Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    English Pilipino
   

Isulong ang digmang bayan!

Armando Liwanag
Chairman
Central Committee
Communist Party of the Philippines
Marso 29, 1995

Sa ngalan ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas, ipinapaabot ko ang pinakamainit na mapagkasamang pagpupugay at pagbati sa Pulang mga kumander at mandirigma gayundin sa mga kadre at kasapi ng Partido sa Bagong Hukbong Bayan sa okasyon ng ika-26 na anibersaryo ng pagkakatatag nito.

Ang mamamamayang Pilipino at ang Partido Komunista ng Pilipinas ay nagmamahal sa inyo dahil sa inyong puspusang paggawa, walang takot na pakikibaka at pagpapakasakit. Malugod naming ipinagdiriwang ang mga tagumpay ng Bagong Hukbong Bayan sa mahabang kasaysayan nito at sa nakaraang taon.

Mga Tagumpay ng Bagong Hukbong Bayan

Pahintulutan ninyong baybayin ko ang pinakamaniningning ninyong mga tagumpay sa muling pagpapatibay ng mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo, sa paglilingkod sa sambayanan, sa ibayong pagpapalakas sa inyong hanay at sa paglaban sa kaaway.

  1. Napatibay ninyo ang inyong pagkakaisa sa pamamagitan ng pagtataguyod at pagtatanggol sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang rebolusyonaryong partido ng proletaryado sa patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, at sa pamamagitan ng matatag na pagpupunyagi sa pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan laban sa dayuhang monopolyong kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo, na pangunahing kinakatawan ngayon ng rehimeng US-Ramos.

  2. Nabigo ninyo ang mayor na mga kampanya ng kaaway para wasakin ang BHB sa ilalim ng nasa-direksyon-ng-U.S. na patakarang "total war" o estratehiyang "low-intensity conflict" kahit pa ang mga ito ay naayudahan ng dulong-Kaliwang oportunistang mga agos ng wala-sa-panahong estratehikong kontraopensiba, insureksyunismong urban at militarismo at ng Kanang oportunistang mga agos ng repormismo, kapitulasyunismo at likidasyunismo.

  3. Nanaig kayo sa kilusang pagwawasto laban sa mga oportunistang taksil, napangibabawan ang mga kamalian, krimen at mga pinsalang ginawa nila at nabigyan ng panibagong-sigla ang armadong rebolusyonaryong kilusan. Nakapaglalagom kayo ng inyong karanasan sa iba't ibang antas, humahango ng positibo at negatibong mga aral, pumupuna at nagtatakwil ng mga kamalian, at nagtataas ng kapasyahan at kakayahan laban sa kaaway.

  4. Mahigpit ninyong sinusunod ang linya ng pagtitiwala at pag-asa sa masa at pinapanguna ang rebolusyonaryong pulitika sa lahat ng aktibidad ninyo, kabilang ang pagsasanay-militar at paglaban, gawaing masa, produksyon at iba pa. Napagsasanib ninyo ang armadong pakikibaka, reporma sa lupa at pagtatayo ng baseng masa sa balangkas ng demokratikong rebolusyong bayan.

  5. Nakapagpupunyagi kayo sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan, ang pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan at pag-iipon ng lakas hanggang maging posible nang agawin ang mga lunsod. Pinapasimple ninyo ang inyong organisasyon at muling itinalaga ang mga yunit para sa gawaing masa, inilulunsad ang malakawan at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa lumalapad at lumalalim na baseng masa at makabuluhang nakapagparami ng bilang ng mga taktikal na opensiba sa buong bansa sa nakaraang taon.

  6. Nakapagpalawak at nakapagkonsolida kayo ng baseng masa sa ilampung larangang gerilya at ilandaang sonang gerilya, nakabawi ng mga eryang dating nawala bunga ng mga pananalakay ng kaaway at malulubhang mga pagkakamali at nakapagbukas ng bagong mga lugar para sa gawaing rebolusyonaryo. Sinasaklaw ng inyong mga larangang gerilya ang makabuluhang mga bahagi ng mahigit 60 probinsya at mahigit 600 bayan, na malayong lampas sa kakayahan ng reaksyunaryong hukbo na masakop at makontrol.

