Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
Read media release   

Hinggil sa dalawang taktikal na opensiba sa Isabela noong Disyembre 16

Delio Baladon
Tagapagsalita
Benito Tesorio Command
NPA Southern Cagayan Valley


Dalawang magkasunod na taktikal na opensiba ang inilunsad ng mga operatiba ng Benito Tesorio Command ng NPA sa Jones, Isabela noong Disyembre 16. Nalipol sa mga aksyong militar na ito ang kabuuang 29 tropa ng 52nd Reconnaisance Company ng Philippine Army, kabilang ang isang tinyente.
Disyembre 15 nang ipinasa ng mga masa sa isang platun ng NPA ang pagpasok ng mga tropa ng kaaway sa mga baryo ng Jones. Inabangan nila ang isang 25-kataong yunit ng AFP para sana tambangan. Pero nagbase ang mga ito sa mga bahay ng masa sa sitio Diarao Surong, Brgy. Dicamay Dos at hindi na umalis doon.

Disyembre 16, ipinasyang magpapalarga na lamang ng tatlo-kataong snipers' team ng NPA para birahin ang mga kaaway na nakabase sa mga bahay sa Diarao Surong, habang ang kalakhang pwersa ng platun ay mag-aabang para sa malamang na reinforcement ng kaaway kapag nabira ang iba nilang tropa.

Napag-alaman ng snipers' team mula sa masa na nakabase sa tatlong bahay ang kalakhan ng mga kaaway, pero ang ilan ay nasa isang kamalig na walang tao at nag-iinuman at nagsusugal habang ang iba'y nakahiga sa duyan. Natatakpan ng tolda ang loob ng kamalig kaya di makita ang mga kaaway dito.

Pumusisyon ang snipers' team sa isang burol na 250 metro ang layo mula sa kamalig na kinaroroonan ng mga kaaway. Bandang 12:30pm nang lumabas ang isang sundalo para umihi. Matapos paputukan ang umiihing sundalo ay saka kinonsentrahan ng putok ng snipers' team ang loob ng kamalig. Apat ang namatay sa pag-isnayp at pagharass na ito, kabilang ang isang sarhento.

Nang marinig ang putukan sa Diarao Surong, kaagad na pumusisyon ang iba pang pwersa ng platun ng NPA sa hangganan ng Brgy. Santa Isabel at Brgy. Dicamay Dos sa di kalayuan. Doon nila hinintay ang pagbabalik ng snipers team at nag-abang sa malamang na reinforcement ng kaaway.

Di pa natatagalang nakabalik ang snipers team sa platun nang mateleskopyohan ng mga Pulang mandirigma ang pagdating ng mga tropa ng kaaway sa hangganang Sta. Isabel-Dicamay Dos. Ang ibang kaaway ay nasa may burol, nakaupo at naglalargabista. Maagap na nag-adjust ng pusisyon ang platun ng NPA para sa isang tambang.

Di naglao'y nakitang bumababa na ang mga kaaway mula sa burol, higit 60-kataong tropa ng 52nd Reconnaisance Company. Sa kabuuan, ang kalupaan ay malawak na rolling hills na walang kober kundi ilang maninipis na kumpol ng mga saging, ilang puno ng gmelina at ilang mumunting kamalig. Ang mga Pulang mandirigma ay nakakober lamang sa bunton ng mga lupa at manipis na kumpol ng mga saging; ang iba pa ay nakadapa sa manipis na damuhan. Sa buong maghapon ay tuluy-tuloy ang bagsak ng ulan, katulad sa nagdaan nang ilang araw.

Bandang alas dos ng hapon nang magsimula ang putukan. Kasama sa mga unang nabugsuhan ng putok at namatay ang CO ng natambangang tropa ng kaaway na si 2nd Lt. Reyes. Maraming kaaway agad ang nabuwal. Dahil kalbo ang kalupaan at di maaaring tumakbo paatras dahil matataas at madudulas ang mga burol na kailangan pang akyatin, isiniksik na lamang ng mga kaaway ang kanilang mga katawan sa likod ng ilang gmelina, sa maputik na lupa, o nagpatay-patayan. Di na organisado sa paglaban at wala nang kumand ang kaaway.

Marami pang kaaway ang nasawi mula sa pag-isnayp sa kanila ng mga Pulang mandirigma habang nakadapa, paminsan-minsang pumuputok din o nagpapatay-patayan. Nagtagal ang labanan hanggang 4pm. Bumabaklas na ang platun ng NPA mula sa kanilang pusisyon nang dumating ang reinforcement ng kaaway na nasasandatahan ng mga mortar at machine gun.

Nabilang ng mga masang nakakita sa paghahakot ng mga bangkay na umabot sa 25 kaaway ang nasawi. Matapos ang dalawang araw, may iba pang tropa ng kaaway ang hinahanap sa lugar at di pa natatagpuan.

Katulad ng dati, tinangkang pagtakpan ng kaaway ang tunay na mga pangyayari. Noong Disyembre 17, sinabi ni Captain George Domingo, ang tagapagsalita ng 502nd Brigade, na anim na kaaway ang namatay at apat pa ang nasugatan sa naganap na labanan ng Disyembre 16 sa Brgy Santa Isabel. Hindi niya binanggit ang naganap na labanan sa sitio Diarao Surong sa Dicamay Dos. Inamin din ng AFP na namatay dito ang isang Lt. Reyes.

Noong Disyembre 19 naman, sinasabi ni Capt. Soledad ng 502 Brigade na apat lamang ang KIA at 6 ang WIA ng AFP sa naganap na labanan sa sitio Diarao Surong. Sinabi niyang kasinungalinan ang pahayag ni Salvador del Pueblo ng NDF-CV na mahigit 20 ang namatay na kaaway sa dalawang labanan sa Jones noong Disyembre 16. Ang inamin lamang ni Soledad ay ang unang labanan pero itinago niya ang pangalawang mas malaking labanan.


Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.