Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
Read media release   

Sagot sa buladas ni Col. Atendido ng 502nd Brigade

Mayo 12, 2006
Press Statement, For immediate release
em>

Hindi kaya lumaki ang ilong ni Col. Atendido nang magsinungaling siya na wala daw kinalaman ang militar sa pagkakapaslang kina Gng. Elena Mendiola at G. Ricardo Balauag ng Echague, Isabela? Pero kahit anong pagmamaang-maangan ng Pinocchio ng 502 Brigade, hindi maitatago ang duguang kamay ng militar sa naganap na krimen.

Unang-una, itinuturo ng mga nakasaksi sa karumal-dumal na krimen sa Brgy. Garit Sur, Echague na namukhaan nila ang isa sa dalawang salarin bilang isang militar na nakabase sa kampo ng AFP sa Brgy. Soyung ng nasabing bayan.

Ikalawa, ang paggamit ng high-powered rifle (HPR) na katulad ng M14 at ang pagbaril sa mga biktima nang malapitan at sa harap ng mga saksi ay magagawa lamang ng mga militar. Tatlong grupo lamang sa Cagayan Valley ang naaarmasan ng M14: ang NPA, ilang pulitikong warlord, at ang AFP. Pero imposibleng gawin ng NPA ang nangyari kina Gng. Mendiola at G. Balauag na alam ng lahat bilang mga tapat na makabayan at demokrata. At wala ring pulitiko sa ngayon ang may motibo at interes na gawin ito sa dalawa, na kilala bilang mga palakaibigan sa malapad na hanay ng mga pwersang pampulitika. Ang klase ng pagpatay ay trademark na ng militar at walang pinag-iba sa klase ng pagpatay sa mga lider ng mga militanteng organisasyon sa Hacienda Luisita, Mindoro at iba pang lugar. Talagang tiniyak ng mga salarin na mamatay ang dalawa kaya ginamitan pa sila ng M14 kahit alam na di sila armado at walang badigard, isinagawa ang krimen nang malapitan at ginamitan ng maraming bala. Walang makakapaglakas-loob na gumala sa mga lugar sa tabing haywey na may dalang M14 maliban sa mga militar.

Ikatlo. May malinaw na motibo ang 502 Brigade sa pagpaslang sa dalawa, at may mahabang kasaysayan na ito ng panggigipit at harassment sa kanila. Noon pang 2001 ginigipit ng militar ang dalawa, mula nang maging myembro sila, at kinalauna'y naging tagapangulo si Gng. Mendiola, ng Bayan Muna�Echague chapter.

Noong Nobyembre 2001, nagpadala ng liham si Gng. Mendiola sa Bombo Radyo DZNC na kung saan inilantad niya ang ginawang pag-ransack ng mga tropa ng AFP sa kanilang bahay sa Brgy. Narra, Echague. Nasa kasagsagan noon ng malakihang operasyon ang 502 Brigade sa southern Isabela na binansagan nitong Oplan JESA.

Noong Marso 2002, sa gitna ng nagpapatuloy na operasyong tinaguriang Oplan JESA, dinukot at pinaslang ng mga armadong kalalakihan si G. Warlito Nagasao ng Brgy. Villa Campo, Echague. Si G. Nagasao ay isang malapit na kaibigan nina Gng. Mendiola at G. Balauag at organisador ng Bayan Muna. Pinatunayan ng mga nakalap na ebidensya na mga tropa ng 45 Infantry Battalion ang pumaslang kay G. Nagasao. Muling pinag-initan ng 502 Brigade si Gng. Mendiola dahil siya ang maagap at unang naglantad sa pagkakadukot ni G. Nagasao at tumukoy sa militar bilang pangunahing suspek sa krimen. Noong Mayo 2003, si Gng. Mendiola muli ang naglantad sa mass media sa ginawang surveillance ng mga intelligence agent ng militar sa mga nagpoprotestang magsasaka sa Community Center ng Echague upang igiit ang pagpapababa ng interes sa pautang.

Mayo 2003 rin nang ibrodkas ng Bombo Radyo DZNC ang talumpati ni Gng. Mendiola sa libing ni Engr, Jake Soriano ng Jones, Isabela, ang tagapangulo ng Jones chapter ng Bayan Muna. Sa nasabing talumpati, di-tuwiran niyang tinukoy at kinundena ang sabwatan ng militar at dinastyang Dy bilang may kagagawan sa pagkakapaslang kay Engr. Soriano.

Noong Oktubre 2003, pinangunahan ni Gng. Mendiola ang isang Fact-Finding Mission na inilunsad ng mga taong simbahan at iba pang propesyunal sa Brgy. Mabbayad, Echague upang siyasatin ang panunupil ng mga myembro ng Re-engineered Special Operations Team (RSOT) ng AFP sa mga magsasaka roon. Mula ikalawang hati ng 2005, nagrereklamo si Gng. Mendiola sa mga napapansing aali-aligid sa kanilang bahay na mga intelligence agent ng militar. Unang pinagtangkaang paslangin si Gng. Mendiola nitong Marso 10. Siya ang una sa Cagayan Valley na pinagtangkaang paslangin mula nang bumugso ang mga asasinasyong pulitikal laban sa mga lider ng ligal na kilusang progresibo. Buong tapang nitong inilantad sa mass media ang pangyayari.

Bagama't hindi kasing-militante at kasing-aktibo ni Gng. Mendiola, lubos na sinuportahan at pana-panahong nilahukan ni G. Balauag ang mga aktibidad ni Gng. Mendiola at iba pang mga nakikibakang mamamayan.

Pinaslang ang dalawa sa panahong ibayong umigting ang panunupil ng rehimeng Arroyo sa mga progresibong party-list at organisasyon. Habang nagwawala ang mga death squad ng AFP sa pagpaslang sa mga mamamayang kumikilos sa mapayapa at ligal na paraan, iwinawasiwas naman ng rehimen ang mga gawa-gawang kasong "rebelyon" laban sa mga kinatawan ng Konggresong myembro ng mga progresibong party-list. Nakikita ng pekeng presidenteng si Arroyo at mga militaristang alipures nito na ang ligal na progresibong kilusan ang isa sa mga pangunahing banta sa kanilang paghahari; kaya naman isa sila sa pangunahing pinagbubuntunan ng atake ng rehimen.

Pero kahit ilang Gng. Mendiola at G. Balauag pa ang pagbabarilin ng AFP nang walang kalaban-laban, at kahit ibalik muli ni Gloria Arroyo ang pasistang diktadurang kapareho ng kay Marcos, hindi nila maaapula ang lumalaking apoy ng pakikibaka ng mamamayan para patalsikin ang rehimeng Arroyo at kamtin ang pambansang kalayaan at demokrasya.

Delio Baladon
Tagpagsalita,
New People's Army-Benito Tesorio Command


Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.