sa-sarili; makisalamuha nang mas masinsinan sa hanay ng masang manggagawa at magsasaka upang matuto sa kanila, pamunuan sila at dalhin sa bago at mas na antas ang diwa at kakayahan ng Partido at mamamayan sa paglaban sa naghaharing pangkating US-Ramos at sa buong naghaharing sistema.

II. ANG KASALUKUYANG KALAGAYAN NG PARTIDO AT ATING MGA TUNGKULIN

Napakainam ng kasalukuyang kalagayan ng Partido bunga ng kilusang pagwawasto. Sa ilalim ng pamumuno ng Komite Sentral ng Partido, ang mga kadre at kasapi ng PKP ay matatag na nagkaisa na muling pagtibayin ang mga saligang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong at magwasto ng mga pagkakamali upang dalhin sa mas mataas na antas ang diwang mapanlaban at kakayanan ng Partido at mamamayan laban sa naghaharing sistema at sa pangkating US-Ramos.

Ang buong Partido ay nakapagpanibagong-sigla bilang talibang pwersa ng proletaryado at mamamayang Pilipino. Ito'y ibayong nakapagpalakas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Ito ay mas matatag at mas kumpyansa na magsanib ng teorya at praktika ng Marxismo - Leninismo - Kaisipang Mao Zedong at pamunuan ang bagong-demokratikong rebolusyon laban sa dayuhang monopolyo kapitalismo, lokal na pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Sa okasyon ng ika-25 anibersaryo ng Partido, ang ilampung libong kadre at kasapi ng Partido, ang libu-libong Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan at ang milyun-milyong mamamayan sa ilalim ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at organisasyong masa sa lunsod at kanayunan ay determinado higit kailanman na ilunsad ang pakikibaka laban sa kaaway.

Ang kilusang pagwawastong pinamunuan at sinimulan ng sentral na pamunuan ay isang namumukod at umaalingawngaw na tagumpay. Ang mga pambansang organong istap, mga komisyong interrehiyunal, lahat ng organisasyon ng Partido at ang pangkalahatang kasapian ay seryosong nakapag-aral na ng mga pangunahing dokumento sa rektipikasyon, ang MULING PAGTIBAYIN ANG ATING MGA SALIGANG PRINSIPYO AT IWASTO ANG MGA PAGKAKAMALI, PANGKALAHATANG BALIK-ARAL SA MAHAHALAGANG PANGYAYARI AT PASYA AT MANINDIGAN PARA SA SOSYALISMO LABAN SA MODERNONG REBISYUNISMO. Itinataguyod at sinusuportahan nila ang mga dokumentong ito at lahat ng kaugnay at kasunod na mga desisyon ng Plenum ng 1992 ng Komite Sentral.

Ginagabayan ng mga dokumento sa rektipikasyon ang mga kasalukuyang paglalagom, pagpuna at pagpuna-sa-sarili at depinisyon ng mga gawain. Ang mga dokumentong ito ay ibinalangkas ng sentral na pamunuan batay sa natipong mga datos at ideya mula sa yugtong 1980-1992 ng kasaysayan ng muling-tatag na Partido. Batay rin ito sa ilampung mayor na dokumento at daan-daang kaugnay na dokumento na bunga ng direktang pagsisiyasat, mga ulat, konsultasyon at kumperensyang inilunsad ng nakabababang mga organo at organisasyon ng Partido.

Malaking mayorya ng mga sentral na organong istap at komite ng Partido sa rehiyon ang nakapagsagawa na rin ng bagong paglalagom, pagpuna at pagpuna-sa-sarili, at paglilinaw sa oryentasyon ng gawain. Sila'y nakapagsumite na ng kanilang mga ulat sa Komite Sentral. Iilang organo na lamang ang nagsasagawa pa rin nito at inaasahang magsusumite na sila ng mga ulat. Yaong mga isinumite na ay pinag-aaralan ng Komite Sentral at ibinabahagi sa iba pang mga organo. Ilalathala sa REBOLUSYON ang mga maaaring ilathala para mapag-aralan ng pangkalahatang kasapian ng Partido.

Sa proseso ng kilusang pagwawasto, nakapaggiit ang proletaryong rebolusyonaryong linya at nagapi nito ang kontrarebolusyonaryong burges nalinya. Ang oposisyon sa proletaryong rebolusyonaryong linya ay malinaw na naglantad sa sarili. Una, lantaran na silang naging anti-Partidong paksyon ng mga "Kaliwa" at Kanang oportunista; pagkatapos, hinubad ng mga "Kaliwang" oportunista ang "Kaliwa" nilang maskara at inilantad ang kanilang kontrarebolusyonaryong maka-Kanang katangian. Sa bandang huli, ang mga anti-Partidong paksyunalista, isplitista at likidasyunista ay lantarang lumisan sa Partido sa pamamagitan ng pagdedeklara sa publiko ng "awtonomiya" at ng kanilang linyang antikomunista, anti-Stalin.

Sila ay iisandakot ng mga bigong adbenturista sa militar at insureksyunista sa lunsod na responsable sa Kampanyang Ahos at mga kriminal na gangster. Bukod dito, sila'y malaon nang mga maka-Kanan na naglayong likidahin ang Partido at ipailalim ang uring manggagawa sa burgesya. Ngayo'y taglay nila ang buong inisyatiba sa loob ng pangkatin ng mga kontrarebolusyonaryong maka-Kanan sa pagtutulak ng linyang antikomunismo, repormismo at kapitulasyunismo. Ang ilan sa mga kontrarebolusyonaryong ito ay naglantad na ng matagal na nilang katangian bilang ahente ng kaaway.

Mula Hulyo 1993, ang mga grupong anti-Partido ay lantarang sumanib sa isang antikomunistang alyansa na kinabibilangan ng mga tuta ng naghaharing pangkating US-Ramos, mga lokal na tuta ng dating partidong rebisyunista ng Unyong Sobyet; mga burges na populista (popdem), liberal na pro-US, mga Christian democrats ("Socdem"), sosyalistang petiburges at mga Trotskyista. Ang paglalantad sa sarili ng mga elementong anti-Partido bilang mga kontrarebolusyonaryong maka-Kanan ay isang manipestasyon ng namumukod na tagumpay ng kilusang pagwawasto at nagpapadali sa kanilang pagkakahiwalay at kamatayang pampulitika.

Sa loob ng mahigit isang taon, ipinakita ng Partido ang pangunahin at esensyal na katangian ng kilusang pagwawasto. Itinaguyod, ipinagtanggol at isinulong ang wastong rebolusyonaryong linya, nagpamalas ng respeto sa karampatang proseso ng hustisya at nagpakahinahon sa pakikitungo sa mga pasimunong anti-Partido sampu ng sandakot na kanilang nalinlang sa pamamagitan ng kasinungalingan, paninirang-puri at mga intriga.

A. Kalagayan sa Ideolohiya at mga Tungkulin

Ang kilusang pagwawasto, sa kalakhan at sa esensya, ay isang kilusang pag-aaral ng Marxista-Leninistang teorya at praktika. Lubhang mahalaga ang teoretikal na pag-aaral dahil hindi maaaring magkaroon ng rebolusyonaryong kilusan nang walang rebolusyonaryong teorya. Ang pagiging tunay at mabisa ng teorya ay nakabatay sa integrasyon nito sa kongkretong rebolusyonaryong praktika at paggabay dito mula sa tagumpay tungo sa higit pang tagumpay sa mga liko at pihit ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Ang teoretikal na edukasyon ay ang pag-aaral ng mga batayang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo ayon sa turo nga mga dakilang komunistang sina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao, at sa integrasyon nito ng Partido Komunista ng Pilipinas sa kasaysayan at sirkunstansya ng proletaryado at mamamayang Pilipino. Mayaman na ang natipong rebolusyonaryong karanasan at sulatin sa ilalim ng pamumuno ng Partido. May mga karanasan at sulating positibo na dapat itaguyod, at may mga negatibo na dapat namang punahin at itakwil. Kailangan nating iangat ang ating mayamang rebolusyonaryong karanasan sa antas ng teorya.

Ang unang rekisito para makamit ang kumulatibo at matagalang tagumpay sa kasalukuyang kilusang pagwawasto at sa buong rebolusyonaryong proseso ay ang matagumpay na paglulunsad ng kilusan sa Marxista-Leninistang edukasyon sa teorya at pulitika. Ang hindi nagpapanibagong-hubog na mga elementong petiburges ay nakapagpalaganap ng suhetibismo sa loob ng Partido at nakapagpapuslit pa ng mga ideyang lantad na kontrarebolusyonaryong dahil sa kawalan o kakulangan ng Marxista-Leninistang edukasyon sa mga bahagi ng Partido. Kailangang magkaroon ng mahusay na pundasyon ang Partido sa mga saligang prinsipyo ng rebolusyonaryong proletaryado sa pamamagitan ng edukasyon sa teoryang Marxista-Leninista.

Kailangang kilalanin na ang mga "Kaliwang" oportunista (mga adbenturistang militar at insureksyunistang lunsod) at mga Kanang oportunista (mga sumasampalataya sa rebisyunismo ni Gorbachov, sa populismong burges, liberalismo, sosyalismong petiburges, Trotskyismo, Bukharinismo, nasyunalismo, pluralismo at pasipismo) ay lumitaw sa loob ng Partido dahil sa kakulangan o kasalatan ng Marxista-Leninistang edukasyon. Ang lahat ng naturang oportunistang tunguhin sa pulitika ay may pundasyon sa idealistang pilosopiya, suhetibismong burges at eklektisismo.

