Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
Read media release   

Paglilinaw sa naging responsibilidad ni Gregorio "Ka Roger" Rosal sa kahibangang "OPML" sa Timog Katagalugan noong 1988

Central Committee
Communist Party of the Philippines
Pebrero 05, 2003

Inilalabas ang pahayag na ito bilang pagtutuwid sa mga usapin tungkol sa diumanong partisipasyon at responsibilidad ng tagapagsalita ng PKP na si Gregorio "Ka Roger" Rosal sa OPML ("Operation Missing Link") na ipinangangalandakan nina Manuel Quiambao at Rodolfo Salas.

Sinabi kamakailan ni Manuel Quiambao na direktang sangkot at may tuwirang kriminal at personal na pananagutan si Ka Roger sa ginawang hibang na kampanyang anti-impiltrador sa Timog Katagalugan noong 1988. Ginamit ni Quiambao ang kanyang personal na karanasan bilang biktima ng OPML upang bigyang-kredibilidad ang kanyang inimbentong akusasyon na si Ka Roger ay responsable sa pagpatay sa diumano'y 66 na kadre at kasapi ng Partido at sa pagtortyur sa kanya mismo. Ayon naman kay Salas, si Ka Roger ang isa sa dalawang pangunahing nagpasimuno ng OPML. Nasa kulungan si Salas noong panahong iyon kaya wala siyang aktwal na kaalaman tungkol dito. Anupaman, ang mga sinasabing ito nina Quiambao at Salas ay pawang pinabubulaanan ng Komite Sentral.

Sa ginawang sariling pag-iimbestiga ng sentral na pamunuan ng Partido sa OPML, nabuo ang kongklusyon na ang ginawang bulag na pag-aresto, mga kaso ng tortyur at pagpatay sa mga kasamang pinaghihinalaang impiltrador ng kaaway ay isang malalang kahibangan at malaking kamalian. Kinundena ito ng sentro ng Partido bilang lansakang paglapastangan sa mga karapatan ng mga biktimang matutuwid na kadre at kasapi ng Partido at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, malubhang pangwawasak sa mga organisasyon ng Partido at hukbo at sa rebolusyonaryong baseng masa sa malawak na saklaw, at mabigat na paglabag sa mga prinsipyo, patakaran at mga pamamaraan ng Partido.

Si Ka Roger na nasa namumunong komite ng Partido sa Timog Katagalugan sa panahong iyon ay tumanggap ng mahigpit na babala dahil sa pagiging bahagi niya sa ilang minor na desisyon kaugnay ng OPML. Hanggang ngayon, patuloy pa rin niyang mapagkumbabang inaako ang pagwawasto, pagsasalaysay at pagpapaliwanag sa mga kasama at masa kaugnay ng pangyayari. Pero wala siyang mayor na responsabilidad sa OPML. Wala siyang bahagi sa mga mayor na desisyon at wala siyang naging mabigat na pagkakasangkot sa OPML. Wala siya sa Task Force Missing Link na binuo ng pangrehiyong pamunuan ng Partido sa Timog Katagalugan para ipatupad ang OPML; at sa kalakhan ng panahong inilulunsad iyon ay wala siya sa lugar. Taliwas sa sinasabi ni Quiambao, wala rin siyang direktang partisipasyon sa anumang pagpatay o pagtortyur sa kahit isang nabiktima ng OPML.

Nang makarating sa pamunuan ng PKP ang impormasyon tungkol sa OPML, agad nitong tinungo ang lugar kung saan iyon nagaganap, tinaya ang sitwasyon, agad na iniutos ang pagpapahinto rito, at binuo at pinamunuan ang isang komiteng kinabibilangan ng mga kagawad ng Komite Sentral para agad ring rebyuhin ito. Taliwas sa sinasabi ni Quiambao, wala siya sa nasabing komite.

Sa ginawang masusing pagrerebyu ng kaso ng lahat at bawat isang kaso, nabuo ang kongklusyon na walang solidong batayan sa ginawang paghinala at pag-aresto sa 55 kasama na pinagbintangang mga impiltrador ng kaaway. Lalong walang batayan ang pagpatay sa ilan sa kanila. Ang mga nakakulong ay pinalaya, tinulungan sa rehabilitasyon, hiningian ng pag-unawa at patawad nila at hinikayat na patuloy na mag-ambag sa rebolusyon.

