Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Statements Archives Releases Archives Primers Interviews

Ka Bel: Proletaryong internasyunalista, bayani ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino

Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas


Pinakamataas na parangal ang iginagawad ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) kay Crispin "Ka Bel" Beltran, dakilang bayani ng internasyunal na kilusang proletaryo, ng pandaigdigang kilusang anti-imperyalista, ng militanteng kilusang manggagawa sa Pilipinas, ng masang anakpawis at sambayanang Pilipino. Sinasaluduhan siya ng buong Partido Komunista ng Pilipinas at ng rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan nito bilang mahusay at magiting na proletaryong lider.

Ang kanyang pagpanaw noong Mayo 20, 2008 sa edad na 75 ay ipinagdadalamhati ng lahat ng inaapi. Kasama ang buong sambayanan, lubos na nakikiramay ang PKP sa kanyang asawang si Ka Osang at sa buong pamilya, mga kaibigan at sa lahat ng nakabalikat niya sa pakikibaka. Kaalinsabay nito, ipinagdiriwang ng mamamayang Pilipino ang mga tagumpay na nakamit nila sa pakikibaka kasama si Ka Bel. Nagbibigay ang mga ito ng malaking inspirasyon, katatagan at kasiglahan sa pagpapatuloy ng kanilang mga pakikibaka.

Nanalaytay sa mga ugat ni Ka Bel ang dugo ni Gat Andres Bonifacio at lahat ng bayaning rebolusyonaryong Pilipino. Tulad ng ating mga rebolusyonaryong ninuno, inialay ni Ka Bel ang lahat sa pagsusulong ng interes ng masang anakpawis at buong sambayanan laban sa pang-aapi, pagsasamantala at pambubusabos ng mga dayuhan, mga gahaman at mga tirano. Ibinigay niya ang kanyang buong buhay at lahat ng makakaya sa pagsusulong ng pakikibaka ng uri, ng masang anakpawis at ng mamamayan sa Pilipinas at buong daigdig.

Sa harap man ng maraming kahirapan at pagsubok, di kailanman nabawasan ang kanyang katatagan at kasigasigan sa pagtataguyod sa interes ng mga kauri at ng buong sambayanan, at sa kanilang hangarin para sa isang malaya, makatarungan at masaganang kinabukasan. Sa piketlayn man o sa Kongreso, sa lansangan man o sa bukirin, sa mga rali o sa mga umpukan, si Ka Bel ay palaging isang mandirigmang tunay na matatag, mapangahas at masigasig sa pagsusulong ng laban para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.

Sa murang edad, nagsilbi siya bilang kuryer ng mga patriyotikong pwersang gerilya laban sa mga mapanakop na pwersang Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong kanyang kabataan, nagsaka siya at malao'y namasukan bilang dyanitor, gasoline boy, mensahero at drayber ng bus at taksi.

Sa edad na 20, kasama ang kanyang kapwa mga drayber sa Yellow Taxi Driver's Union, naglunsad sina Ka Bel ng welga laban sa di makatarungang pamamalakad ng kumpanya. Tatlo ang namatay at marami ang nasugatan nang malupit na buwagin ng mga pulis ang piketlayn.

Kinilala ng mga kapwa manggagawa ang tapang, katatagan at militansya ni Ka Bel. Inihalal siyang pinuno ng unyon. Isa rin si Ka Bel sa mga naging pangunahing organisador ng Amalgamated Taxi Drivers Federation, at nagsilbi siyang presidente nito noong 1955-1963. Noong panahon ng matinding anti-komunistang panunugis at panunupil sa hayag na demokratikong kilusan noong dekada 1950, matatag na tumindig si Ka Bel laban sa pang-aapi.

