Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Sa matagumpay na pagdedepensa ng AMC, 6 na kagawad ng 76th IB at 416th PPMG napaslang

Setyembre 5, 2005

Anim na kagawad ng AFP-PNP ang nasawi sa matagumpay na pagdedepensa ng isang yunit ng BHB sa probinsiya ng Quezon. Mahusay na nagamit ng BHB ang elemento ng sorpresa laban sa sumasalakay na kaaway at pinatikim ng matinding bigwas ang pinagsanib na pwersa ng 76th Infantry Battalion at 416th Police Provincial Mobile Group na nag-ooperasyon sa kulumpon ng mga baryo sa hangganan ng mga bayan ng Lopez at Macalelon.

Lingid sa kaalaman ng mga nag-ooperasyong tropa ng AFP at PNP, matamang sinusubaybayan ng isang nakahimpil na yunit ng Apolonio Mendoza Command (AMC) ang bawat kilos ng mga tropa ng AFP at PNP sa lugar. Mula pa man sa pagpasok ng isang platun ng magkakumbinang tropa ng 76th IB at 416th PPMG noong Agosto 18, mahusay na namonitor ng BHB ang bawat galaw ng mga yunit ng reaksyunaryong gobyerno. Sa katunayan, sa araw na naganap ang labanan, subaybay ng BHB na umabot na sa tatlong seksyon (katumbas ng isang maliit na kumpanya) ng AFP at PNP ang nag-ooperasyon sa lugar.

Gayunpaman, hindi kumalas ang nakahimpil na yunit ng AMC sa Brgy. Villa Nacaob, Lopez at bagkus naghintay ng pagkakataon upang madurog ang isa sa mga nahihiwalay na yunit ng kaaway sakaling mapadaan ang mga ito malapit sa hinihimpilan.

Bago sumapit ang alas-11 ng umaga noong Agosto 23, nagpahinga ang may 24 na kagawad ng mobile force at militar sa isang bahay na di lalayo sa 300 metro mula sa puwesto ng isa sa mga iskwad ng nakahimpil na yunit ng AMC. Tahimik na pumakat ang mga pulang mandirigma habang maingay na kumain ng nakaw na murang niyog at nananghalian ang mga kampanteng kaaway.

Labinlimang minuto bago sumapit ang ikalawa ng hapon, kampanteng naglakad ang mga militar at pulis patungo sa mismong pinapakatan ng naturang iskwad ng BHB. Nang malapit na ang mga kaaway, kagyat silang pinaputukan ng mga pulang mandirigma. Kagyat ding sumuporta ang dalawa pang iskwad ng nakahimpil na yunit ng AMC sa iskwad na napapalaban. Dahil dito, nakontrol ng BHB ang mga susing tereyn at naikonsentra ang lakas pamutok laban sa nahihiwalay na isang seksyon ng kaaway.

Dahil sa pagkasorpresa, pagkadaig sa maniobra, pagkasukol sa di paborableng tereyn, unti-unting nagdisintegra ang hanay ng mobile force at militar. Napatay ang ilan sa mga ito, maraming iba pa ang nasugatan at ang karamihan ay tumalilis.

Tumagal nang halos dalawang oras ang labanan. Sa labis na takot, hindi na nagawang makasuporta ang dalawa pang seksyon ng mobile force at militar sa kasamahan nilang napapalaban. Matapos ang labanan, maayos na nakakalas ang mga pulang mandirigma. Di na umabot sa labanan ang nagreinpors na dalawang MG520 at dalawang Huey helikopter.

Batay sa ulat ng mga mamamayan sa lugar, anim na militar at pulis ang napatay at maraming iba pa ang nasugatan. Mayroon ding tatlong militar o kagawad ng mobile force ang tumalilis sa labanan, naghubad ng kanilang uniporme, iniwan ang kanilang armas at halos isang oras na nagtatakbo patungo sa kalsada. Sa kabilang banda, dalawang pulang mandirigma ang di malubhang nasugatan.

Ikinatuwa ng mamamayan sa lugar ang pangyayari dahil sa mahabang listahan ng paglabag sa karapatang pantao partikular ng 76th IB. Sa katunayan, nito lamang ika-5 ng Agosto, iligal na hinalughog ng mga kagawad ng naturang batalyon ang bahay ng mag-asawang Arnel at Evelyn Palmero ng Brgy. Vista Hermoza, Macalelon. Iligal din nilang sinamsam ang titulo ng niyugan, kasulatan hinggil sa pag-aari ng isang kabayo at P7000 ng mag-asawa.

Nito namang Agosto 18, iligal na hinalughog ng mga kagawad ng 76th IB ang bahay ng pamilya ni Danilo Rodriguez ng Brgy. San Jose, Macalelon.


Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.