Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
  

Pabilisin ang rebolusyonaryong pagsulong ng PKP para sa pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo nito

Mensahe ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas

Walang hanggan ang kagalakan natin sa pagdiriwang ng ika-39 na anibersaryo ng muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa teoretikong gabay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong (Maoismo) noong Disyembre 26, 1968. Mula noon, ang pinakamamahal nating Partido ay napanday sa apoy ng rebolusyonaryong pakikibaka at nakaipon ng maniningning na tagumpay sa pagganap nito bilang taliba ng proletaryado at sa pamumuno sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang paglaya at demokrasya laban sa imperyalismong US at lokal na mga nagsasamantalang uring malalaking kumprador at panginoong maylupa.

Pinakamataas na parangal ang iginagawad natin sa ating mga rebolusyonaryong martir at bayani para sa kanilang kataas-taasang sakripisyo at natatanging paglilingkod sa bayan. Nagpupugay tayo sa lahat ng kadre at kasapi ng Partido, mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa kanilang pagpupunyagi at mga sakripisyo sa rebolusyonaryong pakikibaka. Nagtamo tayo ng malalaking tagumpay dahil hindi tayo umatras sa harap ng matitinding hamon o ng mga kamalian at pagkukulang. Lumalakas tayo sa pag-igpaw sa mga peligro at kahirapan, sa pagpuna at pagpuna-sa-sarili at sa pagwawasto ng mga pagkakamali at kahinaan.

Sama-sama nating pinagtitibay muli ang ating kapasyahang isulong ang pambansa-demokratikong yugto ng rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Determinado tayong kumpletuhin ang yugtong ito sa pamamagitan ng pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika sa buong bansa upang maabot ang yugto ng sosyalistang rebolusyon at masimulan ang mahabang panahon ng transisyon patungong komunismo. Sa kagyat, nais nating paghandaan ang pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng Partido sa darating na taon sa pamamagitan ng pagpapabilis sa lahatang-panig na pagsusulong sa rebolusyonaryong pakikibaka ng proletaryado at ng buong bayan sa pamumuno ng Partido.
Ngawa nang ngawa ang mga imperyalista at mga lokal na reaksyunaryo na dapat nang itigil ng PKP at rebolusyonaryong kilusan ang pagsusulong ng armadong rebolusyon sa harap ng pagkakanulo ng mga modernong rebisyunista sa sosyalismo, ng sumunod ditong pagkalansag ng mga rebisyunistang rehimen, at lahat ng opensibang pang-ideolohiya, pampulitika, pang-ekonomya, pangkultura at militar ng mga imperyalista sa pangunguna ng US.

Tinatabunan nila ang katotohanang nananatiling matatag ang Partido sa paninindigang Marxista-Leninsta at anti-rebisyunista, nauunawaan at hinaharap nito ang kongkretong malakolonyal at malapyudal na kalagayan upang isulong ang bagong demokratikong rebolusyon, at ang mga opensiba ng imperyalismo at mga papet nito ay nagpapalala lamang sa mapang-api at mapagsamantalang kalagayan at nag-uudyok sa mamamayan na magsulong ng armadong pakikibaka at iba pang anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka. Nakakaligtaan ng mga kaaway ng rebolusyon ang katotohanang nadaig ng Partido at ng rebolusyonaryong kilusan ang lahat ng madudugong kampanyang panunupil na isinagawa ng pasistang rehimeng Marcos at ng sumunod na mga rehimeng nagkunwang demokratiko.
Panay ang pagyayabang ng rehimeng Arroyo, laluna ng huwad na presidente at mga nangunguna niyang alipures na militar, na kaya nilang durugin o estratehikong gapiin ang PKP, ang Bagong Hukbong Bayan at lahat ng rebolusyonaryong pwersa bago ang 2010. Sa halip, lumalakas at sumusulong ang mga rebolusyonaryong pwersa dahil sa papalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at lokal na naghaharing sistema, at sa kinamumuhiang mga patakaran ng rehimeng Arroyo ng pagtataksil sa bansa, makauring pagsasamantala, korapsyon at terorismo ng estado. Sa gitna ng lahat ng ito, ang tuluy-tuloy na paglago at pag-unlad ng mga rebolusyonaryong pwersa ay nililinang ng walang puknat na gawaing pangideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon ng Partido.

I. Krisis ng imperyalismo at paglaban ng mga mamamayan ng daigdig

Upang ilarawan ang kasalukuyang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, kailangang magsimula sa pagtukoy sa pangunahing pananagutan ng US sa krisis na ito. Ang US ang pangunahing responsable sa pagtutulak ng mga patakaran ng globalisasyong "neoliberal" at ng pandaigdigang gerang terorista. Layunin ng mga patakarang ito na lutasin ang krisis ng monopolyo kapitalismo, ngunit sa halip ay pinalalala at pinalalalim nito ang krisis.

Mula noong katapusan ng dekada 1970, ipinatupad ng US ang patakaran ng globalisasyong "neoliberal" para umano pangibabawan ang problema ng stagflation o ang sabayang pag-iral ng istagnasyon at implasyon at ang paglala ng isa bunga ng pagtatangkang lutasin ang kabila. Ang problemang ito'y sinasabing bunga ng malaking gastos ng gubyerno sa serbisyong panlipunan at sa mataas na antas ng pasahod. Kaya ang deklaradong kiling ng neoliberalismo ay kontrahin ang Keynesian na pakikialam ng estado sa anyo ng pamumuhunang publiko at pabweluhin ang "malayang pamilihan" nang minimal ang pakikialam ng Federal Bank sa pamamagitan ng regulasyon ng interes at suplay ng salapi.
Pangunahing diin ng neoliberalismo ang paggamit sa estado para liitan ang gastos sa serbisyong panlipunan at pasahod at hainan ang monopolyong burgesya ng malalaking kaltas sa buwis, mga kontratang militar, mga ari-ariang publiko, walang hanggang pautang, garantiya at subsidyo sa pamumuhunan at bigyan sila ng suportang pampulitika at militar sa pagsisikap nilang magpalawak at magkaroon ng mga mapagkukunan ng hilaw na materyales, pamilihan, mapaglalagakan ng puhunan at lahat ng tipo ng mga bentaheng monopolyo.

Sa ilalim ng "neoliberal" na islogan ng globalisasyon ng "malayang pamilihan," ang mga atrasadong bansa ay itinulak ng mga imperyalistang bansa sa pangunguna ng US na idenasyunalisa ang kanikanilang ekonomya. Sa gayo'y napabilis ng monopolyong burgesya ang konsentrasyon at sentralisasyon ng kapital sa kanilang mga kamay sa pamamagitan ng pagpiga ng supertubo at bayad-utang, liberalisasyon ng daloy ng kapital at kalakalan, pribatisasyon ng mga ari-ariang publiko at serbisyong panlipunan, at deregulasyong sumasagasa sa masang anakpawis, kababaihan, mga bata at kalikasan.

Upang mapababa ang pasahod sa kani-kanilang bansa, tinitibag ng US at ibang imperyalistang bansa ang mga karapatan ng mga manggagawa at umiiwas sila sa mga obligasyon sa mga lokal na manggagawa sa pamamagitan ng paglilipat ng mga pabrika sa ibang bansa (runaway shop) para sa pagmamanupaktura at malamanupaktura ng mga produktong pangkonsumo at paglilipat sa ibang bansa ng mga serbisyong takaw-trabaho (labor-intensive). Ang tunguhin ay panatilihin sa kani-kanilang bansa ang mga industriyang takaw-puhunan (capital-intensive) at malakas tumubo. Subalit ang pinatinding pagsasamantala sa uring manggagawa at aping mamamayan ay bumabansot sa pandaigdigang pamilihan at nagpapalala sa krisis ng sobrang produksyon.

Lugmok na ang tunay na ekonomya ng daigdig bunsod ng ilang ulit na krisis sa ekonomya at pinansya. Sa mahabang panahon, napakatingkad nito sa karamihan ng mga bansa sa mundo, at siya nang naging pangkalahatang takbo ng mga atrasadong bansa. Ngunit maging ang US, ang mga imperyalistang alyado nito at ilang bansang third world tulad ng China ay malaon na sanang lugmok kundi lamang sa malakihang pangungutang sa loob at labas ng bansa upang pasikarin ang paglago ng ekonomya gaano man katagibang. Ang depresyon ay naikukubli ng papataas na antas ng pandaigdigang utang na naipantatapal sa mga depisit sa badyet at kalakalan upang imantine ang daloy ng kalakalan at pamumuhunan pabor sa mga imperyalistang bansa at ilang bansa sa third world, at magpalutang ng abstraktong tantos ng pag-unlad na mas mataas kaysa tunay na ekonomya.

Ang US ang pinakaabusado sa pangungutang sa loob at labas ng bansa upang abonohan ang depisit sa badyet at kalakalan, lumikha ng ilusyon ng paglago at panatilihin ang sarili bilang pinakamalaking pamilihan ng mga kalakal na pangkonsumo sa buong mundo. Ang pambansang utang ng US ay sumirit mula US$5.7 trilyon noong 2001 tungong US$9.1 trilyon sa kasalukuyan. Ang mabilis na paglaki ng depisit sa badyet ay bunsod ng malalaking kaltas sa buwis, mga kontratang militar-industriyal at mga gastos sa gera sa Iraq at Afghanistan.