Noong 1963-1972, nagsilbing bise presidente si Ka Bel ng Confederation of Labor Unions of the Philippines (CLP) na itinayo nila nina Felixberto "Ka Bert" Olalia, Feliciano Reyes at Cesar Lacarra, pawang mga militanteng lider manggagawa. Lumahok din siya sa pagtatayo ng Philippine Workers Congress, Katipunan ng Samahan ng mga Manggagawa (KASAMA), PACMAP at iba pang organisasyong manggagawa. Puspusang nanindigan ang mga manggagawang pinamunuan nila laban sa pang-aapi at pagsasamantala ng mga kapitalista, at sa mga panunupil ni Marcos hanggang sa magpataw siya ng batas militar.

Hindi natinag si Ka Bel sa paghahari ng pasistang lagim sa ilalim ng diktadurang US-Marcos. Gumampan siya ng malaking papel sa pagtatayo ng Federation of Unions in Rizal at ng Philippine Nationalist Labor Organization (PANALO) na malao'y natransporma sa Alliance of Nationalist Genuine Labor Organizations (ANGLO). Ang mga ito ay kabilang sa paghahanda sa pagtatayo noong 1980 ng sentro ng tunay, palaban, anti-imperyalista at militanteng kilusang paggawa sa Pilipinas—ang Kilusang Mayo Uno (KMU). Si Ka Bel ang nagsilbing unang pangkalahatang kalihim ng KMU katuwang ng unang tagapangulo nitong si Ka Bert Olalia. Noong dekada 1980, mabilis na lumawak ang saklaw ng KMU mula 100,000 tungong kalahating milyong manggagawa.

Lubhang nabahala si Marcos sa mabilis na paglakas ng KMU at ng kilusang manggagawang pinamumunuan nito. Tinangka niyang supilin ang KMU. Noong Agosto 1982, ipinaaresto at ipinakinulong niya sina Ka Bel at Ka Bert. Patuloy silang nagsilbing sagisag ng tunay, patriyotiko at militanteng kilusang paggawa at, maging sa loob ng kulungan, nagsilbi silang matatag na simbolo ng pagtutol sa diktadurang US-Marcos.

Ipinamalas ni Ka Bel ang tapang at paghihimagsik laban sa diktadura nang tumakas siya mula sa kanyang mga gwardyang militar noong Nobyembre 1984. Umanib siya sa armadong rebolusyonaryong kilusan sa Central Luzon kung saan nakasama siya ng Bagong Hukbong Bayan sa masiglang pagmumulat, pag-oorganisa at pagmomobilisa ng mga magsasaka sa kanayunan. "Ka Anto" ang dinala niya noong pangalan-sa-pakikibaka, halaw sa palayaw ni Crisanto Evangelista, dakilang lider manggagawa at tagapangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1930. Malaki ang naitulong ni Ka Bel sa pagpapahigpit ng alyansa ng uring manggagawa at magsasaka roon.

Nang mapatalsik si Marcos at bahagyang lumuwag ang sitwasyon para sa hayag na pagkilos ng mamamayan, muling naging aktibo si Ka Bel sa KMU. Humalili siyang tagapangulo nito matapos brutal na paslangin ng militar noong Nobyembre 1986 ang noo'y tagapangulong na si Rolando "Ka Lando" Olalia.

Tumulong din noon si Ka Bel sa pagtatayo ng Partido ng Bayan (PnB) at isa siya sa pinatakbo ng partido para sa Senado noong 1987. Sa harap ng malupit na kampanya ng karahasan at pandaraya ng mga naghaharing bulok na pulitiko at ng pwersang militar, nabigo ang kandidatura ni Ka Bel at iba pang pinatakbo ng PnB sa pagkasenador. Naging kasapi rin siya ng Pambansang Konseho ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at naging tagapangulo nito noong 1993-1999.

Si Ka Bel ay nanatiling tagapangulo ng KMU hanggang 2003. Makaraan ito, itinanghal siyang Chairman Emeritus (Tagapangulong Pandangal) ng KMU bilang pagkilala sa kanyang pamumuno at sa ibinibigay niyang inspirasyon sa mga manggagawa.