Ang lahat ng tagumpay na nakamtan na ng kilusang pagwawasto ay magiging mabuway at madaling maglalaho kung hindi ilulunsad ang wasto, maagap at determinadong edukasyon sa Marxistang teorya at pulitika. Mas maaga kaysa sa inaasahan na inilantad ng mga pasimuno ng oportunismo ang kanilang sarili bilang mga antikomunista at kontrarebolusyonaryo sa pamamagitan ng kanilang mga proklamasyon at aksyon. Gayunpaman, hindi dapat maging kampante ang Partido sa mahigpit at pangmatagalang pangangailangan ng edukasyong Marxista-Leninista.

Nagapi natin ang mga elementong anti-Partido sa loob ng Partido dahil bangkarote ang kanilang linyang pang-ideolohiya, pampulitika at pang- organisasyon at dahil na rin sa bilis ng kanilang paglalantad sa sarili bilang mga antikomunista sa kanilang sariling salita at gawa. Subalit kung hindi tayo kikilos nang maagap para maglunsad ng edukasyon sa Marxista- Leninistang teorya at pulitika, walang katiyakan na hindi muling lilitaw ang mga elementong anti-Partido sa loob upang muling mangwasak sa Partido at rebolusyonaryong kilusan. Marami pa tayong dapat gawin para maitaas ang antas ng ating edukasyon at matiyak na ang mga bagong kasapi ng PKP ay tumatanggap ng batayang edukasyon sa Partido.

Kailangang idiin ng sentral na pamunuan na ang gawaing pang-ideolohiya ang pinakamahalagang sangkap ng kilusang pagwawasto at ng buong rebolusyonaryong pakikibaka, lalo na't ang mga imperyalista at reaksyunaryo ay nakapagrekluta ng marami-raming hindi nagpapanibagong-hubog na petiburges na intelektwal na nagpapanggap na mga dating komunista, bilang mga espesyal na ahente nila sa opensiba sa ideolohiya at pulitika. Kailangang itakda ng sentral na pamunuan ang direksyon ng gawaing pang- ideolohiya at magtalaga ng sapat na tauhan at rekurso para rito.

Kailangang pursigidong itaguyod ang tatlong antas ng kurso ng Partido (batayan, intermedya at abante). Ang mga balangkas sa pag-aaral, listahan ng babasahin at mismong ang mga babasahin ay dapat maipamahagi nang maagap sa lahat ng organo at yunit ng Partido. Sa proseso ng pamumuno nito, kailangang paganahin ng Komite Sentral ang Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Zedong bilang mas mataas na antas na paaralan ng Partido. Kailangan ding atasan nito ang Pangkalahatang Kalihiman, at ang Kawanihan sa Edukasyon nito sa partikular, na magpatupad ng programa para sa edukasyon ng Partido. Kailangang bumwelo sa lahat ng panrehiyong komite at organong istap ng Partido ang kilusan sa Marxista-Leninistang edukasyong teoretikal at pulitikal.

Ang batayang kurso ng Partido ay dapat magpatimo sa isipan ng bawat kasapi ng Partido ng mga saligang proletaryong rebolusyonaryong paninindigan, pananaw at pamamaraan at dapat maglinaw sa mga batayang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas, sa malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino, sa bagong demokratikong katangian ng kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino, sa mga motibong pwersa, mga target, sa estratehiya at taktika ng matagalang digmang bayan, sa mga kumprehensibong tungkulin at sa sosyalistang perspektiba ng rebolusyon.

Kabilang sa mga saligang babasahin ang: Limang Gintong Silahis at ang bersyong Pilipino nito; Gabay Para Sa Mga Kadre At Kasapi Ng Partido (Iwasto Ang Mga Pagkakamali At Muling Itatag Ang Partido, Saligang Batas Ng Partido At Programa Para Sa Demokratikong Rebolusyong Bayan); Lipunan At Rebolusyong Pilipino, Krisis At Rebolusyon Sa Pilipinas, Hinggil Sa Moda Ng Produksyon, Ang Ating Mahigpit Na Mga Tungkulin, Mga Partikular Na Katangian Ng Ating Digmang Bayan; at ang mga kasalukuyang dokumento ng rektipikasyon, ang MUling Pagtibayin Ang Ating Mga Saligang Prinsipyo At Iwasto Ang Pagkakamali, Pangkalahatang Balik-Aral Sa Mahahalagang Pangyayari At Pasya Mula 1980-1991, Manindigan Para Sa Sosyalismo Laban Sa Modernong Rebisyunismo At Magkaisa Para Itaas Ang Diwang Mapanlaban At Kakayahan Ng Partido At Mamamayan.

Sa intermedyang kurso ng Partido, kinakailangan ang mas malawak na kaalaman hinggil sa mga babasahin sa batayang kurso ng Partido. Kailangan din ng mas malalim na gagap sa rebolusyonaryong karanasan at sa mga suliranin at tungkulin ng panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri; sa pagbubuo sa Partido, Bagong Hukbong Bayan at nagkakaisang prente; sa gawain sa ekonomya; at gawain sa kultura. Yaong mga nag-aaral ng kursong ito ay maaaring hikayating magsalita o magsulat hinggil sa mga suliranin ng rebolusyonaryong pakikibaka at magrekomenda ng solusyon; magsagawa ng mga pag-aaral na naghahambing-hambing ng mga pag-iisip at pagkilos na suhetibista at oportunista; at gumawa ng kumprehensibong pag-aaral hinggil sa rebolusyong Pilipino at iba pang rebolusyon sa ibayong-dagat.

Kabilang sa mga saligang babasahin ang nasa batayang kurso ng Partido at iba pang dokumento mula sa iba't ibang antas ng Partido sa loob ng 25-taong kasaysayan nito. Ang mga pangunahing sanggunian ay ang mga piling akda ni Kasamang Mao Zedong na pinakaangkop sa buong proseso ng bagong demokratikong rebolusyon. Ang mga seleksyong Pilipino ng mga akda ni Mao na unang inilimbag noong dekada sitenta ay dapat muling ilimbag.

Ang abanteng kurso ng Partido ay dapat magbigay sa mga kadre ng Partido ng kumprehensibo at malalim na kaalaman hinggil sa mga batayang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo tungkol sa materyalistang pilosopiya, sa kapitalista at sosyalistang ekonomyang pampulitika, sa siyentipikong sosyalismo, sa pakikibaka laban sa klasiko at makabagong rebisyunismo, sa teorya ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado, at sa kasaysayan at estratehiya ng pandaigdigang kilusang komunista.

Kabilang sa mga saligang babasahin ang mga pinaikling akda at sipi mula sa mahahabang akda nina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao at mga kaugnay na dokumento ng Partido. Yaong mga kumukuha ng abanteng kurso ay hinihikayat na magsalita at magsulat hinggil sa mga paksang ito at subukang iangat sa antas ng teorya ang kongkretong rebolusyonaryong praktika ng Partido.

Sa proseso ng kilusang pagwawasto, ang pagtatasa at ebalwasyon ng mga tagumpay at pagkakamali ng Partido sa iba't ibang antas at sa iba't ibang panahon ay maaaring magbunga ng mahusay na edukasyong Marxista-Leninista at matatag na pagbubuo sa ideolohiya ng Partido. Maaaring isalin sa mabuting bagay ang mga pagkakamali at pagkukulang. Mapapatalas nito ang ating pag- unawa sa wastong linya at matutulungan tayong magwasto ng mga ito. Ang mga elementong anti-Partido ay imbing nagtangkang sabotahehin ang kilusang pagwawasto sa pamamagitan ng pagtatakip sa mga seryosong paglihis at pagkakamali at sa mga ginawa nilang krimen.

Ang mga klasikong akdang Marxista-Leninista at mga kasalukuyang babasahin mula sa Partido at ibang partidong Marxista-Leninista ay dapat ipamahagi nang maaga upang mabasa at mapag-aralan ng mga indibidwal na kasapi at mga kolektibo bago ilunsad ang mga pormal na kursong pampartido. Ang mga organo at yunit ng Partido ay dapat hikayating magpatuloy sa pagbabalangkas ng sarili nilang mga programa sa pag-aaral para sa kanilang mga kasapi bago pa man mailunsad ng nakatataas na organo ang anumang pormal na kurso.

Ang mga pulong para sa pagtatasa at ebalwasyon ng gawain ng mga ispesipikong organo at yunit, sa pagpuna at pagpuna-sa-sarili at paglalatag ng mga bagong gawain ay mahalaga para sa pagpapataas ng militansya at kamalayang pang-ideolohiya at pampulitika ng lahat ng kasapi ng Partido. Sa katotohanan, ito ang pinakakongkreto at buhay na pamamaraan ng pagkuha ng Marxista-Leninistang edukasyon. Ang mga pulong hinggil sa mga usaping administratibo at kaparaanan ng paggawa ay dapat mapaikli at gawing mas masinop upang mabigyan ng mas maraming panahon ang kolektibong pag-aaral. Dapat maglaan ng sapat na panahon para sa gawaing pang-ideolohiya.