Umabot na sa taunang antas na US$800 bilyon ang depisit sa kalakan ng US. Pinalala pa ito ng pagluluwag sa pag-angkat ng produkto mula sa mga kaalyadong kapitalistang bansang industriyal at pagsamantala sa murang paggawa sa China, India at Southeast Asia. Walang rendang ginagasta ng US ang dolyares sa pag-angkat ng mga produktong pangkonsumo, kaya ang US na ang may pinakamalaking pagkakautang sa mundo. Sa sarili nilang antas, ang mga mamimimiling Amerikano ay itinutulak sa malakihang pangungutang para sa konsumo sa harap ng istagnasyon at pagbagsak ng industriya at empleyo sa US.

Noong panahon ng bulang high-tech mula 1995 hanggang 2000, nawalan ng regular na trabaho ang mga manggagawang Amerikano subalit bumawi sila sa mga trabahong partaym sa lumalawak na sektor serbisyo ng bansa. Marami-rami rin sa kanila ang nangutang para pumasok sa ispekulasyon sa stock market at pumayag na ipagamit sa mga kumpanya sa pamumuhunan ang kanilang mga pondong pampensyon sa gayong layunin. Matapos pumutok ang bulang high-tech noong 2001 hanggang 2005, itinulak ng monopolyong burgesya ng US ang bula sa pabahay sa pamamagitan ng pag-aalok ng mababang interes sa subprime mortgage o pautang sa pabahay na maliit o halos walang kolateral at pambubuyo sa mga maybahay na mangutang para sa konsumo batay sa pinalobong halaga ng kanilang mga bahay na nakagarantiya sa utang.

Binago ng mga bangko ng US ang pakete ng mga pautang sa pabahay at ibinenta ang mga iyon sa mga dayuhang bangko bilang mga sangkap ng tinaguriang structured investment vehicle, kaya naging pandaigdigan ang potensyal na saklaw ng pampinansyang krisis bunga ng di mabayarang utang.
Lumiliit ang pamilihang pangkonsumo ng US dahil sa krisis ng sobrang produksyon, ng krisis pampinansya bunsod ng labis na pambansang utang ng US, ng pagbulusok ng dolyar, ng pagguho ng pautang na may kolateral (mortgage meltdown) at ng pagtaas ng presyo ng enerhiya. Inaasahang magreresulta ito sa napakalubhang resesyon sa US at iba pang imperyalistang bansa sa darating na taon. Ang pagkitid ng pamilihang pangkonsumo ng US ay nagbubunsod ng biglaang pagliit ng mga order sa China, India, Southeast Asia at iba pang bansang lumilikha ng mga malamanupakturang mababa ang dagdag-halaga para sa mga imperyalistang bansa.

Ni kaunti'y hindi nakikinabang ang mga atrasadong bansa sa pagbaba ng halaga ng dolyar dahil wala naman silang makabuluhang alternatibong mapagkakakitaan ng dolyar. Dahil tali sa dolyar, lalong bulnerable sa pagbagsak ang halaga ng kanilang mga salapi. Ang kanilang mga reserbang dolyar, kung mayroon man, ay inutang din para ipang-angkat ng mga produktong pangkonsumo at ipambalanse sa kanilang current accounts. Mabilis din itong nauubos.

Malaking kabiguan ang pagtatangka ng rehimeng Bush na pasikarin ang ekonomya ng US sa pamamagitan ng pinag-ibayong produksyong militar at pangungutang. Limitado ang nililikhang empleyo ng produksyong militar na kinatatangian ng mamahaling mataas na teknolohiya. Kasabay nito, hindi na matanggap ng mamamayang Amerikano ang malaking sakripisyong kapalit ng produksyong pandigma at mga gerang agresyon sa anyo ng mga Amerikanong napapatay at salaping nagagasta sa kumunoy ng Iraq at Afghanistan. Ang badyet panggera ng US sa dalawang bansa ay umabot na sa mahigit $600 milyon at ang kabuuang nagasta sa Iraq pa lamang ay umabot na sa $1 trilyon, kung kapwa isasama sa kwenta ang gastos sa operasyon at mga kaugnay nito.

Sumasagad na ang dagdag pang dambuhalang pangungutang ng US. Ang tumataas na antas ng pambansang utang, bayad-utang at depisit ng US sa badyet at kalakalan ay lubhang nagpapaguho sa pandaigdigang kumpyansa sa dolyar at nagbubunsod ng pagbaba ng halaga nito. Tinatayang kakailanganing taasan ng US ang interes at bawasan nang di bababa sa $2 trilyon ang internasyunal na pautang upang pigilin ang pandaigdigang pagkawala ng kumpyansa sa dolyar.

Habang nag-iibayo ang pagtutol ng mamamayang Amerikano sa gerang agresyon sa Iraq at Afghanistan, patuloy naman ang malalaking korporasyon sa industriyang militar at langis sa paggigiit na ipagpatuloy ng US ang gera at sa pagmamaniobra para magtayo ang US ng mga permanenteng base militar sa Middle East at Central Asia.

Ang pananatili ng US sa Iraq at Afghanistan at pagwawaldas nito roon ng yamang-tao at rekursong materyal ay may malalim na negatibong epekto sa US, kapwa sa sariling bakuran at sa ibayong dagat. Pinalalala ng mga ito ang mga kontradiksyon sa lipunang US at sa mga kaalyado nitong imperyalista. Nakikita ng mga aping mamamayan at bansa ang pagkabatak at mga kahinaan ng US at nahihikayat silang makibaka para sa pambansa at panlipunang kalayaaan.

Sa US at iba pang bansang imperyalista, ginagamit ng monopolyong burgesya ang lahat ng klase ng maniobrang estratehiko at taktikal upang ilihis ang atensyon mula sa mga pinag-uugatan ng pagsasamantala at pang-aapi at upang supilin ang uring manggagawa, mga imigrante, kabataan at kababaihan. Nanunulsol at nagpapalaganap sila ng sobinismo, rasismo at pasismo upang pagwatak-watakin ang uring manggagawa at pagsabungin ang mamamayan sa mga imperyalistang bansa at ang mamamayan ng ibang bansa. Ginagamit nila ang masmidya at ang iba't ibang pang-aliw upang likhain ang ilusyon ng demokrasya at ilihis ang atensyon ng publiko sa pinakamahahalagang isyung panlipunan.

Ngunit ang uring manggagawa at mamamayan sa mga imperyalistang bansa ay nanlalaban sa monopolyong burgesya. Nagkaroon ng laganap na mga welgang manggagawa, mga rali at martsang protesta ng mga migrante at mga militanteng pagkilos sa lansangan ng kabataan sa iba't ibang bansang imperyalista. Gayunma'y puta-putaki pa ang mga ito, bagamat sa ilang pagkakataon sa ilang bansa ay malakas at malaganap ang pagsiklab ng galit ng mamamayan. Ipinakikita ng mga ito ang paborableng kundisyon para sa tuluy-tuloy na pag-unlad ng mga pwersang proletaryo at progresibo. Naipapasa pa ng mga imperyalistang kapangyarihan ang bigat ng krisis pangunahin sa mga aping mamamayan at bansa sa Asia, Africa at Latin America.

Nagkakaisa pa ang mga imperyalistang kapangyarihan sa pagsasamantala at pang-aapi sa proletaryado at mga mamamayan ng mundo, laluna sa third world. Sagana sila sa mekanismo upang pagtugma-tugmain ang kanilang mga interes laban sa komun nilang mga kalaban. Kabilang sa gayong mga mekanismo ang IMF, World Bank, WTO, ang UN at Security Council nito, mga panrehiyon at bilateral na kasunduan sa kalakalan, ang NATO at iba pang panrehiyon at bilateral na tratado at alyansang militar.

Napananatili ng US ang katayuan nito bilang nag-iisang superpower dahil sa taglay na kapangyarihan sa pinansya, teknolohiya at militar na di pa rin madaig ng alinman sa mga alyado nito. Sa kabila ng tuluy-tuloy na paghina ng dolyar, nananatili ito bilang salapi ng daigdig. Subalit may ilan nang butas ang paghahari nito dahil ang ilang bansang nagpoprodyus ng langis at iba pang bansang may malalaking hawak na dolyar at pinagkakautangan ng US ay nagsimula nang magbawas ng mga transaksyong ginagamitan ng dolyar.

Tuluy-tuloy na tumitindi ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan. Sumisikip na ang mundo para sa kumpetisyon at ribalan bunga ng lumaking bilang ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga nagnanais maging imperyalista. Sinasamantala ng US ang pusisyon nito bilang nag-iisang superpower at nagiging napakaagresibo at mapang-upat ito sa pagtutulak ng ultranasyunal na mga interes, na lalu't lalong ikinasasama ng loob ng mga alyado nito. Kasabay nito, inilalantad ng US ang sariling pagkabatak at mga kahinaan, na nagpapalakas sa loob ng ibang imperyalista na gumawa ng mga hakbang na bangga sa mga ginagawa ng US.

Sa mga magkakaalyadong imperyalista, kinaiinggitan ang US dahil sa dominasyon nito sa pandaigdigang sistemang pampinansya, mga mayor na pinagkukunan nito ng langis at iba pang likas na yaman, mga lagakan ng puhunan at mga pamilihan. Nagpamalas ng seryosong pagsalungat sa US ang France, Germany, Russia at China sa mga mayor na isyu at pusisyon kaugnay ng mga partikular na rehiyon sa mundo. Iba sa US ang naging tindig nila sa usapin ng pananalakay at pagsakop ng US sa Iraq at Afghanistan at sa kasalukuyang pagsolo ng US sa pakinabang sa gera.