Bilang lider-manggagawa, aktibo si Ka Bel sa pagsuporta sa pakikibaka ng mga manggagawa at mga aping mamamayan sa bansa at sa buong daigdig. Madalas siyang naaanyayahang lumahok sa mga kumperensya sa iba't ibang bansa at pandaigdigang porum. Itinaguyod niya ang pakikibaka ng pandaigdigang proletaryado at ang pandaigdigang pagkakaisa ng mga aping mamamayan laban sa imperyalistang pandarambong, pambubusabos at pang-aapi. Nagsilbing unang tagapangulo si Ka Bel ng International League for People's Struggles at ng International Coordinating Committee nito noong 2001, at naging Chairman Emeritus nito noong 2004.

Nagsilbi rin si Ka Bel bilang bise presidente ng partidong Bayan Muna (BM) noong 2001-2003 at umupo bilang isa sa mga kinatawan nito sa Kongreso matapos makuha ng BM ang pinakamaraming boto sa eleksyong party-list. Naging unang tagapangulo rin si Ka Bel ng partidong Anakpawis nang itatag ito noong 2004, at naging isa sa mga kinatawanan nito sa Kongreso mula 2004-2007 at muli mula 2007 hanggang sa kanyang pagkamatay.

Bilang kinatawan sa Kongreso, kinilala si Ka Bel sa kanyang mga walang sawang pagbatikos sa bulok na naghaharing sistema at paghahari at, sampu ng iba pang progresibong kinatawan sa Kongreso, sa paghahain ng maraming panukalang batas at resolusyong nagtataguyod sa pambansa at demokratikong interes ng masang anakpawis at sambayanang Pilipino.

Tampok sa mga inihapag ni Ka Bel ang panukalang batas para sa `125 dagdag sa arawang minimum na sahod ng mga manggagawa na pinagtibay sa Kongreso noong 2007 makaraan ang pitong taong pakikipaglaban para rito, pero hinarang ito ni Gloria Arroyo at ibinalik para patayin ng mga alipures niya sa Kongreso.

Hanggang sa kanyang mga huling araw, tuluy-tuloy ang pagtataguyod niya ng panukalang ito laluna sa harap ng mabilis na paglala ng kahirapan at kagutuman bunga ng mga maka-dayuhan at anti-mamamayang patakaran sa ekonomya. Noong araw na siya'y mamatay, nakatakdang isampa ni Ka Bel, kasama ng iba pang progresibong kongresista, ang resolusyon para alisin ang buwis na EVAT sa singil sa kuryente. Aktibo rin siya sa pagtutulak ng panukalang Genuine Agrarian Reform Program at pagharang sa hakbangin ng rehimeng Arroyo na palawigin pa ang huwad at maka-asenderong Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Sa loob at labas ng Kongreso, tuluy-tuloy at masigasig na nanindigan si Ka Bel laban sa bulok at papet na rehimeng Arroyo. Kabilang siya sa aktibong nagsulong ng kasong impeachment laban kay Arroyo noong 2005. Noong Oktubre 2007, inilantad ni Ka Bel ang pagtatangka ng mga kapartido ni Gloria Arroyo sa Kongreso na suhulan siya at iba pang nasa oposisyon ng tig-iilang milyung piso para suportahan ang huwad na kasong impeachment na magdidiskaril sa pagsasampa ng tunay na panibagong kaso laban kay Arroyo. Palagi siyang lumalahok sa mga rali at iba pang mga pagkilos sa lansangan, laluna para sa kapakanan ng mga manggagawa at masang anakpawis.

Ginawaran si Ka Bel ng Philippine Graphic Magazine ng titulong Filipino of the Year noong 2002 bilang pagkilala sa pagtataguyod niya sa kapakanan ng nakararaming konsyumer ng kuryente at iba pang naghihirap na mamamayang Pilipino. Iginawad rin ng Philippines Free Press ang gayong titulo sa kanya noong 2003 bilang pagkilala sa pagsusulong niya sa mga interes ng masang anakpawis. Taun-taon siyang pinarangalan bilang Most Outstanding Congressman mula 2002 hanggang 2005. Hinirang siya sa Congressional Hall of Fame noong 2006.