Kailangang-kailangang masapol ng lahat ng kasapi ng PKP hindi lamang ang dalawang-yugtong rebolusyong Pilipino (bagong demokratiko at sosyalista) sa ilalim ng pamumuno ng uring manggagawa. Kailangan ding masapol ang malaking kahalagahan ng pagbaka sa rebisyunismo at mga kaugnay na tunguhin ngayon at sa hinaharap at sa teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado upang makonsolida ang sosyalismo, mabaka ang rebisyunismo at maiwasan ang muling pagbabalik ng kapitalismo hangga't sa magapi ang imperyalismo sa buong daigdig at maaari nang umiral ang komunismo.

Sa pagbubuong pang-ideolohiya nito, matatag na pinanghahawakan ng Partido ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Hindi tayo dapat kailanman lumihis muli sa linyang antirebisyunista. Hindi tayo dapat kailanman malansi ng anumang ilusyon na kaya nating pabilisin ang tagumpay ng rebolusyon sa pamamagitan ng pagsandig sa ayudang militar at pinansya mula sa ibayong-dagat at kasabay nito'y lilihis tayo sa ating linyang Marxista-Leninista. Kung pumayag ang Unyong Sobyet na makipagrelasyong "praternal" sa Partido noon, napakalaki sana ng pinsala ibubunga sa disoryentasyon sa ideolohiya at pulitika. Walang anumang rebisyunistang Partido sa ibayong-dagat ang tunay na interesadong sumuporta sa rebolusyong Pilipino. Kailangang tigilan natin ang pag-aakala na, kung mananahimik tayo tungkol sa rebisyunismo, balang araw, may rebisyunistang partidong mangingibabaw sa makasarili nitong interes at tutulong sa atin.

Determinado ang Partido na makamit ang bagong demokratiko at sosyalistang yugto ng rebolusyong Pilipino. Kailangan at makatarungan ang bagong demokratikong rebolusyon dahil sa lumalalang pang-aapi at pagsasamantala ng dayuhang monopolyo kapitalismo, lokal na pyudalismo at burukratang kapitalismo. Ang patuloy na paglala ng krisis ng lokal na naghaharing sistema at ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ang determinadong pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong pwersa ang titiyak sa tagumpay ng bagong demokratikong rebolusyon sa bandang huli.

Sa usapin ng sosyalistang kinabukasan ng Pilipinas, ito ay napatunayan na ng proletaryado at mamamayan sa maraming bansa na makakayang matamo. Hinggil sa tanong kung makakayanang itatag ng proletaryado at mamamayang Pilipino lamang ang sosyalismo sa saklaw ng bagong-demokratikong rebolusyon, ang sagot ay maraming iba pang sambayanan ang nagkamit na ng malalaking pagsulong sa rebolusyon pagdating ng tagumpay ng ating bagong- demokratikong rebolusyon sa panahon ng panibagong pagdaluyong ng kilusang sosyalista at anti-imperyalista sa buong mundo bunga ng wala pang kaparis na krisis ng sistemang kapitalista sa buong daigdig.

Hinggil sa kwestyon na kung may kinabukasan pa ang sosyalismo pagkatapos ng pagtataksil ng mga modernong rebisyunista, ang sagot ay mas luminaw pa nga ang mga tagumpay nina Lenin, Stalin at Mao sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon, ang paglitaw at pagbagsak ng mga rebisyunistang rehimen ay nakapagbigay ng mga aral na hindi malilimutan, walang ibang patutunguhan ang wala pang katulad na krisis ng pandaigdig na sistemang kapitalista kundi ang muling pagdaluyong ng kilusang anti-imperyalista at sosyalista, at itinuturo sa atin ng teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado ang daan patungo sa sosyalista at komunistang kinabukasan ng sangkatauhan.

Mula 1989, ang krisis ng sistemang kapitalista sa buong daigdig (kabilang ang monopolyo burukrata kapitalismo, nakamaskara man o hindi ng "sosyalismo") ay napakabilis na lumala. Bunga nito, napasinungalingan at napapurol nang husto ang "high tech" na opensiba sa ideolohiya ng mga imperyalista at ng mga alagad nila na sagadsaring antikomunistang petiburges, mga rebisyunista at neorebisyunista at ng mga pinakaurong na reaksyunaryo. Sa saklaw ng Pilipinas, bunga pangunahin ng matinding krisis ng lokal na naghaharing sistema at ng kilusang pagwawasto, nabigo ng Partido ang matagal nang pakana ng mga imperyalista, mga antikomunistang petiburges at mga reaksyunaryo na siraan at puksain ang Marxismo-Leninismo, ang Partido at ang rebolusyonaryong kilusan.

Isang natatanging karangalan para sa PKP na maging taliba ng bagong-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan sa Pilipinas, na ngayo'y isa sa iilang armadong rebolusyonaryong kilusan sa mundo na pinamumunuan ng isang partidong Marxista-Leninista. Katangi-tangi ang papel nito sa pagdadala ng sulo ng armadong rebolusyon sa panahon ng rebolusyonaryong pakikibaka sa mundo, kung saan ang mga rebolusyonaryong pwersa ay umuusbong pa lamang o maliit pa resulta ng tagumpay ng neokolonyalismo at modernong rebisyunismo na mapahina at mapaatras sa loob ng ilang dekada ang kilusang antiimperyalista at sosyalista.

Ang rebolusyonaryong pakikibaka sa Pilipinas na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas ay nasa unahan ngayon ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa mundo na nasa pamumuno ng proletaryado. Walang ngayong seryosong pagtitipon ng mga rebolusyonaryong pwersa sa mundo nang walang partisipasyon ng Partido o ng National Democratic Front. Noong mga huling taon ng sosyal-imperyalismong Sobyet, ang mga estado, partido at kilusang malapit dito ay nakompromiso sa iba't ibang antas.

Proletaryong internasyunalistang tungkulin ng PKP na manatili sa landas ng armadong rebolusyon upang ipakita sa proletaryado at mamamayan ng mundo na kinakailangan at maaaring maglunsad ng armadong rebolusyon laban sa mga kontra-rebolusyonaryong pwersa at patuloy na lumakas at umabante. Gayunman, dapat nating asahan na gagawin ng mga imperyalista ang lahat ng kanilang makakaya upang wasakin ang ating pwersa. Sa pamamagitan ng pagpupunyagi sa landas ng armadong rebolusyon, tinatanaw ng Partido ang panahon ng minsan pang pagdaluyong ng kilusang anti-imperyalista at sosyalista sa walang kaparis na saklaw sa isang bago at mas mataas na antas.

Itinataguyod ng Partido ang proletaryong internasyunalismo bilang prinsipyong gumagabay at nagkokoordina ng lahat ng manggagawa sa mundo, sa kasalukuyan at sa malayong hinaharap, sa pakikibaka sa monopolyong kapitalismo at sa pagtatayo ng sosyalismo hanggang magapi ang imperyalismo sa pandaigdigang saklaw at maging posible ang komunismo.

Kaakibat ng Marxista-Leninistang pagbubuo sa ideolohiya, hinahangad ng Partido na paunlarin ang pinakamahigpit na relasyong mapagkapatid at pakikipag-unawaan sa mga Marxista-Leninistang partido at organisasyon. Sinisikap nitong makamit ang mas mahigpit na pakikipag-unawaan sa ideolohiya at pulitika sa lahat ng Marxista-Leninistang partido na hindi tumutuligsa kay Stalin at Mao at nagtataguyod sa patuloy na pag-unlad ng Marxista-Leninistang teorya at praktika. Hinahangad din nito na paunlarin ang pinakamalawak na pakikipagkaisa sa mga partido, organisasyon at kilusan sa labas ng bansa, sa pampulitikang batayan ng pagtataguyod sa simulaing anti-imperyalista.

B. Kalagayan sa Pulitika at mga Tungkulin

Ang malakolonyal at malapyudal na kalagayan ng lipunang Pilipino ay lalong lumalim at lumala sapul nang muling itatag ang PKP noong 1968. Kailangang sabihin nang buong linaw na ang mga oportunistang "Kaliwa" at Kanan ay maling-mali sa pagkakalat ng kasinungalingan mula pa noong huling bahagi ng dekadang 1970, na ang Pilipinas ay ginagawang industriyalisado at urbanisado ng pasistang rehimeng US-Marcos at sa gayo'y nagpapabulaan sa paglalarawan sa lipunang Pilipino bilang malakolonyal at malapyudal.

Ang mga "Kaliwang" oportunista ay nagpalaganap ng palsong mga ilusyon ukol sa lipunang Pilipino upang uk-ukin ang teorya at estratehikong linya ng matagalang digmang bayan at itulak ang maling linya ng "estratehikong kontra-opensiba", "regularisasyon", adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod. Ikinalat din ng mga Kanang oportunista ang mga nasabing ilusyon upang itulak naman ang paglihis ng nagkakaisang prente at ligal na anyo ng pakikibaka patungo sa linya ng likidasyon ng Partido at armadong rebolusyon.

Ngayon, itiniwalag na sa Partido ang magkabilang tipo ng mga oportunista na ayaw magwasto. Nagsisikap sila ngayon na wasakin ang Partido at walang kahihiyang nagpapakalat ng kasinungalingan na ang Philippines 2000 (Medium Term Development Plan) ng naghaharing pangkating US-Ramos ay magdadala sa Pilipinas sa katayuan ng "bayan na bagong nagiging industriyalisado". Lantad na inuusal nila ang paghahanap ng "pakikipagsalubungan" sa naghaharing pangkating US-Ramos. Lubos nang inilantad nila ang kanilang sarili bilang mga ispesyal na ahente sa psywar ng dayuhang monopolyong kapitalismo at mga lokal na reaksyunaryong uri.