Magkakaiba ang paninindigan ng mga imperyalistang bansa sa isyu ng Palestine, Lebanon, Syria, Iran at iba pang bansa sa Middle East. Kasama ang mga estado sa mga hangganan ng Central Asia, binuo ng Russia at China ang Shanghai Cooperation Organization (SCO) upang hadlangan ang pagpasok ng US sa Central Asia. Magkakaiba ang pusisyon ng mga imperyalistang bansa sa samutsaring isyu sa East Asia, South Asia, Africa at Latin America. Habang naglalao'y nahihirit at nayayanig ang relatibong balanse ng kapangyarihan sa hanay ng mga imperyalista. Habang abala ang US sa Iraq, nagpapatibay naman ng pusisyong pangekonomya at pampulitika ang ibang imperyalistang kapangyarihan sa ibang bahagi ng mundo.

Ang pangunahin pa ring kontradiksyon sa mundo ay ang kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga aping mamamayan at mga bansa. Pinakamalinaw itong makikita sa walang rendang pagsasamantala at pang-aapi ng mga imperyalista sa tulong ng kanilang mga papet na estado at makikita rin sa paglaban ng mamamayan sa pamamagitan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at iba pang anyo ng pakikibaka.

Ang pinakamayamang 20% ng populasyon ng mundo ay nasa mga imperyalistang bansa, at ang pinakamahirap na 20% ay nasa mga bansang third world. Ang kita ng pinakamayayaman ay 30 ulit na mas malaki kaysa kita ng pinakamahihirap noong 1960. Naging 74 na ulit iyong mas malaki noong 1995. Ngayon, ang di hamak na nakararaming mamamayan ay nabubuhay sa kulang sa dalawang dolyar kada araw at konsentrado sila sa third world. Noong 1973, ang utang ng third world ay US$130 bilyon lamang. Noong 1982, lumundag ito tungong US$612 bilyon. Noong 2006, umabot pa ito sa US$3.2 trilyon. Imperyalistang pandarambong ang nagbunsod ng mabilis na pagkakabaon sa kahirapan at pagkakautang ng mamamayan ng Asia, Africa at Latin America.

Ang armadong rebolusyonaryong pakikibaka, laluna sa anyo ng matagalang digmang bayan, ang pinakamahalagang sandata sa pagkakamit ng pambansang paglaya at demokrasya laban sa imperyalismo. Hinaharap nito ang sentral na usapin ng pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika at mapagpasyang pag-alpas sa saklot ng imperyalismo at pyudalismo. May mga bayang nagpupunyagi sa armadong rebolusyon katulad ng Colombia, Pilipinas, India, Tamil Eelam at Turkey. Sa Nepal, idineklara ng mga armadong rebolusyonaryo ang pagwawakas ng kanilang digmang bayan. Layunin nila ngayong agawin ang kapangyarihan sa pamamagitan ng parlamentaryong pakikibaka at popular na insureksyon. Kung mabibigo, inaasahang muli silang maglulunsad ng digmang bayan.

Ang anti-imperyalistang gawi ng ilang gubyerno ay bunsod ng paggigiit ng mamamayan ng pambansang paglaya at demokrasya. Sinikap noon ng gubyernong Iraq sa ilalim ni Saddam Hussein na makihanay sa ilang imperyalistang kapangyarihan laban sa US hanggang magpasya ang US na maglunsad ng gerang agresyon. Nangangahas ang gubyerno ng Venezuela sa ilalim ni Hugo Chavez na hamunin ang imperyalismong US upang makuha ang suporta ng mamamayan at makapagpatupad ng mga reporma. Tuluy-tuloy na iginigiit ng mga gubyerno ng China, Cuba at People's Democratic Republic of Korea ang pambansang kasarinlan at mga sosyalistang mithiin ng mamamayan upang labanan ang imperyalismong US.

Ang krisis na kalagayan ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay paborable para sa pagrerebolusyon laluna sa Asia, Africa at Latin America, kung saan kasalukuyang pinakamatingkad ang pangunahing kontradiksyon sa mundo. Armadong rebolusyon ang magiging pangunahing agos sa mundo bunsod ng pagtindi ng pangunahing kontradiksyon kaakibat ng pagtindi ng mga kontradiksyon sa mga imperyalistang bansa at sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan. Ang mga krisis ay di awtomatikong nangangahulugan ng pagsulong o pagtatagumpay ng rebolusyon. Obhetibong kundisyon ang mga iyon, na dapat samantalahin ng mga suhetibong rebolusyonaryong pwersa at mamamayan upang makapagpalakas sila at magapi ang kanilang kaaway.

II. Mabilis na nabubulok na naghaharing sistema sa ilalim ng rehimeng Arroyo

Nasa palagiang krisis ang malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema sa Pilipinas. Ito ay bulok sa kaibuturan at palaging mahina at mabuway dahil pinahihirapan ito ng tatlong masasamang pwersa ng dayuhang monopolyo kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukrata kapitalismo. Kaya bulnerable ito sa krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista.

Sa ilalim ng patakarang "neoliberal" na globalisasyon, ang naghaharing sistema ay lalong humina higit kailanman sa nakaraan sa larangan ng pulitika at ekonomya. Malaking kalokohan ang sinasabi ng rehimeng Arroyo na ang papet na republika ay matatag o ang ekonomya ng Pilipinas ay tuluy-tuloy na lumalago tungo sa katayuang "first world."

Pwersado ang papet na estado na iwaksi na ang lahat ng pakitang-taong pagpapatupad ng pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa. Kontra ito sa paggamit sa mga rekursong publiko at pag-engganyo sa mga negosyanteng Pilipino na lumahok sa pagpapaunlad ng pambansang industriya. Ang reporma sa lupa ay ginawa na lamang nitong tagibang na mga transaksyong komersyal sa pagitan ng mga panginoong maylupa at magsasaka at tahasang mga kumbersyong komersyal ng mga lupang sakahan at mga pananim. Ipinalit nito sa reporma sa lupa ang tinaguriang stock distribution option (pamamahagi ng sapi sa korporasyon sa halip na titulo ng lupa). Binago nito ang klasipikasyon ng mga lupa upang hindi masaklaw ng tinaguriang Comprehensive Agrarian Reform Program. Mas malaki ang ginagasta sa burukratikong operasyon ng Department of Agrarian Reform kaysa pagpapasa ng lupa sa mga magsasakang walang lupa.

Tinanggal ng papet na estado ang mga pambansang restriksyon sa dayuhang pamumuhunan. Kalakhan sa mga ito ay nasa larangan ng serbisyong pampinansya, kalakalan, turismo, malamanupakturang nakatuon sa eksport, mga plantasyon at pagmimina. Binaklas nito ang mga taripa at hinayaan nito ang mga kumpanyang multinasyunal na magtambak ng sobrang produktong agrikultural at manupaktura sa bansa. Dumausdos ang produksyong agrikultural para sa lokal na konsumo mula sa abereyds na 1,509 kilo/tao/taon noong 1979-81 tungong 1,100 kilo/tao/taon nitong 2000-02 kaya naging netong tagaangkat na lamang ng pagkain ang bansa. Makasampung ulit na lumaki ang pagsalig nito sa imported na pagkain sa taunang bulto ng import mula 1991-95 hanggang 2001-03. Mas maramihang ineeksport ang mga produktong agrikultural at mineral pero sa presyong mas mababa kaysa noon dahil sa sobrang suplay sa pandaigdigang pamilihan. Maliit ang netong kita sa pagrereeksport ng mga malamanupaktura mula sa industriya ng pag-aasembol at pagpapakete dahil kalakhan ng mga sangkap niyon ay imported at sobrang mahal.

Tuluy-tuloy na lumalaki ang depisit sa kalakalan taun-taon na nag-abereyds ng $8 bilyon mula 2001 hanggang 2006. Tuluy-tuloy na lumalaki ang gastos sa importasyong pinaaandar ng konsumo. Hindi mapunan ng kinikita sa eksport at remitans ng mga kontraktwal na manggagawa sa ibayong dagat ang gastos sa pag-iimport. Ang estado ay laging nauuwi sa dambuhalang mga depisit sa badyet na tinatangkang ibsan ng rehimeng Arroyo sa pamamagitan ng pagsingil ng mas malaking buwis sa mamamayan. Ang malaking gastos sa pagbabayad-utang at mga aktibidad ng burukrasya at militar at iba pang kontra-produktibong aktibidad ay humihigit na rin sa kakayanan ng estado na maningil ng buwis. Lumiit ang nasisingil sa adwana bunsod ng liberalisasyon ng kalakalan at katiwalian. Ang pangunahing tinatarget sa paniningil ng buwis ay ang masang anakpawis at mga panggitnang saray ng lipunan. Bumubulusok ito dahil sa lugmok na ekonomyang may mataas na tantos ng tunay na kawalan at kakulangan sa hanapbuhay.

Ngunit bawat taon, nalilikha ang ilusyon ng paglago ng ekonomya sa pamamagitan ng pangungutang sa loob at labas ng bansa at gayundin sa pag-akit ng dayuhang pamumuhunang portfolio sa pamilihan ng mga sapi at bono. Ang lumulubhang pandaigdigng krisis sa ekonomya at pinansyang nililikha ng mabilis na lumalaking pambansang utang ng US, ng mortgage meltdown at walang awat na gastos militar ng US ay tiyak na iipit sa pandaigdigang pautang para sa Pilipinas at babawas sa mga order para sa hilaw na materyales at mga malamanupakturang mababa ang dagdag-halaga bunsod ng nag-iibayong resesyon at pagkitid ng pamilihang pangkonsumo sa US. Ang kasalukuyang inabot ng panlabas na utang na mahigit $64 bilyon at ng depisit sa kalakalang panlabas ay inaasahang sumirit sa susunod na taon, na mangangahulugan ng malubhang krisis sa pinansya at matarik na pagbagsak ng halaga ng piso.