  7. Nakapag-organisa kayo ng malaking bilang ng hinihirang na pansamantalang mga organo ng kapangyarihang pampulitika (mga komiteng pang-organisa ng baryo) at mga komiteng pang-organisa ng mamamayan sa gawaing ekspansyon para maorganisa ang mga halal at permanenteng mga organo ng kapangyarihang pampulitika (komiteng rebolusyonaryo ng baryo), ang mga yunit milisya at mga yunit sa pagtatanggol-sa-sarili at mga organisasyong masa ng mga magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan, mga bata at mga aktibistang kultural sa gawaing konsolidasyon.

  8. Nakapagmobilisa kayo ng milyun-milyong mamamayan para sa kanilang pagtatamo ng kapangyarihan at mga benepisyong sosyal sa proseso ng mga kampanya sa reporma sa lupa, edukasyong masa, mas mataas na produksyon, kalusugan at kalinisan, pagtatanggol-sa-sarili, pangangalaga sa kapaligiran, at iba pa. Ang mga kampanyang ito ay isinasagawa ng mga organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika.

  9. Naparami ninyo ang bilang ng Pulang mga mandirigma at mga kasapi ng Partido sa loob ng BHB sa pamamagitan ng pagsasanay at pagpapanday sa kanila sa mga pag-aaral, praktikal na gawain at pakikibaka. Nahihikayat din ninyo ang mga kadre at mga sulong na aktibistang masa mula sa ligal na demokratikong kilusang nakabase sa kalunsuran na matuto mula sa inyong hanay at sa mamamayan at lumahok sa armadong rebolusyonaryong kilusan.

  10. Higit kayong umaasa-sa-sarili kaysa kailanman sa nakaraan sa pamamagitan ng pakikidigmang gerilya at pagwawaksi sa mga di-kinakailangan at di-masustining gugulin ng wala-sa-panahong malalaking pormasyong militar at sa pamamagitan ng pag-asa sa mga kontribusyon ng mamamayan, sa sariling produksyon at sa mga buwis.

Matabang Lupa Para sa Digmang Bayan

Ang krisis na sosyo-ekonomiko at pampulitika ng lokal na naghaharing sistema ang matabang lupa para sa paglakas at pagsulong ng lahat ng rebolusyonaryong mga pwersa. Nagiging posible at kinakailangan ang pag-unlad ng matagalang digmang bayan bunga ng palagiang katangian ng krisis na ito.

Buktot na sinasagkaan at nilalabanan ng rehimeng US-Ramos ang pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa. Hindi magagawa ng Medium-Term Philippine Development Plan (MTPDP) at kaugnay na mga patakarang pang-ekonomya ng rehimen na idinikta ng dayuhang mga monopolyo at ng kanilang pandaigdigang mga ahensya (IMF, World Bank, WTO at ADB), na gawing industriyalisado ang Pilipinas sa taong 2000, bagkus palulubhain at palalalimin lamang nito ang agraryo, di-maunlad at malapyudal na katangian ng ekonomya.

Ang ekonomya ay ibayong pinipinsala ng liberalisasyon sa pamumuhunan, kalakalan, pananalaping panlabas at pangungutang na pabor sa dayuhang mga monopolyo at malalaking komprador. Ang lumalaking depisit sa kalakalan at badyet, ang lumolobong dayuhan at lokal na utang publiko, ang pagbebenta ng mga pag-aari ng estado (mga empresa at lupain) at ang pagsalig sa panandaliang kapital na ispekulatibo mula sa ibayong dagat ay pawang manipestasyon ng pagkabangkarote ng ekonomya. Hungkag at mapanlinlang ang ipinangangalandakang 5.1% na paglago ng ekonomya sa pangunguna ng pamumuhunan sapagkat, sa katunayan, ang GNP ay suma ng mga kalakal at serbisyong walang tunay na industriyal na pag-unlad at ngayon ay pinalolobo ng tinatayang kita ng mga manggagawang kontratado sa ibayong dagat (OCW), mga panandaliang kapital na ispekulatibo, sobrang-pinresyuhang mga proyekto sa enerhiya at imprastruktura, mga palsipikadong datos tungkol sa pagtaas ng produksyong agrikultural, at iba pa.