Ang ekonomya ng Pilipinas ay nananatiling agraryo, hindi pa industriyalisado, at malapyudal. Umaasa ito pangunahin sa isang atrasadong tipo ng agrikultura para sa karaniwang pagkain at eksport. Wala itong mga batayang industriya na nakalilikha ng mga batayang metal, kemikal, kasangkapang makina at instrumentong presiso. Umaasa ito sa imported na kagamitan, sangkap na gawa sa pabrika, panggatong at iba pang hilaw na materyales. Kung ihahambing sa halaga ng kanyang inaangkat na produktong pangkonsumo at pamproduksyon, ang halaga ng kanyang eksport na produktong agrikultural at mineral at manupakturang may bahagyang dagdag na halaga ay patuloy na bumababa. Ang eksport ng murang lakas paggawa (overseas contract workers) ay mas malaki pa ang kita kaysa alinmang produktong pang- eksport.

Sa isang bansa na may kabuuang produktong humigit-kumulang sa $49 bilyon at populasyong 65 milyon, ang gastos sa importasyon ay umaabot sa halos 30% ng GNP at ang kita sa eksport ay wala pang 20% nito. Ang depisit sa kalakalan ay halos 10% ng GNP. Taun-taon, nangungutang sa ibayong-dagat upang ipambayad sa dati pang utang, sa depisit sa kalakalan at sa tubong inilalabas ng mga dayuhang multinasyunal. Ang utang sa labas sa kasalukuyan ay mahigit $33 bilyon. Ang utang ng gobyerno sa loob ng bansa ay mahigit P570 bilyon (US$20 bilyon).

Ang badyet ng reaksyunaryong gobyerno ay isa sa mga istupidong badyet sa buong mundo. Mula 1986-1991, karaniwang 53% ng badyet ang inilalaan sa pagseserbisyo ng utang. Ang ikalawang pinakamalaking gastos ay inilalaan sa militar, pulis, mga pwersang paramilitar at paniktik. Umaabot ito sa 15% ng badyet. Papaliit ang pondo para sa edukasyon, kalusugan at imprastruktura. Ang inaprubahang badyet para sa 1993 ay may tantyang gastos na P310 bilyon (US$11 bilyon), batay sa tinatantyang kikitaing P284 bilyon at tinatayang depisit na P26 bilyon. Ngunit lumobo pa ang mga gastusin at lalo pang lumaki ang inaasahang depisit. Sa kabila nito, patuloy ang pagkasira ng mga imprastruktura at kasalatan ng mga batayang serbisyo sosyal (kuryente, tubig, atbp.) at kasunod nito, ang pagbagsak ng produksyon.

Ang kabuuang laki ng kawalan ng hanapbuhay ay umabot sa mahigit 50% ng pwersa ng paggawa na bumibilang ng 27 milyon. Gayunman, ipanapangalandakan ng mga upisyal na istatistika ang di kapani-paniwalang maliit na tantos ng kawalan ng hanapbuhay na 10% at 31-33% na tantos ng kakulangan ng hanapbuhay. Ang minimum na arawang sahod sa batas ay P118 ngunit ang gastos upang mabuhay ang isang pamilyang may anim na miyembro ay P229 sa araw-araw. Mataas ang tantos ng implasyon pero ayon sa mga upisyal na pahayag, mababa pa ito sa 10%. Walumpung porsyento ng mamamayan ang nasa kategorya ng naghihikahos. Kabilang sila pangunahin sa uring manggagawa at magsasaka, at sumasaklaw sa kalakhan ng petiburgesyang lunsod.

Ang masang anakpawis ay nagtitiis ng hirap at kasalatan hindi lamang bunga ng pagsasamantalang pang-ekonomya, ngunit bunga rin ng mga pinakalantad na anyo ng pang-aapi. Ginagamit ang upisyal at di-upisyal na karahasan upang alisan ang mga manggagawa at magsasaka ng karapatang mag-organisa at maghangad ng mas mabuting kalagayan maging sa mga lugar na wala pang mga rebolusyonaryong pwersa. Sa mga kinikilusan ng mga rebolusyonaryong pwersa, pinawawalan ng mga pwersang reaksyunaryo ang pinakamababangis na anyo ng karahasan, kabilang ang pambobomba, panununog, masaker, selektibong pagpatay, iligal na pang-aaresto at pagpiit, tortyur, pwersadong maramihang ebakwasyon, pagsosona at estratehikong paghahamlet. Ang lahat ng ito'y mga desperadong hakbang ng kaaway. Isinasagawa ang mga ito sa ilalim ng patakarang "total war" ng naghaharing pangkating US-Ramos. Ang patakarang ito'y kasalukuyang ipinatutupad bilang Lambat Bitag III.

Ang bagong pinauusong islogan ng naghaharing pangkatin ngayon ay ang "Philippines 2000". Ito ay isang planong pang-ekonomya na nakasandig sa marahas na pagsugpo o di kaya'y pagsuko ng mga rebolusyonaryong pwersa, sa probisyon para sa dayuhang puhunan ng mga lugar na walang unyon at walang welga, at higit pang pagpapalaki sa mga insentibo na dati nang tinatamasa ng mga kumpanyang multinasyunal. Lubos na walang batayan ang pag-asam ng rehimen na papasok ang mga dayuhang pamumuhunan upang industriyalisahin ang Pilipinas. Makikita sa pangkalahatang krisis ng mga imperyalistang bansa sa kasalukuyan ang walang kaparis na pagliit ng produktibong kapital at gabundok na tambak ng mga produktong hindi maibenta. Ang plano ng rehimen sa ekonomya ay hindi lumulutas, bagkus ay higit pang nagpapalala sa problema sa lupa. Taliwas ito kung gayon sa anumang seryosong plano sa industriyalisasyon.

Ang mga lokal na naghaharing uring malalaking kumprador at panginoong maylupa ay may magkakatulad na interes sa pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayang Pilipino, pero nahahati sila sa magkakaribal na mga paksyon sa ekonomya at pulitika. Ang pangkating US-Ramos ang punong kinatawan ng mga reaksyunaryo ngunit hinaharap din nito ang oposisyon ng ibang mga paksyon. Batid na minorya ang botong nagdala sa kanya sa pagkapresidente at alinsunod sa utos ng Pentagon, pumasok si Ramos sa kasunduan sa tigil-putukan sa Moro National Liberation Front at pakikipagkasundo sa mga anti-Ramos na seksyon ng reaksyunaryong sandatahang lakas, laluna sa Reform the Armed Forces Movement (RAM), sa Soldiers of the Filipino People (SFP) at sa makabayang Young Officers Union (YOU). Ngunit limitado ang mga kondisyon para sa matagalang mutwal na akomodasyon.

Kung ihahambing sa pangkating US-Aquino, ang naghaharing pangkating US-Ramos ay mas malayo pa ang inabot sa pagpapatunog ng mga usap-usapan tungkol sa usaping pangkapayapaan. Umabot ito sa aktwal na pagpayag sa panimulang pag-uusap sa labas ng bansa noong 1992, na nagresulta sa "The Hague Joint Declaration" sa pagitan ng NDF at gobyerno sa Manila, at sa paghingi pa ng isang serye ng panimulang pag-uusap sa Vietnam. Ang pangunahing layunin ni General Ramos ay magsagawa ng pakikidigmang sikolohikal (psychological warfare), itanghal ang kanyang rehimen bilang tunay na naghahangad ng kapayapaan, lumikha ng mga huwad na ilusyon sa hanay ng mamamayan at hatiin ang rebolusyonaryong kilusan. Matibay na naninindigan ang Partido at NDF para sa pambansa at demokratikong karapatan at interes ng mamamayan at sinasalag ang mga pagsisikap ng mga kontrarebolusyonaryo na maghasik ng pasipismo, kapitulasyunismo, repormismo at likidasyunismo.

Patuloy na gagatungan ng krisis sosyo-ekonomiko ng naghaharing sistema ang krisis sa pulitika. May dalawang posibleng paraan ng pagwawakas ng krisis ng sistema. Isa ay sa pamamagitan ng pag-industriyalisa sa Pilipinas. Ngunit ito ay nasasagkaan ng magkasabay na krisis ng lokal na naghaharing sistema at ng sistemang kapitalista sa buong daigdig, at ng determinasyon ng naghaharing pangkating Ramos na mapreserba ang interes ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Ang isa pang paraan ay sa pamamagitan ng pagsusulong ng bagong-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at pagkakamit ng tagumpay.

Hanggang nananatili ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng naghaharing sistema, ang patuloy nitong krisis ay nagsisilbing matabang lupa para sa pagpapalakas at pagsulong ng armadong rebolusyon. Magkasabay, ang obhetibong katotohanan ng patuloy na krisis at ang pag-unlad ng mga rebolusyonaryong pwersa ang tumitiyak sa kabuuang tendensya sa disintegrasyon ng naghaharing sistema na maaaring tawaging terminal na krisis ng naghaharing sistema kahit na ang krisis na ito ay hindi mawawakasan agad kundi sa pamamagitan ng isang matagalang digmang bayan. Kung sakaling ititigil ang armadong rebolusyon, ang naghaharing sistema ay patuloy na uusad nang pasuray-suray sa kabila ng kanyang tuluy-tuloy na krisis.