Mabilis na lumalala ang sosyo-ekonomikong krisis sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Tumataas ang tantos ng nagpapatung-patong na disempleyo. Binabarat nang husto ang kita ng masang anakpawis na manggagawa at magsasaka at maging ng panggitnang saray ng lipunan. Nagtataasan ang presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo bunga ng lumalaking gastos sa imported na kagamitan, langis at iba pang sangkap. Tumataas ang presyo ng mga batayang serbisyo tulad ng edukasyon, kalusugan, kuryente, tubig at sasakyan habang gumuguho ang imprastrukturang panlipunan at namamayani ang pagkakamal ng tubo. Nalulula ang malawak na masa sa presyur ng krisis at sa tumataas na tantos ng pagsasamantala. Nagluluwal ito ng panlipunang kaguluhan.

Ikinagagalit ng malawak na masa ng sambayanan ang pagpapabilis ng mga dayuhang monopolyong interes, matataas na upisyal ng gubyerno at malalaking kumprador at panginoong maylupa sa tantos ng pagsasamantala at pandarambong sa likas na kayamanan ng bansa. Lumaki nang 327% ang netong kita ng nangungunang 1,000 korporasyon mula 2001 hanggang 2005 at ang kanilang tubo ay lumaki nang 20% taun-taon.

Malawakan at malalim ang pagkasuklam ng sambayanang Pilipino sa pagpapakatuta ng rehimeng Arroyo sa US, Japan at iba pang kapangyarihang imperyalista, sa walang rendang katiwalian ng naghaharing pamilya Arroyo at mga kroni nito, sa bulaang pangangalandakan ng rehimen na ang Pilipinas ay umaangat na patungo sa katayuang "first world" habang lalo pa itong sumasahol bilang bansang third world, at sa malulupit na hakbang ng pulisya at militar para manupil ng mga welgang manggagawa, magpalayas ng mga magsasaka at pambansang minorya sa kanilang mga tahanan at sakahan, gipitin at puksain ang ligal na kilusang patriyotiko at demokratiko, at buwagin ang mga kilos protesta ng masang anakpawis at iba pang sektor ng lipunan.

Walumpung porsyento ng mamamayan o humigit-kumulang 65 milyong Pilipino ang nabubuhay sa katumbas sa piso ng kulang sa $2 kada araw. Nabubuhay sa malubhang kahirapan ang masang anakpawis na manggagawa at magsasaka. Pinaghahati-hatian ng 80% ng populasyon ang kalahati ng pambansang kita, habang 20% lamang ang nagtatamasa sa natitirang kalahati. Ang naghihirap na masa ang pinakamasidhing naghahangad ng rebolusyonaryong pagbabago. Gipit na gipit din ang petiburgesyang lunsod sa kalagayan ng lipunan at ekonomya at naaakit sila sa rebolusyonaryong adhikain.

Ang pinakamalaking parte ng kitang dolyar na sinasarili ng naghaharing sistema ay nagmumula sa mga kontraktwal na manggagawa sa ibayong dagat na ngayo'y nagpapadala sa Pilipinas ng kabuuang $15 bilyon taun-taon. Ngunit lubos silang nalulungkot sa katotohanang dahil sa masidhing pagsasamantala at pagkaatrasado ng kanilang bansa ay napipilitan silang maghanap ng trabaho sa ibayong dagat na mababa ang pasahod at nagkakait ng mga karapatang tinatamasa ng mga manggagawa ng bansang pinamamasukan. Ikinagagalit nila ang kalagayang dapat pa nilang iwan ang kanilang mga pamilya at sinisingil sila nang sobra ng reaksyunaryong gubyerno pero hindi naman sila binibigyan ng proteksyon at suporta sa ibang bansa.

Ang sosyo-ekonomikong krisis ay gumagatong sa pampulitikang krisis ng naghaharing sistema. Kumikitid ang puwang para sa pagbibigayan ng magkakatunggaling reaksyunaryo at lalong natatakam si Arroyo na solohin ang mga makukurakot sa gubyerno. Mas madaling nalalantad sa bayan ang walang rendang katiwalian ng rehimen. Agad na nakukundena ng mga progresibong pwersa at reaksyunaryong pwersang oposisyon ang rehimen. Maging sa loob ng rehimen, lumalaki ang banggaan ng mga mga interes sa negosyo at pulitika sa pagitan ng pinakamalalapit na kamag-anak at kroni ng huwad na presidente sa isang panig, at ilang alyado niya sa naghaharing koalisyon ng KAMPI, Lakas-NUCD at Nationalist People's Coalition sa kabilang panig.

Walang kapantay sa nakaraan ang pagpapaksyun-paksyon sa reaksyunaryong hukbo. Mayorya ng mga upisyal at kawal ay galit sa rehimeng Arroyo at sa mga upisyal na maka-Arroyo sa tuktok ng chain of command. Kumpyansa ang mga upisyal na kontra-Arroyo na mayorya ng mga upisyal ay handang mag-urong ng suporta sa rehimen at magbaling ng suporta sa isang konseho ng mga sibilyang lider oras na mabuo ang isang dambuhalang kilos masa laban sa rehimen.

Bagamat kapuri-puri ang pagkundena nila sa mga krimen ng rehimeng Arroyo, ang pag-takeover nina Trillanes sa Manila Peninsula Hotel noong Nobyembre 29 ay hindi nagsaalang-alang sa sigaw ng bayan para sa pagbabago alinsunod sa prinsipyo ng kataas-taasang katayuan ng sibilyan at sa kinakailangang serye ng mobilisasyong masa at pag-uurong ng suportang militar sa rehimen.
Ang rehimeng Arroyo ay nakahandang magpadanak ng dugo makapanatili lamang sa kapangyarihan. Kaya ang malawak na hanay ng mga pwersang oposisyon ay nararapat na maglunsad ng mga mobilisasyong masang makahahadlang sa paggamit ng rehimen ng armadong dahas, katulad nang pabagsakin sina Marcos at Estrada noong 1986 at 2001. Kailangan ding gumawa ng paraan ang mga kontra-Arroyong upisyal ng militar at pulisya kung paano paparalisahin ang maka-Arroyong chain of command at kakabigin ang mga karaniwang sundalo. Kabilang sa mga problemang kinakaharap ng lahat ng pwersang anti-Arroyo ang paguurong-sulong ng mga reaksyunaryong pwersang anti-Arroyo at ang lambat kontra-paniktik sa loob ng reaksyunaryong hukbo.

Ngunit kung sa kabila ng pagkamuhi ng mamamayan ay makapanatili pa rin sa poder ang rehimeng Arroyo hanggang 2010 dahil hindi pa ito kayang patalsikin ng malawak na ligal na nagkakaisang prente, hindi tatanggapin ng malawak na masa ng sambayanan ang posibilidad na magdusa sa ilalim ng mga rehimeng maghahalinhinan sa pamamagitan ng eleksyon at lalu't lalo silang sasalig sa digmang bayan para baguhin ang buong naghaharing sistema. Makikinabang kung gayon ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa pagkabigo ng malawak na ligal na nagkakaisang prente na mapatalsik ang rehimeng Arroyo.

Habang lumilitaw ang iba't ibang tunguhing anti-Arroyo sa loob ng reaksyunaryong hukbo sa kadahilanang patriyotiko, nagpapakasasa naman ang mga maka-Arroyong upisyal sa iba't ibang antas sa pagnanakaw sa pondo ng estado, pangungupit sa mga batayang suplay ng mga tropa at paglahok o pakikipagkutsaba sa mga sindikatong kriminal sa iligal na pagtotroso, ismagling, pasugal, pagbebenta ng iligal na droga, prostitusyon, bayarang pagpatay, pangungulimbat at kidnap for ransom. Sa kabuuan at sa esensya, ang reaksyunaryong hukbo ay isang mersenaryo at tiwaling establisimyento na nararapat wasakin ng armadong rebolusyon.

Pinanalasa ng rehimeng Arroyo ang Oplan Bantay Laya (OBL) 1 mula 2002 hanggang katapusan ng 2006 at ang OBL 2 mula nang pumasok ang 2007, at naghasik ito ng lansakan at sistematikong mga paglabag sa karapatang-tao upang tumalima sa pandaigdigang gerang terorista ng US at tumanggap ng ayudang militar at pang-ekonomya ng US, masiguro ang katapatan ng mga upisyal at kawal ng pwersang militar at pulis, sindakin at supilin kapwa ang mga rebolusyonaryong pwersa at ang ligal na oposisyon at tiyakin ang pananatili ng rehimen sa pulitika.

May dalawang sanga ang OBL. Ang isang sanga ay kinabibilangan ng mga militar na kampanyang panunupil sa pamamagitan ng pagkokonsentra ng mga pwersa sa ilang larangang gerilya at paggawa ng mga kahayupan para saktan at sa gayo'y takutin ang mamamayan at palayasin sila sa lupa para bigyang-daan ang mga plantasyon at mga kumpanya ng pagmimina. Ang isa pang sanga ay ang pagsasagawa ng mga ekstrahudisyal na pagpatay, pagdukot at pagtortyur sa mga di armadong aktibistang ligal kabilang ang mga lider manggagawa, magsasaka, maralitang lunsod, kabataan, kababaihan, mamamahayag, taong simbahan, abugado at tagapagtanggol ng karapatang-tao.