Sa kabila ng marami niyang tinanggap na papuri, si Ka Bel ay nanatiling isang matapat at mapagpakumbabang manggagawa, lingkod at mandirigma ng sambayanan. Sa loob ng isang institusyon ng bulok na sistema na pugad ng mga bilyunaryo at mga magnanakaw sa pondo ng bayan, ni isang sentimo ay walang kinuha si Ka Bel para sa sarili. Sa isinumite niyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth bilang kinatawan sa Kongreso, ang nakalista lamang na "kayamanan" niya ay dalawang barong tagalog, ilan pang damit, isang salamin sa mata at ilang kabinet. Namatay siya bilang pinakamahirap sa lahat ng kongresista.

Dahil sa ipinamalas na militansya ni Ka Bel at iba pang mga progresibong kinatawan sa lansangan, sa iba't ibang larangan ng pakikibaka, at maging sa loob ng Kongreso, walang sawa silang ginipit ng Malacañang sa pamamagitan ng pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso.

Inaresto ng rehimeng Arroyo si Ka Bel noong Pebrero 25, 2006 at ikinulong nang isa't kalahating taon. Ang katawan niya ay pinahina ng detensyon at kalupitan ng rehimen, kaya't sa ospital na siya nakulong. Nakalabas lamang si Ka Bel mula sa 15 buwang pagkakakulong nang ibasura ng Korte Suprema ang napatunayan ang kawalang- batayan ng kasong rebelyon isinampa ng rehimen laban sa kanya at mahigit 50 iba pang progresibong lider at aktibista.

Pagkalabas mula sa detensyon at pagbalik sa Kongreso, kaagad na ipinagpatuloy ni Ka Bel ang paglaban sa rehimeng Arroyo at bulok na sistema at ang pagsusulong sa interes ng masang anakpawis.

Pumanaw si Ka Bel habang nasa kasagsagan ng mahigpit na labanan at walang kapaguran pa rin sa pakikibaka sa panunupil, pambubusabos at pagpapahirap sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo at buong naghaharing malakolonyal at malapyudal na sistema. Sa kabila ng kanyang edad at paghina ng katawan, aktibong-aktibo pa rin si Ka Bel sa pagdalo sa mga kumperensya at pulong sa loob at labas ng bansa sa hangaring pagtibayin ang pagkakaisa ng mamamayang Pilipino at itaas ang kanilang militanteng diwa at determinasyong wakasan ang paghahari ng papet, brutal at bulok na rehimeng Arroyo.

Iniiwan niya sa atin ang isang ginintuang pamana ng militanteng paglaban. Katulad nina Ka Bert Olalia, Ka Lando Olalia, Ka Amado Hernandez, Ka Crisanto Evangelista at Ka Isabelo delos Reyes at iba pang lider-manggagawang Pilipino, ang alaala at diwa ni Crispin "Ka Bel" Beltran ay habampanahong mananatiling nakakintal sa kamalayan ng mamamayang Pilipino.

Ang kanyang talambuhay ay bukal ng inspirasyon. Ang kanyang kapakumbabaan at simpleng pamumuhay, tapang at determinasyong lumaban ay tanda ng kanyang walang pag-iimbot na paglilingkod sa masa at malalim na paghahangad na baguhin ang lipunan, wakasan ang pagsasamantala at itaguyod ang pambansang kalayaan at demokrasya.

Tulad ng karaniwang anakpawis, namatay siya habang nagkukumpuni ng kanyang abang pamamahay. Sa buhay at kamatayan, huwaran siya ng simple't marangal na pamumuhay at katapatan sa prinsipyo at pakikibaka.

Taas-kamaong nagpupugay kay Ka Bel ang daan-daan libong kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas, mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan at milyun-milyong rebolusyonaryong mamamayan sa kalunsuran at kanayunan.

Mabuhay ang alaala, mga simulain at pakikibaka ni Ka Bel!
Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay ang masang anakpawis!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!



Back to top



[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]


The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.