Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

76th Infantry Battalion muling binigwasan ng Apolonio Mendoza Command: Pahayag ng mga militar sa midya mariing pinabulaanan ng AMC

Setyembre 14, 2005

Tatlong kagawad ng Reengineered Special Operations Team (RSOT) ng 76th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army ang nasawi sa isang panghaharas na isinagawa ng isang yunit sa ilalim ng Apolonio Mendoza Command (AMC)-Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Quezon. Naganap ito sa Brgy. San Pedro, Lopez, Quezon nitong ika-11 ng Setyembre.

Inilunsad ang panghaharas upang parusahan ang naturang yunit ng Philippine Army sa kanilang walang awang pagpaslang kay Emmanuel Eseo, residente ng naturang barangay. Pinaslang ng mga militar si Eseo bandang 10:30 ng umaga ng Setyembre 11. Batay sa pahayag ng mga militar sa Sangguniang Barangay ng San Pedro, napatay si Eseo dahil pinagbabaril niya ng de bumbang air gun ang mga militar at diumano'y gumanti lamang ng putok ang mga militar.

Subalit batay sa mamamayan ng Sen Pedro, si Eseo, may asawa at limang anak, ay ilang taon nang manggagawa sa Las Pi�as, Muntinlupa, Metro Manila kung saan siya'y nagkasakit sa baga at malimit na makaramdam ng sakit ng ulo. Nitong Agosto 27, nagpasya siya at ang kanyang pamilya na umuwi nang muli sa Brgy. San Pedro upang doon na magpagaling ng kanyang dinaramdam na sakit at muling manirahan sa piling ng mga kamag-anakan.

Ayon pa sa mga mamamayan sa lugar, si Eseo, may dalang de bumbang air gun, at dalawa pang kababaryo ay naglalakad malapit sa bahay-nayon ng Brgy. San Pedro nang sila'y sitahin ng mga militar na nakahimpil doon. Subalit dahil sa di inaasahan nina Eseo at mga kasamahan na mayroong militar sa lugar, kagyat na tumakbo papalayo ang dalawa niyang kasamahan nang dahil sa pagkagulat. Nang akto ring tatakbo si Eseo, karakaraka'y binaril siya ng mga militar na di man lang nagsagawa ng warning shot bago namaril. Tinamaan kaagad si Eseo sa ulo at sa dibdib na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Matapos makarating sa isang yunit sa ilalim ng AMC na kumikilos sa lugar ang pagpaslang ng mga militar kay Eseo, mabilis silang nagplano at lumarga upang parusahan ang naturang RSOT ng 76th IB.

Bandang 6:30 ng gabi, pinaulanan ng mga pulang mandirigma ng bala ng kanilang tangang riple at M203 ang mga militar na nakahimpil sa malapit sa bahay-nayon ng Brgy San Pedro. Sa unang bugso pa lamang ng putukan, ilang militar ang kagyat na tinamaan. Bahag ang butot na nangalat at nagtakbuhan ang iba pang militar sa harap ng nagbabagang punglo ng hustisya ng hukbong bayan. May ilan lamang na militar ang nanatili sa kanilang pormasyon subalit di rin epektibong nakapamutok. Tumagal nang halos tatlumpung minuto ang panghaharas ng pito kataong yunit na pinakawalan ng AMC laban sa humigit-kumulang 24 na militar. Dahil sa mahusay na suporta mula sa mamamayan sa lugar, mataas na diwang palaban at sa pagkontrol sa paborableng tereyn, matagumpay na naharas ng mga kagawad ng AMC ang higit na nakararami subalit hiwalay sa masa at mababa ang moral na tropa ng rehimeng US-Arroyo.

Ayon pa rin sa mga mamamayan sa lugar, sinikap ilihim ng mga militar ang kanilang paghahakot sa tatlong napaslang at ilan pang sugatan sa kanilang hanay.

At upang pagtakpan ang kanilang paglabag sa karapatang pantao at pagkabigo sa labanan, naghabi ng gawa-gawang kwento ang mga upisyal ng 76th IB. Ipinakalat nila sa lugar at naglabas pa sila ng malayo sa katotohang Pahayag sa Midya na diumano'y nagkaroon ng labanan noong ika-12 ng Septyembre bandang 10:30 ng umaga sa Brgy San Pedro, Lopez, Quezon. Ayon pa sa mga militar, isang kagawad diumano ng BHB ang napaslang sa labanang ito at pito ang nasugatan.

Bago pa ito, matatandaang anim na kagawad ng pinagsanib na 76th IB at 416th Police Provincial Mobile Group ang napaslang sa isang matagumpay na pagdedepensa ng isang platun ng Apolonio Mendoza Command. Naganap ang labanang ito sa Brgy. Villa Nacaob, Lopez, Quezon noong Agosto 23.

Makaaasa ang mamamayan ng Quezon na magtutuluy-tuloy ang paglulunsad ng AMC ng mga taktikal na opensiba upang parusahan ang mga pinakapusakal na yunit ng AFP sa probinsya. Nagsisilbi ring tugon ang opensibang ito sa panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas na bigwasan ang mga tropa ng tuta, peke, magnanakaw at kapit-tukong rehimeng Arroyo. Higit pang dadalas at titindi ang mga taktikal na opensiba ng AMC habang hindi pinakikinggan ni Arroyo ang mariing kahilingan ng nakararaming mamamayan ng Quezon at ng buong sambayanan na bumaba na si Arroyo sa pwesto.


Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.