Nahihiwalay na ang rehimeng Arroyo sa Pilipinas at sa ibang bansa dahil sa mga kahayupang ginagawa ng mga pwersang militar at pulis laban sa daan-daanlibong mamamayan sa kanayunan at ekstrahudisyal na pagpatay at pagdukot sa mahigit isanlibong di armadong progresibong aktibistang ligal. Pero ipinagpipilitan pa rin ng rehimen na madudurog nito ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng pag-aalok ng tinaguriang amnestiya at pondo sa rehabilitasyon kasabay ng madudugong kampanya ng armadong panunupil. Alam na alam ng mamamayan na ang mga upisyal ng reaksyunaryong hukbo ay nag-iimbento ng mga listahan ng mga umano'y nagsisuko at ibinubulsa nila ang pera.

Ang sosyo-ekonomiko at pampulitikang krisis at ang pagpapakatuta, katiwalian, kasinungalingan at kalupitan ng rehimeng Arroyo ay gumalit lamang sa mamamayan at nag-uudyok sa kanila na labanan ang rehimen at magsagawa ng iba't ibang anyo ng pagtutol. Lantad na sa buong mundo ang mga krimen ng rehimeng Arroyo at nagpahayag na ang pinakarespetadong mga institusyon, partido, organisasyong masa at personahe ng internasyunal na pakikipagkaisa sa sambayanang Pilipino sa kanilang pakikibaka para sa pambansang kasarinlan, demokrasya, katarungang panlipunan at kapayapaan.

Sukdulan na ang pagkakahiwalay ng rehimeng Arroyo. Hinog na ito para patalsikin ng malawak na masa ng sambayanan at ng malawak na nagkakaisang prente ng mga pwersang anti-Arroyo. Pinakadesidido sa pagpapatalsik kay Arroyo ang mga patriyotiko at progresibong pwersa ng masang anakpawis at panggitnang saray ng lipunan dahil sila ang pangunahing dumaranas ng hirap sa kabuhayan, ekstrahudisyal na pagpatay, pagdukot at tortyur sa bilangguan. Ngunit nag-uurong-sulong ngayon ang mga reaksyunaryong partidong anti-Arroyo dahil ilan sa kanilang mga lider ay nagsisimula nang maghanda para sa eleksyong 2010. Magtagumpay man o hindi ang ligal na kilusang masa sa pagpapatalsik sa rehimeng Arroyo, nakaiipon ng lakas at karanasan ang mga ligal na demokratikong pwersa sa pagkilos para patalsikin ang rehimen.

Lumalakas at sumusulong ang armadong rebolusyonaryong kilusan ng sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng mga taktikal na opensiba at gawaing masa. Ito ang makikinabang sa patuloy na kabiguan ng malawak na ligal na nagkakaisang prente na patalsikin ang rehimeng Arroyo dahil sa malinaw na pag-uurong-sulong ng mga reaksyunaryong pwersang anti-Arroyo. Lalu't lalo itong nakikilala bilang pangunahing paraan para baguhin ang buong naghaharing sistema. Kaalinsabay, patuloy nitong ginaganyak ang mga progresibong pwersa ng ligal na demokratikong kilusan na magpunyagi sa pakikibaka. Hinihikayat nito ang mga aktibistang masa na lumahok sa digmang bayan. Higit sa lahat, nakapag-iipon ito ng kinakailangang armadong lakas para ibagsak ang buong naghaharing sistema sa bandang huli.

Nagpupunyagi ang Bangsamoro sa pakikibaka para sa pagpapasya sa sarili laban sa gubyernong Maynila. Maya't maya ay nababalitang papasok na sa "pinal na kasunduang pangkapayapaan" ang gubyerno at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF). Pero laging maagap na ipinapahayag ng mga lider ng MILF na nananatili silang mapagbantay sa katusuhan at panlilinlang ng gubyernong Maynila. Malinaw nilang sinasabi na hindi sila tatahak sa landas ng pagsuko na tinahak ng ilang susing lider ng Moro National Liberation Front (MNLF).

Patuloy na naninindigan ang ating Partido sa pagkilala at pagsuporta sa karapatan ng sambayanang Moro sa pambansang pagpapasya sa sarili at lubos na kontrol sa kanilang lupang ninuno. Minamantine natin ang alyansa sa mga rebolusyonaryong pwersa ng mamamayang Moro at hinihikayat natin silang magbantay laban sa mga maniobra ng US at iba pang kapangyarihang imperyalista para maglatag ng mga balwarteng pampulitika, pang-ekonomya at militar sa Mindanao kasabwat ang mapang-aping gubyernong Maynila.

Malabo ngayon ang posibilidad na magpatuloy ang pormal na paguusap ng gubyernong Maynila at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Pangunahing dahilan nito ang pananagutan ng rehimeng Arroyo sa 12 balakid sa usapan na inihanay ng NDFP at ang di nito pagpapakita ng intensyong alisin ang naturang mga balakid. Inuulit-ulit ng rehimen ang linyang dapat munang sumuko ang NDFP sa ngalan ng walang taning na tigil-putukan na nagsasaisantabi sa mga repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika na iginigiit ng bayan, at nagpapabwelo sa mga "lokalisadong usapang pangkapayapaan" na naglalayong pagwatak-watakin ang rebolusyonaryong kilusan at sa hungkag na alok ng amnestiya at pondo sa rehabilitasyon na naglalayong suhulan ang mga sumusuko at kalauna'y patayin sila.

Umaasa ang rehimeng Arroyo na madudurog o sukdulan nitong mapahihina ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa nalalabing mga taon hanggang 2010. Taliwas dito, ang armadong rebolusyonaryong kilusan ay higit na lalakas at lalagay sa katayuan para magdulot ng mga pamatay na bigwas sa inutil na rehimen sa gitna ng napakalubhang krisis ng naghaharing sistema.

Nasa sambayanang Pilipino ang lahat ng katwiran para isulong ang bagong-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Pinagdurusa sila sa pinag-ibayong pang-aapi at pagsasamantala. Obligado silang lumaban para sa kanilang mga pambansa at demokratikong karapatan at interes. Masasamantala nila ang krisis na kalagayan ng naghaharing sistema para magpundar ng rebolusyonaryong lakas at sumulong nang yugtu-yugto sa rebolusyonaryong pakikibaka.

III. Tuluy-tuloy na pagsulong ng mga rebolusyonaryong pwersa at kilusang masa

Patuloy na pinapangarap ng mga imperyalista at mga reaksyunaryong Pilipino ang pagkalansag ng PKP bunga ng ganap at hayagang pagpapanumbalik ng kapitalismo ng mga rehimeng pinagharian ng mga rebisyunista. Di nila pansin ang katotohanang itinatag ang Partido noong 1968 para mismo itaguyod ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, itakwil ang modernong rebisyunismong itinataguyod noon ng Communist Party of the Soviet Union, iwaksi ang suhetibismo at oportunismo ng Communist Party of the Philippine Islands (1930) at ng pinagsanib na Partido Komunista at Sosyalista (1938).

Nakaipon tayo ng rebolusyonaryong lakas at mayamang karanasan sa buhay-at-kamatayang pakikibaka sa labing-apat na taong pasistang diktadurang Marcos at sa sumunod na mga rehimeng nagkunwang demokratiko ngunit naging malupit sa pagtatangkang supilin ang demokratikong rebolusyong bayan. Nangangarap nang gising ang rehimeng Arroyo sa pagbabanta nitong durugin o estratehikong pahinain ang Partido at rebolusyonaryong kilusan bago sumapit ang 2010. Sinasamantala ng Partido ang papalalang krisis ng naghaharing sistema, ang lahatang-panig na pagkabangkarote ng rehimeng Arroyo, at ang naipong rebolusyonaryong lakas at karanasan ng sambayanan at lahat ng rebolusyonaryong pwersa.

Tumatalima ang partido sa Marxista-Leninista-Maoistang linya sa pilosopya, ekonomyang pampulitika, agham panlipunan, estratehiya at taktika ng pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon, pagpupundar ng sosyalismo at pagpapatuloy ng rebolusyon sa ilalim ng proletaryong diktadura. Nauunawaan sa pamamagitan ng linyang ito ang mga batas ng paggalaw ng kalikasan at lipunan at ang nakaraaan, kasalukuyan at darating na mga yugto ng pag-unlad ng lipunan.

Lahat ng kasapi ng Partido ay dapat magkaroon ng edukasyon sa mga saligang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa kongkretong paglalapat ng mga ito sa kasaysayan at kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas at ng sambayanang Pilipino. May tatlong antas ng edukasyong pam-Partido para sa lahat ng kasapi. Ito ang batayan, intermedya at abanteng kurso.

Bawat kasapi ng Partido ay dapat dumaan sa Batayang Kurso ng Partido (BKP). Naglalaman ito ng pag-aaral sa kasaysayan ng Pilipinas, mga saligang problema ng sambayanang Pilipino at ng demokratikong rebolusyong bayan, gayundin sa mga saligang prinsipyo ng materyalismong diyalektiko at istoriko, ekonomyang pampulitika ng kapitalismo at sosyalismo at rebolusyonaryong estratehiya at taktika. Ang BKP ay nagbibigay sa bawat kasapi ng Partido ng pundasyon para manatiling matatag sa rebolusyonaryong landas at para magpaunlad ng kamalayan at kakayahang magrebolusyon.

Ang intermedyang kurso ay naglalaman ng pagsusuri sa mga pangkalahatan at partikular na karanasan sa rebolusyong Pilipino nang inihahambing sa mga rebolusyonaryong karanasan sa ibang bansa sa patnubay ng mga turo ni Kasamang Mao Zedong. Hinihikayat ang mga kasapi ng Partido na suriin at lagumin ang karanasan ng kanilang mga yunit at organo, tukuyin ang mga mayor na kamalian at kahinaan sa ilang panahon at magpanukala ng mga hakbangin sa pagwawasto.