Higit sanang mas malakas ang mga rebolusyonaryong pwersa kundi dahil sa mga "Kaliwang" oportunistang pagkakamali sa "regularisasyon", adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod na ibinunsod ng maling pag-iisip sa "estratehikong kontra-opensiba". Nauwi ito sa bentahe ng kaaway dahil nilaktawan ang mga bahaging kailangan sa pag-unlad ng mga rebolusyonaryong pwersa na nasa estratehikong depensiba. Sa gayon, pininsala ang baseng masa, binawasan ang kakayahan ng hukbong bayan at ginawa itong bulnerable sa estratehikong opensiba ng kaaway (digmang mabilis na tinatapos) at sa taktika ng gradwal na konstriksyon.

Matagal nang itinuro ni Mao Zedong na angkop para sa kaaway na may superyor na pwersang militar na maglunsad ng estratehikong opensiba; at angkop naman para sa hukbong bayan na lumagay sa estratehikong depensiba at maglunsad ng mga taktikal na opensiba sa malapad na saklaw ng maniobra na likha ng gawaing masa sa kanayunan. Ang estratehikong linya ng digmang bayan ay kubkubin ang mga syudad mula sa kanayunan at mag-ipon ng lakas sa kanayunan hanggang uubra nang agawin ang mga syudad. Hangal lamang ang mag-aakalang ang mga syudad ay makapagbibigay ng mas malawak na maniobra sa isang pwersang mas mahina sa reaksyunaryong sandatahang lakas. Napakalinaw na patunay ang kalunus-lunos na rekord ng mga insureksyunista sa lunsod at ng mga gang na kriminal.

Mas malawak na maniobrahan ang kanayunan kaysa kalunsuran kung ang baseng masa ay patuloy na pinalalapad at kinokonsolida nang ibayong higit sa kakayahan ng kaaway na konsentrahan at okupahin ito sa mahahabang panahon. Maaari niyang konsentrahan ang isang larangang gerilya o isang bahagi nito ngunit magbibigay siya ng puwang sa ibang lugar at mahahayaan ang mga rebolusyonaryong pwersa na magpalakas sa labas ng saklaw ng konsentrasyon o estratehikong pagkubkob ng kaaway. Imposible para sa kaaway na maglunsad ng anumang estratehikong pagkubkob nang walang iniiwanang mga puwang. Ang mga yunit ng hukbong bayan ay maaaring maglunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mahihinang yunit ng kaaway sa loob at labas ng nasabing estratehikong pagkubkob.

Sa kilusang pagwawasto, kailangang baguhin ang disposisyon ng mga Pulang mandirigma upang magkaroon ng isang istruktura ng pwersa na may 20 hanggang 30 porsyento ng mga Pulang mandirigma na nasa mga sentro de grabidad at 70 hanggang 80 porsyeto na nasa mas maliliit na yunit na gumaganap sa gawaing masa sa di hamak na mas malapad na saklaw. Kung walang baseng masa, walang digmang bayan. Ang kasalukuyang linya ay maglunsad ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa patuloy na lumalawak at lumalalim na baseng masa.

Isang kabalintunaan kapag ang kaaway ang siyang gumagamit ng mga maliliit na yunit bilang "special operations teams" (SOTs) para sa psywar at paniniktik upang maisakatuparan ang gradwal na konstriksyon, at ang BHB ang tumitigil sa paggamit ng maliliit na yunit upang mapalawak at makonsolida ang baseng masa nang lampas sa kakayahang saklawin ng kaaway. Matagal nang napatunayan na matagumpay ang praktika ng BHB sa pagkakaroon ng malapad na lambat ng mga iskwad gerilya (na pwedeng hatiin pa sa mga armadong pangkat pampropaganda), na nagbubuo ng baseng masa at tumutugon sa tawag ng sentro de grabidad para sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba.

Pinatunayan ng kasaysayan na higit na naging epektibo ang maliliit na yunit (mga platun at iskwad) sa pagsasagawa ng mga taktikal na opensiba kaysa sa mga kumpanya at batalyon na binuo nang wala sa panahon. Sa pagbubuo ng mga kumpanya at batalyong ito, nalamon ang maraming mas maliit na yunit, at ang natitirang iba pa ay napwersang maging mga yunit sa suplay o di kaya ay nalalamon din bilang pampuno sa tropang nalalagas. Ang sentro de grabidad sa isang larangang gerilya ay maaaring isang platun lamang (na gumaganap din ng gawaing masa at nasa relatibong konsentrasyon kapag walang taktikal na opensiba) ngunit maaari nitong ikonsentra sa kanya ang anumang bilang ng mas maliliit na yunit upang makabuo ng isang mas malaking pwersa (laking kumpanya o pinalaking platun) para sa isang taktikal na opensiba o serye ng mga opensiba.

Sa pagtatayo ng baseng masa, dapat buuin ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika, mga organisasyong masa at mga sangay ng Partido sa lokalidad. Ang organo ng kapangyarihang pampulitika na siyang pangkalahatang komite ay kailangang tumatalima sa rebolusyonaryong linyang makauri, at inaayudahan ng mga komiteng nakatalaga sa organisasyong masa, edukasyong publiko, reporma sa lupa, produksyon, pinansya, depensa, kalusugan, arbitrasyon at aktibidad sa kultura. Dapat sinusuportahan din ito ng mga organisasyong masa ng manggagawa (kung mayroon), magsasaka, kabataan, kababaihan, mga aktibista sa kultura at mga bata. Kailangang nasa pamumuno ito ng Partido.

Kailangang maglunsad ng mga kampanyang masa upang mapaunlad ang kapangyarihan at partisipasyon ng mamamayan at upang makapagkamit ng mga kagyat na panlipunang pakinabang. Ang susing kampanya sa kanayunan ay ang minimum na programa sa reporma sa lupa. Nangangahulugan ito ng pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi ng usura, pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang bukid, pagpapataas ng presyo ng mga produktong bukid, pag-aangat ng produksyon sa agrikultura at iba pang dagdag na hanapbuhay. Umaayon ito sa linyang antipyudal na nasa balangkas ng bagong-demokratikong rebolusyon. May iba pang mga kampanyang posibleng isagawa ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, mga komite sa iba't ibang usapin at mga organisasyong masa, sa ilalim ng pamumuno ng Partido.

Dapat iwasan ang wala sa panahong proklamasyon ng pag-iral ng organo ng kapangyarihang pampulitika sa antas ng munisipalidad, probinsya o rehiyon. Sa ating karanasan, nakatulong ito sa kaaway sa pagtukoy sa eryang relatibong pinakamalakas tayo at naging target ng kanyang armadong reaksyon. Ang malaganap na pakikidigmang gerilya ay tulad dapat ng isang belo na nagkakait sa kaaway ng mga tiyak na nakapirming target.

Bilang taliba ng proletaryadong Pilipino at ng buong sambayanang Pilipino, kailangang panghawakan ng PKP ang dalawang makapangyarihang armas: ang armadong pakikibaka at ang nagkakaisang prente. Dapat absoluto ang pamumuno ng Partido sa BHB. Sa nagkakaisang prente, pormal man o di-pormal, sa National Democratic Front o sa mga alyansang ligal, kailangang panatilihin ng Partido ang kanyang kasarinlan at inisyatiba at gampanan ang makauring pamumuno. Ang nagkakaisang prente ay pangunahin para sa armadong pakikibaka at pangalawa, sa ligal na pakikibaka.

Dapat itakwil ang mga "Kaliwang" oportunista na nais ihiwalay ang BHB sa absolutong pamumuno ng Partido at nagwawaldas ng ilang yunit nito sa adbenturismong militar, insureksyunismong lunsod at gangsterismo. Dapat ding itakwil ang mga Kanang oportunista na nais likidahin ang Partido sa pamamagitan ng pagpapalit dito ng isang bogus na nagkakaisang prente bilang sentro ng rebolusyon. Ang prenteng ito ay isang pederasyon o kumpederasyon at/o isang unipikadong organisasyon ng mga indibidwal kung saan ang mga kinatawan ng Partido sa kalaunan, kundi man sa kagyat, ay dudumugin ng mga pwersang di-proletaro o di kaya'y anti-proletaro. Maaaring ang gayong kaayusan ay madomina ng mga petiburges sa umpisa pero sa kalaunan, ito'y idedeliber sa malaking burgesya sa ilalim ng programa ng nasyunalismong burges, pluralismo at "mixed economy".

Sa pamumuno ng bagong-demokratikong rebolusyon, ang Partido ay dapat umasa pangunahin sa alyansang manggagawa-magsasaka, kabigin ang petiburgesyang lunsod bilang isa pang batayang pwersa ng rebolusyon, kabigin din ang panggitnang burgesya bilang positibong pwersa ng rebolusyon at samantalahin ang mga alitan sa hanay ng mga reaksyunaryo upang ihiwalay at durugin ang pinakareaksyunaryong pangkatin na nangunguna sa pagsunod sa dayuhang monopolyong kapitalismo sa bawat takdang panahon.

