Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
Read media release   

Moro-morong resulta ng moro-morong imbestigasyon

Hindi nakakagulat ang kinalabasang resulta ng panimulang "imbestigasyon" ng task force ng PNP sa mga kaso ng pagpaslang sa mga lider ng mga progresibong party-list. Tinukoy na ang NPA-Benito Tesorio Command sa unang pahayag nito na ang layunin lamang ng "imbestigasyon" ay ikubli ang papel ng AFP sa mga nasabing krimen.

Imbes na magdiin ang task force sa pagsisiyasat sa mga kaso ng pagpaslang sa mga progresibong lider, na siya namang layunin ng pagkakabuo nito at siyang pangunahing usapin ngayon, pinaghalu-halo nito ang iba't ibang mga kaso ng pagpatay at pagkamatay. Ito'y upang ilihis ang tunay na usapin�ang mga asasinasyong pulitikal sa mga progresibong lider�at iligtas ang utak at may kagagawan sa mga ito. Binanggit ng task force ang ilang kaso na military at para-militar ang may kagagawan, pero pinagbintangan din ang CPP-NPA na may kagagawan sa iba pa.

Ano't anuman, ang panimulang resulta ng "imbestigasyon" sa kabuuan ay sang-ayon sa mga buladas nina Raul Gonzales at iba pang tagaboka ni Gloria Arroyo na ang mga pagpaslang ay kagagawan diumano ng CPP-NPA na kasalukuyang "naglilinis" ng hanay nito.

Una, ang mga binabanggit ng rehimeng Arroyo na kampanyang anti-impiltrasyon sa loob ng CPP-NPA ay naganap higit 20 taon na ang nakararaan. Sa kilusang pagwawasto na inilunsad ng rebolusyonaryong kilusan noong 1992-1999, tinukoy ang mga ito bilang malaking pagkakamali. Ang mga pasimuno ng mga ito ay itiniwalag sa rebolusyonaryong kilusan at ang iba pang may pananagutan ay ginawaran ng karampatang aksyong pandisiplina. Kasabay ay nagsagawa ng puspusang pang-ideolohiyang edukasyon sa layuning hindi na maulit ang mga ito. Kaululang sabihin na nagpapatuloy ang mga kampanyang anti-impiltrasyon hanggang ngayon, o di kaya'y may panibago na namang kampanyang sumasaklaw sa buong bansa.

Ikalawa, nagbabanggit ang rehimeng Arroyo na may purgahan sa loob ng Partido, pero wala naman itong maiharap na kasalukuyang kaso ng mga indibidwal na kasapi ng Partido, NPA at NDF na "napurga." Ang mga "ebidensya" lamang nito ay nangyari 20 taon na ang nakararaan. Ang mga biktima ng pagpaslang ay mga mamamayang myembro ng party-list na kinikilala ng COMELEC at walang mga kaso ng anumang paglabag sa batas ng Republika ng Pilipinas. Kung ang tingin ng rehimeng Arroyo ay mga myembro ang mga ito ng CPP-NPA, bakit hindi sila makasu-kasuhan ng rebelyon o anupaman noong sila'y nabubuhay pa!

Ikatlo, ang mga biktima ng pagpaslang ay pawang mga pinuno sa iba't ibang antas ng organisasyon ng isang ligal na party-list. Kahit sinong organisasyon at partido, ligal man o lihim, reaksyunaryo man o rebolusyonaryo, ay hindi baliw na magsasagawa ng kampanyang paglipol sa higit 90 pinuno nito dahil ito ay mangangahulugan ng pagpugot ng ulo, pagparalisa ng katawan at pag-alis ng kakayahan nitong lumaban. Tanging iyong muhing-muhi sa organisasyong ito ang makakapagsagawa ng ganitong karumal-dumal na krimen.

Ikaapat, bakit hindi isinamang imbestigahan ang buong disenyo ng Oplan Bantay Laya (OBL), ang umiiral na internal security plan ng rehimeng Arroyo? Sang-ayon sa OBL, may direktiba ang liderato ng AFP na kung saan binigyan nito ng quota ang bawat command ng Army, sa pakikipagtulungan ng mga intelligence agency, ng lilikidahing personahe ng mga ligal na progresibong organisasyon. Batay ito sa layuning lumpuhin ang diumanong "pampulitikang imprastraktura" ng CPP-NPA, na kinabibilangan ng mga "legal fronts" nito.

Pero kahit ilang "resulta" pa ng "imbestigasyon" ang lutuhin at ihain ng rehimeng Arroyo at AFP upang itago ang kanilang duguang kamay, hindi nila matatabunan ang katotohanan. Maaari nilang patampukin sa mass media ang kanilang balikong propaganda; maaari silang makalusot sa husgado bunga ng diumanong "kasalatan" ng maihaharap na kongkretong ebidensya. Pero ang tunay na paglilitis, paghuhusga at pagsesentensya ay nagaganap sa puso, isipan at pagkilos ng bawat mamamayang nagmamahal sa hustisya, karapatang pantao, tunay na kalayaan at tunay na demokrasya.

Sa timog Isabela, nalitis, walang dudang napatunayang nagkasala, at sentensyado na ang AFP sa puso at isip ng mamamayan bilang salarin nina Gng. Mendiola at G. Balauag.

Delio Baladon
Tagpagsalita
New People's Army-Benito Tesorio Command


Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.