Kailanma'y kakatwa at kontraproduktibo ang badyet ng reaksyunaryong gobyerno; labis-labis itong kargado ng panserbisyo sa utang, gastusing militar, sobrang pagpresyo sa mga suplay at sobrang kompensasyon at korupsyon ng burukratang mga kapitalista. Hindi totoo ang ipinangangalandakang sarplas sa badyet na 18 bilyong piso. Resulta ito ng minsanang mga kita mula sa pagsasapribado ng mga pag-aari ng estado, pagpapaliban ng mga gastos sa imprastruktura at serbisyong sosyal, di-pagbabayad sa mga bale ng Philippine National Bank at iba pa. Samantalang ginagamit ng rehimen ang mga eksemsyon sa buwis para makinabang ang dayuhang mga namumuhunan, dinaragdagan naman nito ang pasaning buwis ng mamamayan, laluna sa pamamagitan ng pinalawak na value-added tax at winawaldas ang mga kita sa pagserbisyo ng utang, mga guguling militar at mga korupsyong burukratiko.

Pinatitindi ang pagsasamantala sa mga manggagawa at magsasaka at maging sa gitnang mga saray ng lipunan. Ang mabilis na pagtaas ng minimum na halaga para mabuhay at produksyon ay walang-habas na nagpapabagsak sa kanilang aktwal na mga kita. Patakaran ng rehimen na pababain ang kanilang mga kita, alisin ang seguridad sa trabaho ng mga manggagawa sa pamamagitan ng kaswalisasyon at maging ang pag-aari sa lupa at mga karapatang ansestral ng mga magsasaka at minoryang etniko. Mahigit sa 40 porsyento ang naiipong disempleyo. Pitumpu't anim na porsyento ng populasyon ang nasa ibaba ng hangganan ng kahirapan. May pangkalahatang pagsama ng serbisyong panlipunan at imprastruktura. Lahatang-panig na sinusupil ang mga karapatang sosyal, ekonomiko, pulitikal at kultural ng mamamayan.

Bunga ng pagsahol ng kalagayan sa ekonomya at lipunan, milyun-milyong mamamayan ang nangibang-bayan para maging migranteng mga manggagawang mabababa ang sahod. Mataas ang popular na kamalayan na patakaran ng reaksyunaryong gobyerno na itulak ang mga Pilipino na tumanggap ng mababang sahod sa ibayong-dagat at hindi sila pinuprotektahan upang maging higit na mabenta ang eksport ng paggawa at mula rito ay maitaas ang kita sa pananalaping panlabas. Kayat sumambulat ang isang higanteng daluyong ng galit ng publiko mula sa dimakatarungang pagkabitay kay Flor Contemplacion sa Singapore.

Habang lumulubha ang krisis na sosyo-ekonomiko, lumalawak at mas tumitindi ang ligalig sa lipunan. Kaya, mula noong nakaraang taon, tumindi sa buong bansa ang mga raling protestang masa at mga welga. Kabilang sa mga isyu ang "Philippines 2000", ang istruktural na mga adyasment sa pautang ng IMF, mga patakarang kontra-manggagawa, ang pagtaas ng presyo ng langis, ang pinalawak na VAT, ang isyu ng GATT at ang karahasan ng reaksyunaryong estado. Napakalaganap at napakatindi na ng diskontentong panlipunan kaya madaling magkaroon ng bugso ng mga protestang masa mula sa alinman sa napakaraming mga ispisipikong isyung panlipunan. Sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan, makasusulong ang armadong rebolusyon.

Naghahari sa buong bansa ang makauring diktadura ng malaking burgesyang komprador at uring panginoong maylupa. Nananatili ang lantarang paghahari ng lagim laban sa masang anakpawis sa anyo ng patakarang total war at pakanang low-intensity conflict na dinidirihe ng US mula noong bumagsak ang awtokrasyang pasistang Marcos. Malubhang kasalanan laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan ng burges na mga repormista at ispesyal na mga ahente sa psy-war at pagsuporta sa rehimeng US-Ramos ang kanilang pangangalandakang nagkaroon na ng demokratisasyon mula noong 1986.