Sa pagpapatupad ng linyang antipyudal, ang Partido ay dapat umasa pangunahin sa maralita at mababang-panggitnang magsasaka, kabigin ang iba pang panggitnang magsasaka, nyutralisahin ang mayamang magsasaka at mulat na panginoong maylupa, gamitin ang kontradiksyon sa pagitan ng mga mulat na panginoong maylupa at mga imbing panginoong maylupa upang ihiwalay at durugin ang kapangyarihan ng mga despotikong panginoong maylupa. Kailangang gamitin ng Partido ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga panginoong maylupang mulat at imbi. Kinakailangan ang mas mataas pang antas ng pag-unlad ng rebolusyonaryong kilusan bago maipatupad ang maksimum na programa ng reporma sa lupa na pagkumpiska at libreng pamamahagi ng lupa.

"Kaliwang" oportunismo ang magpatupad ng maksimum na programa ng reporma sa lupa habang naglulunsad pa tayo ng pakikidigmang gerilya. Huwag kalimutan ang mapait na mga aral na natutunan sa napakaagang pagpapatupad ng maksimum na programa ng reporma sa lupa sa Tarlac noong 1972, sa Sorsogon noong 1974 at kamakailan lamang, sa Nueva Vizcaya. Malaki ang pagkakaiba ng pagtumbok sa isang piling-piling despotikong panginoong maylupa para kumpiskahan o di kaya'y ng isang mangangamkam ng lupa para isauli ang lupa sa mga tunay na may-ari, sa isang banda, at ng pagpupwersa sa lahat ng panginoong maylupa (kasama ang mga maliit at mulat) na magbuklod sa armadong reaksyon bilang tugon sa kumpiskasyon ng kanilang lupa, sa kabilang banda. Ang tunguhin sa insureksyunismong magsasaka na itinutulak ng ilang burukratang NGO na may pondong dayuhan at mga repormista sa katunayan ay isang malisyosong tangka na lituhin ang mga kadre natin sa hanay ng masang magsasaka.

Ang pangunahing anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka ay armadong pakikibaka dahil sinasagot nito ang sentral na usapin ng rebolusyon, ang pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika at pagdurog ng makinaryang militar at burukratiko ng kontrarebolusyonaryong estado. Sa puntong ito, ang ligal na anyo ng pakikibaka ay sedundaryo. Ngunit ito'y kinakailangan at mahalaga upang paabutin ang impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan sa milyun-milyon pang mamamayan at upang hawanin ang landas sa pagpapalawak ng mga rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng ligal na anyo ng pakikibaka.

Kailangang ikoordina ng Partido ang armado at di-armado, ligal at iligal, lihim at hayag na pwersa at anyo ng pakikibaka sa kalunsuran at kanayunan. Dapat maging bunga ng koordinasyong ito ang pag-unlad ng lahat ng pwersa at anyo ng pakikibaka. Dapat itakwil ang mga Kanang oportunista na nagpapakalat ng kasinungalingan na pinabayaan ng Partido ang ligal na pakikibaka sa pamamagitan ng paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Nais nilang itigil o bawasan ng diin ng Partido ang pangunahing anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka. Ang totoo'y ang Partido ang patuloy na tumayong namumunong pwersa sa ligal na desmokratikong kilusan. Upang mapahusay ang ligal na demokratikong kilusan sa lunsod, kailangan bawasan ng Partido ang proporsyon ng mga kadreng abala sa gawaing opisina, sa mga institusyon at koalisyon at kailangang magtalaga at magpaunlad ito ng mas marami pang kadre sa mga pagawaan, komunidad ng maralitang lunsod at iskwelahan. At sa halip na itigil o bawasan ng diin ang armadong pakikibaka, kailangang iwasto ng Partido ang baliktad na daloy ng mga kadre mula kanayunan papuntang kalunsuran at magpadala sa kanayunan ng mas marami pang kadre at aktibistang masa.

Kailangang-kailangan ng mga Pulang mandirigma at masang magsasaka ang mga kasapi ng Partido at rebolusyonaryong aktibistang masa na handang magsanay bilang mga upisyal sa pulitika ng hukbong bayan at may kasanayang propesyunal at teknikal. Mahusay at mayroon na ngayong kampanya upang hikayatin ang mga manggagawa, kabataan at propesyunal na maglaan ng rebolusyonaryong serbisyo sa kanayunan nang pirmihan o di kaya'y makabuluhang tagal. Sinabotahe ng mga "Kaliwa" at Kanang oportunista ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng paghatak ng mga kadre ng Partido patungong kalunsuran at paghadlang sa iba pa na pumunta sa kanayunan.

Hindi ang mga Kanang oportunista at mga kakutsaba nilang burges repormista ang namuno at nagtayo ng ligal na demokratikong kilusan. Ginawa ito ng Partido. Sa larangan ng ligal na pakikibaka, matagal na nating nakita ang kakatiting at walang kwentang resulta ng repormistang linya at gawain ng mga taksil na rebisyunistang Lava, mga populistang burges (popdem), mga liberal, mga demokratang Kristiyano, mga sosyalistang petiburges at iba pang mga grupo na gustong pasukuin ang Partido at ipadala rito ang kanilang repormistang linya. Kung ang Partido ay magliligal, ito ay magiging kasinliit at kasingwalang-kwenta na rin ng mga burges repormistang pumupula sa kanya at kakaya-kayanin ng kaaway.

Ang mga "Kaliwa" at Kanang oportunista na ayaw magwasto ay umalis na sa Partido matapos mabigong wasakin ito sa loob. Ang gawain sa pagwawasto sa loob ng Partido ay hindi sinasadyang napabilis ng kanilang hayagang deklarasyon ng pagiging antikomunista at ng kanilang linyang anti-Stalin. Ngayon, alam na ng lahat ng kasapi ng Partido at ng publiko ang tunay nilang katauhan: mga kontrarebolusyonaryong maka-Kanan at mga ispesyal na ahente ng naghaharing rehimeng US-Ramos. Ang malaon nang bayaran ng kaaway sa hanay nila ay nagsisikap na pagkaisahin sila sa isang bagong partidong nagpapanggap na Kaliwa, gayundin, sa isang alyansang antikomunista kasama ang iba pang mga grupo tulad ng mga dilawang organisasyong sinusustentuhan ng US at mga ahensya ng gobyernong Pilipino.

Ang katayuan sa pulitika at ekonomya ng naghaharing pangkating Ramos ay higit na mahina kaysa sa mga sinundan niya -- pangkating Marcos at pangkating Aquino. Gayunman, may natatangi itong kasanayan sa psywar at nakuha nito ang bayaran, gayundin ang boluntaryong serbisyo ng mga paksyunalista, isplitista at likidasyunista na lumabas sa Partido. Ngunit hindi mapapagaang ng psywar ang patuloy na lumalalang krisis ng naghaharing sistema. Nangangarap nang gising ang naghaharing pangkating Ramos kung inaakala nito na maeengganyo o mapupwersa ang Partido na yakapin ang linyang pasipista, repormista at kapitulasyunista sa pamamagitan ng pagpapawalang-bisa sa batas sa subersyon at sa pamamagitan ng pagsusustento at paggamit ng ilang taksil at repormistang nagpapanggap na progresibo upang siraan ang Partido at maglunsad ng mga "usapang pangkapayapaan" sa mga lokalidad.

Bago ang kilusang pagwawasto, nang ang mga mayor na paglihis, pagkakamali at kahinaan sa loob ng Partido at rebolusyonaryong kilusan ay hindi pa komprehensibo at puspusang iwinawasto, nalampasan ng Partido ang Lambat Bitag 1, 2 at 3 at ipinahiya ang taunang prediksyon ni Ramos sa pagkatalo ng BHB. Ngayon, dahil sa kilusang pagwawasto, tiyak na babangungutin kahit sa araw si Ramos at kanyang mga katoto.

Resulta ng kilusang pagwawasto, ang Partido ay higit na lumakas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Ang rebolusyonaryong determinasyon nito ay pinatitibay ng teoretikal at pampulitikang edukasyon sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong at dedikasyon sa mga pambansa at demokratikong karapatan at interes ng mamamayang Pilipino. Ang mga kadre at kasapi nito ay muling ikinakasa upang malikha ang higit na malawak at malalim na baseng masa para sa matagalang digmang bayan.

K. Kalagayan sa Organisasyon at mga Tungkulin

May ilampung libo ang kasapian ng Partido. Sila ay nasa mga sentral na organong namumuno at istap at sa labimpitong rehiyunal na komite at organisasyon ng Partido na sumasaklaw sa buong kapuluan. Sila'y nasa BHB at sa hayag at lihim na mga organisasyong masa ng manggagawa, magsasaka, manggagawang bukid, mangingisda, kababaihan, kabataan at propesyunal. Sila'y nasa mga sangay ng Partido sa kalunsuran at kanayunan at sa mga grupo at komite ng Partido sa iba't ibang antas ng mga organisasyong masa.

Malaki at mahigpit ang pangangailangan na paramihin pa ang kasapian ng Partido. Dapat tasahin at tayain ng mga namumunong organo ng Partido sa iba't ibang antas ang kasapian ng Partido sa kani-kanilang saklaw sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon. Kailangang makita kung paano maitataas ang antas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ng kasalukuyang kasapian nito upang magsilbing batayan sa pagpapalaki ng kasapian ng Partido. Ang programa sa pagrerekrut ng kasapi ng Partido ay dapat gawan ng plano at isumite sa mga nakatataas na namumunong organo.