Mula sa mga aral sa pangyayaring ito, binuo ng sentro ng Partido noong 1989 ang dokumentong Mga Alituntunin sa Pag-uusig at Paglilitis ng mga Pinaghihinalaang Espiya ng Kaaway. Naganap ang OPML sa panahong may tahasang mahigpit na patakaran laban sa paggamit ng tortyur. Gayunman, ang mga gabay at pagsasanay sa paniniktik na gawa ng "General Command" ng BHB sa pamumuno ni Romulo Kintanar ay nagkaroon ng masamang impluwensya sa mga kadre sa paniktik na namuno sa Task Force Missing Link. Nagpalaganap ang gabay at pagsasanay na ito ng mga baluktot na pananaw at mga di siyentipikong pamamaraan na pulot sa mga reaksyunaryo at burgis na manwal sa imbestigasyon at paniniktik, kabilang ang paggamit ng presyur at psywar. Matinding nakapanalasa ang mga ito dahil din sa mga pagkakamali at kapabayaan ng mga regular na namumunong komite ng Partido sa rehiyon.

Sa ika-10 Plenum ng Komite Sentral, idineklarang isang malubhang krimen laban sa Partido at rebolusyon ang paglapastangan at pagbiktima sa mga kadre at kasapi ng Partido at mga mandirigma ng BHB na naganap sa Kampanyang Ahos sa Mindanao at OPML sa Timog Katagalugan at tinakdaan ng karampatang mabigat na kaparusahan. Pinagtibay at higit pang pinahigpit ang mga tuntunin sa pagsisiyasat at paglilitis sa mga pinaghihinalaang espiya ng kaaway. Ibinukas din ang posibilidad ng amnestiya sa may mabibigat na pananagutan. Kaugnay nito, isinaalang-alang ang umiiral na mga sirkunstansya, laluna ang mga maling impluwensya at pananaw na napabayaang makabulag at makalito sa kanila. Binigay na kondisyon para rito ang puspusan nilang pagtutuwid, matapat na paghihingi ng patawad ng mga nabiktima, at ubos-kayang pagkukumpuni ng mga pinsala sa mga indibidwal, pamilya at organisasyon.

Ang mga kasamang nasakripisyo sa kampanyang ito ay itinuring na mga martir ng rebolusyon. Mapagkumbabang nilapitan ng Partido ang kanilang mga naiwan sa buhay upang magpuna sa sarili, ipaliwanag ang pangyayari at konteksto nito, humingi ng patawad at pag-unawa nila, gumawa ng ilang anyo ng pagbabayad-pinsala, at hikayatin ang patuloy pa ring pagtulong nila sa rebolusyon.

Ang mga kongklusyon at pagwawasto ng Partido ay tinanggap ng karamihan ng mga kasamang naging biktima ng OPML. Ibinalik sila sa kanilang mga katungkulan at responsibilidad. Ang iba sa kanila na hindi handang bumalik sa Partido ay piniling lumabas na lamang muna habang patuloy ang kanilang pagtulong sa rebolusyonaryong kilusan. Gayunman, may ilang gaya ni Eddie Borromeo na pumunta sa AFP at aktibong nagpagamit sa mga kampanya ng psywar at mga pananalakay militar laban sa rebolusyonaryong kilusan--hanggang sa kasangkapanin sila sa mga kriminal na aktibidad at iligpit din sa bandang huli ng mga handler nilang nasa AFP intelligence. Mayroon ding gaya ni Manuel Quiambao na bumalik sa pagtupad ng mga gawain sa kilusan pero hindi naglao'y nasangkot sa pagbabalak ng mga pakanang insureksyunista sa kalunsuran lingid sa kaalaman ng pamunuan ng Partido, bumaling pagkatapos sa populismo, ekonomismo at repormismo kasabay ng todong paglaban sa kilusang pagwawasto, nalulong sa burukratismong NGO at dumikit sa malalaking burukrata ng reaksyunaryong gobyerno, at ngayon ay walang patumangga sa paninira at pang-iintriga sa rebolusyonaryong kilusan.

Lahat ng mga namumunong kasamang nagkaroon ng indibidwal na responsabilidad sa kahibangan ng OPML ay napatawan ng iba't ibang bigat ng aksyong pandisiplina, hanggang sa pagtitiwalag sa Partido. Karamihan sa kanila ay lubusang umako ng kanilang mga pagkakamali, tumanggap ng mga aksyong pandisiplinang ipinataw sa kanila, ubos-kayang lumahok sa pag-aayos ng mga pinsala at nagwasto. Tinulungan sa rehabilitasyon ang lahat ng naimbwelto, gayundin ang iba pang nasangkot kahit walang gaaanong responsibilidad sa pangyayari. Ang tapat na mga kasamang responsable sa OPML ay nagpapatuloy ngayon sa pagkilos matapos na pagsilbihan ang mga aksyong pandisiplinang ipinataw sa kanila.