Laganap at higit na naging brutal ang mga paglabag sa mga karapatang tao, lalo na sa proseso ng mga operasyong pagkakait-ng-base o mga sapilitang pagpapalikas sa masa sa kanayunan. Mula 1986, mahigit dalawang milyong mamamayan ang naging refugee bunga ng pambobomba mula sa himpapawid at sa lupa at ng pambubuldoser. Ang mga pwersang militar, pulis at paramilitar ay nagmamasaker, selektibong namamaslang, iligal na nang-aaresto at nagkukulong, nanununog at nangungulimbat. Ang mga kabuhungang ito ay malinaw na manipestasyon ng krisis ng naghaharing sistema at ng kawalan ng kakakayahan ng mga nagsasamantalang uri na maghari sa lumang paraan bago 1972.

Ang lalong kapansin-pansing pangingibabaw ng mga pulitikal na inapo ng pasistang diktadurang Marcos ang naglalantad sa kabulukan ng naghaharing sistema. Sinasabayan ito ng pananatili ng armadong reaksyunaryong mga paksyon, ng paglitaw ng mga pulitikong militar at ng lumalaking pagkasangkot ng mga opisyal ng militar at pulisya sa kriminal na mga sindikato.

Ang krisis sa pulitika ng naghaharing sistema ay tiyak na mag-aanyong mararahas na kontradiksyon ng mga reaksyunaryo habang nililimitahan ng krisis na sosyo-ekonomiko ang puwang para sa matiwasay na relasyon sa pagitan nila, at habang isinusulong ng mga rebolusyonaryong pwersa ang digmang bayan at pinatitindi ng mamamayang Moro ang kanilang pakikibaka para sa sariling-pagpapasya.

May interaksyon ang krisis ng pandaigdig na sistemang kapitalista sa krisis ng isang neokolonyang tulad ng Pilipinas, at pinalulubha ng una ang huli. Ang pandaigdigang krisis ng sobrang produksyon na likha ng paggamit para sa tubo ng abanteng teknolohiyang pumapatay sa empleyo at ng labis na nagtatagal nang pag-abuso sa kapital sa pinansya ang nagtutulak sa pandaigdigang mga sentro ng kapitalismo na makipagpaligsahan sa isa't isa, bagamat nagkakaisa sila para ibayong pagsamantalahan ang mga bayan ng ikatlong daigdig at ng dating blokeng Sobyet. Itinutulak nito ang Pilipinas sa mas masahol na kondisyon ng pagkaatrasadong neokolonyal.

Nalikha na ng krisis na ito ng kapitalismo ang bagong kaguluhan sa mundo na nagpasinungaling sa katayuan ng kapangyarihang mga imperyalista at nagkakalat ng atensyon nila. Pinapaburan nito ang pag-unlad ng digmang bayan sa Pilipinas at ang tiyak na muling pagsigla ng kilusang anti-imperyalista at sosyalista sa pandaigdigang saklaw. Namumukod at huwaran ang digmang bayang inilulunsad ng Partido Komunista ng Pilipinas, ng Bagong Hukbong Bayan at ng Pambansa-Demokratikong Prente ng Pilipinas sa gitna ng bagong kaguluhan sa mundo na dulot ng monopolyo kapitalismo, neokolonyalismo at ng rebisyunistang pagkakanulo sa sosyalismo.

Panawagan sa Pagpapatindi ng Rebolusyonaryong Pakikibaka

Nananawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas sa pagpapatindi kapwa ng armadong rebolusyonaryong kilusang nakabase sa kanayunan at sa ligal na demokratikong kilusang nakabase sa kalunsuran. Malinaw ang direktiba ng Partido sa BHB: lubusin ang kilusang pagwawasto at isulong ang digmang bayan sa pamamagitan ng malawakan at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa lumalawak at lumalalim na baseng masa.