Kailangang magrekrut ang Partido ng mga kandidatong kasapi sa hanay ng mga abanteng rebolusyonaryong aktibistang masa. Ang pagbubuo ng Partido sa organisasyon ay dapat nakabatay sa gawain sa ideolohiya at pulitika. Dapat masunod ang panahon ng kandidatura. Matapos maisumite ang aplikasyon sa pagsapi at ang kandidatong kasapi ay mapasumpa batay sa rekomendasyon ng dalawang ganap na kasapi at beripikasyon sa rekord na ginawa ng ikatlong kasapi ng Partido, responsibilidad ng sangay ng Partido na bigyan siya ng batayang edukasyong teoretikal at pampulitika at pangasiwaan ang kanyang pagsubok na gawain sa panahon ng kandidatura. Isang mahalagang bahagi ng pagsubok na gawain ng mga kandidatong kasapi na galing sa petiburgesyang lunsod ay ang panlipunang pagsisiyasat at gawaing masa partikular sa hanay ng manggagawa o magsasaka.

Lubhang madalas na mangyari na napapabayaan at tuluyang nakakalimutan ang pag-unlad ng isang kandidatong kasapi tungong ganap na kasapi at ang nasasangkot ay nahihiyang magtanong tungkol sa pagiging ganap na kasapi niya ng Partido. Ang konstitusyon ng Partido ang dapat na iisang sanggunian ng sangay ng Partido at ng kandidatong kasapi kaugnay ng usaping ito. Kapag ang pagiging ganap na kasapi ay hindi posible sa panahon ng kandidatura, kailangang ipaliwanag ng sangay ng Partido ang mga dahilan. Maaari ding magtanong ang kandidatong kasapi. Ang pagbebenta ng literatura ng Partido ay isang batayang gawain ng lahat ng kandidatong kasapi at ganap na kasapi.

Ang mga pinakamahahalagang batayang rekisito sa pagsapi sa Partido ay ang proletaryadong aktitud na paglingkuran ang sambayanan, edukasyon sa ideolohiya at pulitika at aktibong partisipasyon sa sangay ng Partido. Ang kasalukuyang mga ganap na kasapi at kandidatong kasapi ay kailangang matasa at mahikayat na iangat ang kanilang antas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Dapat panghawakan, pag-aralan at isapraktika ng lahat ng organo, yunit at kasapi ng Partido ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Ito ang saligang prinsipyo sa organisasyon ng Partido. Kailangang pag-aralan ito sa buhay na paraan laban sa mga manipestasyon ng burukratismo at ultrademokrasya na naganap na o nananatili pa sa loob ng Partido.

Ang demokratikong sentralismo ay demokrasyang ginagabayan ng sentralisadong pamumuno at sentralismong nakabatay sa demokrasya. Ang esensya ng sentralismo ay ang pagtataguyod ng siyentipikong teorya at praktika ng Marxismo Leninismo at ang esensya ng demokrasya ay ang mulat na partisipasyon ng buong kasapian ng Partido sa pagpapatupad ng rebolusyonaryong linya at sa pagbibigay ng batayan para sa mga desisyon ng mga nakatataas na organo. Mayroong demokrasya sa loob ng Partido ngunit mayroon ding disiplina.

Mahusay na ang kilusang pagwawasto na inilunsad ng sentral na pamunuan bilang tugon sa kahilingan ng mga nakabababang organo at organisasyon ng Partido ay naging isang ganap nang kilusang masa. Napukaw nito ang mga nakabababang organo at organisasyon ng Partido upang magsagawa ng dagdag pang paglalagom, pamumuna at pagpuna-sa-sarili at paglilinaw ng mga tungkulin. Komprehensibong pinalakas ng kilusang pagwawasto ang Partido, maging sa larangan ng organisasyon.

Kasunod ng kilusang pagwawasto, higit pang mapalalakas ng Partido ang mga organo ng Partido sa lahat ng antas, hanggang sa Komite Sentral at Pambansang Kongreso ng Partido. Hindi solong responsibilidad ng kasalukuyang sentral na pamunuan ang pagkakaantala ng pagdaraos ng Kongreso ng Partido. Gayundin, ang mga plenaryong kumperensya ng Komite Sentral sa nakaraan ay lehitimong isinagawa at kumatawan sa buong organisasyon ng Partido. Ang ilan dito ay may bigat ng mga pambansang kongreso bunga ng kahalagahan ng mga desisyong pinagtibay. Walang paksyong anti-Partido ang makapagsasabi na superyor ito sa kasalukuyang Komite Sentral o sa alinman sa mga nakaraang komposisyon ng Komite Sentral.

May burukratismo kapag ang sentral na pamunuan ay hindi sumasalig sa demokratikong batayan, hindi gumagamit ng mga demokratikong pamamaraan upang makaabot sa isang desisyon at nagpapatupad ng makaisang-panig na daloy na itaas-pababa. May ultrademokrasya kapag alinmang nakabababang organo, yunit o indibidwal na kasapi ng Partido ay maaaring magdesisyon at lumapastangan sa mga prinsipyo, linya at patakarang itinakda ng Partido, magdeklara ng awtonomiya mula sa Partido at tuwirang abutin ang pangkalahatang kasapian upang atakihin ang sentro ng Partido.

Sa buong kasaysayan ng Partido hanggang sa ngayon, ang mga pinakamasahol na nagpairal ng burukratismo ay ang mga "Kaliwa" at Kanang oportunista. Isinulong ng mga "Kaliwang" oportunista ang linya ng "estratehikong kontra-opensiba", "regularisasyon", adbenturismong militar at insureksyunismong lunsod nang hindi hinihingi ang pag-apruba ng Kongreso ng Partido. Pinatagal nila ang panahon ng hindi pagdaraos ng Kongreso ng Partido habang sinisikap nilang baguhin ang wastong linya ng Partido. Nahirati sila na magbaba ng mga order sa loob ng Partido at hukbong bayan nang walang imbestigasyon at konsultasyon at, sa labas ng hukbong bayan, ipinatupad nila ang sistema ng mga "upisyal pampulitika" bilang iisang-taong antas ng awtoridad at isang tipo ng sugo ng diyos (deus ex machina).

Sa tulong ng kanilang ugnay sa dayuhang pondo, ang mga Kanang oportunista ay nakapagmagaling sa loob ng Partido sa pamamagitan ng pagtayo bilang tagatustos ng "regularisasyon" at mga kampanyang masa. Nagtayo sila ng mga upisinang institusyunal, naging mga burukratang NGO at umimbento ng mga ampaw na organisasyon, konsorsya at koalisyon, gamit ang pangalan ng masa na dati nang organisado ng Partido. Hinatak nila ang malaking bilang ng kadre at potensyal na kadre mula sa gawain sa hanay ng masa at, pinakamalala sa lahat, nagpakalat ng mga ideya at lengguwahe ng mga burges na Kanluraning mga ahensya sa pagpopondo, sa pamamagitan ng mga publikasyong panloob.

Ang mga "Kaliwa" at Kanang oportunistang nagpatupad ng burukratismo habang nasa pusisyon ng awtoridad sa loob ng Partido ay sila ring pinakamasahol na nagsagawa ng ultrademokrasya. Nagsama-sama sila sa isterya ng ultrademokrasya na wala pang katulad sa buong kasaysayan ng Partido. Mas maaga pa, ipinamalas nila ang kanilang ultrademokrasya sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga "nagsasariling kaharian" na humarang maski sa mga sentral na namumunong organo sa pamamagitan ng pagpapatibay at pagpapatupad ng mga patakarang taliwas sa linya ng Partido.

Nais ng mga "Kaliwang" oportunista na ihiwalay ang hukbong bayan para sa sarili nilang linya ng adbenturismo militar, insureksyunismong lunsod at gangsterismo at hanggang sa isang antas at panahon ay aktwal na nakapaggiit sa kanilang gusto, at sa gayo'y puminsala sa interes at prestihiyo ng Partido. Mas nauna pang sinikap ng mga Kanang oportunista na likidahin ang talibang papel ng Partido at ang Partido mismo. Gusto nilang pahinain ang mga proletaryong rebolusyonaryo sa loob ng Partido at ihiwalay ang Partido mula sa iligal at ligal na nagkakaisang prente upang libre silang makapaghari-harian sa mga NGO na may pondong dayuhan at mga organisasyong masa nang walang superbisyon at pagtutuos sa Partido. Ang mga "Kaliwa" at Kanang oportunista ay parehong mga tunay na awtoritaryo sa pakikitungo sa mga tauhan sa kani-kanilang kaharian at mga anarkista sa pakikitungo sa Komite Sentral at sa buong Partido.

May mga makasarili at makitid na interes na nagtutulak sa mga dating "Kaliwa" at Kanang oportunista na magbuo ng paksyon laban sa Partido, sikaping wasakin ito sa loob at maingay na makipagsapakatan sa naghaharing pangkating Ramos, mga taksil na rebisyunistang Lava, mga populista (popdem), mga liberal, mga demokratang Kristiyano (socdem), petiburges na demokrata, mga sosyalista at Trotskyista upang atakihin ang Partido. Ilan sa mga pinuno ng mga oportunistang naging sagadsaring antikomunista ay may mga pananagutang kriminal at nagtakbo ng pondo at mga pasilidad ng Partido. Nais nilang takasan ang kanilang pananagutan kaya't gusto nilang pugutan ng ulo at wasakin ang buong Partido at rebolusyonaryong kilusan.