Isa sa pangunahing namuno sa kahibangang ito ay si Miel Laurenaria na noo'y kalihim ng Komiteng Rehiyon sa Timog Katagalugan. Tinanggal siya sa Komite Sentral at tinanggalan ng karapatang mamuno sa anumang antas. Bagamat pormal na pumailalim sa aksyong pandisiplina, hindi niya tunay na tinanggap ang kanyang mga pagkakamali at ang mga kongklusyon ng Partido. Patuloy niyang iginigiit na wasto ang OPML. Sa halip na magwasto, nilubos pa niya ang pagkakamali. Noong 1998, tuluyan na niyang itiniwalag ang sarili sa Partido nang sumama sa pangkating Bill-Olive-Magdangal upang pasimunuan ang tangkang panghahati sa rebolusyonaryong kilusan sa Central Luzon at buuin ang kontra-rebolusyonaryong bandidong grupong MLPP-RHB. Hindi nagtagal, nagkawatak-watak ang pangkatin at si Laurenaria ay sumanib sa pangkating Magdangal hanggang sa arestuhin ng AFP noong nagdaang taon alinsunod sa plano nitong mangalap ng mga bulaang testigo para iparatang kay Kasamang Jose Maria Sison ang OPML.

Kabilang sa may pinakamabibigat na kasalanan kaugnay ng Kampanyang Ahos at OPML ay mga pasimuno ng todong kampanyang anti-Partido at mga grupong lumaban sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at hindi lamang tumatangging magpuna at kumilala sa kanilang malulubhang pananagutan, kundi ngayo'y todo pang nangwawasak at nang-aatake sa Partido sa pamamagitan ng pagbubunton sa iba ng kanilang mga ginawa. Kabilang dito si Nathan Quimpo na hindi lamang isa sa mga utak at pangunahing tagapagpatupad kundi pinakamasugid pang promotor ng Kampanyang Ahos, si Ricardo Reyes na personal na nag-apruba sa Kampanyang Ahos, si Arturo Tabara na nagtulak at personal na lumahok sa pagtortyur at pag-abuso ng mga binihag sa Kabisayaan, at si Nilo de la Cruz na namuno sa kampanya ng panunugis sa Metro Manila at kasama ni Popoy Lagman na mahigpit na tumutol sa pagtutuwid ng sentral na pamunuan ng Partido. Ang pinakamasahol sa kanila ay tahasan na ngayong nakikipagtulungan at nagpapakasangkapan sa mersenaryo at papet na AFP at PNP.

Ang kahibangang OPML ay resulta, sa isang banda, ng napakaigting na buhay-at-kamatayang labanan sa pagitan ng mga galamay ng reaksyunaryong estado at armadong rebolusyon at, sa kabilang banda, ng malubhang suhetibismong nagbunga ng malulubhang paglihis, pagkakamali at pag-atras na bandang huli'y humantong sa labis na paghihinalang pinasahol pa ng mga maling pananaw at pamamaraan sa pagsisiyasat at pag-uusig. Ang lubusang pagwawasto sa mga ito ay siya mismong dahilan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto na sinimulan ng Partido noong 1992 at matagumpay na nakumpleto noong maagang bahagi ng 1999. Ang kilusang pagwawasto ay todong nilabanan ng mga katulad ni Manuel Quiambao. Hindi rin nakapagtatakang tumutol dito si Rodolfo Salas dahil tumatanggi siyang magpuna sa sarili at kumilala sa malulubhang pagkakamali at pagkukulang na naganap sa panahon ng kanyang pamumuno.

Maraming mga aral ang hinalaw ng Partido sa mga karanasan sa OPML, pati na sa katulad ng kahibangan ng Kampanyang Ahos sa Mindanao. Lubos na makabuluhan ang mga aral na ito laluna sa usapin ng pagkuha, pag-aaral at pagtitimbang ng mga ebidensya at testimonya, pagtitiyak sa pagpapatupad ng nararapat na proseso at paggalang sa mga karapatang-tao. Ang mga aral na ito ay ginagamit sa patuloy na pagpapahusay sa rebolusyonaryong sistemang panghustisya at itinuturing ng Partido na napakahalaga sa lahatang-panig na pagsusulong at pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan at pakikibaka.###



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.