Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
Read media release   

Sagot sa buladas nina Gloria Arroyo at Raul Gonzales

Mayo 14, 2006
Press Statement
Ang pag-atas ni Gloria Arroyo ng "imbestigasyon" sa naganap na pagpaslang kina Gng. Elena Mendiola at G. Ricardo Balauag ng Echague, Isabela ay hindi pa dahil sa "pagmamalasakit nito sa karapatang pantao." Ito ay tulak ng lumalawak na presyur sa buong bansa at pandaigdigang komunidad na lutasin ang mga kaso ng pagpaslang sa mga myembro ng mga ligal na progresibong organisasyon. Pero nabulgar kaagad ang kawalang katapatan ng rehimen na lutasin ang usaping ito nang agad na sinabi ni Raul Gonzales at iba pang tagaboka ni Arroyo na ang mas malamang na magiging resulta ng "imbestigasyon" ay palalabasing ang mga nasabing krimen ay hindi kagagawan ng militar, kundi bunga ng "nagaganap na purgahan sa loob ng kilusang komunista." Sa isasagawang moro-morong imbestigasyon, layunin lamang ng rehimen na palitawing inosente ang AFP sa harap ng lumalakas na opinyong publikong kumakastigo rito.

Bistado rin ang taktika ng rehimeng Arroyo na pahinain ang malawak na nagkakaisang prenteng anti-Arroyo sa pamamagitan ng pangunahing pagpilay sa ligal na progresibong kilusan na alam nitong may kakayahang magpakilos ng daan-daan libong mamamayan sa panahon ng pag-aalsang bayan na magpapatalsik dito. Pansinin ang magkasabay na mga pagpaslang ng mga death squad sa mga lider ng progresibong kilusan at pagpataw ng Department of Justice ng kasong rebelyon sa "Batasan 5" at kay Crispin Beltran.

Halos kasabay din ng nabigong pagpaslang kay Gng. Mendiola noong Marso 10 at ang tuluyang pagpaslang sa kanila nitong Mayo 10, rumatsada ang malakihan at matagalang operasyon ng AFP sa forest region ng Echague, Jones at San Guillermo. Inilunsad ang isang buwang combat operations na nilahukan ng humigit-kumulang 250 tropa ng AFP, at pagkatapos ay sumunod na ipinakat ang mga Re-engineered Special Operations Team (RSOT) ng AFP sa mga piling baryo ng Echague. Diniiinan ng mga combat operations at RSOT ang mga baryong may malakas na suporta sa Bayan Muna at iba pang progresibong samahan.

Hindi magkakahiwalay na pangyayari ang mga asasinasyong pulitikal at "opensiba sa korte" laban sa mga myembro ng ligal na progresibong kilusan at ang malawakang combat operations at RSOT ng AFP laban sa NPA at pinaghihinalaang baseng masa nito. Magkakarugtong na bahagi ang mga ito ng internal security plan ng rehimeng Arroyo na binansagang Oplan Bantay Laya (OBL).

Tinukoy na layunin ng OBL na pabagsakin hindi lamang ang CPP-NPA kundi pati ang pinaghihinalaan ng AFP na "pampulitikang imprastraktura" ng rebolusyon. Ang mga opisyal ng AFP ang maghuhusga, batay sa kanilang militaristang pag-iisip, kung sinu-sino at anu-ano ang maikakategoryang "pampulitikang imprastraktura" ng CPP-NPA. Kaya bawat mamamayan, kahit iyong may bahagya lamang kamulatang makabayan at demokratiko, ay maaari nang bansagang kasapi o simpatisador ng CPP-NPA, at maaari nang ipailalim sa pagmamanman at panggigipit ng AFP. Bago sila mapaslang, sina Gng. Mendiola at G. Balauag ay wala ni isang kaso ng rebelyon o anupamang kaugnay ng paglabag sa Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas. Nangangahulugan ito na walang maiharap na solidong pruweba laban sa kanila, sa kabila ng katotohanang ilang taon na silang minamatyagan ng mga intelligence agent ng AFP at pinaghihinalaang kunektado sa CPP-NPA.

Sa kabila nito, sinentensyahan at ginawaran sila ng mga hukom-tagalitis-berdugong nagkakanlong sa kampong Balabal ng parusang kamatayan�hindi batay sa matibay na ebidensya, kundi bunga ng haka-haka. Ito ang klase ng hustisya sa ilalim ng sistemang kontrolado ng mga heneral at ng pekeng presidenteng gustong maging pasistang diktador!

Mulat sina Gng. Mendiola at G. Balauag sa maraming depekto at di malutas-lutas na mga problema ng sistemang panlipunan ng bansa. Marami silang tinututulan, at hindi sila masyadong naniniwala na makakamit ang makabuluhang pagbabago sa pag-asam lamang sa reaksyunaryong burukrasya, dalawang tsamber ng konggreso, hukuman at pulisya at militar. Sa kabila nito, sinubukan pa rin nilang maghangad ng pagbabago sa paraang ligal at mapayapa, at hindi sila umalis sa ganitong balangkas kahit sa panahong alam na nilang nanganganib ang kanilang buhay.

Pero imbes na kilalanin ang mga kagaya nilang nananatili sa balangkas ng ligal na pagkilos, ipinagtulakan pa sila ng rehimeng Arroyo at AFP na lumayo sa umiiral na sistema, prinobokang lumapit sa paraang labas sa balangkas ng Konstitusyon ng Republika, at bandang huli�y ginamitan ng dahas upang sila�y mapatahimik.

Ano�ng gustong ituro ng estado sa mamamayan sa ganitong mga pagpaslang sa mga pwersang naghahangad ng pagbabago sa mapayapa at ligal na paraan? Nalimutan na siguro ng rehimeng Arroyo at AFP ang mga aral mula sa bumagsak na pasistang diktador na si Marcos: na sa pagtindi ng pasistang terorismo sa panahon ng paghaharing militar, saka rin kumapal ang hanay ng mga mamamayang nag-aarmas at tumatahak sa landas ng armadong rebolusyon.

Sa ganitong kaganapan, ang pasistang rehimeng Arroyo ang pinakamahusay na guro ng mamamayan sa negatibong paraan.

Delio Baladon
Tagpagsalita,
New People�s Army-Benito Tesorio Command



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.