Sa pagsisikap na iligaw ang mamamayan, nagdadakdak ang mga kontrarebolusyonaryong taksil na walang demokratikong proseso sa loob ng Partido. Ngunit ang kanilang mga mumunting sirkulo ang nagpakana ng mga tinatawag nilang kawkus, umatake sa mga buu-buong sentral na organo at mga lider ng Partido at pagkatapos ay nagpakalat sa madla ng kanilang mga pahayag ng paghuhusga at pagkutya sa Partido, sentro ng Partido at mga indibidwal na kanilang dinudumog bilang mga "Stalinista", isang terminong paulit-ulit nilang iwinawasiwas upang makasakay sa propagandang antikomunista ng mga imperyalista at lokal na reaksyunaryo.

Sinasampal nila ang kanilang sarili tuwing ginagamit nila ang termino batay sa pakahulugan ng mga antikomunista. Ilan sa mga pinuno ng mga kontrarebolusyonaryong taksil ang may pananagutan sa Kampanyang Ahos, ang may nagawang pinakamabangis na krimen hindi lamang laban sa daan-daang indibidwal na biktima kundi laban din sa Partido at sa mamamayan. Sa hanay ng mga taksil, may mga malaon nang ahente sa paniktik at psywar ng imperyalismong US at reaksyunaryong gobyernong Pilipino. Sila ang pangunahing tagabalangkas ng linyang anti-Stalin at antikomunista at linya ng paghahain ng Partido at rebolusyonaryong kilusan sa kaaway.

Sa kalagayang matagal na ang panahong hindi nakapagtatalaga ng makabuluhang bilang ng kadre mula lunsod tungong kanayunan bunga ng maling linya, ang Partido ay determinadong pukawin, hikayatin at gabayan ang paparaming kadre at kasapi ng Partido na tumungo sa kanayunan mula sa mga syudad. Pinangunahan na ng mga sentral na organo ng Partido ang pagtalima sa hakbang na ito sa pamamagitan ng pagbabase nito sa kanayunan. Napakahalaga kung gayon na palakihin ang kasapian ng Partido.

Bago pa man ang kilusang pagwawasto, nanawagan na ang Partido sa paglilipat ng may kalakihang bilang ng kadre sa kanayunan upang mapalitan ang mga nawalang kadre ng Partido. Ngunit hinarangan ng mga maling linya ang daan. Bunga ng pagkakaaresto ng mga kadre ng Partido sa lunsod, nagpalabas ang Komite Sentral ng mga tuntunin sa seguridad at inatasan ang mga kasamang nakabase sa syudad na markado na ng kaaway na lumipat ng gawain sa kanayunan. Ngunit ang mga promotor ng mga maling linya, lalo na ang dating pinuno ng pangkalahatang kuman ng BHB, ang dating kalihim ng SGVC at ang dating kalihim ng MRPC ay ayaw sumunod sa desisyon.

Nagtagumpay ang mga ahente ng kaaway sa hanay ng mga taksil na pabalingin sila sa linyang lantad na antikomunista at nakakuha ang kaaway ng maraming impormasyon mula sa mga taksil. Sa dahilang ito pa lamang, may kagyat nang pangangailangan at halaga na ilipat ang mga kilalang kadre ng Partido mula syudad tungong kanayunan at makapagpalitaw ng malaking bilang ng kadre ng Partido na hindi na kilala ng mga taksil. Ang mga taksil na ito ay kailangang mawalan ng impormasyong magagamit sa pamiminsala sa Partido.

Taliwas sa mga intrigang ipinakakalat ng mga anti-Partidong elemento mula pa maagang bahagi ng 1992 na ang kilusang pagwawasto diumano ay lilikha ng malaking isplit o magiging isang "madugong Stalinistang pagpurga" ng libo-libong kasapi nmg Partido na lampas pa sa Kampanyang Ahos, ang kilusang pagwawasto ay napatunayan nang pangunahi'y isang kilusan sa pag-aaral ng teorya at praktika ng MLKMZ. Pinakitid na ng KS ang target ng kilusang pagwawasto sa iilang pasimunong anti-Partido.

Itiniwalag lamang sila matapos magsagawa ng serye ng garapal na anti-Partidong aktibidad: pagpapakalat sa madla ng mga artikulo ng paninirang-puri na naglalayong pugutan ng ulo at wasakin ang Partido simula huling bahagi ng 1991 at mas malala pa mula 1992 pataas, mga deklarasyon ng paninindigang anti-Marxista at anti-Leninista, panggugulo sa mga organisasyong masa at alyansa, deklarasyon ng awtonomniya at paghiwalay, at lantarang kolaborasyon sa mga ahensyang sibil at militar ng pangkating US-Ramos at sa halu-halong mga antikomunistang grupong petiburges sa ilalim ng iisang islogang anti-Stalinismo.

Sa matagal na panahon, ang mga pinatalsik na ito ay nakagawa ng mga seryosong pagkakamali sa linya, nakapaminsala ng malaki sa Partido at sa rebolusyonaryong kilusan at dapat mapasailalim sa aksyong pandisiplina.

Sila ay nakagawa rin ng mga seryosong krimen tulad ng pagtatraydor, pamamaslang, madugong "witchhunts", gangsterismo, at malakihang paglustay ng pondo at dapat pumasailalim ng paglilitis ng hukumang bayan. Tumututol sila sa kilusang pagwawasto at gustong wasakin ang Partido dahil gusto nilang takasan ang kanilang mga pananagutan. Lubos na makabubuti sa Partido at rebolusyonaryong kilusan na sila'y itiniwalag. Ang pinsalang idinulot nila ay higit na malaki kaysa anumang naging ambag nila sa lakas ng Partido sa panahong 1980-1992, at patuloy silang nagtangka na higit pang makapaminsala sa isang bigong pagsisikap na pigilin ang kilusang pagwawasto.

Ang patakaran sa mga nalinlang ng mga pasimunong anti-Partido ay bigyan ng panahong matauhan at makita ang mga datos at ang katotohanan. Madali silang napapaniwala sa pamamagitan ng mga kasinungalingan, paninirang-puri at mga intriga. Galing sila sa mga bahagi ng Partido na may mga kahinaan sa ideolohiya. Kaunti lang ang bilang nila at ilan sa kanila ay hindi tunay na komunista. Higit na kapakipakinabang at higit na makatuturang magrekrut ng mga bagong kandidatong kasapi ng Partido mula sa matagal nang umiiral na rebolusyonaryong kilusang masa kaysa patuloy na habul-habulin ang mga ganap nang nalinlang at nailigaw ng mga kontrarebolusyonaryong taksil.

Dalawang komiteng pangrehiyon ng Partido (MR at Negros) at dalawang sentral na organong istap (Kalihiman sa Kilusang Magbubukid at Komisyon sa Nagkakaisang Prente) lamang ang muling binuo ng KS at isang komisyong pangteritoryo (Komisyon sa Kabisayaan) ang nilusaw kaugnay ng kilusang pagwawasto at bilang tugon sa mga kahilingan sa ibaba bunga ng pagkabulok ng ilang lider na naging mga elementong anti-Partido. Ang mga hakbang sa organisasyon na ito ay isinagawa upang iligtas ang Partido sa operasyong pangwawasak ng mga paksyunalista, isplitista at likidasyunistang anti-Partido. Ang rehiyon ng Central Mindanao ay nilusaw ng Komisyon sa Mindanao sa batayan ng malubhang pagkitid nito (laking distrito na lamang) at panggugulo doon ng mga elementong anti-Partido.Ipinasaklaw ang pwersa at erya nito sa mga katabing rehiyon para sa mas simple at mas mahigpit na pamumuno doon.

Ang desisyon ng Komite Sentral na ilunsad ang ikalawang malawakang kilusang pagwawasto ay isang malaking istorikong tagumpay na may malawig na kabuluhan at epekto sa rebolusyong Pilipino at mamamayang Pilipino. Ang pagbubuo ng desisyon ay pinangunahan ng isang matagal na labanan na umabot ng ilang taon sa pagitan ng proletaryong rebolusyonaryong linya at ng burges na reaksyunaryong linya sa loob ng Partido. Sa proseso ng kilusang pagwawasto, pinanghawakan ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa Partido ang teorya at praktika ng MLKMZ at nagapi ang kakarampot na reaksyunaryong burges. Ang pangingibabaw sa malalaking paglihis, pagkakamali at kahinaan at ang pagpapalakas ng Partido ay mga tagumpay na tutungo sa higit pang malalaking tagumpay sa buong rebolusyonaryong kilusan ng proletaryado at ng mamamayan. Ang rebolusyong Pilipino ay higit pang susulong at magpapatuloy upang maging isang maningning na bahagi ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo.

Marami tayong dapat ipagdiwang ngayon at maraming rebolusyonaryong gawain at pakikibaka na susuungin. Tiyak tayong aani ng higit pang mga tagumpay sa mga taong darating sapagkat ang Partido ay higit na determinadong pamunuan ang milyun-milyong mamamayan sa kanilang rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa dayuhang monopolyong kapitalismo, lokal na pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang proletaryado at sambayanang Pilipino!

Mabuhay ang rebolusyong Pilipino at ang pandaigdig na rebolusyong proletaryo!

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.