Ang abanteng kurso ay naglalaman ng pagbabasa at pag-aaral sa mga akda nina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao ukol sa materyalismong diyalektiko at istoriko, ekonomyang pampulitika ng kapitalismo at imperyalismo, sosyalistang rebolusyon at konstruksyon, kasaysayan ng internasyunal na kilusang komunista, estratehiya at taktika at teorya ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng proletaryong diktadura.

Sa bawat antas ng edukasyong teoretiko at pampulitika, natututo ang mga kadre at kasapi ng Partido kung paano isasanib ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kalagayan. Napatatalas nila ang pagsapol at paglalapat ng materyalistang diyalektika sa pagpapaunlad ng kanilang proletaryong rebolusyonaryong paninindigan, pananaw at pamamaraan. Ito ang esensya ng pagbubuo ng Partido sa ideolohiya.

Ang mga kadre at kasapi ng Partido ay nagiging matatag sa mga rebolusyonaryong prinsipyo, pleksible sa patakaran at epektibo sa gawa dahil sa gabay ng Marxismo-Leninsismo-Maoismo at sa mulat na paglalapat nito sa kongkretong kalagayan ng rebolusyong Pilipino. Ang Marxismo-Leninismo-Maoismo ay hindi lutang sa katotohanan, bagkus ay nanunuot doon at naghahayag sa mga batas ng paggalaw niyon sa pamamagitan ng paglalapat ng materyalistang diyalektika.

Hindi nadudurog at tuluy-tuloy na lumalaki ang Partido dahil paparaming kasapi ang nirerekrut at dumaraan sa edukasyong teoretiko at pampulitika. Ang tumatanggap ng gayong edukasyon ay naaarmasan ng kakayahang magsuri na nagpapatibay sa kanilang moral na paninindigan para sa makatarungang adhikain ng rebolusyong panlipunan.

Kumprehensibo at malalimang nakinabang ang mga kadre at kasapi ng Partido sa Una at Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Lubos nilang nauunawaan kung paano ipinagkanulo ng mga modernong rebisyunista ang sosyalismo, at kung paano ginamit ng mga imperyalista ang mga petiburges na tunguhing pang-ideolohiya para maglunsad ng anti-komunistang opensiba sa ideolohiya at iligaw ang masang anakpawis hinggil sa katangian at mga bunga ng monopolyo kapitalismo. Naiwaksi nila ang pananaw ng mga suhetibista na hindi na raw malakolonyal at malapyudal ang Pilipinas.

Ang Partido ay hindi simpleng kumikilos alinsunod sa anumang lutang na dogmatikong kaalaman o ng kathang-isip na hinaharap ng sosyalismo o komunismo. Nag-aaral at nagsusuri at kumikilos ito sa kongkretong malakolonyal at malapyudal na kalagayan na nang-aapi at nagsasamantala sa mamamayan. Batay dito, ipinatutupad nito ang pangkalahatang linyang pampulitika ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamumuno ng uring manggagawa upang labanan at gapiin ang paghaharing imperyalista at pyudal. Wala itong nilalaktawang yugto sa rebolusyong Pilipino. Nagsisikap itong ipagtagumpay ang yugto ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan bago nito maabot ang yugto ng sosyalistang rebolusyon.

Sa pagbubuo ng Partido sa pulitika, masinop na nagpupunyagi ang mga kadre at kasapi sa pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan, at kaugnay nito ay ginagamit nila ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ang pakikipagkakaisang prente bilang dalawang makapangyarihang sandata para pukawin, organisahin at pakilusin ang malawak na masa ng sambayanan laban sa mga imperyalista at mga lokal na nagsasamantalang uring kumprador at panginoong maylupa.

Kapwa sa ligal na demokratikong kilusan at sa armadong kilusang masa, ang Partido ay namumuno ngayon sa milyun-milyong mamamayan at kumikilos sa lahat ng rehiyon ng bansa, sa mahigit 70 sa 81 prubinsya at mahigit 800 lunsod at munisipalidad. Ang BHB ay kumikilos sa 120 hanggang 130 larangang gerilya sa absolutong pamumuno ng Partido. Ang pagbabagu-bago ng bilang ng mga larangang gerilya ay maaaring dulot ng konsolidayon at reorganisasyong isisnasagawa ng Partido at hukbong bayan o ng pansamantalang pag-angkop sa harap ng konsentradong atake ng mga pwersang kaway.

Ang reaksyunaryong hukbo ay nakapagkokonsentra lamang sa di hihigit sa 10% ng mga larangang gerilya at sa di hihigit sa 300 hanggang 600 sa mahigit 18,000 baryo sa mga larangang gerilya sa anumang takdang panahon. Nalilito sila sa pleksibleng taktika ng konsentrasyon, dispersal at pagpapalipat-lipat na ginagamit ng BHB. Napapagod na sila sa sariling OBL na umiiral mula pa noong 2002 at nadedemoralisa na sila.

Tumatalima ang Partido sa estratehikong linya ng digmang bayan sa pamamagitan ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan sa loob ng mahabang panahon para mag-ipon ng armadong lakas sa pamamagitan ng mga taktikal na opensiba sa yugto ng estratehikong depensiba at estratehikong pagkakapatas, hanggang kayanin nang agawin ang kalunsuran sa isang pambansang estratehikong opensiba. Sa pamamagitan ng digmang bayan, pinauunlad ng Partido ang saligang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka.

Pinagsasanib ng Partido ang armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng base. Naglulunsad ang BHB ng mga taktikal na opensiba sa panahon ng estratehikong depensiba upang manlipol ng mga yunit ng kaaway at samsamin ang kanilang mga armas. Kaya susulong ito mula maliit tungong malaki at mula mahina tungong malakas. Ipinatutupad nito ang minimum na programa ng reporma sa lupa at hakbang-hakbang na tumutuloy sa maksimum na programa ng pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal para tuparin ang rebolusyong agraryo. Kaya lumalahok sa armadong rebolusyon ang masang magsasaka.

Nagtatayo ng base ang Partido sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika gayundin ng isang sistema ng depensa na kinabibilangan ng mga pultaym na yunit ng BHB, mga yunit milisya at mga yunit pananggol. Kaya ang mga atrasadong baryo ay nagagawang mga balwarteng pampulitika, pang-ekonomya, militar at pangkultura ng rebolusyon at uunlad mula mga larangang gerilya tungong matatatag na baseng purok.

Ang isang larangang gerilya ay binubuo ng mga baseng gerilya at ilang sonang gerilya. Ang seguridad ng baseng gerilya ay pinangangalagaan ng relatibong tipon na platung gerilya ng punong himpilan. Dalawa pang platun ang nangangalaga naman sa mga sonang gerilya. Nakakalat sila sa mas malawak na saklaw kaysa platun ng punong himpilan na nagsisilbing sentro de grabidad para sa buong larangang gerilya. Maaari silang paghati-hatiin sa mga iskwad at tim para sa mas malawak na dispersal. Ang isang karaniwang larangang gerilya ay may kabuuang lakas na isang kumpanya.

Ang isang larangang gerilya ay may kakayahang maglunsad ng mga taktikal na opensiba sa antas tim, iskwad at platun. Pinanghahawakan ng mga pamprubinsya at panrehiyong kumand sa operasyon ng BHB ang inisyatiba at nagpapaunlad sila ng kakayahang magtipon ng mga pinalaking platun o mga kumpanya para maglunsad ng mga taktikal na opensiba at iba pang konsentradong operasyon. Ang dumaraming tagumpay ng mga platun, pinalaking platun at kumpanya ng BHB ay naghahawan ng daan para sa paglitaw ng matatatag na baseng purok, paglulubos sa estratehikong depensiba at pagsulong patungo sa estratehikong pagkakapatas.

Ang minimum na programa ng reporma sa lupa ay kinabibilangan ng pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapababa ng interes sa pautang, pagpapabuti ng presyo ng mga produkto ng magsasaka at pagpapalaki ng pang-agrikultura at iba pang produksyon sa pamamagitan ng mag-a-mag-anak o mga panimulang anyo ng kooperasyon. Nagpapatuloy ang minimum na programa dahil sa limitadong lakas ng larangang gerilya, laluna kung may malapit na konsentrasyon ng lakas militar ng kaaway.

Ngunit ang konsolidasyon at paglawak ng mga larangang gerilya o ang pagsasanib ng mga larangang gerilya tungong matatatag na baseng purok ay nakapagpapalaki sa posibilidad na maipatupad ng mga rebolusyonaryong pwersa ang maksimum na programang pagkumpiska ng lupa sa mga panginoong maylupa at libreng pamamahagi niyon sa mga magsasakang walang lupa.

Ang pagtatayo ng base ay kinapapalooban ng pagtatayo ng Pulang kapangyarihang pampulitika sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika at pagpupundar ng armadong lakas. Magagawa ito kapag lubos nang nalansag ng mga rebolusyonaryong pwersa ang organo ng kapangyarihang pampulitika ng kaaway, napalayas ang malalaking nagsasamantala at kontra-rebolusyonaryo at nadurog ang mga pumapasok na pwersa ng kaaway. Gayunman, kapag ang kaaway ay di hamak na mas malakas, ginagamit ng BHB ang taktika ng pag-iwas at pagmamasid upang tuklasin ang mga kahinaan ng kaaway, sa layuning birahin ang mahihinang bahagi nila.

Ginagamit ng Partido ang patakaran at mga taktika ng pakikipagkaisang prente upang pag-ibayuhin ang lakas ng mga rebolusyonaryong pwersa at dagdagan pa ito sa pamamagitan ng pagpapalawak sa nagkakaisang prente.

