Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Pahayag hinggil sa paggamit sa bangkay sa paghahasik ng kasinungalingan ng SOLCOM

Ka Armine
Tagapagsalita
Apolonio Mendoza Command
New People's Army - Quezon
Southern Tagalog
Oktubre 22, 2004

Isang malaking kasinungalingan ang ginawang pahayag ng SOLCOM-AFP noong Oktubre 19, 2004 na diumano'y mga biktima ng panonortyur ng mga NPA ang dalawang bangkay na nahukay ng mga pwersa ng 1st IBPA sa Brgy. Cagsiay 3 sa Mauban Quezon. Diumano ang dalawang bangkay na kanilang nahukay ay itinuro at kinumpirma ng isang nagngangalang "Ka Ramil" na dating kagawad ng NPA.

Ang dalawang bangkay na natagpuan sa Brgy. Cagsiay 3 sa Mauban ay ang mga labi nina Adonis "Ka Jerick" Mendoza at Bienvenido "Ka Jay" Cultivo, mga martir na kagawad ng Apolonio Mendoza Command. Sila ang nagbuwis ng buhay sa isinagawang matagumpay na reyd ng AMC sa Phillipine Navy Coast Guard sa Brgy. Ungos Real Quezon noong Agosto 19, 2003. Nagbuwis sila ng buhay para sa ikapagtatagumpay ng operasyong ito ng AMC at nagawa lang na madala ng mga kagawad ng AMC ang kanilang bangkay sa pagkalas sa lugar na pinaglunsaran ng operasyon. Sila ay binigyan ng marangal na libing bagama't payak na kayang ipagkaloob sa mga katulad nilang namatay sa labanan sa isang operasyon at nasa panahon ng pagtugis ng berdugong militar. Ang ganitong libing ang karaniwan sa mga rebolusyonaryong hukbo na namamatay sa labanan. Batid ng mga pamilya ng mga kasamang ito ang kanilang sinapit at kinalibingan. Tinanggap ng kanilang mga pamilya ang kopya ng iginawad na parangal sa dalawang kagawad ng AMC, na iginawad sa kanila dahil sa kanilang kabayanihan at naging ambag sa rebolusyong isinusulong ng NPA at sambayanang Pilipino.

Samantala, si "Ka Ramil" ay hindi kailanman naging kagawad ng NPA at kung gayu'y walang kinalaman sa organisasyon ng NPA at pangyayaring nagbunga sa pagkamartir ng dalawang natagpuang bangkay sa nasabing barangay at bayan. Ang Ka Ramil na diumano'y nagturo at umamin sa nais na palitawin ng SOLCOM na biktima ng mga kalabisan ng NPA, ay si Ruel Adornado sa tunay na buhay. Si Ruel ay mas kilala sa kanyang palayaw na "Ramil" ng kanyang mga kababaryo at "Ka Ramil" sa kanyang mga kasama sa Anak ng Bayan at ng mga kabataan na kanilang inoorganisa. Siya ay dinukot ng mga kagawad ng militar noong Abril 20, 2004 sa Brgy. Manguilag Norte sa bayan ng Candelaria, kasama ni Oliver Ostunal, habang nangangampanya para sa Anak ng Bayan, sa nakaraang eleksyon.

Makaraang itanggi ng SOLCOM at Quezon Provincial Command ng PNP na wala sa kanila at wala silang nadadakip, gaya ng iniaakusa ng Anak ng Bayan-Quezon, si Ruel "Ka Ramil" Adornado at kasama nitong si Oliver Ostunal ay ginagamit ngayon ng SOLCOM sa isinasagawang mga operasyon sa Mauban bilang giya at sa kanilang propaganda laban sa NPA upang maghasik ng kanilang mga kasinungalingan at siraan ang NPA sa mamamayan.

Madiing kinukundina ng AMC ang SOLCOM-AFP sa paggamit sa bangkay ng dalawang martir ng pambansa-demokratikong rebolusyong bayan at sa mga aktibistang kasapi ng Anak ng Bayan sa kanilang itim na propaganda laban sa NPA. Isang paglabag sa demokratikong karapatang pantao ang pwersahang paggamit sa mga aktibistang ito para magkalat ng lason sa isip ng mamamayan laban sa NPA. Labag sa karapatan pantao ang ginagawang pagbibinbin sa kanila sa loob ng halos anim na buwan at gamitin sa kanilang mga isinasagawang operasyon laban sa mga kagawad ng AMC.

Ang ganitong paglabag sa karapatang pantao ng mga aktibistang kasapi ng Anak ng Bayan, sa anyo ng ilegal na pag-aresto at pagbibinbin sa kanila at ang huling pagpaslang ng mga pwersa ng 1st IBPA, kina Clemente Calatrava at Alberto Velena, habang nagtetreasure sa Brgy. Calminwey Settlement sa Cavinti, Laguna ay mga patunay sa sagad sa butong paglabag sa demokratikong karapatan ng mamamayan sa ngalan ng kanilang imbing pakanang sirain ang NPA sa sambayanan. Ang huling pinaslang ay pinalitaw ng mga militar na mga NPA, na sa totoo'y mga biktima ng desperasyon ng mga kagawad ng 1st IBPA, makaraan na mabigo silang malipol ang mga pwersa ng Nilo Jatol Command at sa halip ay sila pa ang namatayan sa kanilang ginawang pag-atake sa nakahimpil na pwersa ng Nilo Jatol Command. Ang mga nagtetreasure na pawang sibilyan ay lehitimong residente ng Sariaya at may mabuting pagkatao, ang kawawang napagbalingan ng pikon na kagawad ng 1st IBPA na natalo sa labanan sa mga pwersa ng NJC.

Ang mga malisyosong pahayag ng SOLCOM ay hindi lamang naglalayong maghasik ng itim na propaganda laban sa NPA. Ito ay hakbangin ng AFP upang bumawi sa kanilang patuloy na nawawasak na kredibilidad sa publiko sa kanilang mga pagkatalo sa labanan at pagkapahiyang bunga ng mga kabulukan at korupsyon sa AFP. Ito ay pagtatakip sa kanilang mga pang-aabuso sa karapatan ng mga sibilyan na walang tuwirang kaugnayan sa mga NPA at biktima ng kanilang mersenaryong katangian.

Nananawagan ang Apolonio Mendoza Command sa pamilya ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao, na kundenahin at ipaghabla ang SOLCOM bilang pangunahing promotor ng lansakang paglabag sa karapatang pantao nina Ruel Adornado at Oliver Ostunal. Gayundin sa mga pamilya nina Adonis Mendoza, Bienvenido Cultivo, Clemente Calatrava at Alberto Vellena sa paggamit ng SOLCOM sa bangkay ng kanilang kapamilya para lamang maghasik ng mga kasinungalingan at itim na propaganda laban sa NPA at lalong higit sa walang habas na pagpatay sa sibilyan bilang ganting aksyon sa pagkamatay ng kanilang mga kasamang militar sa mga tagumpay ng NPA sa labanan.

Ilantad ang kasinungalingan ng SOLCOM!
Pagbayarin ang mga palalong militar!
Labanan ang walang habas na paglabag sa karapatang tao ng mga sibilyan!



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.