Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
Read media release   

Pahayag Hinggil Sa Tangkang Pagpaslang Kay Madonna Castillo Ng Echague, Isabela

Delio Baladon
Tagapagsalita
New People's Army-Benito Tesorio Command
Southern Isabela


Pamilyar nang eksena ang naganap na tangkang pagpaslang sa harap ng Isabela State University sa Echague nitong umaga ng Hulyo 20: isang opisyal ng ligal na progresibong organisasyon ang pinagbabaril ng dalawang armadong lalaking nakasakay ng motorsiklo. Si Madonna Castillo, opisyal ng Isabela chapter ng Anakpawis party-list, ay grabeng tinamaan sa tiyan at dalawang hita.

Kinumpirma ng pangyayari ang resulta ng isinagawang imbestigasyon ng isang Task Force na binuo ng National Democratic Front-Southern Isabela noong katatapos paslangin sina Elena Mendiola at Ricardo Balauag noong Mayo 10 sa Echague. Nagbunga ang imbestigasyon sa pagkakatukoy sa utak at mga nagsagawa ng pagpaslang sa dalawa, at sa proseso ng pagsisiyasat ay napag-alaman din na may iba pang mga target ng pagpaslang.
Kabilang sa mga nagbigay ng deposisyon at nakapanayam ng Task Force ang ilang myembro ng Philippine Army at PNP at kamag-anak ng opisyal militar na residente o nakadestino sa timog Isabela. Nagbigay sila ng mga impormasyon sa dahilang sila'y "nakukunsensya" o "hindi makasikmura" sa mga asasinasyon sa mga walang kalaban-labang sibilyan.

Napag-alaman sa imbestigasyon na kabilang si Madonna Castillo sa nasa lista ng mga opisyal ng mga party-list at organisasyon na target "inyutralisa" ng isang death squad ng militar na nag-oopereyt sa Fourth District ng Isabela at mga probinsya ng Quirino at Nueva Vizcaya. Maliban kina Mendiola, Balauag at Castillo, tatlo pang progresibong lider ang kasali sa hit list na ito, na ipininal ni Col. Rodrigo V. Quintilla, commanding officer ng 54 Infantry Battalion Philippine Army. Siya rin ang nag-atas sa aktwal na pagpapatupad nito.

Sa pagbubuo ng death squad, kinasapakat ni Col. Quintilla si Captain Joselito F. Vicente, ang pinuno ng Military Intelligence Company (MIC) na nakabase sa Brgy. Soyung, Echague, at si Sgt. Larry Echore ng Military Intelligence Group (MIG) na nakabase rin sa Echague. Hawak ng Intelligence Officer ng 54 IBPA ang mga misyon ng death squad, na binubuo ng humigit-kumulang siyam na katao.

Kabilang sa mga bumuo sa death squad ang ilang operatiba ng MIC at MIG, myembro ng Charlie Company ng 54 IBPA na nakabase sa Brgy. Narra, Echague at PNP. Ang iba sa kanila ay sharp shooter ng pistola at riple. Tukoy namin ang ibang mga myembro nitong residente ng timog Isabela.

Gaya ng alam na, buong bansa ang saklaw ng mga nakaririmarim na pagpaslang ng mga death squad sa mga aktibistang sumasalungat sa pekeng presidenteng si Gloria Arroyo. Sa katunayan, si Col. Quintilla at iba pang commanding officer ng mga batalyon ng Army sa hilagang Luzon ay inatasan ng commanding general ng Northern Luzon Command (NOLCOM).

Ang doktrina ng paggamit sa mga death squad--ang tinaguriang Benning Doctrine--ay nagmula mismo sa Fort Benning at kabilang sa oryentasyon ng mga US Special Forces. Isa sa mga malalang kaso ng pagsasakatuparan nito sa kasaysayan ay ang Operation Phoenix na inilunsad sa Vietnam, na kung saan mahigit ilampung libong sibilyan (na pinararatangan ng imperyalismong US bilang mga gerilya) ang pinaslang. Isinasama ang doktrinang ito sa oryentasyon ng Special Forces ng AFP at PNP sa Pilipinas kaugnay ng "kontra-insurhensya."

Itinutulak mismo mula sa Malacanang, partikular nina National Security Adviser Norberto Gonzalez at Executive Secretary Eduardo Ermita, at aprubado ng pekeng presidente, ang pagbubuo ng death squad at pamamaslang sa mga tinatawag nilang "open Left." Nagiging bahagi na ito ng Oplan Bantay Laya ng rehimen.

Nananawagan kami sa mga mamamayan at iba't ibang pwersang pampulitika na ilantad at aktibong labanan ang mga pampulitikang asasinasyon ng mga death squad ng huwad na presidente at diktador na si Arroyo. Hindi lamang ang mga kabilang ng "open Left" kundi buong oposisyon at buong hanay ng mamamayang hindi makasikmura sa paghahari ng rehimen ang target ng mga pagpaslang na ito. Kaya lahat ng mga demokratikong pwersa ay magkaisa upang singilin ang mga pasistang kriminal, bigyang katarungan ang kanilang mga biktima at kumilos upang mapatalsik na ang rehimeng Arroyo.###


Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.