Ang istruktura ng nagkakaisang prente ng mga rebolusyonaryong pwersa ay kinabibilangan ng saligang alyansa ng manggagawa at magsasaka, progresibong alyansa ng masang anakpawis at petiburgesyang lunsod, at ng patriyotikong alyansa ng mga progresibong pwersa at ng panggitnang burgesya.

Ang malawak na nagkakaisang prente ay kinabibilangan ng pansamantalang pakikipag-alyansa sa mabubuway at di maaasahang alyado na karaniwa'y mula sa mga seksyon ng mga nagsasamantalang uri laban sa pinakamasahol na pwersang reaksyunaryo na pinakasunud-sunuran sa mga imperyalista. Ang Partido ay maaaring makibahagi sa isang malawak na pakikipagkaisang prente sa ilang pwersang reaksyunaryo upang ihiwalay nang todo at durugin ang pinakamasahol na pwersang reaksyunaryo sa pinakamaikling panahong kakayanin. Ang Partido at rebolusyonaryong kilusan ang pinakanakikinabang sa malawak na nagkakaisang prente sa pamamagitan ng pagkakaroon ng matibay at mabisang nagkakaisang prente ng mga rebolusyonaryong pwersa sa simula pa lamang.

Sa pakikipagkaisang prente sa mga reaksyunaryong pwersa, mapagbantay ang Partido sa anumang tendensya ng Kanang oportunismo at laban sa pagtatraydor ng reaksyunaryong kaalyado. Maingat din ang Partido sa panganib ng "Kaliwang" oportunismo sa pamamagitan ng pagtanggi sa pansamantalang pakikipag-alyansa sa mabubuway at di maaasahang alyado na makatutulong para higit na maabot ang malawak na masa ng sambayanan at ang ilang rekurso at pasilidad na kung hindi ay di natin magagamit.

Ang nagkakaisang prente ay isang mahalaga at di maisasaisantabing sandata para kabigin ang mas maraming mamamayan sa ligal na kilusang masa at sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Magiging gayon kaepektibo ang ligal na nagkakaisang prente kaya mapalalaki ng mga progresibong pwersa ang kanilang mga ligal na partido at organisasyong masa, magkakaroon sila ng malakas na impluwensyang pampulitika sa loob ng reaksyunaryong naghaharing sistema, mananalo sila sa mga eleksyon at makalalahok sa mapayapang pagpapatalsik sa pinakamasasahol na reaksyunaryo sa poder. Gayon na lamang ang tagumpay ng malawak na ligal na nagkakaisang prente kaya ang ilang tao ay natatangay ng pag-aakalang iyon na ang daan para makuha ng masa ang kapangyarihan. Ang pinakamahalaga sa Partido ay mapaunlad ang nagkakaisang prente para sa armadong pakikibaka at hindi lamang para sa ligal na pakikibaka.

Ang rebolusyonaryong patakaran at mga taktika sa pakikipagkaisang prente ay tuwiran at di-tuwirang nagsisilbi sa armadong pakikibaka. Madaling intindihin kung paano pinauunlad ng mga rebolusyonaryong pwersa ang nagkakaisang prente para sa armadong pakikibaka. Nakakawing ito sa pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng digmang bayan. Kailangang ipaliwanag na maging ang mga reaksyunaryo ay nakatutulong sa pagtatayo ng nagkakaisang prente para sa armadong pakikibaka kapag sumusunod sila sa mga batas ng gubyernong bayan, nagbabayad ng karampatang rebolusyonaryong buwis, nag-aambag ng mga rekurso kabilang ang mga armas, nakikipagtulungan sa armadong rebolusyonaryong kilusan, at sumusuporta sa mga proyektong sosyo-ekonomiko at sa mga pakikibaka para sa mga karapatan at repormang kapaki-pakinabang para sa mamamayan.

Sa pagsusulong ng ligal na pakikipagkaisang prente, hindi tinututulan ng Partido, bagkus ay hinihikayat pa nga nito, ang pagsasagawa ng mga patriyotiko at progresibong pwersa ng mga ligal na aktibidad, kabilang ang mga napapanahong protestang masa at pakikibakang elektoral. Aprubado mismo ng Partido ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP.

Ang naturang pakikipag-usap ay nangangahulugan ng pakikipag-alyansa at pagsisikap na magkaroon ng tigil-putukan upang bigyang-daan ang mga repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika. Sa pamamagitan ng naturang pakikipagnegosasyon, matutukoy ng Partido kung ang mga naghaharing reaksyunaryo ba o ang mga reaksyunaryong nasa oposisyon ang mas mainam na makaalyado para makapagsakatuparan ng ilang kinakailangang saligang reporma na makaeengganyo sa kilusang masa para sa pambansa at panlipunang kalayaan.

Ang prinsipyadong pusisyon at kondukta ng NDFP sa usapang pangkapayapaan ay nagsilbi para mapalaganap ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan at maitaas ang pambansa at internasyunal na katayuan at prestihiyo ng mga rebolusyonaryong pwersa. May kaugnayan man o wala sa usapang pangkapayapaan, nakapagsagawa rin ang NDFP ng epektibong gawaing proto-diplomatiko at diplomatiko, gayundin ng gawain sa internasyunal na pakikipagkaisa sa antas na labas sa gubyerno upang makatipon ng suportang moral at pampulitika para sa rebolusyong Pilipino gayundin para makapag-ambag sa pag-unlad ng internasyunal na kilusan laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon.

Nagsikap nang husto ang Partido para magpundar ng relasyon sa mga partidong Marxista-Leninista, Maoista at manggagawa sa diwa ng proletaryong internasyunalismo at sa mga partido ng mamamayan, mga kilusan sa pambansang pagpapalaya at mga organisasyong masa sa diwa ng anti-imperyalistang pagkakaisa at alinsunod sa patakaran nito sa internasyunal na pakikipagkaisang prente.

IV. Mapanlabang mga tungkulin para sa lahatang-panig na pagsulong

Dapat gawin ng mga kadre at kasapi ang lahat upang tupdin ang mga mapanlabang tungkulin ng mahal nating Partido at magkamit ng makabuluhang lahatang-panig na mga pagsulong sa rebolusyong Pilipino sa susunod na taon. Dapat nating tiyakin na lalo pang makapagpalakas ang Partido at umani ng mas maraming tagumpay bilang abanteng destakamento ng proletaryado na namumuno sa rebolusyong Pilipino at naglilingkod sa sambayanang Pilipino. Sa gayon, maipagdiriwang natin ang ika-40 anibersaryo ng Partido nang buong kagalakan at may higit na kapasyahan para lalo pang sumulong.

Sa ideolohiya, dapat nating patuloy na buuin ang Partido sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Dapat natin itong ilapat sa pag-aaral ng internasyunal at lokal na kalagayan, sa paglalagom at pagsusuri sa ating rebolusyonaryong karanasan, sa pagtatasa sa ating gawa at sa pagpuna at pagpuna-sa-sarili at sa pagtatakda ng mga tungkulin upang higit pang sumulong.

Dapat tayong magbantay laban sa suhetibismo, rebisyunismo at oportunismo at laban sa lahat ng petiburges na tendensyang antikomunista na itinataguyod ng mga imperyalista at mga lokal na reaksyunaryo upang iligaw ang mga rebolusyonaryo. Dapat nating itaas ang antas ng ating edukasyong teoretiko at pampulitika sa proseso ng mga pulong pag-aaral at mga pulong hinggil sa gawain ng mga yunit at organo gayundin sa mga pormal na kurso ng edukasyon pam-Partido.

Sa pulitika, dapat nating buuin ang Partido sa pamamagitan ng pagtupad sa namumunong papel nito sa demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Dapat nating panghawakan ang pangkalahatang linyang pampulitka at labanan ang Kanan at "Kaliwang" oportunismo. Kaugnay nito, tayong mga kadre at kasapi ay dapat magpakahusay sa pagtupad sa mga tungkulin sa mga yunit at organo natin at sa mga partikular na linya ng gawaing ating kinatatalagahan.

Dapat nating paunlarin ang armadong pakikibaka at ang nagkakaisang prente bilang mga sandata sa paggapi sa kaaway at sa pagsusulong ng rebolusyon. Sa pamamagitan ng ating pampulitikang pagsisikap, dapat tayong makapagrekrut sa Partido ng paparaming kandidatong kasapi mula sa hanay ng mga aktibista sa mga organisasyong masa ng masang anakpawis at petiburgesyang lunsod.

Sa organisasyon, dapat nating buuin ang Partido alinsunod sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo at labanan ang burukratismo at ultra-demokrasya. Ang ating Partido ay nasa ilalim ng sentralisadong pamumuno, na gayundin ay nakabatay sa demokrasya. Sa iba't ibang antas hanggang sa Komite Sentral, dapat nating tiyakin ang pamumuno ng mga kadreng may malalim na paninindigan sa rebolusyonaryong adhikain ng sambayanan, may husay sa ideolohiya, pulitika at organisasyon at marunong humalaw ng datos at mga wastong ideya sa mga organisasyong pinamumunuan nila.

Dapat tayong kumabig ng paparaming kasapi mula sa rebolusyonaryong kilusang masa. Dapat tayong magrekrut ng malaking bilang ng mga manggagawa, magsasaka at kabataang nakapag-aral mula sa mga organisasyong masa at mula sa hukbong bayan. Mas maraming kasapi, mas malawak at mas malakas ang base ng ating Partido at mas malaki ang kakayahan nating gampanan ang iba't ibang tungkulin sa rebolusyon. Kailangan natin ng ilampung libong kadre at daan-daanlibong kasapi ng Partido upang makamit ang ganap na tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan at masimulan ang rebolusyong sosyalista.