Ang armadong pakikibaka ang prinsipal na anyo ng pakikibaka sa demokratikong rebolusyong bayan dahil ito ang paraan para ibagsak ang mga nang-aapi at nagsasamantala sa bayan at itayo ang demokratikong kapangyarihan ng bayan. Imposible ang rebolusyong panlipunan kung wala ang demokratikong kapangyarihang bayan na hahalili sa estado ng mga nagsasamantalang uri.

Kaalinsabay, absolutong kailangang isulong ang ligal na demokratikong kilusang nakabase sa kalunsuran. Ito ang paraan sa malawakang pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos sa mamamayan. Ang mga protestang aksyong masa at mga welga ang pinakamabisang sandata ng ligal na demokratikong kilusan hanggat umaalinsunod ang mga ito sa pambansa-demokratikong linya at nakabatay sa solidong pag-oorganisa ng masa.

Ang nalalapit na eleksyong kongresyunal at lokal ay isang sarsuela, isang palabas ng mga reaksyunaryo para likhain ang ilusyon ng demokrasya. Nililimitahan ng mga eleksyong ito ang mga botante sa pagpili sa pagitan ng mga personalidad at paksyong magpapatuloy sa pang-aapi at pagsasamantala sa kanila.

Bilang paninindigan sa prinsipyo, hindi maaaring lumahok sa mga eleksyong ito ang rebolusyonaryong mga pwersa, ni isipin ang usapin ng paglahok sa mga ito o hindi, na para bang ang paglahok ay isang tunay na opsyon. Sa katunayan, ipinagbabawal ng mga reaksyunaryo ang paglahok ng rebolusyonaryong mga pwersa. Gayunman, maaaring labanan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mga reaksyunaryong kandidato at suportahan ang relatibong makabayan at progresibong mga kandidato sa angkop na mga paraan, alinsunod sa patakaran ng PKP sa pakikipag-isang-prente, nang hindi nagpapahayag ng partisipasyon.

Ang pormal na mga negosasyon ng NDFP at ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas, na nakatakdang magsimula sa Hunyo 1 sa Brussels, Belgium, ay nagbibigay sa mga rebolusyonaryong pwersa ng isa pang ispisipikong anyo ng ligal na pakikibaka sa pamamagitan ng awtorisadong panel ng NDFP sa negosasyon.

Sa proseso ng mga negosasyong ito, tungkulin ng panel ng NDFP na magpursigi sa linya ng pambansang pagpapalaya at demokrasya bilang linya para sa makatarungan at matagalang kapayapaan. Hindi dapat mag-akalang ang mga negosasyong ito mismo ang paraan tungo sa makatarungan at matagalang kapayapaan. Dapat determinadong itaguyod, ipagtanggol at isulong ng panel ng NDFP ang posisyon ng rebolusyonaryong mga pwersa at biguin ang mga tangka ng GRP na magkalat ng hungkag na mga ilusyon at pahinain ang rebolusyonaryong kilusan.

Hinaharap ng NDFP ang GRP sa usapan sa pantay na mga kondisyong ligal sa isang nyutral na lugar sa ibayong-dagat at sa ilalim ng "mga prinsipyong mutwal na katanggap-tanggap" at nang "walang anumang pre-kondisyong taliwas sa katangian at mga layunin ng mga negosasyon sa kapayapaan (walang surender ng prinsipyo at aktwal). Kinakailangang patindihin ng rebolusyonaryong mga pwersa at ng mamamayan ang kanilang mga pakikibakang masa para maigiit ang saligang mga demanda para sa pambansang kalayaan at demokrasya at mapalakas ang posisyon ng NDFP sa mga negosasyon.

Tiwala akong maitataas ng Bagong Hukbong Bayan ang kapasyahan at kakayahan nitong lumaban sa bago at mas mataas na antas at makakamit ang higit pang mga tagumpay sa gawaing masa at pakikidigmang gerilya kaysa nakaraan para maisulong ang digmang bayan sa darating na taon.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Magpunyagi sa wastong rebolusyonaryong linyang itinakda ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino at ang rebolusyong Pilipino!
###



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.