Sa paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, dapat nating padalasin ang mga taktikal na opensiba laban sa kaaway upang makasamsam ng karagdagang armas para sa pagbubuo ng dagdag na mga yunit ng hukbong bayan at pagpapalakas sa iba't ibang antas ng kumand mula sa mga larangang gerilya hanggang mga pamprubinsya at panrehiyong kumand, at higit pa, hanggang sa pambansang kumand sa operasyon. Dapat tayong makalipol ng mas maraming yunit ng pwersang kaaway upang makaipon ng lakas at karanasan para makadurog ng mas marami pa hanggang kayanin na nating agawin ang kapangyarihang pampulitika sa buong bansa.

Sa pakikisagupa, ginagamit natin ang ating lakas-pamutok upang lipulin ang target na yunit ng kaaway. Subalit kapag mawalan na ng kakayahang lumaban ang kaaway o kaya'y kusa silang sumuko, dapat silang tratuhin nang mabuti at dapat bigyan ng pangangalagang medikal ang mga sugatan alinsunod sa Mga Alituntunin sa Disiplina ng BHB, Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at Geneva Conventions. Nilalabanan natin ang mga pwersa at espiya ng kaaway upang itaguyod, ipagtanggol at isulong ang mga karapatan at interes ng mamamayan. Dapat nating tiyakin na laging ligtas ang mga sibilyan at mga di kombatant.

Pahiwatig ng pagkilala sa ating status of belligerency (katayuan bilang soberanong pwersang nakikidigma) sa ilalim ng Geneva Conventions ang pag-asa ng mga internasyunal na ahensya at iba pang mga entidad at maging ng mga pwersang kaaway na igagalang natin ang mga karapatang-tao at tatalima tayo sa makataong kondukta sa ilalim ng internasyunal na batas at pauunlarin natin ang sistemang ligal at hudisyal ng demokratikong gubyernong bayan. Dapat nating panghawakan ang karapatan ng sinumang akusado sa karampatang proseso sa pag-aresto, panimulang imbestigasyon at paglilitis sa mga suspetsadong kriminal, nang may kaukulang pagsasaalangalang sa seguridad ng rebolusyonaryong tauhan. Sa katapusan ng paglilitis, dapat sumahin at pagdesisyunan ang kaso. Sa mga kasong armado at mapanganib ang kriminal o mga suspek, dapat nating ipaliwanag sa publiko sa pamamagitan ng pormal na asunto kung bakit malamang na sagupain sila ng tagaarestong yunit ng hukbong bayan o milisya kung di sila kusang susuko sa anumang awtoridad ng demokratikong gubyernong bayan.

Dapat tayong magpatupad ng reporma sa lupa bilang pangunahing laman ng demokratikong rebolusyon. Dapat tayong sumulong mula sa minimum na programa sa reporma sa lupa tungo sa maksimum at sa gayo'y makapagpatupad ng rebolusyong agraryo sa pinakamaraming lugar na ipahihintulot ng kalagayan. Dapat nating arestuhin, imbestigahan, litisin at parusahan ang mga despotikong panginoong maylupa at mga alagad nilang lumalabag sa mga batas ng demokratikong gubyernong bayan. Dapat nating gapiin ang mga pyudal na mapagsamantalang kumokontra sa patakaran sa reporma sa lupa ng Partido at rebolusyonaryong kilusang masa.

Dapat nating dagdagan ang bilang ng mga larangang gerilya kung saan kakayanin upang labanan ang pagtatangka ng mga pwersang kaaway na dumugin at durugin ang ilang larangang gerilya sa bawat takdang panahon. Dapat umusbong ang mga larangang gerilya at kalauna'y matatatag na baseng purok batay sa papalawak at papalalim na baseng masa, paglaki ng hukbong bayan, milisya at mga yunit pananggol, at pagsasanay sa mga kadre at aktibistang masa sa iba't ibang aspeto ng buhay panlipunan.

Bunga ng "Kaliwang" oportunistang mga kamalian noon, kabilang ang adbenturismong militar at putsismo, dapat nating bigyang-diin ang mga krusyal na aspeto ng pagbubuo ng baseng masa tulad ng masikhay na gawaing masa at pagtatayo ng mga organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Ngunit kapag naitayo na ang mga ito, dapat pa nating pag-ibayuhin ang pagbubuo ng mga yunit ng hukbong bayan, milisya at mga yunit pananggol upang makapagpundar ng dagdag na armadong lakas at katatagan sa mga baseng gerilya o sa matatatag na baseng purok.

Dapat nating gamitin ang ating armadong lakas upang durugin ang kapangyarihang pampulitika ng kaaway at itaboy ang mga nang-aapi. Dapat nating lansagin ang labis na kapangyarihang pang-ekonomyang taglay ng mga nang-aaping ito sa anyo ng malalaking lupain, plantasyon, minahan, trosohan at iba pang mga empresa, maliban kung ang nangangasiwa sa mga kumpanyang ito ay sumusunod sa mga patakaran at batas ng gubyernong bayan kaugnay ng makatwirang pasahod sa mga manggagawa at pagbabayad ng rebolusyonaryong buwis. Sa pamamagitan ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa, dapat pamunuan ng Partido ang lahat ng aspeto ng buhay panlipunan at itransporma ang mga atrasadong baryo tungo sa mga balwarteng pampulitika, pang-ekonomya, pangmilitar at pangkultura ng rebolusyon.

Dapat nating paunlarin ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente sa pambansang saklaw. Sa loob ng pambansang nagkakaisang prente, dapat nating buuin ang antipyudal na nagkakaisang prente. Dapat makipagkaisa at pangunahing sumalig ang Partido at proletaryado sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid, kabigin ang mga panggitnang magsasaka, nyutralisahin ang mayayamang magsasaka at samantalahin ang pagkakahati ng mga panginoong maylupa upang ihiwalay at durugin ang kapangyarihan ng mga despotikong panginoong maylupa at mga alagad nila.

Dapat lagi nating tiyakin na matatag ang saligang alyansang manggagawa-magsasaka, ang alyansa ng mga progresibong pwersa at ang alyansa ng mga patriyotikong pwersa. Sa gayon, magkakaroon tayo ng matibay na tuntungan para mapalawak ang nagkakaisang prente na kabibilangan ng pansamantala, mabuway at di maasahang mga kaalyado mula sa mga uring reaksyunaryo upang ihiwalay nang husto at durugin ang kapangyarihan ng pinakamasahol na pangkating reaksyunaryo, na ngayo'y ang pangkating Arroyo.

Dapat nating gawin ang lahat upang mapatalsik ang rehimeng Arroyo sa pamamagitan ng malawak na nagkakaisang prente. Subalit kung hindi mapatalsik ang rehimeng Arroyo dahil hindi maparalisa o madaig ng mga pwersang anti-Arroyo sa militar ang maka-Arroyong chain of command, ang pagsisikap ng nagkakaisang prente para ihiwalay at pahinain ang rehimeng Arroyo ay kapaki-pakinabang pa rin sa paglikha ng kalagayang pabor sa pagpapabwelo ng mga taktikal na opensiba ng BHB sa kanayunan. Kapag bumira nang todo sa rehimen ang mga anti-Arroyong upisyal militar at mapilitan ang rehimen na magpakat ng mas maraming tropa sa pambansang kabisera at iba pang lunsod, mababawasan ang mga balakid na kahaharapin ng hukbong bayan sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba sa kanayunan.

Dapat magsagawa ang Partido ng epektibong gawaing internasyunal para suportahan ang sambayanang Pilipino sa kanilang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Dapat nating paunlarin ang ating gawain sa hanay ng mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat, mga migrante at ikalawa at bagong henerasyon ng mga Pilipino sa ibang bansa. Dapat nating paunlarin ang kanilang interes sa pagpapaigting ng pakikibakang bayan laban sa pag-iibayo ng pagsasamantala at pang-aapi ng mga imperyalista at mga reaksyunaryong Pilipino.

Dapat tayong magpaunlad ng pinakamahigpit na ugnay sa mga partidong Maoista at luminang ng relasyon sa ibang dayuhang partido komunista at manggagawa batay sa Marxismo-Leninismo o anti-imperyalistang pakikipagkaisa. Dapat nating hikayatin ang pakikipag-ugnayan ng mga patriyotiko at progresibong organisasyon at institusyong Pilipino sa katulad na mga organisasyon sa ibayong dagat. Dapat lagi tayong aktibo sa pagtataguyod sa internasyunal na nagkakaisang prente laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon at sa pagpapalakas ng mga organisasyon at kilusan sa iba't ibang usapin ng pakikibaka ng mga mamamayan ng daigdig para sa higit na kalayaan, demokrasya, katarungang panlipunan, kaunlaran at kapayapaang pandaigdig.

Dapat nating samantalahin ang pakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa GRP di lamang bilang daan para kamtin ang makatarungang kapayapaan sa pamamagitan ng mga repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika kundi bilang paraan din para ipaalam sa mga mamamayan ng daigdig ang kalagayan at makatarungang mga kahilingan ng sambayanang Pilipino, at sa gayo'y magkamit ng pandaigdigang suporta para sa rebolusyong Pilipino. Kaya may mabuting idinudulot ang usapang pangkapayapaan anuman ang kasalukuyang katayuan o kahinatnan nito.

Dapat nating ipagpatuloy sa pamamagitan ng NDFP ang pagsisikap na kamtin ang pagkilala sa status of belligerency ng demokratikong gubyernong bayan at ng rebolusyonaryong pwersa ng sambayanan. Dapat tayong magpundar ng mga relasyong proto-diplomatiko at diplomatiko sa matagalang paghahanda para sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan at pagtatayo ng Demokratikong Republika ng Pilipinas.


Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.